Huwebes, Nobyembre 29, 2012


TSAPTER XV

KONGKLUSYON

Sinabi ni Sun Tzu: “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan.”

            Isa sa pinakamatatandaang wika ni Presidente Corazon C. Aquino maaga pa sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ng Pilipinas ay ito: “Ngayon alam ko na kung bakit ang mga tao ay papatay para sa puwestong ito. (Malayang salin mula sa English: ‘Now I know why people would kill for this position.’)”

            Sabi nga ng Kano: “Labas mismo sa bibig ng kabayo.”

            Sa anu’t anuman, kinikilala lamang ni Cory na isang mito ang pinalaganap na paniniwala na ang panguluhan ng bansa ay dinadaan sa demokratiko’t mapayapang pamamaraan. Malayo sa mapayapa ang EDSA I People Power Revolt noong 1986 na nagpabagsak kay Marcos at nagluklok kay Cory bilang presidente. Armas ng Kano na pinalakas pa mandin ng nagngangalit na hiyaw ng simbahang Katoliko ang pumigil kay Marcos na gamitin ang dahas ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang buong gaan sanang nasupil niya ang paghihimagsik sa EDSA.

            Oras na sumibol ang ideya ng kapangyarihan pulitikal bago pa man nagsimula ang kolonyalismong Kastila, ang pamumuno saanmang panig ng kapuluan ay hindi maaaring hindi maging bunga ng giyera. Sa katunayan,  sa sandaling  naisip ng tao na kubabawin ang kanyang kapwa, ang pamumuno sa lipunan saanmang panig ng mundo ay lagi nang pinagpasiyahan ng digmaan.

            Kaipala’y sa kabila ng napakahenyosong paghalaw ni Sun Tzu ng mga di-mapapasubaliang batas sa pakikipagdigma na siyang sangkap ng kanyang  Art of War (Sining sa Pakikipagdigma), tunay na nakapanlulumong isipin na ang mga batas na ito ng digmaan ay totoo.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan.” Sa madaling sabi, paikut-ikot lang sa isa’t isa ang palitan ng kapayapaan at digmaan -- isang walang katapusang sikolo ng kademonyuhan.

            Sa usaping ito – sa panghabampanahong pagkahigop sa sangkatauhan sa demonyong sikolo ng kapayapaan-digmaan – nagkakahiwalay ang mga doktrina ni Sun Tzu sa Marxismo.

            Walang pagkukunwaring kinilala ni Sun Tzu na walang katapusan ang sikolo – o, kahit papaano, hangga’t buhay ang sangkatauhan.

            Kinilala rin ni Karl Marx ang di-mapagkakasundong tunggalian sa uri na naging bunga ng pag-aari ng iilan sa mga kagamitan sa produksyon, at, samakatwid, pag-aari rin sa mga bunga ng produksyon, subalit gumawa pa rin si Marx ng higanteng hakbang upang lampasan ang mga pangaral ni Sun Tzu.

            Sa pilosopiya ng diyalektikong materyalismo, matapang na ipinahayag ni Marx na babagsak ang kapitalismo at hahallili rito ang Diktadura ng Proletaryado na, dahil pinatatakbo na ng di-makasariling uri ng proletaryo o mga manggagawa, ay kakatawan na sa kabuuan ng lipunan. Oras na ito ay mangyari – na ang diktadura ng proletaryado ay kumakatawan na sa kabuuan ng lipunan – mangangahulugan ito na maglalaho na ang mga uri – wala nang kapitalista, walang manggagawa, walang mayaman, walang mahirap – at ang lipunan  ay pamamayanihan ng isang sangkatauhan na sama-sama nang namamahala sa sarili, pinakikilos ng lantay na pagkakapatirang pangmundo, tunay na nagmamahalan sa isa’t isa at sa gayon ay makatarungan at mapayapa – ang komunismo.

            Ang mga pangaral ni Marx ay higit pang sininop at pinagyaman ni Lenin, na nagpahayag: “Ang kauna-unahang akto ng estado na ito ay kumakatawan na sa buong lipunan ay siyang kahuli-hulihan nitong akto bilang estado.”

            Ang tangi’t nag-iisang silbi ng estado ay gumanap bilang instrumento ng paninikil ng isang uri laban sa isa pang uri, halimbawa’y ng kapitalista laban sa mga manggagawa. Ngayon, laban pa kanino maaaring maging kasangkapan ang Diktadura ng Proletaryado kung ito ay kumakatawan na sa kabuuan ng lipunan? Sa yugtong ito, hindi na kailangan ang marahas na pakikipagdigma upang ibagsak ang diktadura ng proletaryado, sapagkat ito ay mawawalan na ng silbi at sa gayo’y kusang mangunguluntoy at maglalaho – iyon ang komunismo.

            Sa katwirang Marxismo, ang digmaan ay inilulunsad upang wakasan ang lahat ng digmaan.

            Sa katwiran ni Sun Tzu: “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan.” Lahat ng mga digmaan sa kasaysayan, maliit man o malaki, ay pawang ayon sa pangaral na ito ni Sun Tzu.

            Sa kaso ng Marxismo, naitumba ng Bolshyevik Revolution noong 1917 ang tzaristang rehimen ni Nicholas II, inaresto ang buong gabinite ng humaliling burgis-demokratikong pamhalaang Kerensky, at pagkaraan ay idineklara ang: “Lahat ng kapangyarihan sa mga Sobyet.” Iyon ang simula ng Diktadura ng Proletaryado sa Rusya, na bilang direktang bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nadagdagan pa ng mga bansa sa Silangang Europa na nakilala bilang Soviet Block (Yugoslavia, Poland, Hungary, Czechoslovakia, Albanya, Rumania, Silangang Alemanya at Sobyet na bahagi ng Austria).

            Sa Tsina naman, noong 1949 nanaig sa wakas ang Chinese Communist Party laban sa Kuomintang at naitatag sa mainland China ang People’s Republic of China, na siya namang diktadura ng proletalryado sa bansa. Naging mabisang tagasuporta ang Tsina sa mga kilusang komunista sa bansang Asyano, halimbawa’y Hilagang Korea, Vietnam, Cambodia at Myanmar; sa kainitan ng alitang Sino-Soviet, nakuha ng Tsina ang pagpanig ng Rumania at Albanya.

Noong 1990, ang Unyong Sobyet ay binulabog ng perestroika  o demokratikong kilusan na nagpabagsak sa komunistang rehimen pagkaraan ng 73 taong pamamayagpag sa kapangyarihan sa mundo na halos lumampas na sa antas ng kapangyarihan naman ng Estados Unidos.

            Mabilis na kasunod namang nagsipanumbalik din sa demokratikong kaayusan ang tinaguriang Soviet Bloc. Sa Tsina, ang pagkamatay ni Mao Tse Tung noong 1976 ay nagpaimbulog kay Deng Hsiao Peng sa pamunuan ng bansa at ito ang nagbigay-daan sa wakas sa pamumukadkad ng kanyang ideyang “isang bansa, dalawang sistema (komunismo-kapitalismo)”.
Mula noon kinakitaan ang Tsina ng kagila-gilas na kaunlaran na namimintong pumangibabaw na sa kaunlarang tinatamasa ng Amerika.

            Sa harap ng lahat nang ito ay ang di-mapapasubaliang katotohanan ng pagpapatuloy ng pagtahak ng mundo sa landas ng kapitalismo. Ibig sabihin lamang, nagpapatuloy at higit pang sumisigla ang mga kalagayang kapitalistiko na bagama’t sa pana-panahon ay kinakikitaan ng malaganap na katiwasayan, sa katotohanan ng mga paghahayag ni Sun Tzu ay hindi maaaring hindi humantong sa muling pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng mga bansa. Sa ganitong kalagayan sumabog ang Una at Ikalawang Digmaan Pandaigdig.

            “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan,”  ito ang laging ipangungulit sa atin ni Sun Tzu. Kulang na lang ipagdudulan sa atin nang diretsahan: ang digmaan ay walang katapusan.

            Walang pagsidlan sa kasakiman ang tao. Mas mayaman, mas gahaman. Totoo, subalit mas walang-wala mas mag-aadhika na magkaroon, at oras na magkaroon na, iyon pa rin, mas mayaman, mas gahaman.

            Purihin sina Marx at Lenin sa pagpapanata ng paglilingkod sa uring manggagawa, sa kung papaanong pupurihin din sina Kristo’t kanyang mga disipulo sa pangangaral ng pagiging di-makasarili’t pag-ibig sa kapwa.

            Subalit ang pagiging di-makasarili’t maibigin sa kapwa ay isang tanging handog na kaloob lamang sa kakaunting nilalang na kung tawagin ay mga santo. At sa kakaunting ito ay naroroon ang kamalian: ang isipin na ang balana ay kaisa nila sa pag-iisip.

