Sabado, Enero 5, 2013


Tsapter XIV
ANG BATANG DI MAGIGING PRESIDENTE

            Dalawang tao ang nakatala bilang siyang mga naging suhay ni Magsaysay sa paglupig sa Huk.

            Una ay si Major General Edward G. Lansdale, isang mataas na opisyal sa paniktik ng US Airforce na nakilala ni Magsaysay nang dumalaw siya sa Estados Unidos noong 1950 at naging pangunahing tagapayo ng JUSMAG sa panahon ng panunungkulan na ni Magsasay bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa hanggang sa maging pangulo siya ng Pilipinas. Ang relasyon ni Magsaysay kay Lansdale ang siyang naging epektibong daluyan ng pagpapayong Amerikano na gumabay sa mga aksyon ng pamahalaang Pilipino sa panahong iyon. Opisyal paniktik si Lansdale sa ilalim ng Military Intelligence Service sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya kabisado niya ang Pilipinas. Nang makilala siya ni Magsaysay sa piging na inihanda ng Washington sa kanyang pagdalaw noong 1950, si Lansdale ay nagtuturo ng paniktik at mga operasyong kontra-guerilla sa Air Force Strategic Intelligence School sa Lowry Air Force Base.

            Agad nakahulihan ng loob ni Magsaysay si Lansdale at nang bumalik siya sa Pilipinas hiningi niya kay Pangulong Quirino na hilingin sa Estados Unidos na si Lansdale ay italaga sa Pilipinas bilang tagapayo ng JUSMAG. Nang magsimula nang gumampan ng tungkulin sa JUSMAG si Lansdale, nakumbinsi niya si Magsaysay na lumipat nang paninirahan sa loob ng compound ng JUSMAG mula sa payak nitong tanahan sa Maynila na roon sa tingin ni Lansdale ay naglipana ang mga gerilyang Huk. At doon nagsimula ang malapit na pagkakaibigan ng dalawa.

            Bagama’t ang trabaho ni Lansdale ay opisyal sa paniktik, siya ang naging de facto na tagapayo ni Magsaysay, at mula sa kanilang mga pagtatalakay sa problema ng Huk, nakita nila ang pangangailangan na magsagawa ang pamahalaan  ng mga repormang panlipunan na sa dakong huli ay siyang magpapasya kung ang rebelyon ng Huk ay magagapi o hindi. Sa obserbasyon ng marami, ternong-terno sa pag-uugali ang dalawa, kapwa mababa ang loob, bukas sa pakikipag-usap lagi sa taumbayan, handang maglakbay kahit sa kasuluk-sulukan ng bansa upang alamin ang mga problema ng mga mamamayan, istrikto’t mapandisiplina nguni’t hindi hambog, at pinagbuklod ng magkaisang layunin na tapusin ang rebelyon ng Huk sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kanilang kabuhayan.

            Hanggang sa mamamatay si Magsaysay noong 1957, hindi kailanman nawala sa kanya ang impluwensya ni Lansdale. Sa pamamagitan ni Lansdale naipatupad ni Magsaysay ang mga patakaran ng Estados Unidos sa Pilipinas – sa pamamagitan ng pagpapayo, hindi ng pagmamando.

            Ang ikalawang tao na mabisang nakatulong ni Magsaysay sa pagsugpo sa Huk ay isang kabataan na sa murang gulang pa lamang ay prinograma na ang sarili upang maging Presidente ng Pilipinas – si Benigno S. Aquino, Jr.

                Higit na kilala sa palayaw na Ninoy, si Benigno S. Aquino, Jr. ay isinilang sa isang sikat na angkan ng mga pulitiko sa Tarlac. Ang kanyang lolo na si Sevillano Aquino ay naging heneral ni Heneral Emilio Aquinaldo. Ang kanyang ama na si Benigno Aquino, Sr. ay naglingkod sa pamahalaang komonwelt ni Quezon at gayundin sa pamahalaang Laurel noong pananakop ng Hapon sa bansa bilang Ispiker ng Mababang Kapulungan. Namatay ang ama ni Ninoy habang papunta sa paglilitis sa bintang na pakikipagkutsabahan sa Hapones.

            Maagang nalantad si Ninoy sa mga isyung panlipunan nang maging reporter siya ng Manila Times sa Digmaang Korea noong 1950 na dahil sa maningning niyang pagganap sa tungkulin bilang mamamahayag ay pinagkalooban siya ng Legion of Honor Award ni Pangulong Elpidio Quirino.

            Dulot ng kanyang kapaligiran sa Tarlac, isa sa mga probinsya ng Central Luzont na naging matatag na base ng Huk, maaga ring nakaugnay ni Ninoy ang kilusang komunista sa Pilipinas at naging kapalagayang loob pa ang matataas na liderato nito. Ito ang kanyang naging kredensyal upang sa murang gulang na 17  ay mahirang siya na adviser ni Ramon Magsaysay para sa mga usaping pangmagsasaka. Pangalawang termino na noon ni Magsaysay sa kongreso at naitalaga na bilang Tagapangulo ng Komite ng Tanggulang Pambansa. Sa presyur ng Amerika, hinirang ni Pangulong Quirino si Magsaysay bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa, na ang pangunahing layunin ay sugpuin ang rebelyong Huk.  

            Pagkaraan ng maraming negosasyon, nakumbinse ni Ninoy si Huk Supremo Luis Taruc na sumuko.

            Kung si Lansdale, samakatwid, ang naging daluyan na materyal na ayuda at pagpapayong militar kay Magsaysay mula sa Amerika na nagbunga ng paggapi sa Huk, ang kapangyarihang mangumbinse ni Ninoy ang siyang nagresulta naman sa ganap nang pagbagsak ng kilusang komunista sa Pilipinas dahil sa pagpapasuko niya kay Taruc.

            At ito ay tunay na isang palaisipan.

            Kulang-kulang dalawang dekada pa ang lilipas, ang taong binigyan ng kredito sa pagpapasuko sa lider komunistang si Taruc ay siyang ring aangkin sa karangalan bilang siyang nagpanimula ng pagbabagong-sigla ng kilusang komunista ng Pilipinas.

            Taong 1968 nang pagtagpuin ni Ninoy sa Hacienda Luisita ang dalawang personahe na pagkaraan niyon ay siyang nanguna sa pagpapanibagong-organisa ng Communist Party of the Philippines (CPP)  at ng New People’s Army (NPA). Ang dalawang personaheng iyon na ipinakaon ni Ninoy sa Tarlac sa pamamagitan ni Kongresista Apin Yap ay sina Jose Maria Sison, propesor ng UP, at Bernabe Buscayno alyas Kumander Dante, Kumander ng nalalabing puwersa ng Huk. Si Sison ang naging Chairman ng CPP at si Dante ang Hepeng Kumander ng NPA.
            Sa murang edad na 23, unang nahalal sa paglilingkod bayan si Ninoy noong 1955 bilang mayor ng Concepcion, Tarlac – ang pinakabatang Punong Bayan sa kasaysayan. Iyon din ang taon na siya ay ikinasal kay Cory, na sa isang panayam ay nagbunyag na lahat ay sadyang plinano para sa pagtakbo ni Ninoy bilang pangulo ng Pilipinas sa 1973.
            “He really wanted to be president,” pahayag ni Cory sa English.
            Isang termino lang bilang mayor ang inabot ni Ninoy na pagkaraan niyon ay nahalal naman siya bilang bise gobernador ng Tarlac – ang pinakabata pa rin sa ganung panunungkulan sa kasaysayan ng bansa. Makaraan ang dalawang taon, namatay ang gobernador at humalili sa puwesto si Ninoy. Sa halalan noong 1959. tumakbo sa pagka-gobernador si Ninoy at nagwagi na may pinakamalaking kalamangan sa kalaban sa kasaysayan ng probinsya. At sa eleksyon noong 1967, nahalal na bilang senador si Ninoy, ang kaisa-isang kandidato ng Liberal Party sa pagkasenador na nakalampas sa pananalasa ng Nacionalista Party.
            Dahil sa kanyang gilas sa pananalumpati at sa sunod-sunod na tagumpay sa halalalan, maagang nakilala si Ninoy bilang “Wonder Boy” ng Philippine Politics.
            Sa senado, tumampok si Ninoy bilang pangunahing kritiko ni Ferdinand E. Marcos, na nasa ikalawang taon na bilang pangulo ng Pilipinas. Para sa sambayanang di pa maaawat mula sa sinaunang pagluwalhati sa mga bayani’t diyos, naging totoong kaaliw-aliw ang mga paglalantad ni Ninoy sa mga aniya’y katiwalian ni Marcos sa gobiyerno, kabilang na ang mga luho ni Imelda Marcos na ipinakikita ng kanyang mga alahas, sapatos, payong, at napakagagarbong piging at mga pag-istima sa mga panauhin sa Malacanang. 
            Kasing-aga pa ng unang dalawang taon ng kanyang panunungkulan bilang senador, si Ninoy na ang manok na malaganap nang isinasabong ng oposisyon kay Marcos para sa susunod na eleksyong pampanguluhan. Sa pagsabong na ito, lyamado si Ninoy, lalo’t higit  sa pulitika na nagpapakita ng padron ng kawalang pagkatalo. Simula sa pagkamayor hanggang sa pagkasenador, nagwagi si Ninoy sa lahat ng puwestong tinakbuhan.
            Papunta sa eleksyong pampanguluhan ng 1969, malaganap na ang paniniwala na si Ninoy ang susunod na presidente ng Pilipinas. At sa kanyang pamumustura sa publiko at pagpapel sa mga napapanahong mga isyu, partikular ang mga isyung kontra-Marcos, lumilitaw na naglulunoy na nga si Ninoy sa pakiramdam na siya nga ang pangulo na papalit kay Marcos.
            Subalit sa halalang pampanguluhan ng 1969, nakatikim si Ninoy ng unang pagkatalo. Tatlumpu’t anim na taong gulang pa lang siya sa panahong iyon at ayon sa tadhana ng Konstitusyong 1935, ang isang kandidato para presidente ay dapat na kuwarenta anyos na sa araw ng eleksyon. Magiging kwarenta anyos pa lamang si Ninoy sa 1973. Tinalo si Ninoy ng kanyang edad.
            Kaipala’y dahil dito kung bakit winika ni Cory, “Everything was just planned for 1973 (Lahat ay sadyang plinano para sa 1973).”
            Sinabi ni Sun Tzu: “Ngayon ang heneral na nagwawagi sa giyera ay nagsasagawa ng maraming kalkulasyon sa kanyang templo bago sumabak sa labanan. Ang heneral na nagagapi sa giyera ay nagsasagawa ng tanging kakaunting kalkulasyon bago ang labanan. Samakatwid ang maraming kalkulasyon ay tumutungo sa tagumpay, ang kakaunting kalkulasyon tumutungo sa pagkabigo…”

            Sa ambisyon ni Ninoy Aquino para sa panguluhan ng Pilipinas, masisilip ang pag-uugnay ng mga pangyayari kapwa sa loob at labas ng bansa.