            Hindi sapagkat may ilang natatanging tao na nangangaral ng kasantuhan ay magiging santo rin ang mga makikinig sa kanilang pangaral. Sa paninging Marxista, ang kamalayang panlipunan ay pinagpapasiyahan ng kalagayang panlipunan, na ibig sabihin lamang,  sa isang kaayusan na talamak ang mga gawing kapitalistiko, ang utak maging ng balana, particular ng mga manggagawa,  ay kapitalistiko na rin.

            Bakit ba ang mga lider relihiyoso ay kabilang sa pinakamayayamang mga tao sa mundo, ang mga sekta sa pinakamayayamang institusyon? Kabaligtaran ng ipinangangaral, ang  pagmamakasanto ay siya pang nagiging mabisang kasangkapan upang  pagpalaguan ng makamundong yaman. Di ba’t kahalintulad din ang maaaring mawika sa unyonismo’t malalaking lider nito? Ang proletaryadong rebolusyonaryong pulitika ay siya pang matabang lupang pinagtataniman ng walang ipinag-iba sa burgis na makasasariling mga interes.

            Gaano man kasidhi, samakatwid, ipangaral ang pagpapakasanto ng bawat tao sa mundo – at gaano man kasidhi rin na sikapin ng tao na sundin ang pangaral -- kukubabaw at kukubabaw sa lipunan ang kapitalistikong kamalayan na walang pasubaling siyang magpapanatili sa digmaan bilang siyang kalakaran ng buhay at sa wakas ay  magdadala sa sangkatauhan sa ganap na pagkawasak.

            Kung, samakatwid, ang pagmamakasanto ay siya mismong nagsusulong sa tao sa kanyang pagkawasak, saan pa naroroon ang kaligtasan ng sangkatauhan?

            Halos kasabay ng mga paghahalaw ni Sun Tzu sa matandang Tsina sa mga katotohanan ng batas sa pakikipagdigma ay ang pagyaman naman ng pilosopiyang Griyego sa pangunguna ni Aristotle. Tila pagtugon sa tanong natin ngayon, winika ni Aristotle noon pang mga 500 B.C. ang ganito:

            “Isinumpa ka, lahing mabilis sa paglipas, supling ng ala-tsamba at mga hirap ng pagsubok, bakit mo ako pinipilit na sabihin sa iyo ang mismong bagay na higit na makabubuti sa iyo ang huwag nang marinig pa? Ang pinakamagandang bagay ay lubhang lampas sa iyong pang-unawa: na hindi ka na dapat na isinilang pa, hindi naging ikaw, ang maging wala. Ganun pa man, ang susunod na pinakamagandang bagay para sa iyo ay ito: ang mamatay agad.”

            Si Sun Tzu at si Aristotle ay nabuhay sa panahon ng kung turingan sa istorikong materyalismo ay lipunang alipin – panahon na ang mga tao sa lipunan ay nahati na sa mga uri: uring panginoon at uring alipin. Panahon, kung ganun, na ang lipunan ay gising na sa katotohanan na digmaan ang kalakaran ng buhay.

            Ang bawat taong isisilang sa panahon ng lipunang alipin  ay hindi maaaring hindi magkamalay sa digmaan bilang siyang kalakaran ng buhay. At ang kamalayang ito, kasabay ng pagtindi nang pagtindi ng digmaan ng mga uri sa sumunod na mga lipunang piyudal at kapitalista, ay naging isang paniniwala na sa mga sumunod na salin-lahi ng sangkatauhan ay tumigas na nang tumigas.

            Subalit bago nga ang lipunang alipin, meron nang kalakaran ng buhay ang sinaunang sangkatauhan.             Kung sa kasaysayan ng mundo ay nagkaroon ng isang totoong yugto na walang digmaan at ang mga tao ay tunay na nagmahalan at sa gayon ay namayani ang kapayapaan at katarungan, bakit sa kasalukuyang yugto ay bumagsak ang ganung uri ng buhay?

            Una muna, linawin natin ang tanong. Ang totoong komunismo sa kasaysayan ay tanging ang primitibo komunal na sistema. Nabiyak iyon at nagbigay-daan sa paghalili ng sistemang alipin.

            Sa kasalukuyang panahon, sa istriktong pag-uusap, walang komunismo na bumagsak. Ang ipinalalagay na komunismo sa Unyong Sobyet at bumagsak noong 1990 pagkaraan ng 73 taong  pamamayani sa Rusya ay isang estado na isinilang sa bisa ng armas, binuhay, pinalaki’t pinalago, at minintina sa pamamagitan ng sandatahang lakas. Naririto ang punto ng paghahambing.  Walang armas ang mga tao sa panahon ng primitibo komunal na sistema.

            Kay Sun Tzu, walang pagkukunwari sa pagtingin sa lipunan bilang pinamamayanihan ng di-matapos-tapos na digmaan: “Sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan, sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan.” At sapagkat ang daigdig ay naisadlak na sa landas ng digmaan sa sandaling ang lipunan ay mahati na sa mga uri,  hindi na ito makahuhulagpos pa sa tadhanang ito.

            Si Sun Tzu ang henyo sa sining ng pakikipagdigma. Hangga’t digmaan ang nasasangkot ay hindi siya nagkamali.

            Ang pagkakamali ni Marx ay nasa pag-iisip na ang kalakaran sa primitibo komunal na sistema o ang sinaunang komunismo ay maisasakatuparan pa rin sa panahong naisibol na ang tunggalian ng mga uri. Oras na mangibabaw na ang digmaan bilang kalakaran ng buhay, ang  sinaunang kapayapaan sa primitibo komunal na sistema ay di na muling mabubuhay. 

            Papaanong ang isang mapayapa’t makatarungang lipunan ay matatamo sa pamamagitan ng marahas at walang katarungang mga pamamaraan?

            Ang komunismo ay isang sistema ng pamumuhay na likas na namuo sa hanay ng primitibong sangkatauhan  udyok ng kanilang pangangailangan na sama-samang kumilos sa pagharap sa mga puwersa ng kalikasan. Oras na matutunan na ng tao ang paglikha ng sandata at gamitin ito upang pangayupapain ang kalakhan ng sangkatauhan sa paghahari ng iilan, ang komunismo ay hindi maaaring hindi maging isang pangarap na lamang.

             Ang debosyon ni Marx sa komunismo ay rurok ng praktikal na pag-aadhika na kamtin ng tao ang gloria hindi sa haka-hakang langit kundi sa katunayan ng daigdig. Ang debosyong ito na sa kalakhan ay nanatili sa teorya  ay tinumbasan ni Lenin ng praktika na nagbunga sa kaunaunahang sosyalistang estado  sa kasaysayan, ang Unyong Sobyet. Subalit pagkaraan ng 73 taon, bumagsak ang makakomunistang estado sa Rusya, sinundan ng pagkaagnas ng mga sosyalistang estado sa Silangang Europa, at ng pagyakap naman ng Tsina sa kapitalismo sa loob ng pinalamutiang ideya na “isang bansa, dalawang sistema.”

            Sa mga deboto ng komunismo, nakapanlulumo ang kinahinatnang ito ng kanilang pinakamamahal na idolohiya. Lalo na sa partikular na kalagayan ng Pilipinas, ano pa ang silbi ng pagpupursigi sa “pangmatagalang digmaang bayan” gayong sa karanasan ng mundo, imposible nang pairalin pa ang komunismo.

            Sabi uli ni Sun Tzu: “Subalit ang isang kaharian na minsan nang winasak ay hindi na muling mabubuo; ni ang patay ay di na muling mabubuhay.”

            Isang dating seminarista na sa kanyang pagtatapos ng abogasya ay malalim na nasangkot sa kilusang komunista sa Pilipinas ang ating natanong  kung magkakatotoo pa ba ang komunismo sa Pilipinas?

            “Kailangang maniwala,” wika niya. “ O kung hindi, ang tanging mapipili natin ay ang  tyranny, kawalang hustisya’t pang-aapi.”

            Sa ayaw natin at sa gusto, ang tyranny, kawalang hustisya’t pang-aapi ay magpapatuloy dahil bahagi ang mga ito  ng mekanismo ng di-maiiwasang pangwawasak sa isang sangkatauhan na ayaw kumawala sa pananakmal ng digmaan. Malungkot tanggapin na sa pangwawasak ng sangkatauhan ay madadamay pati na ang mga walang muwang na bagong silang. O, anong   laking katotohanan na para sa mga ito na hindi dapat na isinilang pa, gaya ng sinabi ni Aristotle, ang susunod na pinakamagandang bagay ay ang “mamatay agad”.

            Subalit isang bagay ang nanatiling totoo rin naman. Nabuhay ang komunismo sa panahong sanggol pa lamang ang tao. Ang komunismo, samakatwid, ay hindi para sa mga taong natuto nang humawak ng sandata upang sa pamamagitan nito ay isulong ang kanilang makasasariling mga interes. Ang komunismo ay para sa mga sanggol na magkakamalay sa isang kapaligirang katulad ng  lipunan na sa salita ni Marx ay hindi pa nakakakalas sa pusod ng primitibo komunal na pamumuhay.