            Sa labas ng bansa, ang pandaigdigang pagsulong ng sosyalismo at kilusang komunista ay patungo sa seryosong pagkabiyak sa pagitan ng Rusya at Tsina (na sa burgis na media ay nakagawian nang turingan bilang Red China). Napangibabawan na ng Chinese Communist Party ang mga balakid sa pagpapaunlad ng Tsina, at kung noong nakaraang mahabang panahon ay naging halos sunud-sunuran na lamang ito sa Unyong Sobyet, oras na ideklara ni Brezhnev noong 1968 ang prinsipyo ng Pandaigdigang Diktadura ng Proletaryado, matindi ang naging pagtutol dito ni Mao Tse Tung.  Hindi katanggap-tanggap kay Mao na sa ilalim ng prinsipyong ito ay pumailalim sa Rusya ang lahat ng sosyalistang estado ng mundo – na, mangyari pa, ay nagmamando rin sa Tsina na sumunod sa prinsipyo. Makaraang mabigo ang isang delgasyon ng CCP sa pamumuno mismo ni Mao na ipabago ang deklarasyon ni Brezhnev, sumiklab ang matinding kritisismo ni Mao laban sa “makabagong rebisyunismo” at ng tinagurian niyang bunga nitong “sosyal imperyalismong Sobyet” na inihalintulad na rin sa matagal na niyang binansagan na “imperyalismong Amerikano”.

            Sa Pilipinas hanggang sa panahong iyon, sa kabila ng pagpapasuko ni Ninoy kay Taruc, ang puwersa ng PKP ay nanatiling malaki, hindi na nga lang nakikibaka sa pamamagitan ng armas kundi sa pamamagitan ng mga pamamaraang parlamentaryo, halimbawa’y unyonismo sa paggawa at reporma sa lupa sa hanay ng mga magsasaka. At ang malaking puwersang ito ng PKP ay nanatili sa impluwensya ng Unyong Sobyet, na siya rin namang nagpasimula sa pag-oorganisa rito noon pang 1930.

            Ngayon, ang sabi ni Sun Tzu: “Samakatwid ang pinakamataas na anyo ng pagiging heneral ay ang biguin ang mga plano ng kaaway; ang susunod na pinakamataas ay ang pigilan ang pagsasama-sama ng mga puwersa ng kaaway…”

            Para sa Tsina, samakatwid, ang “pinakamataas na anyo ng pagiging heneral” sa Pilipinas sa pakikipagdigma nito sa Unyong Soviet, ay ang “biguin ang pagsasama-sama” ng malaki pa ring puwersa ng PKP at ng Unyong Sobyet.

            Sa pamantayang ito, sino ang hinihinging heneral?

            Sino ang heneral sa Pilipinas ng Chinese Communist Party na may tungkuling pigilin ang pagsasama-sama ng Unyong Sobyet at ng kilusang komunista sa bansa? O sa ibang paraan ng pagsasabi, upang ihiwalay ang kilusang komunista sa Pilipinas sa payong ng Rusya at sa gayo’y mapunta sa payong naman ng Tsina?

            Sa kalikasan ng mga ganitong usapin, mahirap sagutin ang tanong kung ang pag-uusapan ay mga ebidensyang dokumentaryo na magpapatunay dito. Sinong ulol ang aamin na ang  kilusang kanyang inorganisa ay kasangkapan sa pagsusulong sa interes ng isang banyagang kapangyarihan?

            Subalit kung papaanong ang patunay sa utot ay hindi ang paningin kundi ang pang-amoy, at kung minsan ay kasama na rin ang pandinig, ganun din ipinahihiwatig ang tunay na sustansya ng inisyatiba ni Ninoy na pagtagpuin sa Hacienda Luisita sina Sison at Dante noong 1968. Makaraan ang pagtatagpong iyon, pinagbagong-tatag ni Sison ang lumang PKP na nakilala na bilang Communist Party of the Philippines (CPP). Ang pagpapanibagong-tatag ng CPP ay naganap noong Disyembre 26, 1968, at hindi aksidente lamang na ang okasyon ay naganap sa petsang iyon – na siyang kaarawan ni Chairman Mao Tse Tung ng CCP.

            Ang programang Sisonita na isinalaksak sa lalamunan ng rebolusyonaryong kilusang proletaryado sa Pilipinas ay tinaguriang  Burgis Demokratikong Rebolusyon na may bagong tipo bilang pag-iiba sa lumang tipo ng Rebolusyong 1896. Ang mga pangunahing kaaaway ay kinilala bilang “Piyudalismo, Burukratang Kapitalismo at Imperyalismong Amerikano”. Sa buod, sa pagbagsak ng tatlong ismo na ito, itatatag ang Pambansang Demokrasya. Papaano isasagawa? Sa pamamagitan ng istratehiya na pangmatagalang digmaang bayan.

            Sa istratehiya’t taktika, ang burgis demokratikong rebolusyon na may bagong tipo ay isang pag-ulit lamang sa pormula ng rebolusyong Tsino na dumaan sa napakahabang proseso mula 1920 hanggang sa pagbagsak ng Kuomintang noong 1949. Maging sa pagsusuri sa mga uri sa lipunang Pilipino, ang pagsusuri ni Sison ay isang walang kahiya-hiyang letra-por-letrang panghuhuwad sa Pagsusuri sa mga Uri ng Lipunang Tsino ni Mao Tse Tung.

            Sabi ni Sun Tzu: “Huwag mong uulitin ang isang taktika na nagbigay sa iyo ng tagumpay, at sa halip ay hayaang umayon ang iyong mga pamamaraan sa walang hangganang pagbabagu-bago ng mga kalagayan.”

            Subalit mahalaga ba na ang pagsasagawa ng proletaryadong rebolusyon sa Pilipinas ay pag-ibahin pa sa pamamaraang Tsino? Di ba’t iyon mismo ang layunin, ang patampukin sa Pilipinas ang mga pamamaraang Tsino bilang pagpapasulong sa paninindigan ng Tsina sa pakikipag-alitan nito sa Unyong Sobyet. Kataka-taka ba na samantalang ang pinupuntiryang kaaway ng istratehiyang Sisonista ay ang Imperyalismong Amerikano at mga “alipuris nitong piyuadlismo at burukratang kapitlismo,” kasabay na sinasagupa rin nito – at sa katunayan siya pang tila mas higit na itinuturing na kaaaway – ay  ang tinawag niyang “sosyal imperyalismong Sobyet”?

            At ito ang nagpapagulo sa usapin. Sa saklaw ng papainit pa ring “cold war” nang panahong iyon, ang pangunahing giyera ay sa pagitan ng Amerika at Unyong Sobyet. Sa anomang pagtutuos, samakatwid, ang pagbanat sa Unyong Sobyet ay higit na makapagpasulong sa interes ng Amerika higit ng sa Tsina.

            At kung ang pagbanat sa Unyong Sobyet ay higit na makapagpapasulong sa interes ng Amerika kesa ng sa Tsina, samakatwid ang pagpapanibagong-tatag ng PKP upang sa paibabaw ay ibaling ito sa impluwensya ng Tsina at sa gayon ay makapagsagawa ng mga kontra-Sobyet na paninindigan ay isang napakatusong pagsusulong sa paninindigan ng Amerika sa saklaw ng “cold war”.

            Pansinin ang mga pangunahing sangkap ng Sisonistang Pambansang Demokratikong Rebolusyon.

            Sa katangian, anti-piyudal, anti-kolonyal. Ayon sa pormulasyon ni Sison, hindi pa nakakalaktaw ang pag-unlad ng lipunang Pilipino sa piyudal-kolonyal na kaayusan, na kung kaya ang rebolusyon maging sa panahong ng 1968 ay pagpapatuloy lamang ng naunsiyaming Rebolusyong 1896. Kaya nga ba’t ang itinawag ni Sison sa pagbabalikwas ay “Pambansang Demokratikong Rebolusyon” na aniya’y nilalahukan ng lahat nang “demokratikong puwersa” na kinabibilangan ng “pambansang burgesya, petiburgesya, magsasaka’t mga manggagawa”.

            Ang linyang Sison ay nagkaroon ng bisa na supilin ang likas na anti-kapitalistang linya naman ng muling papalakas na kilusang paggawa sa Pilipinas na mahigpit na kaalyado ng malawak na organisadong hanay ng mga magsasaka. Ang kilusang paggawa at ng mga magbubukid ay para-para niyang ibinilang sa paratang na “rebisyunistang pangkating Lava-Taruc” na ang pagbabandila nito ng linyang anti-kapitalista ay tinawag niyang isang kontra-rebolusyonaryong gawain at isang kasalanan sa “Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tse Tung.”

            Sa pagsupil sa anti-kapitalistang linya, sino pa ba ang makikinabang kundi ang kapitalista na sa pandaigdigang saklaw ay tinagurian ni Sison na “imperyalismong Amerikano”. Sinabi ni Lenin: “Hindi lahat ng sumisigaw na ibagsak ang imperyalismo ay kontra imperyalismo.” Sumigaw ka man ng sumigaw na ibagsak ang imperyalismong Amerikano, kung sa mga pamamaraan mo naman ay hindi ito babagsak, okay lang sa Kano.

            Sa pamamaraan, ano ang linyang Sisonista?   Padron pa rin ang pangmatagalang digmaang bayan ni  Mao Tse Tung: paalun-alon na pagsulong mula sa kanayunan patungo sa kalunsuran.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Walang sandali na ang isang bansa ay nakinabang sa pangmatagalang pakikipagdigma.”

            Papaano makaaayon ang prinsipyo na ito ni Sun Tzu sa giyerang pinagwagian ni Mao Tse Tung pagkaraan ng napakahabang dalawampu’t siyam na taon? At ano naman ang kaugnayan dito ni Ninoy?

            Ang tanong ay: Kung ang ang pangmatagalang digmaang bayan ay nagtagumpay sa Tsina, bakit hindi magtatagumpay din ito sa Pilipinas.

            Sagot ni Sun Tzu: “Kung pinapaboran ng mga kalagayan, dapat baguhin ng isang mandirigma ang kanyang mga plano.” Na inaayunan din naman ni Stalin: “Lahat nang bagay ay nakadepende sa panahon, lugar at kalagayan.”

            Sa simpleng salita, hindi porke nagtagumpay sa Tsina ay magtatagumpay din sa Pilipinas.