            Mangangailangan ng isang henyo upang halawin ang bagong katotohanang ito: ibinubuga, hindi ng bunganga ng baril, kundi ng iyak ng mga sanggol.

WAKAS

Linggo, Abril 22, 2012


                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                       
                      
MGA GINTONG TIPAK NG KASAYSAYAN
SA SINING NG PAKIKIPAGDIGMA
NI SUN TZU


Ni Mauro Gia Samonte


Tsapter I
DIGMAAN: SIMULA AT TADHANA


Sinabi ni Sun Tzu: "Ang sining ng pakikipagdigma ay napakahalaga para sa
Estado. Ito ang mapagpasyang usapin ng buhay at kamatayan, daan tungo
sa kaligtasan o kapahamakan. Samakatwid ito ay isang paksang usapin
na hindi kailanman maipagwawalang-bahala."

Dalawampu’t dalawang libong taon na ngayon ang edad ng Tabon Cave Man, ang unang taong nakatala na nabuhay sa Pilipinas. Pinatutunayan ito ng taklob ng bungo at isang bahagi ng panga na nahukay ng mga anthropologo sa kuweba ng Tabon sa Palawan noong 1962. Batam-bata ito kung ihahambing sa  Peking Man, na ang mga kalansay ay nahukay naman sa Peking, China noong 1927 at tinayang ang edad noon ay 500,000 taon.

Nang sulatin ni Sun Tzu ang Sining ng Pakikipagdigma noong 500 B.C., dalawang libong taon na ang sibilisasyong Tsino at ang aklat ay tiyak na bunsod ng  mga digmaang nagaganap na sa hanay ng mga kaharian noon sa Tsina. Malaking kakapusang-palad na sa pagsisimula pa lamang ng Kolonyalismong Kastila noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo, ang mga tala ng kasaysayan ng mga katutubo ay winasak ng mga kolonyal na mananakop. Sa gayo’y kakapiraso ang mga tala na maaaring pagbatayan para sa isang matino, malawak at makatotohanang paglalahad kung anong antas ng kabihasnan ang inabot na ng bansa sa panahong iyon. Sa kadahilanang ito kung bakit ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa natuklasang pagkabuhay ng Tabon Cave Man hanggang sa pagdating ni Magellan noong 1521 ay di-nakasulat at maaarng maituring lamang na mga pangyayaring naganap sa bisperas ng kasaysayan.

Sa istriktong pamantayan, tradisyon sa pagsusulat ng kasaysayan na dapat ay may patotoo ang mga pangyayari rito.  Ang mga pangyayari na di-mapatototohanan ay itinuturing na di-bahagi ng kasaysayan.

Sa ganitong panuntunan, ang malaganap na pinaniniwalaang kasaysayan ng Sampung Datu mula sa Borneo ay maaaring pagdudahan. Nakasulat ang kasaysayang ito hindi bilang tala ng mga totoong pangyayari kundi bahagi ng Maragtas, isang epikong alamat na matatagpuan sa mga dokumentong nanggaling sa mga prayleng Kastila. Nitong dulo lamang ng ika-20 siglo pinasinungalingan ng isang kanluraning historyador  ang mga dokumento ng Maragtas, na tinawag nitong huwad.

Kakailanganin ang higit pang marubdob na pananaliksik upang ugatin ang tunay na pinagmulan ng bansang Pilipino. Hangga’t hindi ito naisasagawa, mapipilitan ang isang matapat na mambabasa ng kasaysayan ng bansa na maging maingat, malalim na mapagsuri, at ganap na mapamili sa kalipunan ng ayon sa mga historyador ay mga datos ng kasaysayan ng bansa.

Sa anu’t anuman, ligtas na basahin ang kasaysayan ng bansa mula sa kung saan walang pasinungaling sa mga pangyayari –  ang Pilipinas nang sakmalin ng digmaang walang katapausan.     

Malawak ang Pilipinas, tinatayang binubuo ng 300,000 metro kilometro ng kalupaan, at may puwang para sa lahat ng mga katutubo na mabusog sa likas na yaman nito nang hindi nang-aabuso sa isa’t isa. Sa kaso ng mga tribu na may mga kagamitan na sa agrikultura, malawak ang mga bukirin na pagtatamnan ng mga halamang pagkain at pagpapanginainan ng kanilang mga pinaamong hayop. Sa kaso naman ng mga katutubong pinili ang mamuhay nang pagala-gala sa mga kabundukan, patuloy silang nananagana sa mga prutas at iba pang mga likas na pagkain na kanila na lamang pipitasin, halimbawa’y saging,  o huhukayin, kamote. Oras na ubos na ang pagkain sa isang bahagi ng bundok, lilipat lamang sila sa ibang bahagi na roon ay hitik na naman sa pagkain.

Kung pag-uusapan ang kabuhayan, walang dahilan upang mag-away-away ang mga katutubo. Sa ilang tanging kalagayan, ang digmaan sa pagitan ng mga tribu ay bunsod ng pangangailangang makapanghuli ng mga taong aalipinin, o sa higit pang natatanging mga kalagayan, babaing aasawahin. 

Naging hudyat ang pagdating ni Ferdinand Magellan noong 1521 sa ganap nang pagpapaloob ng kapuluan sa mga batas ng digmaan. Unang-una na, layunin ng Ekspedisyong Magellan na kolonyahin ang Pilipinas sa ngalan ng Espanya. Ang ekpedisyon na pumalaot mula sa Seville, Espanya isang taon na ang nagdaan ay ayon sa Kasunduang Tordesillas  (1494) na humati sa pagitan ng Espanya at Portugal sa mga bagong tuklas na lupain na labas ng Europa. Ang mga tadhana ng tratadong Tordesillas ay kinilala sa Tratadong Zaragosa (1529), na kung kaya ang Pilipinas ay naging bahagi ng mga nasasakupan ng Espanya. Bakit may mga kasunduang Tordesillas at Zaragosa? Dahil kung wala, magdidigma ang Portugal at Espanya sa pag-aagawan ng mga kolonya.

Ang sabi ni Sun Tzu: “Ang lahyunin ng kapayapaan ay digmaan; ang layunin ng digmaan ay kapayapaan.”

Sa bawat aklat ng kasaysayan ng bansa na ating nabasa, iisa ang payak na paraan ng pagtukoy kung paano dumating sa Pilipinas si Magellan: unang dumaong sa Homonhon, na bahagi ng ngayo’y kilala bilang Silangang Samar, at saka tumuloy sa Cebu. Kung bakit hindi na lamang tumigil sa Homonhon si Magellan, walang nakasulat na paliwanag. Subalit kung tutuusin, pagkaraan ng isang taong paglalayag sa karagatan na roon ay nalagas ang mahigit sa kalahati ng kanyang mga tauhan, nanaisin na lamang ni Magellan ang magpahinga nang lubos bago mag-isip ng panibagong pakikipagsapalaran. Puwera na lamang kung sa pagdaong sa Homonhon ay kaagad silang tinunggali ng mga katutubong waray kung kaya napilitang pumalaot na muli hanggang mapadpad sa Cebu.

Sinabi ni Sun Tzu: “Hindi natin magagawang ibaling sa ating kapakinabangan ang mga likas na bentahe  hangga’t hindi tayo gumagamit ng mga giyang lokal.”

Payapang tinanggap si Magellan sa Mactan. Malaking dahilan nito ay ang pagkakaroon niya ng alalay na si Enrique, isang katutubong nabihag ng mga nauna nang konkistador na Portuges sa Silangang Indies. Sadyang isinama ni Magellan si Enrique sa ekspedisyon upang magsilbing tagapamagitan sa mga katutubo,  na sa Mactan noon ay pinaghaharian ng mga datu na sina Lapu-Lapu at Zula. Madalas ay basta na lamang nakasulat na napatay ni Lapu-Lapu si Magellan, walang pagsisikap na saliksikin ang maraming katanungan, halimbawa’y bakit napatay, paano pinatay, at paano nakaiwas sa kahalintulad na kapalaran ang nalalabing  puwersa ni Magellan na nakabalik sa Espanya. Sa isang aklat, may dagdag na impormasyon ang pagkakalahad sa pangyayari, na di-umano’y bunga ng panghihimasok ni Magellan sa alitan nina Lapu-Lapu at Zula. Sa isa pang bersyon, nanaig naman ang dugong katutubo ni Enrique kung kaya tinalikdan nito si Magellan at nakipagsabwatan na sa mga kadugo upang lipulin ito. Bukod sa pagkakaroon ng kapani-paniwalang mga tauhan, ang kasaysayan ni Enrique kaugnay ng pagkapatay kay Magellan ay siyang higit na umaayon sa mga batas ng pakikipagdigma ni Sun Tzu. Sa mga panuntunan sa aklat ni Sun Tzu, si Enrique ay tumutugon sa katangian ng isang espiyang bumaligtad na ang pagpanig kina Lapu-Lapu at Zula ay siyang naging daan upang gapiin si Magellan sa labanan.