             Magkaiba ang dalawang bansa. Napakalaki ng Tsina, may kalupaang sumusukat ng 9,569,901 kilometrong parisukat, katubigang 27,060 kilometro parisukat. Napakaliit ng Pilipinas, sumusukat lamang ng 300,000 kilometro parisukat.

            Sa panahon ng rebolusyong Tsino, walang sentralisadong pamahalaan na nakararating sa napakalawak na kanayunan  na pinaghaharian ng mga nagsasariling panginoong mapandigma. Sa panahon ng muling pinasiklab na rebolusyong Pilipino, matagal nang nakatigas ang burgis demokratikong pamahalaan at walang sulok sa kanayunan ang hindi naaabot ng mga sundalo’t pulis ng gobyerno.

            Sa panahong itinatatag pa lamang ni Crisanto Evangelista ang Partido Komunista ng Pilipinas, itinatag na ni Mao Tse Tung ang isang nagsasariling rehimen sa probinsya ng Jiangxi na sa turing ng isang manunulat ay ang Republikang Soviet ng Tsina. Hiwalay ito at di-abot ng Republika ng Tsina na itinatag ni Sun Yat Sen noon pang 1910.

            Walang pang-iistorbo ng pamahalaang Kuomintang na naitatag at napatigas ni Mao ang sandatahang nagsasariling rehimen, habang ang kilusang komunista ay binubugbog ni Chiang Kai Sheik sa mga kalunsunsuran, halimbawa’y Shianghai, at kapitolyo ng kilusang komunista sa Ruijin. Nakapamustura lamang si Mao sa liderato ng rebolusyong Tsino nang, dahil sa pananalakab na ginawa ng hukbong Kuomintang sa Ruijin noong 1934, ang mga puwersang komunista, na kinabibilangan ng First at Second Red Army, ay magpasyang umatras –  ang nakilala sa kasaysayan bilang Long March – mula sa Jiangxi na kinakukutaan ni Mao. Kasabay nito ay papaatras na rin pahilaga ang Fourth Red Army na nasa kanluran naman.

            Mula sa puwersang bumibilang ng 130,000, nagtapos  ang Long March sa Shaanxi noong 1936 na bumibilang na lamang ng 25,000. Papunta na ang kilusang komunista sa Tsina sa ganap na pagkalipol sa harap ng walang humpay na panunugis ni Chiang Kai Sheik, subalit nakialam ang isang pangyayari na bumago sa kinapatutunguhan ng kilusang komunista.


            Sa pagtatapos ng Long March at ang mga puwersang komunista ay papunta na sa ganap na pagkalipol, nanalakay ang Hapones bilang panimula ng pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Dulong Silangan. Muling pinagbuklod ang CCP at Kuomintang sa nag-iisang pakikibaka laban sa Hapon.

            Sinamantala ni Mao ang pagkakataon upang makapagtayo ng marami pang sandatahang nagsasariling rehimen sa kanayunan tulad ng sa Jiangxi. At sa pagtatapos ng WWII, ganap nang nasa katayuan ang CCP upang sagupain ang Kuomintang sa pagpapatuloy ng giyera sa kanilang pagitan – ang Digmaang Sibil ng Tsina, itinuturing na isa sa pinakamadugong giyera sibil sa kasaysayan. Noong 1949, naitaboy ang Kuomintang sa maliit na isla ng Formosa (Taiwan ngayon), na roon ay ipinagpatuloy ni Chiang Kai Sheik ang pamahalaang burgis demokratiko, samantalang sa Mainland China ay sa wakas naitatag ang People’s Republic of China (PRC).

            Sa karanasan ng Tsina, ang prinsipyo ng pangmatagalang digmaang bayan ay kailangang saklawin lamang ng usapin ng paghahanda. Sa katunayan, iyon ang ginawa ni Mao nang itatag niya ang soviet sa Jiangxi. Hinggil sa mga pananalakay sa kaaway, ang mga ito ay sa anyong giyerang gerilya, at sa malaking bahagi ay mga pananalakay hindi laban sa mga puwersa ng pamahalaang Kuomintang kundi ng mga panginoong maylupa. Ang pag-atras mula sa mga kalunsuran patungo sa Shaanxi ay bahagi pa rin ng paghahanda para sa malakihang labanan para sa pagsunggab ng kapangyarihang pulitikal. Ganap itong umayon sa panuntunan ni Sun Tzu na “pagpapaloob sa layunin ng kaaway at maging handa sa pagsunggab sa pagkakataon na gapiin ang kaaway.” Ang malaking giyera na pinaghandaan ay ang Digmaang Sibil mula 1945 hanggang 1949 na rito ay ginapi ng CCP and Kuomintang.

            Sa Pilipinas noong 1968, papaano pa makabubuwelo ang pangmatagalang digmaang bayan? Isang batayang kondisyon para sa ganitong digmaan ay ang kawalan ng isang sentralisadong pamahalaan. Sa Pilipinas noong 1968, ultimong  kababababaang sitio ay tagos na ng matigas na awtoridad ng gobiyerno.

            Isang batayang rekisito ng pangmatagalang digmaang bayan ay ang malawak na suporta ng mga mamamayan. Saan mo kukunin ang ganitong suporta  sa isang kalakaran na ang mga kahingian ng mga manggagawa’t magsasaka, ng mga uring gumagawa, ay naipagkakaloob na ng mga batas? Isa pang batayang rekisito ng pangmatagalang digmaang bayan ay ang pagtatatag ng mga base na pauunlarin bilang mga sandatahang nagsasariling rehimen. Saan ka magtatayo ng base sa kaayusan na itinatayo mo pa lamang ito ay binobomba ka ng kalaban? Sa liit ng Pilipinas, saanmang sulok ka magtayo ng ganung base, agad itong maamuyan ng gobiyerno. Sa Isabela noong 1969, binomba agad ng pamahalaan ang unang base ng kilusang komunista. May panahon na ipinamamarali ng CPP na limang sandatahang nagsasariling rehimen na ang naitatatag sa Abra. Sandali lang, pinulbos ang lima sa bomba.

            Hindi utak bulate si Sison para hindi maisip na ang pangmatagalang digmaang bayan ay hindi angkop at wala na sa panahon sa Pilipinas. Ang ipagpilitan niya ito sukdulang paratangang rebisyunista’t anti-komunista ang bawat tumutol dito ay, tulad nga sa utot, nagpapahiwatig ng kabahuan –  na kung bakit nagawa pang pakipagsaluhan sa kanya ni Ninoy.

            Alinsunod sa lohika ng utot, gaano man kalalim na itago kung ano man ang motibo ni Sison sa pagpipilit sa istratehiya ng pangmatagalang digmaang bayan, ito ay mangangamoy at mangangamoy. Pagkaraan ng mahigit na 40 taon na praktika ng pambansang demokratikong rebolusyon, ang imperyalismong Amerikano ay nananatiling matatag sa paghahari sa kabuhayan, pulitika at kultura ng lipunang Pilipino. Ba’t nga di magkakaganun, e, pangmatagalang digmaang  bayan pala, patagalin lang ng patagalin.

            Sino sa mga responsableng elemento ng CPP ang nakapagtanong man lang sa kanilang mga sarili? Sa pagtagal lang nang pagtagal ng labanan, tumatagal din lang nang tumatagal ang paghahari ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas – tumatagal lang nang tumatagal ang di pagbagsak nito.

            Sabi ni Sun Tzu: “Sa digmaan, samakatwid, hayaang ang iyong dakilang layunin ay maging tagumpay, hindi mahahabang kampanya.”

            Sa ganitong sukatan, kanino pumapabor ang Sisonistang istratehiya ng pangmatagalang digmaang bayan sa rebolusyong Pilipino? Mangyari pa, sa kaaaway na hindi nilayong ibagsak. 

            Tandaan na lahat nang digmaan ay panlilinlang.
            Uulitin natin si Lenin: “Hindi lahat ng sumisigaw na ibagsak ang imperyalismo ay kontra imperyalismo.” Hindi lahat ng sumisigaw na ibagsak ang imperyalismong Amerikano ay kontra imperyalismong Amerikano.

            Sa katunayan, isang rurok ng pagiging henyo sa pakikipagdigma ang magdisenyo ka ng istratehiya na sa paibabaw ay kontra sa iyong sarili subalit sa kasalimuutan ng mga  maniobra sa pakikipagdigma ay magbubunga sa pagkagapi ng kaaway na pinapaggamit mo sa istratehiyang iyong dinisenyo.

            Papunta sa pagwawakas ng dekada 60, ang Amerika ay nasa pagkati ng kanyang prestihiyo sa pulitikang pangmundo. Ang Vietnam War ay nagpapatuloy, walang  palatandaan na maipagwawagi pa niya ito, at mismong sa loob ng Estados Unidos ay papatindi nang papatindi ang pagkondena sa digmaan at paghinging itigil na ito. Ang pananggalang ng Amerika sa mga protesta ay ang napabantog na “Domino Theory,” unang isinulong ni Presidente Dwight D. Eisenhower makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ginamit ni Presidente John F. Kennedy upang pangatwiranan ang pakikialam niya sa Vietnam simula noong 1954. Ayon sa teoryang ito, babagsak sa komunismo ang buong Timog Silangang Asya oras na bumagsak ang Vietnam.

            Sa Pilipinas ang tunguhing komunista, gaano man kapailalim pa ito, o sa higit na wastong paghahayag, tunguhing anti-Amerikano, ay maliwanag na sinasalamin din ng mga nagpapatuloy at papatindi ring mga kilos protesta laban sa pakikialam ng Amerika sa Vietnam. Sa ganitong saklaw maaaring tingnan ang inaasahang maging aktitud ng Estados Unidos sa isang napakamahalagang hakbang na ginawa ni Marcos kaugnay ng Estados Unidos sa simula pa lamang ng kanyang panguluhan.

            Sa lahat nang naging presidente hanggang sa panahong iyon, si Marcos ang tanging nangahas na magpataw ng upa sa mga base militar ng Amerika sa Pilipinas na rerebisahin kada ikalimang taon upang, ano pa ba kundi, taasan pa. Kasabay nito, pagpasok ng 1968, lumakas nang lumakas ang pahiwatig ni Presidente Ferdinand E. Marcos ng kanyang kahandaang makipagmabutihan sa mga bansang komunista, partikular ang Unyong Sobyet  at Tsina.

            Komunismo ang siyang naging pamilipit-braso na ginamit ni Marcos sa Amerika upang makuha ang mga kailangan sa kanyang mga pansariling adyendang pulitikal. Ang kaso ng Philcag Bill ay isang malinaw na pagpapatunay nito. Samantalang noong sinundang administrasyon ni Presidente Diosdado Macapagal ay masugid na tagapagtutol si Marcos (noon ay pangulo ng senado) sa pagpapadala ng ayuda sa Vietnam, sa panunungkulan na niya bilang presidente ng bansa ay bumalimbing siya sa isyu at siya na ang naging pangunahing tagapagsulong ng Philcag (Philippine Civic Action Group) para sa Vietnam.

            Sinaksihan ang isyu ng Philcag ng matitinding debate kapwa sa mga kongreso ng Pilipinas at Amerika. Sumentro ang mga debate sa mga pamalit-pabor na hiningi ni Marcos sa Amerika upang ipapasa niya ang Philcag Bill. Paninindigan ng mga mambabatas na Amerikano na ang ayuda mula sa mga kaalyado ng Estados Unidos sa giyera sa Vietnam ay dapat na pansariling pananagutan ng mga indibidwal na bansa. Sa mga pagdinig sa harap ng U.S. Subcommittee on United States Security Agreements and Commitments abroad simula Setyembre 30, 1969, ibinunyag ni Deputy Chief of Mission mula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila na si James L. Wilson na ang pagkakapasa ng Philcag Bill na nagpadala ng kabuuang 2000 combat engineers sa Vietnam ay “may active interest” ng gobiyerno ng Estados Unidos. Sa batasan ng Pilipinas, puyos sa galit na nagtalumpati si Kongresista Pablo Ocampo: … “Walang pangulo ang makapagbubunyag sa brutal na katotohanan na upang makuha ang mga rekisitos ng isang program ng kaunlaran na siyang magtatamo ng tagumpay para sa isang administrasyon, ang bansang ito ay dapat na magpadala ng mga Pilipino upang mamatay sa South Vietnam. Gaano man pilitin ng mga tagapagsalita ni Mr. Marcos na pagtakpan ito… nananatili ang katotohanan na ang pumapangingibabaw na kadahilanan na nagpapakilos sa Administrasyong Marcos… ay ang pangako ng ayudang Amerikano.”

            Sa isyu ng Hunyo 1999 ng Vietnam Magazine, pagkaraang tukuyin ang pagtutulungan ng Amerika at mga kaalyado nito sa Giyerang Gulf sa Gitnang Silangan, isinulat ni Kathleen Lockwood: “Ang Giyerang Gulf ay tunay na isang pagkilos na tulungan. Subalit hindi ganito ang kaso ng Pilipinas sa Vietnam. Ang mga ispesyalista sa pagpapaunlad sa kanayunan at mga tagapayo sa gawain sa psychological warfare at pamayanan na ipinadala na sa Vietnam una pa sa mga inhenyirong panagupa ay siyang higit na angkop na anyo ng tulong sa South Vietnam. Bakit kung ganun ipinagpilitan ni Marcos ang mga inhenyirong panagupa? Kung tutuusin na ang isang batalyon na ipinadala sa Vietnam ay hinugot mula sa 10 batalyon, at gayundin ang ‘iba pang mga bagay,’ maaaring maikatwiran na higit ang nasa kanyang utak kesa sa paggawa ng isang mabait na pag-alok ng tulong sa isa pang bansa. Ang kanyang tulong ay nakuha ayon sa kanyang mga kondisyon, at ang pangingiyagis ng Amerika para sa ‘marami pang bandila’ ay maaaring siyang nagbuyo sa Estados Unidos upang magbayad ng napakamahal na presyo.”

            Ang “marami pang bandila” ay siyang tawag sa patakaran ni Presidente Lyndon B. Johnson na akitin ang marami pang alyado na makipagtulungan sa Amerika sa pakikipagdigma sa mga komunista sa Vietnam. Sa pagsasaalang-alang ni Lockwood, ganun din naman ng maraming senador na Amerikano sa pangunguna ni William Fullbright, ang isa pang bandila na Pilipinas na iwinagayway ni Marcos ay totoong napakatayog ang lipad.

            “Lumilitaw na  rurok ng korapsyon para sa atin na pumasok sa mga ganitong transaksyon bilang pag-pipilit abutin ang isang makababalaghang patakaran na dinisenyo upang patunayan sa mundo na malawak ang ating suporta sa Vietnam samantalang hindi naman…,” wika ni Fullbright.

            Sa pagsisimula pa lamang, samakatwid, ng termino ni Ninoy sa senado, tatlong higanteng senaryo ang nagpipilit na makapagpatigas ng yapak sa lipunang Pilipino. Una, ang pananatili ng pangingibabaw ng interes na Amerikano sa lahat nang aspeto ng buhay. Pangalawa, ang determinadong pagpupunyagi ng komunistang linyang Tsino na halinhan ang nakatigas nang impluwensya ng komunistang linyang Sobyet. At pangatlo, ang disenyo ni Marcos na pahabain ang kanyang termino sa panguluhan ng bansa.

            Humaharap sa mga senaryong ito ay ang ganun din kahiganteng senaryo ng abot-langit na ambisyon ni Ninoy na maging presidente ng Pilipinas. Tulad nga ng paghahayag ni Cory, “Lahat ay sadyang plinano para sa 1973.” Sa taong iyon magiging 40 anyos na si Ninoy at sa gayon, sa ilalim ng Konstitusyon ng 1935, ay kwalipikado para maging presidente.
            Kung papaano lalaruin  ang kalagayang ito ay siyang hamon sa alinman sa magkakaiba’t magkakatunggali pa ring mga senaryong ito upang siya ang mangibabaw.

Sinabi ni Sun Tzu: “Sa kalupaan ng nagsasalibayang mga daan, patitigasin ko ang aking mga alyansa.”

            Bukas ang larangan, samakatwid, sa pagkakampihan ng alinmang dalawa o higit pa sa pangunahing apat na  nagsasalibayang puwersa sa lipunang Pilipino noong 1968.

            Tulad ng nabanggit na, sinimulan ni Marcos ang pakikipagmabutihan sa bloke ng mga komunistang bansa, partikular ang Rusya at Tsina, sa isang pamumustura na sa saklaw ng “cold war” ay hindi maaaring hindi magkaroon ng kulay anti-Amerikano.

            Mangyari pa, ang paglakas at pagsulong ng kilusang “pambansang demokratiko” ay malinaw na pagsusulong ng linyang Maoista kontra Sobyet, na sa malas ay nagkakasya na lamang sa mga pakikibakang ligal at, samakatwid, pakikipagmabutihan na ring maituturing sa administrasyong Marcos. 

            Sa kaso ni Ninoy, ang aktwal na inisyatiba niya upang pagtagpuin sina Sison at Kumander Dante na nagtungo sa pagpapanibagong-tatag ng PKP bilang CPP ay nagpapasilip naman sa lumilitaw na pakikisangkot niya sa senaryong Tsino sa Pilipinas. Laging kaalinsansabay ng mga hiyaw ng “Pambansang Demokratikong Rebolusyon”  kontra “Piyudalismo, Burukratang Kapitalismo, Imperyalismong Amerikano, Makabagong Rebisyunismo’t Sosyal Imperyalismong Sobyet” ay ang pagkondenang “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta.”

            Sa pagpasok pa lamang ng dekada 70, isang asset ni Ninoy sa sirkulo ni Marcos ang nagbunyag sa kanya sa tinaguriang “Oplan Sagittarius,” isang, ani Ninoy, plano para sa deklarasyon ng martial law. Kung magkakatotoo ang plano, walang eleksyong magaganap sa 1973.

            Mauunsiyami ang abot-langit na paghahangad ni Ninoy na maging presidente ng Pilipinas.

            Sa linaw ng pangyayaring ito, madaling unawain kung bakit ang pagpapaigting ng senaryong Tsino ay  pabor kay Ninoy. Makapipipil iyon sa disenyo ni Marcos na patagalin sa poder ang sarili at sa gayon ay panatiliing bukas ang daan para sa eleksyong pampanguluhan sa 1973.

            Malinaw ang mga laro ng mga senaryong Marcos, Maoistang linyang Tsino, at ambisyong pampanguluhan ni Ninoy.

            Ang mahirap liripin ay ang laro ng Amerika. Sa usapin ng “cold war”, dapat na kontra Tsino ito. Sa usapin ng pagpapanatili ng mga base militar nito sa Pilipinas, hindi pagtatakhan kung ang Estados Unidos ay magsimulang maging kontra Marcos papasok sa ikalawang termino nito. 

            Sa usapin ng ambisyon ni Ninoy na maging presidente ng Pilipinas, saan lumalagay ang Amerika?

            Mula pa sa edad na 17, litaw na ang pagiging Batang Kano ni Ninoy. Kahanay na niya noon ang eksperyensiyadong Amerikanong opisyal sa paniktik na si Lansdale sa pagpapayo kay Magsaysay kaugnay ng kilusang Huk. Siya ang mapagpasyang elemento sa pagpapasuko kay Taruc, at ang ibinunga nitong ganap na pagsupil sa Huk ay siyang nagpaluwag sa mga daan  ng pagsusulong ng iba’t ibang interes ng Amerika sa Pilipinas.  At mula noon hanggang 1968, walang anomang hidwaan na namagitan kina Ninoy at ng Estados Unidos upang sa banggaan ng mga senaryo si Ninoy ay magkaroon ng pusturang anti-Amerikano.

            Subalit kung lohika lang ang pag-uusapan, ang inisyatiba ni Ninoy na pagtagpuin sina Sison at Dante upang, base sa mga sumunod na aktwal na naganap, pagpanibaguhing-tatag ang partido komunista ay lumilitaw na nagsusulong sa Maoistang linyang Tsino. At kung si Ninoy ay pabor sa komunistang linyang Tsino, dapat siyang maging isang kontra-Amerikano. Bagay na kinakatigan ng pagdadala ng Sisonistang istratehiya ng linyang “kontra imperyalismong Amerikano”.

            Kaya lang, si Ninoy kontra Amerikano?

            Batay din sa mga aktwal na naganap na (ang pagiging adviser ni Magsaysay laban sa Huk at ang pamamagitan sa pagsuko ni Taruc) at  magaganap maraming taon pa ang lilipas mula 1968, hindi kontra Amerikano si Ninoy. Amerika ang naging sumbungan ni Ninoy ng kanyang mga hinaing laban kay Marcos, Amerika ang kanyang naging takbuhan sa panahong nakikipaglaban siya sa kamatayan. Nang kailangan niyang sumailalim sa triple heart bypass operation noong 1980, nang siya ay nakakulong pa, Amerika ang idinemand niyang siyang pagdalhan sa kanya para sa operasyon. Maaalaala na nang si Crisanto Evangelista ay nangailangang magpagamot ng kanyang tuberculosis pagkaraang palayain ni Quezon noong 1931, ang hiningi niyang pagdalhan sa kanya upang pagpagamutan ay ang Unyong Sobyet, mangyari pa, dahil sa siya ay Batang Sobyet. Mahirap bang isipin na kaya Amerika ang siya namang hiningi ni Ninoy na pagpagumatan sa kanya ay dahil, mangyari pa, siya ay Batang Kano?