Sinabi ni Sun Tzu: “Ang tunguhin at layunin ng pang-espiya alinman sa limang anyo nito ay ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa kalaban; at ang kaalamang ito, una muna, ay maaari lamang makuha mula sa bumaliktad na espiya.

Sa anu’t anuman, ang kamatayan ni Magellan ay maagang patunay ng isang batas ng kasaysayan na lagi nang totoo sa Pilipinas: na sa harap ng pananalakay na banyaga, ang mga hidwaang panloob ay naisasa-isantabi o naipaiilalim sa pangangailangang gapiin ang isang banyaga na kapwa kaaway ng mga nagtutungaling katutubo. Masaklap na ang ganung patunay ay nanatili sa Mactan lamang sa loob ng napakahabang panahon. Kinailangan ang mahigit 300 taon upang ang magkakahiwalay na pulutong ng mga katutubo ay mamulat sa katotohanan na sila ay para-parang niyuyurakan ng iisang banyagang mananalakay at sa gayon ay marapat na magkaisa sa pagbaka rito.

Hindi nasakop ni Magellan ang Pilipinas. Subalit ang kanyang expedisyon ay tinapos ni Sebastian del Cano paikot sa daigdig  pabalik sa Espanya noong 1522 -- sa wakas nagpatunay na bilog  ang mundo. Sa ganun, di tulad ng kanyang dinanas, ginawa ni Magellan na di na gaano kahirap ang pagpabalik-balik sa kapuluan ng mga sumunod na Kastilang kongkistador. Makaraan ang tatlo pang ekspedisyon (Saavedra, 1527-29; Villalobos, 1541-46; at Legaspi, 1564), ang kapuluan ay ganap nang pumailalim sa pangongolonya ng Espanya.

Sa ekspedisyong Villalobos, Las Philipinas ang ipinangalan sa Leyte (noon ay Tandaya) bilang parangal sa noon ay prinsipe ng Espanya na si Philip II. Noong 1565 ang pangalang Filipinas ay ganap nang iniangkop  ng noon ay hari na ng Espanya na si Philip II sa buong kapuluan  nang ang titulong “Adelantado de Filipinas” ay  ipinagkaloob niya kay Miguel Lopez de Legazpi, namuno sa ekspedisyon noong 1564. Sa pamamagitan ni Legazpi, ang magkakahiwalay at kalat-kalat na mga barangay  ay para-para nang naipailalim sa iisang pangangasiwa ng kolonyalismong Kastila. Sa gayon, nagpanimula ang napakahabang proseso tungo sa  pagkakabuo ng bansa.

Digmaan ang pinagmulan ng bansang Pilipinas.     

At mula sa ekspedisyong Legazpi, ang pagpapatuloy ng kasaysayan ng Pilipinas ay pagpapatuloy ng  kasaysayan ng di-matapos-tapos na pangmatagalang digmaang bayan.
   
Halos apat na siglo ng paghihimagsik laban sa kolonyalismong Kastila, limang dekada  ng pakikipagdigma sa agresyong Estados Unidos, limang taong tigmak ng dugo sa pananalakay Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at mahigit na tatlong dekada ng pagpapatuloy na mga pag-aalsang komunista at muslim.

Pilipinas na walang digmaan, mula noon hanggang ngayon, isang pangarap lamang.

Totoo, ipinahayag ni Karl Marx sa kanyang Manipesto Komunista, na ang kasaysayan ng lahat nang umiral na lipunan sa nakaraan ay kasaysayan ng tunggalian ng uri, subalit ang batayang silbi ng pahayag ay ang bigyan-katwiran ang marahas na digmaan bilang tanging daan ng paglaya ng mga uring api. Kung sa Pilipinas ang digmaan mismo ang nagsasadlak sa mga uring api sa patuloy na pagkaduhagi, napakahalagang pag-aralan kung papaanong ang digmaan ay pagwagian na ng mga uring api. Sinabi ni Marx, “Hindi na maaaring palayain ng proletaryado ang sarili nang hindi kasabay na pinalalaya nito ang kabuuan ng lipunan.”

Sa Tsina, niyakap ni Mao Tse Tung ang mga pangaral ni Marx, subalit sa mga pakikipagdigma, nanghawakan siya sa mga doktrina ni Sun Tzu.  Taong 1920 nang simulan ni Mao at ng iilang mga kasamahan ang kilusang komunista sa Tsina; 1949, napagwagian nila ang digmaang sibil laban kay Chiang Kai Shiek, at magmula noon ay dinirehe ang higanteng pag-unlad ng Tsina.

Sa Pilipinas man, noon pa ay umiral na ang mga prinsipyo’t panuntunan sa pakikipagdigma na laman ng aklat ni Sun Tzu. Sa katunayan, nang magsimula ang rebelyon nina Mao ay mahigit dalawampung taon na dapat ang gulang ng Republika ng Pilipinas kung tatanggapin ang proklamasyon nito ng traydor na si Emilio Aguinaldo noong 1898 bilang pagpapahayag ng kasarinlan mula sa kolonyalismong Kastila -   proklamasyong  tinutulan ni Apolinario Mabini dahil nga naroroon at nailatag na ang mga higanteng hakbang ng nakapagsimula nang agresyong Amerikano.
Sa anu’t anuman, tulad sa Tsina noon pang 2500 B.C. nakapagpanimula na ang kasaysayan ng digmaan sa Pilipinas. At tanging sa kasaysayan ng pakikipagdigma  maaaring tahakin ng bansa ang kanyang takdang tadhana.

Tsapter II
PILIPINAS NA WALANG BANSA

            Sinabi ni Sun Tzu: "Itinuturo sa atin ng sining ng pakikipagdigma na manalig 
hindi sa malamang na hindi dumating ang ating kaaaway kundi sa ating
sariling kahandaan na tanggapin siya; hindi sa malamang na hindi siya  manalakay
kundi sa pangyayari na ginawa natin ang ating mga sarili
na hindi maaaring salakayin."

             Sa panahon ng kanyang pananalakay, ang Espanya ay isa nang maunlad na estado na may pangmundong kapangyarihan, at ito ang malaking kakapusang-palad para sa sinalakay na kapuluan na noon ay wala pang naitatatag na pambansang estado na maaaring lumambat sa puta-putaking pagbaka sa kolonyal na pananakop. Oo, naroroon na ang sining ng pakikipagdigma na maaaring panghawakan upang ipananggalang sa nananalasang dayuhang estado, subalit nasaan ang katutubong estado na maaaring manghawakan dito?

             Nang magsimula ang kolonyalismong Kastila, watak-watak  at di-magkaisa ang mga tribu, gayunma’t ang kaayusan ng mga lipunang umiiral ay umabot na sa antas ng kaunlaran na maihahalintulad sa mga punlay ng estadong aliping Griyego. Sa maraming pagkakataon, nagamit pa ng mga kolonyalista ang mga piling tribu  upang ipanagupa at ipanggapi sa mga mapanlabang katutubo.

            Laganap ang paniniwala na sa pangongolonya nito sa Pilipinas ay ginamit ng Espanya ang  prinsipyo ng “paghahati-hati upang pagharian”. Mali ang ganitong pag-iisip. Paano paghahati-hatiin ang isang bagay na hindi pa buo? Wala pang kabuuan ang Pilipinas noon, walang kabansaan, at sa mga katutubong indio ay walang-wala ang kamalayan na sila ay isang kalipunan ng mga tao na ang laki at lawak ng saklaw ay di-hamak na higit kesa sa makikitid na hangganan ng mga nagkakanya-kanyang barangay.

            Liban sa ilang bahagi ng Mindanao at mga katutubo ng Cordillera, naipalaganap  ng Espanya ang kolonyal na administrasyon sa buong kapuluan sa pangunahing dahilan na walang pambansang puwersang moral ang umiiral upang sumalungat sa pangongolonya.

Ayon kay Sun Tzu, ang batas moral ang nangungunang pangangailangan upang gapiin ng isang panig sa digmaan ang kabilang panig.

          “Batas moral ang dahilan kung bakit ang mga nasasakupan ay ganap na sumusunod sa naghahari na walang pagsasaalang-alang sa panganib sukdulang kanilang ikamatay,” ani Sun Tzu.