            Sinabi ni Sun Tzu: “Ang mga espiya ay napakahalagang sangkap ng digmaan, sapagkat sa kanila nakaasa ang kakayahan ng isang hukbo na kumilos. Ang isang hukbo na walang mga espiya ay tulad sa tao na walang mga tenga’t mata.” At sa usapin ng pang-eespiya, pagdidiin ni Sun Tzu: “Ang mga espiya ng kaaway na sinugo upang magmanman sa atin ay dapat na suyuin, takawin sa mga suhol, pagbalimbingin at bigyan ng comportableng pamumuhay. Sa ganun sila ay magiging napagpakabilang mga espiya at nakahanda para mapaglingkod sa atin.”

            Batang Kano subalit nagsusulong ng Maoistang linyang Tsina, ito ang kontradiksyong ipinakikita ng mga gawi ni Ninoy noong 1968. Isang taon lang makaraang pagpanibaguhing-tatag ang CPP, sumiklab na ang aktibismo sa mga kalunsuran, lalo na sa Metro Manila, na sa  kalakhan ay nilalahukan ng mga istudyante’t kabataang pinasisimunuan ng alin kung KM (Kabataang Makabayan) o SDK (Samahang Demokratikong Kabataan). Ang KM ay ipinundar ni Jose Maria Sison at ang SDK, ni Sixto Carlos. Sina Sison, Kumander Dante at Carlos ang kasama ni Ninoy sa piitan sa kanyang pagkakakulong sa panahon ng martial law.

            Papasok ng 1970, ang lumilitaw na pag-uugnayan para sa pinag-isang pakikibaka ng Maoistang linyang Tsino at ng ambisyong pampanguluhan ni Ninoy ay tumindi na nang todo at tila siya nang pumapangibabaw sa intensyon naman ni Marcos na pahabain ang panunungkulan. Sa taong ito naganap ang tinaguriang First Quarter Storm na ang mga tampok na pangyayari ay ang UP Commune, na rito ang kapangyarihang pulitikal ay sinunggaban ng mga istudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), katulong ang iba pang sektor ng kabataan, at kinasangkutan din ng mga elemento mula sa mga manggagawa’t magsasaka. Sa panahon ding ito naganap ang mapangahas na pag-atake sa Malacanang at panununog sa mga tarangkahan nito.

            Halos laging sabay na puntirya ng pang-aatake ng mga rali’t demonstrasyon ay ang Malacanang, samakatwid, si Marcos at ang Embahada ng Estados Unidos, samakatwid, imperyalismong Amerikano. Sa mga tema ng mga kilos protesta, pinalalaganap sa pamamagitan ng mga pulyeto’t iba pang babasahin,  nakasaboy sa mga graffiti sa mga pader ng kalunsuran, at higit pang pinauugong ng media na hayok sa mga iskandalo’t madamdaming pagbabalita, maliwanag na bumabandera ang tambalang Ninoy-Sisonistang Maoistang linya.    

            Papunta sa 1971, nagsisimula nang mangibabaw ang anarkiya sa mga kalunsuran, halos di na masawata ng pulis at militar ang laganap na pagsuway sa batas at kaayusan,  na ang bisa ay dustain lamang ang pagkatao ni Marcos.

            Agosto ng 1971, ang miting de avance ng Liberal Party (LP) para sa tinaguriang mid-year election ay pinasabog ng dalawang granada. Siyam ang namatay at mahigit isandaan ang nasugatan, karamihan malubha, kabilang na ang buong tiket ng partido para sa senado sa pangunguna ni Senador Jovito Salonga, na nawalan ng isang mata.

            Bilang Kalihim Heneral ng LP, inaasahan ang maagang pagdating ni Ninoy sa rali, bukod pa sa, ayon kay Salonga, si Ninoy ang star ng palabas sa bawat miting ng partido. Subalit kapuna-puna na sa mga namumunong personahe ng partido, nang sumabog ang dalawang granada ay tanging si Ninoy ang wala roon.

            Ilang linggo makaraan ang pambobomba, idineklara ni Marcos ang suspensyon ng writ of habeas corpus. Ang hakbang na ito ay maituturing na normal na sagot sa katindihan ng pambobomba sa Plaza Miranda. Subalit tulad ng dapat asahan, ang deklarasyon ay higit pang nakapagpabaho kay Marcos sa harap ng sambayanang kubabaw na ng pagpapakabayani kay Ninoy. Tila walang sinoman sa kanilang hanay ang nakapag-isip man lang na sa sobrang talino ni Marcos, hindi niya maiisip gawin ang isang karumal-dumal na bagay na walang ibang mapagbibintangang siyang may kagagawan kundi siya. 

            Subalit ang ganitong katwiran ay  siya mismong tuso na napanghawakan ng mga may pakana sa pambobomba. Tiyak, si Marcos ang pagbibintangan sa pambobomba, kaya gawin, basta ligtas ang sarili. Ke sehuda kung may mga kasamang mapapahamak, masasawi. Mas mabuti, ganap na bawas ng kalaban para sa 1973.

            Kaya nga,  muli, kaalinsabay ng mga sigaw na ibagsak ang “Piyudalismo, Burukrtang Kapitalismo at Imperyalismong Amerikano” ay ang pagtindi ng pagpapasademonyo kay Marcos: “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta.”

            Para sa may pakana sa pambobomba, tagumpay ang kanyang layunin. Ubos na ang  kredibilidad ni Marcos para sa isang ligal na pamamahala. Pagsapit ng eleksyon ng 1973, tiyak ubos na ang anomang kredensyal niya para pigilin ito. Hindi papayag ang tao.

            Komportableng nakalulan sa ituktok ng mga alon  ng mga kaguluhan ay ang isang personahe  na, dahil pangunahing kritiko ng demonyo, ay, sa mata ng publiko, isang mabangong santo – si Ninoy Aquino.

            Mangyari’t mangyari lang ang eleksyon sa 1973, Presidente na si Ninoy. 

            Sa dramang Griyego (Greek), may tinatawag na inevitability of fate na sa salitang Pinoy ay maisasalin bilang “di-maiiwasang tadhana”. Kaipala’y ito ang ubod ng taguring trahedya. Gaano man pilitin ng isang tao na baguhin ang tadhana na iginuhit para sa kanya, hindi niya ito magagawa.

            Ayon sa pagkakasulat ni Sophocles noong 496 B.C., si Oedipus, anak ni Haring Laius at Reyna Jocasta ng Thebes, ay hinulaan sa kanyang pagsilang na siyang mapapangasawa ng sariling ina at papatay sa sariling ama, na kung kaya pagkaraang pagkapitin ang dalawang paa ng bagong silang na sanggol sa pamamagitan ng perdible ay iniutos ng hari sa reyna na patayin ito, na hindi ginawa ng ina at sa halip ay inihabilin sa isang utusan na siyang magsagawa ng pagpatay. Nagdalang-habag ang utusan at ipinagkaloob na lamang ang bagong luwal sa isang pastol, na nagpasa naman sa pag-aruga sa bata sa isa pang pastol, na siyang sa wakas ay nagdala nito kay Haring Polybus ng Corinth na nagpalaki sa bata bilang tunay na anak. Binata na si Oedipus nang makaulinig ng usapan na siya ay di tunay na anak ni Haring Polybus, at sumangguni siya sa isang manghuhula, na nagwika: “Sisipingan mo iyong sariling ina at sa iyong mga kamay padadanakin mo ang dugo ng sarili mong ama.” Upang maiwasang maganap ang hula kaugnay ng pinaniniwalaang mga tunay niyang magulang, iniwan ni Oedipus ang Corinth at sa kanyang paglalakbay ay napadpad siya sa Thebes na rito ay nakaalitan niya si Haring Laius at sa kanilang paghamok, napatay niya ang hari. Natupad ang isang bahagi ng hula. Makaraan iyon, pinalaya niya ang Thebes mula sa sumpa ng Sphinx na nagpapahirap sa kaharian sa mahabang panahon. Bilang pabuya, ginawa siyang hari ng Thebes at sa gayon ay asawa ng balong Reyna Jocasta, ang sarili niyang ina. Ganap na natupad ang hula.

            Tulad ng inihayag na ni Cory, ang pagiging presidente ni Ninoy ng Pilipinas ay plinano na noon pang tumakbo siyang mayor ng Concepcion, Tarlac, nang siya ay 23 anyos pa lamang – o di natin alam, baka mas maaga pa kung si Ninoy ang tatanungin. Papasok sa 1970, isang espiya niya ang nagbunyag sa kanya sa plano ni Marcos na magdeklara ng martial law, na kung magaganap ay bibigo sa ambisyon niyang maging presidente ng Pilipinas. Kailangang pagmukhaing demonyo si Marcos: “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta” kaalinsabay ng “Ibagsak ang Piyudalismo, Burukratang Kapitalismo, Imperyalismong Amerikano at Sosyal Imperyalismong Sobyet”. Sumiklab ang “Pambansang Demokratikong Rebolusyon”, binomba ang rali ng LP sa Plaza Miranda, sinuspinde ang writ of habeas corpus.

            Subalit kada pagtindi ng pagsasademonyo kay Marcos upang pigilan ang deklarasyon ng martial law ay may kaakibat na ganun ding pagtindi ng mga hakbang ni Marcos na supilin ito – na lalo lamang nagbubunga ng mga kalagayang siyang kondisyon para sa deklarasyon ng martial law.

            Tulad sa trahedyang Griyego, nagmistulang si Oedipus si Ninoy na sa pagnanais na iwasan ang itinadhanang trahedya sa pulitika ay dumaan sa mga proseso na sa dakong huli ay siya mismong magdadala sa kanya sa pagkabigo ng kanyang ambisyong maging presidente.


            Pagpasok ng 1972, sa pangunguna ni Ninoy kasama ang mga tampok na personahe sa oposisyong anti-Marcos tulad nina Senador Jose W. Diokno at Lorenzo Tanada, at publisher Joaquin “Chino” Roces ng Manila Times, nabuo ang Movement of Concerned Citizens for Civil Liberties (MCCCL), na sa terminong aktibista ay kinabibilangan ng lahat ng “demokratikong puwersa ng lipunang Pilipino”. Ito na ang pinakamalaking paghamon na inihambalos kay Marcos sa plano niyang ilagay ang Pilipinas sa ilalim ng batas militar.

            Sa salita ni Sun Tzu: “Ang tagumpay sa pakikipagdigma ay natatamo sa pamamagitan ng maingat na pagpapaloob natin sa mga layunin ng kaaaway.” At kaugnay nito, pasubali ni Sun Tzu: “Ang heneral na makikinig sa aking payo at kumikilos ayon dito ay  makapananakop – hayaang  siya  ay manatiling namumuno. Ang heneral na hindi makikinig sa aking payo ni ang kumikilos ayon dito ay magdadanas ng kabiguan – hayaang ang isang iyon ay patalsikin sa puwesto.”

            Sa salitang Pinoy, pinapasok lamang nang pinapasok ni Marcos si Ninoy at mga kaalyado nito para sa kanyang nag-iisang mapamuksang dagok – ang deklarasyon ng martial law noong Setyembre 21, 1972  (ipinaalam lamang sa publiko kinabukasanan pa.)

            Sa pamantayan ni Sun Tzu, si Marcos ang heneral na maingat na pumaloob sa mga layunin ng kaaway at samakatwid siyang nakinig sa payo ni Sun Tzu at kumilos ayon dito – kung kaya siyang nakapanakop.  “Hayaang siya ang manatiling namumuno,” ani Sun Tzu.

            Samantalang si Ninoy, hanggang sa bisperas ng deklarasyon ng martial law ay walang kaingat-ingat na patuloy pa rin sa pagpapasademonyo kay Marcos at samakatwid siya ang heneral na hindi nakinig kay Sun Tzu ni ang kumilos ayon dito – kung kaya siyang nagdanas ng kabiguan. “Hayaang ang isang iyon ay patalsikin sa puwesto,” ani Sun Tzu.

            Nangunguna sa agad na ipinaaresto at ipinakulong ni Marcos ay si Ninoy at mga kaalyado sa anti-Marcos na pakikibaka, ibinalasak sa malalaking mga kriminal tulad ng hari ng ismagling na si Lino Bocalan at ang panginoon sa droga na si Lim Seng, na nilitis, napatunayang nagkasala at binitay sa pamamagitan ng firing squad.

            Si Ninoy man ay nilitis sa mga bintang na subversion at illegal possession of firearms kasama nina Sison at Kumander Dante; ang huling dalawa ay nakakawala pa nang panahong idineklara ang martial law subalit kinalaunan ay nadakip din at nakulong..
            Napatunayang nagkasala, si Ninoy ay hinatulang bitayin sa pamamagitan din ng firing squad.

            Bilang pagtutol sa paglilitis sa kanya ng ng isang Komisyong Militar, nag-hunger strike siya noong 1975 at noong Mayo 13 nang taong iyon, napagmakaawaan siya ng kanyang pamilya na pantayan na lamang ang 40 araw ng pag-aayuno ni Hesukristo, at nang araw na iyon, ika-40 araw ng sariling pag-aayuno,  itinigil niya ang kanyang hunger strike.

            Ang naging saysay ng hunger strike ni Ninoy ay, mabisang naipalaganap sa publiko ang kanyang  patuloy na pagkontra sa diktadura ni Marcos at sa ganun ay nakuha ang malawak na simpatiya ng bayan sa kanyang di-humuhupang ambisyong pulitikal. Ito kaipala ang dahilan kung bakit bagama’t noong Nobiyembre 25, 1977 ay napatunayan siyang nagkasala sa mga bintang na subversion at illegal possession of firearms at nahatulang mabitay sa pamamagitan ng firing squad, hindi iyon ipinatupad. Hindi baliw si Marcos upang patayin si Ninoy at sa gayo’y gawin itong bayani.

            Alam na alam na ni Marcos ang tunguhin ni Ninoy na sumunggab sa bawat oportunidad na makapagpapasulong sa kanyang intensyong pulitikal. Kaya noong 1978, nang ipasiya ni Ninoy na tumakbo sa halalan bilang assemblyman sa Interim Batasang Pambansa, pinayagan ito ni Marcos.

            Sabi ni Sun Tzu: “Sa pamamagitan ng ating pag-alam sa mga layunin ng kaaway at pananatili natin na di nila nakikita, magagawa nating laging ipon ang ating mga puwersa samantalang ang sa kaaway ay naghahati-hati.”

            Sa eleksyon ng 1978, hati ang oposisyon. Ipinasiya ng Liberal Party na pinamumunuan ng noon ay mga senador na sina Gerry Roxas at  Jovito Salonga na iboykot ang halalan, samantalang si Ninoy ay nagbuo sa kanyang mga tagasuporta sa isang partido pulitikal na tinawag na LABAN (para sa Lakas ng Bayan) at para sa rehiyon ng Metro Manila ay nagpatakbo, kasama niya, sa mga kandidato para sa batasan. Ang tiket ng LABAN ay binuo ng mga elementong burgis oposisyong anti-Marcos at makakaliwang personahe.

            Katunggali ng LABAN sa Metro Manila ay ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na para sa rehiyon ay pinamumunuan ng First Lady Imelda R. Marcos. Ang resulta, bokya ang LABAN, panalo si Imelda at ang buong tiket ng KBL.

            Mangyari pa, sasabihin ng mga maka-Ninoy, dinaya ang LABAN. Ang di nila alam ay ang sabi ni Sun Tzu tungkol sa pagkagapi ni Ninoy: “Samakatwid sa pakikipagdigma, ang daan ay ang iwasan ang malakas at humagupit sa kung alin ang mahina.”

            Banggain mo ba naman ang martial law, saan ka pa dadamputin kundi sa kangkungan.

            Naging tradisyon na sa mga halalan sa Pilipinas na walang kandidatong natatalo. Kung hindi nanalo, nadaya. Samakatwid kung totoo man na nadaya si Ninoy sa halalan para sa Batasang Pambansa noong 1978, hindi pinatutunayan niyon na hindi siya marunong mandaya; pinatutunayan lang niyon na sa sa pandaraya sa halalan ay mas magaling sa kanya si Marcos.

            Sa bagay na ito, naririto ang paghahambing kina Ninoy at Marcos na ginawa sa isang palabas na video sa You Tube: “Bago nag-martial law, si Ninoy ay isang tradisyunal na pulitiko. Isang  henyo sa larangan ng pulitika, pero tradisyunal pa rin. Tulad ni Marcos, eksperto siya sa paggamit ng mga tradisyunal na instrumento ng eleksyon sa Pilipinas: guns, goons and gold. Tulad ni Marcos, isa siyang balimbing. Umalis siya sa Partido Nacionalista at lumipat sa Partido Liberal noong nasa kapangyarihan ang Partido Liberal.”

            Narito naman ang pahayag ni Tina Monzon Palma na ginawa sa isang palabas rin na video na may pamagat na Beyond Conspiracy: 25 Years After na gawa ng Worldwide Foundation for People Power: “Subalit kung siya (si Ninoy) ay haharapan mo ng mga baril, hindi siya mag-aatubili na tapatan ang karahasan ng lehitimong puwersa. May mga nagsasabi na kapag nasiksik sa pader, kapareho lang si Ninoy ni Marcos na walang awa. (Malayang isina-Pilipino mula sa orihinal na English: “But if one were to confront him with guns, he (Ninoy) would not hesitate to meet violence with legitimate force. Some theorize that pushed to the wall, Ninoy could be just as ruthless as Marcos.”)

            Ipinakikita lang ng mga paghuhusgang  ito sa pagkatao ni Ninoy sa pulitika na ang tinaguriang “malawakang pandaraya” sa halalan noong 1978 ay salamin ng malawakang pagkiling ng media kay Ninoy at, samakatwid, pagkondena kay Marcos.

            Sa usapin ng digmaan, simple lang ang pagtingin dito ni Sun Tzu: “Samakatwid, gayong   isang marubdob na pakikipagdigma ang maaaring maisagawa ng isang maliit na puwersa, sa dakong huli ito ay dapat na sakupin ng mas malaking puwersa.”

            Ang rubdob ng pag-aadhika ni Ninoy na ibagsak si Marcos ay magpapatuloy sa harap ng di-humuhupang karubduban ng kanyang ambisyong maging presidente. Noong 1980, inatake sa puso si Ninoy, nangailangang operahan sa tinatawag na triple heart by-pass, at ewan kung kaninong mando, pumayag si Marcos na magpunta si Ninoy sa Amerika upang doon magpa-opera. Matagumpay ang operasyon, at sa loob ng sumunod na tatlong taon, namayagpag si Ninoy sa Estados Unidos sa pagkondena kay Marcos at sa paghinging ibagsak ang diktadura nito. Lahat nang ito, sa kabila ng kasunduan nila ni Marcos na habang nasa Amerika, hindi magsasalita si Ninoy ng anoman laban kay Marcos.

            “Ang kasunduan sa diablo ay hindi tunay na kasunduan, “ ani Ninoy.

            “Ang mga panukalang pangkapayapaan na walang kasamang nilagdaang kasunduan ay nagpapahiwatig ng pakana,” ani Sun Tzu.

            Hindi lamang tagumpay ang operasyon sa puso kay  Ninoy kundi sumira pa rin siya sa kondisyon ni Marcos na hindi magsasalita ng anoman laban sa martial law.

            Tungkol sa tagumpay ng operasyon, kinilala ni Ninoy na utang niya iyon sa Diyos. Tungkol sa pagsira sa usapan nila ni Marcos, utang niya naman sa demonyo.

            “A pact with the devil is no pact at all (Ang pakikipagkasundo sa Diablo ay hindi tunay na pakikipagksundo),” pangangatwiran ni Ninoy.

            Sa anu’t-anuman, ke utang sa Diyos o utang sa Diablo, ang resurrection ni Ninoy mula sa halos ganap na kamatayan tungo sa muling pagpapaimbulog sa – sa sarili niyang pananalita –  tugatog ng kapangyarihang pulitikal (“pinnacle of political power”), sa usapang panglupa’t praktikal ay pinadrinuhan ng Amerika, naganap sa Amerika – utang sa Amerika.

            Kaipala’y dito pa lang nililinaw ang hiwaga ng laro ng Amerika sa mga pagbabanggaan ng mga senaryo sa Pilipinas sa pagpasok ng dekada 70: ang alitang Sino-Sobyet na sa saklaw nito ay sumiklab ang “Pambansang Demokratikong Rebolusyon” na isinulong ng pinagpanibagong-tatag na CPP at NPA na mga nabuo bunga ng inisyatiba ni Ninoy noong 1968; ang adyenda ni Marcos na manatili sa kapangyarihan nang lampas sa terminong konstitusyonal o martial law; ang ambisyong presidensyal ni Ninoy; at ang pangmatagalang disenyo ng Amerika sa Pilipinas kontra sa ano pa mang ibang senaryo.