            Sa pananalakay ng Espanya sa kapuluan, kanya-kanya ang mga barangay sa pagbaka rito. Walang iisang diwa na tumutuhog sa kanilang pagkabukod-bukod. Sa ganun, wala ang  napakahalagang sangkap upang pasunurin ang mga katutubo sa pinag-isang paglaban sa mga mananakop na Kastila. Dito madaling unawain kung bakit sa kabila ng maraming  paghihimagsik na sumiklab laban sa Kolonyalismong Kastila, wala ni isa rito ang nagtagumpay sa kabuuang saklaw ng kapuluan bago ang Rebolusyong 1896.

            Sumiklab ang Rebelyong Sumuroy noong 1649-50, itinuturing na pinakamalawak na paghihimagsik laban sa puwersahang pagpapatrabaho sa mga mamamayan na ipinatupad ng rehimeng kolonyal. Pinamunuan ni Juan Ponce Sumuroy,  nagsimula ang pagbabalikwas sa Palapag, Hilagang Samar, kumalat  sa iba pang lalawigan ng Visaya tulad ng Leyte, Panay at Cebu, umabot hanggang ilang bahagi ng Mindanao at Luzon, kabilang na ang Masbate at Bikol. Sa kabiguang madakip si Sumuroy,  nag-alay ang mga Kastila ng pabuya para sa kanyang ulo. Nagwakas ang rebelyon nang paslangin si Sumuroy ng sariling mga tauhan upang kamtin ang pabuya.

            Saan nandoon ang batas moral? Ganyang sa kinang ng salapi, silang dapat na hindi lamang sumunod sa namumuno kundi ialay pa ang kanilang buhay masunod lamang siya ay sa halip sila pa ang papaslang sa kanya.

Ang Rebelyong Dagohoy  na tumagal ng 85 taon (1774-1829) ay hindi nakapalaot lampas sa lalawigan ng Bohol. Bagama’t ang pinuno nito na si Francisco Dagohoy ay may kamalayang pulitikal bilang cabeza de barangay, lumilitaw na hindi niya hinangad na palaganapin ang apoy ng kanyang paghihimagsik sa pambansang saklaw. Ang  Rebelyong Dagohoy ay nakapagtatag ng pamahalaang nagsasarili na nangailangan ng  maraming salin ng gobernador heneral ng kolonyal na rehimen bago ganap na naibagsak noong August 31, 1829. Paano naibagsak ang Rebelyong Dagohoy? Sa pamamagitan ng determinadong pananalakay ni Governador Heneral Mariano Ricafort na gamit ay mga puwersang Cebuano.

Bagama’t may batas moral na naipairal si Dagohoy sa saklaw ng Bohol, walang bisa iyun sa mga Cebuano na nagpagamit kay Ricafort upang gapiin ang kanyang rebelyon.

Sa rebelyon ni Diego Silang (1762-63) matagumpay na naitatag ang Nagsasariling Bansa ng Ilokos sa malaking dahilan na ang pananakop ng Espanya sa kapuluan ay ibayong pinanghina ng pagsakop  sa Maynila ng Gran Britanya bilang bahagi ng tinaguriang Seven Years War sa pagitan nito at ng Espanya,  kaalyado ng Pransya sa Europa. Patunay na hindi hinangad ni Silang na bakahin ang kolonyal na rehimeng Kastila ay ang kanyang alok na pamunuan ang puwersa ng mga Ilokano upang isabak sa puwersang Britano  sa Maynila. Ang alok ay kapalit ng mga sumusunod na kahilingan: 1) Pagtanggal sa puwesto sa kinamumuhiang alcalde mayor  na  si  Antonio Zabala  at paghirang bilang kahalili nito sa paring si Provisor Tomas Millan, na sa mahabang panahon ay naging tagapagkandili ni Silang; 2 ) Pagpapawalang-bisa sa abusadong pambubuwis at puwersahang pagpapatrabaho sa mga mamamayan; 3) Pagpapatalsik sa mga di-kanais-nais na Kastila at mestizo mula sa Ilokos; 4 ) at paghirang kay Silang bilang kumander ng hukbong Filipino upang sumagupa sa mga mananalakay na Britano.
 
Nang tumangging magtiwala sa kanya ang mga administrador na Kastila, sinalakay ni Silang ang Vigan at sa matagumpay na pag-agaw ng kapangyarihan sa Hilagang Luzon ay  itinatag niya ang pamahalaan ng Malayang Ilokos. Kinilala ng mga mananakop na Britano ang pamahalaan ni Diego Silang at pinangakuan pa ng tulong laban sa mga Kastila. Noong Mayo 6, 1763, lumiham si Kapitan B. Brereton, kumander ng hukbong pangkaragatan ng Britanya sa Cavite, bilang sagot sa naunang liham ni Silang sa mga puwersang Britano sa Maynila. Bahagi ng nasabing liham ni Brereton na may parating na “Kay Don Diego Silang, Alcalde Mayor at Kapitan-Pakikipagdigma para sa Kanyang Kamahalan sa Lalawigan ng Ylocos (To Don Diego Silang, Alcalde Mayor and War-captain for his Majesty in the Province of Ylocos), ay nagsasaad ng mga sumusunod (malayang  salin mula sa orihinal na tekstong English): “Kahapon iniabot sa akin ng gobernador (Dawsonne Drake) ang liham na ang inyong Kabanalan ay masayang ipinadala sa kanya, na roon ay nangangako ang inyong Kabanalan na magiging matapat sa sagradong Kamahalan, ang hari ng Gran Bretanya, na aking panginoon. Paniwalaan ninyo ako, Don Diego, na ang inyong liham ay nagbigay sa akin ng natatanging kasiyahan at malaking kagalakan – sukdulang isumpa ko na ipadadala ko sa inyo ang isa sa mga sasakyang pandagat ng kanyang Kamahalan na nasa ilalim na aking koman, upang tiyakin sa inyong Kabanalan ang aking pagtatanggol at tulong sa ngalan ng aking panginoon, laban sa kapwa natin kaaway, Espanya. Nararamdaman ko ang maraming kapansanan na pinagdusahan ng inyong Kabanalan sa ilalim ng mapanikil na pamahalaan ng mga Kastila; subalit nakasisiyang malaman na kayo ay namulat na; at palalakasin pa at pasisiglahin ng inyong Kabanalan ang inyong mga nasasakupan upang hamakin ang kapangyarihan ng ganung napakalupit na bansa…”

Maaring pagtalunan ang katalinuhan ng ginawang pakikipagmabutihan ni Silang sa mga mananakop na Britano, sapagkat samantalang ang digmaan sa pagitan ng mga katutubo at kolonyalismong Kastila ay magpapatuloy pa hanggang sa pagtatapos  ng ika-19 na siglo, ang Seven Years War sa pagitan ng Gran Britanya at Espanya ay magwawakas na, sa bisa ng unang Tratado ng Paris, isang taon na lamang ang daraan. Noong Mayo 31, 1764 umatras ang mga puwersang Britano mula sa Maynila – at muling tumigas ang paghahari ng kolonyal na rehimen sa “Malayang Ilokos” ni Diego Silang.

Ang inasahang tulong ni Silang mula sa mga Britano ay hindi kailanman naganap. Hindi na umabot si Silang sa paghusga kahit sa sarili man lang kung ang kanyang pakikipagkaibigan sa mga Britano  ay wasto o mali. Wala pang isang buwan makaraan ang palitan ng kalatas sa mga Britano, noong Mayo 28, 1763, isang malapit na kaibigan ni Silang, si Miquel Vicos, ang pataksil na bumaril at pumatay sa kanya mula sa likuran, udyok ng malaking pabuyang alok ng mga prayleng Kastila.

Muli’t-muli, nasaan ang batas moral na maaaring gumabay sa mga katutubo para sa mabisang pagbaka sa Kolonyalismong Kastila?

Mahigit 100 taon na ang nakararaan sa panahong iyun, ang paghihimagsik ni Sumuroy sa Samar ay winakasan ng ganun ding patraydor na pagpaslang ng sariling mga tauhan sa lider ng himagsikan.  Patunay sa di-nababagong katotohanan ng mga panuntunan ni Sun Tzu sa digmaan.

Sinabi ni Sun Tzu: “Maging malapit ka sa iyong mga kaibigan; subalit maging higit kang malapit sa iyong mga kaaway.

Kulang ang lapit ni Silang sa kaibigang si Vicos, sapagkat kung hindi, sana’y hindi siya pataksil na pinatay nito. Higit ang kulang ng lapit ni Silang sa mga kaaway na prayleng Kastila, sapagkat kung hindi, sana’y nasilip niya ang pakanang katrayduran nito.

Sa anu’t anuman, sa pamantayan ni Sun Tzu, ang pagkakaiba ng isang magaling na heneral sa mga ordinaryong nilalang ay ang kakayahan nitong alamin ang mga pangyayari  sa digmaan bago pa man ito maganap. Kung isang magaling na heneral ang tatanungin, taglay ni Vicos ang mga katangiang maging nakapaloob na espiya sa hanay ng mga kolonyalista at sa pamamagitan niya ay nagawa sanang baligtarin ang mga pangyayari. Hindi ito naganap. Sa halip si Vicos ang nakapaloob na espiya ng mga Kastila sa hanay ni Silang at naganap ang, sa batas ni Sun Tzu, dapat na maganap – pabor sa mga Kastila.

Laging paalaala ni Sun Tzu: “Ang heneral na makikinig sa aking payo at kikilos ayon dito ay makapananakop – hayaang ang isang iyun ay manatili sa pamumuno! Ang heneral na hindi makikinig sa aking payo ni ang kumilos ayon dito ay magdurusa ng kabiguan – hayaang ang isang iyun ay alisin sa tungkulin.”

Ang kabiguan ng Rebelyong Silang ay salamin, at sinasalamin din naman, ng maraming paghihimagsik na ipinanyanig sa kolonyal na rehimen.

            Iba’t iba ang katangian ng mga pag-aalsa sa paligid ng kapuluan laban sa rehimeng kolonyal. May katangiang relihiyoso ang Rebelyong Tamblot (1621-1622),  pinamunuan ng isang babaylan o katutubong lider ispiritual, si Tamblot, na nag-alsa sa Bohol para sa pagpapanumbalik ng mga katutubong paniniwala sa pagsamba; at ang Himagsik ni Hermano Pule (1840-41), sa pamumuno ni Apolinario de la Cruz o Hermano Pule, na sa pamamagitan ng sariling grupong relihiyoso, ang Cofradia de San Jose, ay nakibaka para sa pantay na karapatan ng mga paring Pilipino at Kastila sa pamamalakad sa mga parisiya at sa pagbabago ng mga gawain ng simbahang Katoliko upang umangkop sa mga katutubong kaugalian. Ang iba pang mahahalagang paghihimagsik ay kontra sa abusadong buwis (Ilokos at Cagayan, 1589) at laban sa pangangamkam ng mga prayleng encomiendero ng lupa ng mga katutubo (Katagalugan, 1745-46).

            Subalit ano man ang kani-kaniyang kadahilanan, ang bawat isa sa mga natukoy na paghihimagsik ay nagpapakita ng mga sumusunod na katangian:      

            1 ) Walang layuning saklawin ang buong kapuluan.
            2 ) Walang gumagabay na pambansang kamalayan.
3 ) Ang mga kahilingang ipinaghihimagsik ay pawang sa loob ng umiiral
      na kaayusang  kolonyal.
4) Walang intensyong wakasan ang Kolonyalismong Kastila sa kabuuan.

Dahil sa mga katangiang ito, hanggang sa yugtong iyon ng Rebelyong Silang ay bigo ang mga pag-aalsa laban sa kolonyalismong Kastila.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Magagawa natin ang iisang buong katawan habang ang kaaway ay kailangang maatado sa maliliit na bahagi. Samakatwid magkakaroon tayo ng isang buo na ilalaban sa magkakahiwalay na bahagi ng kabuuan ng kaaway, na nangangahulugan na tayo ay laging marami laban sa kaaway na laging kokonti.

Ganito ang timbangan ng puwersa sa pagitan ng bawat isa sa mga paghihimagsik at ng kolonyal na pamahalaan. Dahil sa ganap na kawalan ng koordinasyon sa isa’t isa, ang mga maghihimagsik ay lagi nang dehado. At sa ganitong kaayusan, ang salita ni Sun Tzu ay ito: “Samakatwid, samantalang isang marubdob na pakikipagdigma ang maaaring gawin ng isang maliit na puwersa, sa kadulu-duluhan ito ay dapat na bihagin ng mas malaking puwersa.”

Matapang na ipinagpatuloy ng balo ni Silang na si Maria Josefa Gabriela ang rebelyon ng pinaslang na asawa, subalit ganap ang mga panuntunan ni Sun Tzu sa pakikipagdigma at ang kahihinatnan ng pakikibaka ni Gabriela ay hindi mapagdududahan. Pagkaraan ng apat na buwang paglaban, sa  isang pagsalakay ng mga Kastila na gamit ay mga puwersang Kapampangan, nahuli siya kasama ang mahigit sa isandaang tauhan, na maramihang binitay noong Setyembre 30 ng taon ding iyon.

Ang malaking pagkakamali sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas ay ang basahin ito
mula sa punto de vista ng kasalukuyang panahon. Ibig sabihin, ang tumigas nang paniniwala   na ang  Pilipinas ay dati nang bansa noon pa mang mga kaunaunahang panahon. Sa dahilang ito, talamak na naipagkakamali ang mga pag-aalsa laban sa kolonyal na rehimeng Kastila na mga pagbabalikwas ng bansang Pilipinas, gayong hanggang doon pa sa Kilusang Propaganda ng mga ilustrado sa Espanya sa pagpasok ng ika-20 siglo, ang tanging kahingian ng mga propagandista ay ang representasyon para sa mga Filipino sa cortes (parlamento) ng Espanya – hindi ang pagkalas  mula sa pundilyo ng Kolonyalismong Kastila.

            Sa mga panuntunang inilalahad ni Sun Tzu sa kanyang aklat, pangunahin niyang sinusukat ang kakayahang magwagi ng alinmang panig sa digmaan sa ganitong pagtatanong: 

            1 ) Alin sa dalawang naghahari ang nagtataglay ng Batas Moral?
            2 ) Alin sa dalawang heneral ang higit na may kakayahan?
            3 ) Sa aling panig naroroon ang mga bentahe ng Langit at Lupa?
            4 ) Saang panig mahigpit na naipatutupad ang disiplina?
            5 ) Kaninong hukbo ang higit na malakas?
            6 ) Saang panig higit na mataas ang antas ng pagsasanay sa mga opisyal at tauhan?
7 ) Alin sa dalawang nagtutungaling hukbo ang higit na nakapagpatuloy ng pagbibigay    
      kapwa ng mga parusa at pabuya? 

            Sabi ni Sun Tzu: “Sa pamamagitan ng pitong pagsasaalang-alang na ito, maaari kong sabihin sa una pa man kung sino ang magwawagi at kung sino ang magagapi.

            Hanggang sa panahon ng Kilusang Propaganda, ang mga katutubo sa palibot ng kapuluan ay hindi makatugon sa alinman sa pitong pamantayan ng tagumpay na takda ni Sun Tzu sa  pakikipagdigma. Walang pagkaalam sa buong saklaw ng kalupaan ng kapuluan, walang batas moral na batayan ng isang sentralisadong paghahari na angkop sa buong kapuluan, walang pambansang disiplina,  walang mga pagsasanay sa mga opisyal at tauhan ng hukbo, walang heneral ng hukbo,  sapagkat walang hukbo.

            Kataka-taka pa ba na sa loob ng mahigit sa 300 taon ay nakapamayagpag sa kapuluan ang kolonyal na pananakop ng Espanya?  

            Sa napakahabang panahon na iyun, walang Bansang Pilipinas.

Tsapter III
ANG PAGLILIHI SA BANSANG PILIPINAS

Sinabi ni Sun Tzu: "Hayaang ang iyong mga plano 
ay maging kasing-dilim ng gabi at di-matagos, 
at sa sandaling humakbang ka,
bumulaga na parang kulog."

            Sa yugtong ito, ang taguring Pilipinas ay tumutukoy lamang sa 7,100 mga isla na bumubuo sa kapuluan at sa mga katubigang kinapapalooban ng mga ito; hindi bilang umiiral na estado, ni hindi bilang kalipunan ng mga tao na may kaisahan kapwa sa isip, sa salita at sa gawa. Ni hindi pa ito ang kabuuan ng teritoryo na narating ni Magellan noong 1521; maliit na bahagi lamang nito ang Cebu na tinagka niyang sakupin nguni’t sa kasamaang-palad ay kinamatayan.

            Ang Cebu pa rin lang ang unang dinaungan ni Legazpi noong Pebrero 13, 1565 sa pagtatapos ng kanyang expedisyon na nagmula sa Espanya noong 1564. Subalit makaraan ang dalawang araw pa, Pebrero 15, 1565, ang Cebu ay ganap nang naipailalim sa pamamahala ng Espanya at ginawa itong kapitolyo ng Pilipinas, at si Legazpi sa bansag na Adelantado de Filipinas ay siyang gobernador heneral.

            Sa mga pangyayaring ito, mahahalagang bagay ang ipinakakahulugan. Una, kinikilala na ang buong saklaw ng kapuluan bilang iisang teritoryo. Pangalawa, ipinahahayag ang pagkakaroon ng iisang pamamahala sa kabuuan ng teritoryong ito. At ang mga katutubo sa buong kapuluan ay para-parang pinaging-dapat na mga nasasakupan ng kaharian ng Espanya – pinaging-isa bilang mga mamamayan ng bagong kolonya ng Pilipinas.