            Bago lumipad si Ninoy noong 1983 patungo sa kanyang makasaysayang pagbabalik sa Pilipinas, tinawagan niya sa telepono ang kaibigang si Steve Psinakis, at naririto ang isang bahagi ng mahaba nilang pag-uusap:

STEVE: Any whatsoever… Any indication from US side that there might be somewhat                               help on the cooperative or absolutely nothing? (Meron bang anomang…May  pahiwatig ba mula sa panig ng US na magkakaroon ng anomang pakikipagtulungan o ganap na wala?)

NINOY: No. No indication. Except that they are watching me. (Wala. Walang pahiwatig.                          Maliban sa minamatyagan nila ako.)

STEVE: Of course. (Mangyari pa.)

NINOY: They are following all my steps. But I’m still hopeful that sanity will prevail                                  and they will know that eventually, they’ll have to come to talk. Because I don’t  think they’re very happy with the woman running the show.(Minamatyagan nila (tinutukoy ang Amerika) ang bawat hakbang ko. Subalit umaasa pa rin ako na mananaig ang katinuan ng  pag-iisip at malalaman nila (tinutukoy si Marcos) na sa malaon at madali ay kailangan nilang makipag-usap Sapagkat hindi ako                                     naniniwala na masayang-masaya sila (tinutukoy ang Amerika) na ang babae ang  nagpapatakbo sa palabas.)

            Paksa ng usapan sa telepono ni Ninoy kay Steve Psinakis bago bumalik sa Pilipinas noong 1983 ay ang pagiging terminal na ni Marcos di-umano dahil sa sakit na lupus at ang pagmamaniobra na nina Imelda Marcos at Heneral Fabian Ver na humalili sa panguluhan.

            Pasubali sa mga mambabasa. Ang paghahayag sa naka-record na usapan sa telepono ay isinapubliko makaraan ang napakahabang  25 taon – sa panahon na ang mga kaunlaran sa teknolohiya ay ginawang napakadali na upang putulin ang anomang bahagi na dapat sarilinin na lamang ng dalawa o di kaya’y ganap nang alisin sa usapan, at pagmukhain pa ring tuloy-tuloy ang pag-uusap at walang anomang bahagi ang inalis.

            Magkaganun man, dalawang bagay ang tiyak. Una, hindi papayag ang Amerika na humalili bilang presidente si Imelda Marcos. Pangalawa,  sinusubaybayan ng US ang “bawat hakbang” ni Ninoy sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

            Mangyari pa, ang tunay na lalim ng pakikipag-ugnay ni Ninoy sa Amerikano sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas ay isang bagay na maging kay Psinakis ay hindi niya maaaring isiwalat. Mahalaga lamang intindihin na ang mga naging hakbang ni Ninoy papunta sa Pilipinas ay nasa antas ng mga maniobrang pulitikal na sapagkat alam ng Amerika ay hindi maaaring maganap kung hindi nito pahihintulutan.

Kabilang sa mga hakbang na ito ay tinukoy ni Ninoy sa usapan sa telepono:

NINOY: ... They have two guys stationed to knock me out at the  airport. They will try them for murder, they will convict them, but they have assurances. (Dalawang lalaki ang nakapuwesto sa airport upang tapusin ako. Lilitisin nila ang mga ito sa salang murder, patutunayang                                             nagkasala, subalit may mga paniniyak sa kanila.)

STEVE: Ah… let’s not think about that. (A, huwag nating isipin iyan.)

NINOY: Yeah, that’s the… these are the things that I”ve been alerted. So, I don’t know             what options they will do now. But I’m meeting with ASEAN leaders beginning  Tuesday, Wednesday and Thursday. Indonesia, Suharto might receive me. Malaysia is already firm, and Thailand is just about firm. Now, Japan has sent me word that if Imelda is in place, Nakasone is willing to use his economic clout. (Oo… Iyan ang… Ito ang pabala sa akin. Kaya, di ko na alam kung anu-ano pa ang kanilang maaaring gawin. Subalit makikipagkita ako sa mga lider ng ASEAN mula Martes, Miyerkules, Huwebes, Indonesia, maaaring makipagkita sa akin si Soeharto. Matatag na ang Malaysia, at ganun katatag ang Thailand. Ngayon, katatanggap ko lang ng pahatid ng Hapon na kung si Imelda ang nakapuwesto, handa si Nakasone na gamitin ang kanyang  impluwensyang ekonomiko.)
                
            Pahayag ni Ninoy kay Psinakis, nangangako si Nakasone, pinunong ministro ng Hapon, na kung tatratuhin siyang mabuti sa kanyang pagbabalik, ipagkakaloob ng Hapon ang malaking tulong ekonomiko.

            Ngayon, ang pagbabalik ni Ninoy sa Pilipinas noong Agosto 1983 ay isang bagay na sa pakiwari ay dapat na lihim na lihim. Una, gamit niya ang isang pasaporte sa pangalan ng isang “Marcial Bonifacio”. Sa mga manipesto ng mga eroplano na kanyang nilulalan pauwi, walang nakalagay sa tunay niyang pangalan. Pasikut-sikot ang kanyang naging daan, mula Boston, Massachusetts, tungong Los Angeles, liko muna sa Singapore, liko pa rin sa Johore, pagkatapos tuloy sa Hongkong, at saka palang tumungo ng Taiwan na doon ay sasakay siya ng eroplanong China Airlines papunta na ng Pilipinas.

            Papaano masusubaybayan ng Amerika ang pasikut-sikot na biyahe ni Ninoy kung hindi ito direktong kaalam niya. Una pa muna, paano nalaman ni Ninoy na dalawang lalaki na nakapuwesto sa airport ang papatay sa kanya. Alam din ba ito ng Amerika? Paano ito nalaman ng Amerika? At kung alam ng Amerika, bakit nito pinabayaan si Ninoy na magtuloy-tuloy sa kanyang biyahe pauwi gayong papatayin pala siya kaagad sa airport pa lang.

            Sa dinami-dami ng paliku-likong daan ng biyahe ni Ninoy, saanmang yugto ng paglalakbay ay magaan dapat siyang napigilan ng Amerika sa pag-uwi. Kung nagawa ng Amerika na isponsoran ang pagpapaopera ni Ninoy ng triple heart bypass sa Dallas, Texas noong 1980 upang iligtas ang kanyang buhay, lalong higit na dapat na pinigil ng Amerika ang pagbabalik ni Ninoy upang iligtas ito sa tiyak na kamatayan.

            Kayang-kaya ng Amerika ang pinigilan sana si Ninoy sa kanyang biyaheng pauwi.  Nagawa nga nitong kidnapin si Marcos at ang pamilya nito noong EDSA revolt ng 1986 at inilikas sa Hawaii, di hamak na higit na madaling harangan ang pagbabalik ni Ninoy. Puwera na lamang kung ang kamatayan mismo ni Ninoy ay isang kinakailangang senaryo upang sa pangmatagalang saklaw ay isulong ang interes sa Pilipinas ng Estados Unidos.

            Nakaguhit na tila isang masinop na iskrip pampelikula ang mga kaganapan nang araw na iyon ng Agosto 21, 1983. Ang pagdating ni Ninoy sa Manila International Airport nang tanghaling iyon ay bagay na malayung-malayo sa lihim. Naroroon ang limang libong magwe-welcome sa kanya, nakapaligid sa paliparan, kabilang ang full ensemble ng mga mamamahayag mula sa trimedia. Naroroon din ang malaking puwersa ng mga sundalo ng pamahalaan. At sa China Airlines jet na kinalululanan ng ating Marcial Bonifacio na si Ninoy pala, kabuntot niya ang mga miyembro ng international press sa pangunguna ni Ken Kashiwara, journalist na Hapones at asawa ng kapatid niyang si Lupita.

            Alam ng buong mundo na sa araw na iyon, lalapag si Ninoy sa MIA.

            Para ke pa, kung ganun, ang paggamit ng pekeng pasaporte at ang pasikut-sikot na paglalakbay? Mga dagdag na rekado para sa isang masarap na lutuin -- mga palamuti sa iskrip ng isang magandang palabas. 

            Sabi ng isang blogger sa internet: “Ano ang tawag sa isang tao na kusang hahakbang tungo sa kanyang kamatayan? Sa aking pinanggalingan, ang tawag sa kanya ay MORON!!!”

            Tinutukoy ng blogger ang pagkamatay ni Ninoy. Bumalik si Ninoy sa Pilipinas gayong alam niya na siya ay papatayin. Hindi nga ba naman iyon ay malaking katangahan? Hinding-hindi. Kabaligtaran, isang napakahenyosong pakikipagdigma upang ganap na itumba ang kaaway.
            Sabi nga ng isa pa ring blogger sa internet, terminal o may taning na ang buhay ni Ninoy nang araw na siya ay bumalik sa Pilipinas at kesa umuwi nga naman na isang malamig na bangkay, umuwing buhay, mapatay at tanghaling bayani.

            Sabi ng isang sinaunang mandirigma: “Ang tanging pagkakataon upang mabuhay ay ang isuko ang lahat nang pag-asang mabuhay.”  Nilinaw ni Sun Tzu ang pananaw na ito nang kanyang sabihin: “Isadlak mo ang iyong mga sundalo sa mga kalagayan na hindi sila makatatakas, at pipiliin nila ang mamatay kesa sa tumalilis. Kung haharapin nila ang kamatayan, walang anoman na hindi nila maaaring makamit.”

            Ganap na pag-ayon sa paglilinaw na ito ni Sun Tzu ang pangwakas na kapasiyahang ipinahayag ni Ninoy sa kanyang pinakamemorableng talumpati noong Pebrero 15, 1981 sa Wilshire Ebell Theater, Los Angeles, California. Ubos na ang pag-asa na kusang bababa pa sa puwesto si Marcos, umuupos na rin ang sariling buhay na sa wari ay hindi na makapaghihintay pa sa isang milagro na magwawakas sa martial law at sa gayon ay magpapanumbalik sa mga demokratikong pamamaraan ng kanyang paghalili sa panguluhan ng bansa.

            Nabanggit ni Psinakis sa pakikipag-usap niya sa telepono kay Ninoy bago ito bumalik sa Pilipinas: “Wala nang masyadong oras at alam mo… Iyan ang ikinatatakot ko.” Ano ang “wala nang masyadong oras? Pinag-uusapan nila ang namimintong pagsunggab sa kapangyarihan, alin sa dalawa, ni Imelda o ni Ver kung magkakatoo ang bulung-bulungan na malapit nang mamatay si Marcos.  (Pasinungaling sa bulung-bulungan, namatay si Marcos noon lamang Setyembre 28, 1989.) Anong pamimilit meron kay Ninoy na dapat siyang bumalik na sa Pilipinas nang araw na iyon upang pigilan ang pagsunggab sa kapangyarihan ni Imelda o ni Ver, na kung hindi niya gagawin noon na ay hindi niya magagawa pa ito kahit kelan? 