            Ang mga sumunod pang hakbang ni Legazpi ay parang kulog na bumulaga sa bawat pook na ratnan ng kanyang mga adbenturang mapanakop, mula sa Mindanao  hanggang Maynila at patagos pa hanggang sa Hilaga at Timog Luzon. Sa bawat pananakop na ginawa ni Legazpi, tampok ang kanyang ekspertong pagtimpla sa digmaan at diplomasya. Halimbawa’y noong Mayo 1570, dumating siya bilang mapagkaibigang dayuhan sa Maynila at tinanggap naman siya ni Rajah Soliman bilang gayon nga, isang kaibigang dayuhan. Nang tumutol si Rajah Soliman sa soberaniya ng Espanya, ginamit naman ni Legazpi ang pamamaraan ng digmaan, na nagbunga ng pagkagapi ni Soliman at pag-abo sa buong Maynila. Isang taon pa ang nagdaan, noong Hunyo 24, 1571, ginawa ni Legazpi ang Maynila bilang bagong kapitolyo ng Pilipinas. Kaipala’y noon pang ika-16 na siglo nagsimula ang pagdiriwang ng Hunyo 24 bilang kaarawan ng Lungsod ng Maynila.

            Magkagayunman, mahalagang unawain na bagama’t sa bisa ng digmaan ay nagawang pagbuklurin ni Legazpi ang kapuluan ng Pilipinas, hindi ibig sabihin nito na nabuo na ang bansang Pilipinas. Sa usapin ng kabansaan para sa mga katutubo, isang aspeto pa lamang ang natugunan ng mga pananakop ni Legazpi, ang aspeto ng pinag-isang teritoryo. Ang iba pang mga aspeto tulad ng pulitika at kultura, ang nakapanaig ay ang kolonyalistang paghahari ng Espanya at ang pagpapalaganap at pagtigas sa hanay ng mga katutubo ng mga kaugaliang Kastila. Klasikong patunay nito ang mga anotasyon na ginawa ni Dr. Jose Rizal sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio Morga na ang masasamang ugaling tulad ng katamaran at aktitud na “saka na iyan” ay inugat sa kaugaliang Espanyol, hindi natibo sa mga katutubo.

Muling matutukoy sa yugtong ito ang malaki at panghabampanahong kamalasan na ang mga tala ng buhay ng mga katutubo bago dumaong sa kapuluan ang mga Kastila ay pawang winasak ng mga kolonyalista, partikular ang mga prayle, sa layuning burahin sa utak ng mga katutubo ang nakagisnang kultura at sa bisa ng sandata ay ihalili rito ang taglay na kulturang kinukubabaw ng katolisismo. Kaya sa pagdaloy ng panahon, napag-isa man ang mga katutubo ng Pilipinas sa ilalim ng iisang pulitika ng Kolonyalismong  Kastila at ng iisang doktrina ng Simbahang Katoliko, nagpatuloy pa rin ang kanilang pagkawatak-watak sa anomang diwa ng kabansaan: ang waray, nanatiling waray; ang Bikolano, bikol; ang Ilokos, ilokano; ang Katagalugan, tagalog; ang Mindanao, muslim; ang Cordillera, igorot; etsetera.

Sa simula ng pinag-isang buhay sa pulitika ng kapuluan, ito ay napailalim sa pangangasiwang pulitikal mula sa Mehiko, na noon ay tinaguriang Bagong Espanya. Sa dahilang ito kung kaya sa loob ng napakahabang 200 taon umunlad ang Kalakalang Galleon, ang tampok na ugnayang komersyo sa pagitan ng Pilipinas at ng Mehiko mula 1600 hanggang 1815. Subalit noong 1821, ang Mehiko ay naging independiyente sa bisa ng Rebolusyong Mehikano na nagsimula noon pang 1810, at mula noon ang pulitikal na pangangasiwa sa Pilipinas ay isinakatuparan nang direkta mula Espanya.

Naging ganap na ang paglalapit ng kolonyang Pilipinas sa “Inang Bansa”, na ano pa ba kundi Espanya. Sa mga mayamang katutubo na katulad ni Dr. Jose Rizal, Espanya ang naging hantungan ng kanilang mga adhikain. Halimbawa’y pagkaraang makapagtapos ng Bacheller del Artes sa Ateneo de Manila, nagtungo si Rizal sa Espanya upang doon naman mag-aral ng medisina.

Ang pagkaluklok ni Napoleon Bonaparte sa kanyang kapatid na si Joseph  bilang Hari ng Espanya noong Hunyo 6, 1808 ay nagbigay-daan sa liberalismo sa pamahalaan ng Espanya na humantog sa pagyakap nito sa Konstitusyon ng Cadiz noong 1812. Sa ilalim ng nasabing konstitutsyon, pantay ang mga mamamayan ng Espanya at ang mga katutubo ng mga kolonya at mga teritoryo sa ibayong dagat sa karapatang katawanin sa cortes  o lehislatura ng Espanya. At noong Setyembre 24, 1812, nanumpa sa Madrid ang mga kaunaunahang Pilipinong kinatawan sa batasan ng Espanya. Subalit si Napoleon ay nagapi sa tinaguriang Digmaan ng mga Bansa noong Oktubre, 1813 at ang mga puwersang Frances ay naitaboy mula sa Espanya, at sa sumunod na Disyembre ay naluklok si Ferdinand VII bilang hari ng Espanya. Tatlong taon pa ang nagdaan, noong Mayo 24, 1816, itinanggi ng Cortes ng Espanya ang Konstitusyong Cadiz at sa gayon ay nagwakas ang representasyon ng Pilipinas sa batasan ng Espanya.

Maliwanag na pagkaraan ng 300 taon ng pangongolonya ng Kastila sa kapuluan, ang Pilipinas ay nanatiling isang probinsya lamang ng Espanya at ang kabansaan nito ay hindi pinag-uusapan ng mga kolonyalista maging ng mga katutubo. Nang kilalanin ng Espanya ang kasarinlan ng Mehiko noong 1821, tanging ang Pilipinas ang nalabing kolonya ng Espanya sa Pasipiko. Sa pagtatapos pa lamang ng ika-19 na siglo magsisimulang sumibol ang pag-aadhika naman ng  Pilipinas sa kanyang kasarinlan.

Papunta sa nasabing panahon, ang mga kaunlaran sa teknolohiya (mga makabagong kagamitan sa produksyon) ay nakapagpasibol na ng kapitalismo sa Europa, isang sistema ng produksyon na ang paggawa ng mga kalakal ay maramihan kung kaya ang mga manggagawa ng kalakal ay maramihan, sama-samang gumnagawa at nakaipon sa iisang bubong ng manupaktura. Kabaligtaran ito ng sinundan at papalaho nang piyudal na sistema ng produksyon na ang paggawa ng mga kalakal ay sa kamay-kamay na paraan (halimbawa’y sapatos) ng nagsosolong mga artesano sa kani-kaniyang magkakahiwalay na talyer.

Bunga ng panggigipit ng kapitalismo, ang piyudal na produksyon sa Pilipinas ay nangailangang iangkop sa pangangailangan ng mga kapitalistikong industriya sa Europa ng mga hilaw na sangkap, halimbawa’y asukal, kopra at abaca. Nagbunga ito ng malawakang pangangamkam ng lupa, na sa kalakhan ay isinagawa sa pamamagitan ng pribadong pag-aari ng mga enkomiendero sa kani-kaniyang nasasakop na enkomienda. Matatandaan na ang mga enkomienda ay mga yunit administratibo na pinairal ni Legazpi upang mapagaan ang pulitikal na pamamahala sa kapuluan. At sapagkat ang mga enkomienda sa pangkalahatan ay nakapailalim sa mga alituntunin na pinaiiral ng simbahan, nang lumaganap ang sistemang asyenda para sa pagtatanim ng tubo, niyog at abaca, mga prayle ang pumaimbulog bilang pinakamalalaking asendero. Sa ganung paraan napariwara sa simbahan at mga kaalyado nitong mga enkomiendero ang kalakhan ng lupa sa Pilipinas.

Kabilang sa tinamaan ng pangangamkam ng mga prayle ng lupa ay ang Pamilya Rizal, na sa mga talang historikal ay isinasaad na mayamang angkan at nagmamay-ari ng malawak na lupain sa Calamba, Laguna. Kasama ang ilan pang panginoong-maylupa sa Calamba, nagsampa ang mga Rizal ng kaso laban sa pangangamkam ng lupa ng mga prayle, bagay na hindi lamang ganap na nabigo kundi nagpasama pa sa pangalan ng angkan sa mata ng simbahan. Dito nagsimulang magbago ang kamalayang panlipunan ni Rizal – kamalayan na sa dakong huli ay siyang pangunahing huhubog sa kaisipang makabansa para sa buong kapuluan. Patunay ng pahayag ni Marx: “Hindi kamalayang panlipunan ang nagtatakda ng katayuan sa lipunan kundi bagkus katayuan sa lipunan ang nagtatakda ng kamalayang panlipunan.” Hindi makabansa si Rizal  dahil totoo ang bansang Pilipino kundi kailangan ang kabansaang Pilipino upang ipangontra sa pang-aabuso sa kanya ng kolonyalistang Kastila. 

Sa kabilang dako, sa paglaganap ng sistemang asyenda, kambal na isinilang ang dalawang bagong uring panlipunan: ang proletaryado (mga manggagawang pambukid, magkokopras, mag-aasukal, taga-gawa ng abaca, kargador sa piyer at mga bodega, trabahador sa obras publicas) at kapitalista, sa panimulang anyo ng mga mga komprador o mga mamamakyaw ng produkto ng mga asyenda at gayundin  mga tagapamahagi ng mga inangkat na kalakal. Bagama’t sa kalikasan ng kani-kaniyang uri ay kagyat na may tunggalian na sa kanilang pagitan mula pa lang sa sandali ng kanilang pagsilang, kapwa ang proletaryado at natibong kapitalista ay biktima ng pang-aabuso ng kolonyal na kaayusan, partikular ng mga prayle, at sa kalagayang ito ay hindi maaaring hindi maipasailalim ang hidwaan sa kanilang pagitan sa higit na pangangailangang gapiin ang kapwa nila kaaway na mga kolonyal na adminstrador.

At kapwa ang proletaryado at katutubong kapitalista sa Pilipinas ay naging matabang lupa na  mapaghahasikan ng mga kaisipang liberal na yumabong sa paglago ng kapitalismo sa Europa.

Sa pulitika, demokrasya, kontra sa awtokrasiyang piyudal, ang sistema ng pamahalaan na isinulong ng kapitalismo. Ang halos magkasunod na Rebolusyong Amerikano laban sa monarkiya ng Gran Britanya noong 1776 at ang Rebolusyong Pranses laban naman sa monarkiya ng Pransya noong 1789 ay matagumpay na nakapagluklok ng mga kaunaunahang demokratikong pamahalaan sa kasaysayan, at ang pananagumpay na ito ay tila apoy sa parang na kumalat sa buong Europa. Sa pagbubukas ng mga daungan ng Pilipinas sa pandaigdigang malayang kalakalan noong 1834, kasabay ng mga kalakal na pumasok sa kapuluan ay ang mga liberal na ideya ng kalayaan, pagkakapantay at pagkakapatiran na binuhay sa mga rebolusyong Pranses at Amerikano. Sa Espanya naganap ang liberal na rebolusyon na nagpabagsak kay Reyna Isabela II noong 1868 at muling umiral ang liberal na pamahalaan sa ilalim ng Konstitusyong ng 1869. Sa taong iyun nahirang sa Pilipinas na bagong gobernador heneral si Heneral Carlos Maria de la Torre na nagpatupad ng mga liberal na patakarang tadhana ng bagong konstitusyon ng Espanya: nagpawalang-bisa sa sensorsyip at gumarantiya sa mga kalayaan sa pamamahayag at pagtitipon.  Ang pagbubukas ng Suez Canal nang taon ding iyun na nagpaiksi sa pagbiyahe mula Europa patungong Asya ay higit pang nagpabilis sa pagdaloy ng mga kaisipang demokratiko sa Pilipinas.

Hindi mapagtatakhan na sa pagdanas ng Pamilya Rizal ng pagtindi ng mga kaapihang kolonyal, ang mamuong pangontra ay ang mga kaisipang demokratiko na walang-pigil ang pagdaloy mula sa ibayong dagat. Angkop ang mga kaisipang ito sa uri ng mga ilustrado na ano pa kungdi ang binhi ng uri na sa pagtakbo ng panahon ay makikilala bilang katutubong burgesya, o uring kapitalista.

Sa kabilang banda, maging sa hanay ng mga isang-kahig-isang-tukang indio, o mga proletaryado, marubdob din ang pagtanggap sa mga adhikaing demokratiko. Natuklasan sa mga pananaliksik na ilan sa mga babasahing pinag-aralan ni Andres Bonifacio ay ang aklat tungkol sa Rebolusyong Pranses at sipi ng Konstitusyon ng Amerika.

Makaraan lamang ang dalawang taon, noong Abril 1871, ang  malupit na si Rafael de Izquierdo ay nahirang na bagong gobernador heneral, na kagyat ay nagpawalang-bisa sa mga kalayaan at kaluwagang pinairal ng kanyang sinundang gobernador heneral na si De la Torre. Subalit ang binhi ng “kapatiran, pagkakapantay at kalayaan” ay naitanim na at nagkaugat, at ang humaliling muling paninikil ay nagsilbi lamang na pataba sa halaman ng kabansaan na walang duda ay yayabong.

Kapwa sa katutubong burgesya at proletaryado, taga na sa panahon ang pagsilang ng Bansang Pilipinas.   


Tsapter IV       
ANG PAGLULUWAL SA BANSA

Sinabi ni Sun Tzu: "Maaring baguhin ang mga plano 
nang ayon sa kung ito ay pinapanigan
ng mga kalagayan."

            Ang liberalisasyon sa Pilipinas ay tila patalim na humiwa sa hanay ng simbahan. Sa isang banda ay ang mga Pilipinong pari na humingi ng sekularisasyon na maglalagay sa pangangasiwa ng simbahan sa Pilipinas sa kamay ng mga katutubong pari. Sa kabilang banda ay ang mga relihiyosong order, tulad ng Heswita at Dominikano, na sa kagustuhang siyang makinabang nang ganap sa lumaganap na sistemang asyenda ay naglagay sa mga parisya sa kanilang direktang pangangasiwa. Sa bawat pangyayari, ang usapin ay pinagpapasyahan ng kung sino ang pinakikinggan ng umuugit sa kapangyarihan pulitikal. Sa panahon ni De la Torre, nanaig ang mga sekulars, subalit sa paghahalili ni De Izquierdo, namayagpag ang mga relihiyosong order. Sa panahong ito tumampok ang  mga paring sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora, tumanyag bilang GOMBURZA,  mga namumunong boses ng nasyonalismo sa hanay ng mga katutubong kaparian.

            Sa mga gawain ng tatlong pari, sangkot ang nakatatandang kapatid ni Rizal na si Paciano. Upang iiwas ang mga sarili sa pagkakasangkot na ito, minrapat ng pamilya na palitan ang kanilang apelyido, na kung kaya samantalang ang apelyido ng pamilya ay “Mercado”, ito ay naging Rizal, mula sa “Ricial” o ang luntian ng isang papalagong halaman. Ang pagpalaot ni Rizal sa Madrid upang doon magtapos ng medisina ay bunga pa rin ng pangangailangang makaiwas sa sigalot na nilika ng sekularisyon ng simbahan.

            Wala pang isang taon mula sa kanyang pagkakaupo, pinairal ni Izquierdo ang mga patakaran na tunay na nakapagpasiklab sa paghihimagsik ng mga mamamayan. Kabilang dito ang pagpapanumbalik sa puwersahang pagpapatrabaho na noong Enero 20, 1872 ay humantong sa nakilala bilang Cavite Mutiny. Nag-alsa ang 200 rekrutang sundalo bilang protesta sa pagkaltas mula sa kanilang sahod ng halagang dapat ay ipinagtrabaho nila ng libre. Ang mga paputok sa selebrasyon ng pista sa Sampalok nang gabing iyun ay ipinagkamali  ng mga sundalo na siyang hudyat ng myutiny naman ng mga sundalo sa Intramuros, na kung kaya ipinasya na nila itong sabayan.

            Bigong-bigo ang Cavite Mutiny. Apatnapu’t isa ay binitay, labing-isa pa na sentensiyado ng kamatayan ay naibaba sa habambuhay na pagkabilanggo
.
            At pinaratangan at napatunayang nagkasala ng pamumuno sa paghihimagsik ay ang tatlong paring Gomburza, na binitay sa pamamagitan ng garrote. Maraming mayayaman ang idinawit ng administrasyon ni Izquierdo sa Cavite Mutiny at ipinatapon sa mga Isla ng Marianas at kinalaunan ay tumuloy sa mayayamang pook tulad ng London at Madrid. Sa Madrid nagsimula ang kilusan na bagama’t bunsod na ng papalagong kaisipang makabansa ay nakakulong pa rin sa repormistang paghingi ng mga kaluwagan lamang sa ilalim pa rin ng kolonyal na pangangasiwa.

            Magbibinatilyo pa lamang si Rizal nang maganap ang Cavite Mutiny subalit malalim na itong tumatak sa kanyang pag-iisip tungo sa paghubog ng makabansang kamalayan. At nang magtungo na siya sa Madrid noong 1882, naging tampok siya sa hanay ng mga propagandista dahil sa kanyang mga sulatin. Sa isang liham na