            Isang rurok ng paghahambog ang ginawa ni Ninoy nang sa kanyang talumpati sa Wilshire Ebell Theater ay ipinahayag niya: “Subalit samantalang sumumpa ako na hindi muling papasok sa larangan ng pulitika, iaalay ko ang kahuli-hulihang patak ng aking dugo para sa pagpapanumbalik ng kalayaan at sa pagwasak ng iyong (Marcos) martial law.”

            Ang bata na sa buo niyang buhay ay nangarap  na maging presidente ay minabuti pang harapin na lamang ang kamatayan, na roon ay, ayon kay Sun Tzu,  “walang  hindi niya maaaring makamit.”


            Para sa isang matalas magsuri, nakapangingilabot ang huling interview ni Ninoy sa media bago lumapag sa MIA ang sinasakyang eroplano noong Agosto 21, 1983. 

            Wika ni Ninoy: “You have to be very ready with your hand camera, because this could become very fast. It could be all over in a matter of three, four minutes, you know… (konting tawa) And I may not be able to talk to you again after this. (Dapat ihanda ninyong mabuti ang inyong mga kamera, sapagkat ito ay maging ubod ng bilis. Maaaring matapos ang lahat nang ito sa loob lamang ng tatlo, apat na minuto, alam nyo… (konting tawa). At maaaring di ko na kayo makausap pa pagkatapos nito.”

            Sa panayam na ito, tatlong namumukod na nilalaman ang nakapamulagat sa atin. Una, alam ni Ninoy na siya ay babarilin, dahilan kung kaya may suot siyang bullet-proof na tsaleko. Pangalawa, alam ni Ninoy na babarilin siya hindi kung saan pa man kundi oras na makapanaog na siya mula sa sinakyang eroplano, na kung kaya pasubali niya sa mga kausap na mga mamamahayag: “Maaaring matapos ang lahat nang ito sa loob lamang ng tatlo, apat na minuto…”...” At pangatlo, alam ni Ninoy na dadamputin siya ng kung sinoman hindi sa alinmang iba pang eroplano kundi sa sinakyang jet ng China Airlines.

            Tungkol sa unang nilalaman,  alam ni Ninoy na babarilin siya hindi sa kung saan pa man kundi doon mismo sa airport oras na nakapanaog na siya mula sa eroplano, subalit tuloy pa rin siya sa biyahe pauwi sa Pilipinas at sa gayo’y humakbang papasok sa kanyang kamatayan.

            Nakapanghihilakbot malaman na lahat ng pasubali ni Ninoy sa panayam ay nagkatotoo: “…magiging ubod ng bilis ito. Maaaring matapos ang lahat nang ito sa loob lamang ng tatlo, apat na minuto…”

            Bumilang ka ng apat na minuto mula sa pagsampa sa eroplano ng mga sundalong dadampot kay Ninoy  hanggang sa siya ay ilabas ng mga ito sa pinto ng eroplano na roon ay hinarang ng mga nakabarong na security men ang mga mamamahayag na ibig sumunod kay Ninoy, hindi matatapos ang iyong pagbilang at makaririnig ka ng alingawngaw ng isang putok na pagkatapos ay mga tunog naman ng mga sunod-sunod na putok ng baril. Susunod ay makikitang nakabulagta si Ninoy sa tarmac malapit sa ganun ding nakabulagta na “lalaking naka-azul”. Ayon na ayon sa pasubali ni Ninoy sa panayam, hindi na siya maaaring kausapin pang muli.

            Malamig na bangkay pa ring  naiuwi sa Pilipinas si Ninoy –  subalit bangkay na sa panuntunan ni Sun Tzu ay sinusukat nang ganito: “Kung haharapin nila ang kamatayan, walang hindi nila maaaring makamit.”

            Sino ang nagpapatay kay Ninoy?

            Pagkaraan ng dalawang magkahiwalay na imbestigasyon, una ng Fernando Commission na nanghawakan sa linya na si Rolando Galman ang gumawa sa krimen sa utos ng Communist Party of the Philippines at pangalawa ng Agrava Fact Finding Board na humatol sa mga sundalong dumampot kay Ninoy bilang siyang may mga kasalanan at pinarusahan ng pagkabilanggo sa New Bilibid Prison hanggang sa kasalukuyan, maliban sa isa na pinalaya dahil sa kanyang katandaan.

            Subalit kung sino ang mastermind sa pagpatay ay hindi kailanman natukoy, maging sa buong anim na taon ng panunungkulan ni Cory bilang presidente, at hanggang sa ngayon ay nananatiling isang malaking hiwaga.

            Sa una nang natukoy na palabas video, “Beyond Conspiracy: 25 Years After”, itinulad ni Tina Monzon Palma ang alitang Marcos-Ninoy sa isang larong chess at sa pagtatapos ng palabas gumawa ng nakagigimbal na kongklusyon: “Sa wakas, napagwagian ni Ninoy ang kanyang pulitikal na larong chess laban kay Marcos sa pamamagitan ng paggawa ng isang di kapani-paniwala – sa isang paraan ng pagsasabi, isinakripisyo niya ang Hari (Malayang pagsasa-Pilipino ng English na: ‘In the end Ninoy won his political chess game with Marcos by doing the unthinkable – in a manner of speaking, he  sacrificed the King.’)”      

Ngayon, sa chess, ang “sacrifice” ay isang maniobra na ang isang malaking piyesa, halimbawa’y Knight o Bishop, ay ipinagpapalit sa isang maliit na piyesa ng kalaban, halimbawa’y Pawn, upang magkaroon ng bentahe sa pusisyon na makaatake patungo sa tagumpay. Sa maniobrang ito, ang pinakamalaki nang piyesa na maisasakripisyo ay ang Reyna, sapagkat ang kasunod nang pinakamalaking piyesa ay ang Hari, na hanggang sa huli ay dapat na ipagtanggol upang manalo sa laro.

Subalit iyon ay sa chess, na ang mga piyesa ay walang buhay – ang Hari ay hindi kailanman nagkakasakit o inooperahan sa puso at samakatwid nanatiling nakapaghahari, di maisasakripisyo hangga’t di nadarakip.

Sa mga tunggaliang pulitikal na ang nakataya ay matatayog at buhay – mga yaman na katulad ng pinakamalaking hacienda ng tubo sa buong Asya at kapangyarihang pulitikal tulad ng kagila-gilas na panguluhan ng Pilipinas; at ang pamamaginoong sosyal na kaakibat ng yaman at kapangyarihan, tulad ng pagsasabayani kay Ninoy at pagsasasanto kay Cory – at lalo na kung ang pagtatamo sa matatayog at buhay na taya ay kailangang ipagkumahog dahil paubos na ang oras, ang mga labanan ay ipinagwawagi sa pamamagitan ng di-karaniwan – tunay ngang di-kapanipaniwala – na mga pamamaraan.

            Sa isa sa kanyang mga talumpati sa Estados Unidos, ipinahayag ni Ninoy: “The Filipino is worth daying for.”

            Ubod ng damdamin ang mga salita. At ang pangitaing nililikha ng mga ito na tila isang sumasabog na liwanag sa walang buhay na pagkakahandusay ni Ninoy sa MIA tarmac ay kaagad na nagtampok sa mga salita bilang siyang sigaw ng pakikipagdigma ng sambayanan at namilipit sa braso ni Marcos upang tumawag ng snap election sa panguluhan. Nagwagi si Marcos sa halalan, subalit sumigaw ng “daya” si Cory, at tuloy-tuloy sa pagsigaw ng “The Filipino is worth dying for”, pinakilos ang malawak na masa ng Kamaynilaan sa isang civil disobedience campaign na tumungo sa EDSA I. At gaya ng palasak nang kawikaan, ang sumunod ay kasaysayan.

            Si Cory ay naging presidente.

Sa kanyang talumpati sa Wilshire Ebell Theater kulang na lang ang kondenahin ni Ninoy ang mga Pilipino bilang mga duwag: “Ako ay isang tao lamang, mga kaibigan. Nagdusa ako ng walong taon na pagkabilanggo. Nagdusa ako ng pamimighati na walang kapantay na pinagdusahan ng iba sa aking buhay. Nahiwalay ako sa aking mga anak. Nahiwalay ako sa aking pamilya. At wasak ang aking pinansya pagkaraan ng walong taon. Tao lamang ako upang maghanap ng kapayapaan… Sa pakiwari ko’y pinaghirapan ko na ang aking kapayapaan. Ginawa ko na ang lahat na aking makakaya. Naghintay ako sa loob ng pitong taon at pitong buwan at ang sambayanang Pilipino ay ayaw kumilos. Sa tingin ko pa nga mahal nila ang kanilang tanikala at pagkaalipin. Ano ang magagawa ng isang tao kung mahal ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkaalipin, kung nawalan na ng boses ang sambayanang Pilipino at ayaw nang tanggihan pa ang isang maninikil? (Malayang salin mula sa English na:  ‘I am a human being, my friends. I have suffered eight years of imprisonment. I have suffered loneliness like no other man has suffered loneliness in my life. I’ve been away from my children. I’ve been away from my family. And I’m financially ruined after eight years. It is only instinctive for a man to look for his peace… I felt I have already earned my peace. I’ve done my best. I’ve waited for seven years and seven months and the Filipino people would not react. They would even give me the impression that they loved their chain and their slavery. What can one man do if the Filipino people love their slavery, if the Filipino people have lost their voice and would not say no to a tyrant…’)”

Para kanino isinakripisyo ni Ninoy ang Hari? Para sa Pilipino na “worth dying for” o sa Pilipino na isang duwag. Kulob saan, ang mga salita ay parang pagkiskis lamang ng asin sa sugat. Sa totoo lang, matapang man o duwag, patuloy ang Pilipino sa pagkalublob sa miserableng buhay. Subalit si Cory ay nagtuloy-tuloy sa paglulunoy sa kapangyarihan at kadakilaan ng panguluhan.

At iyon ang magandang wakas ng kasaysayan ng batang di magiging presidente.

Isinakripisyo ni Ninoy ang Hari at sa gayon ay isinulong ang pagsampa ng Reyna sa trono.  Ang tawag dito ng mga Greyigo ay “magandang kamatayan”, na sa medisina kung tawagin ay “euthanasia”. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento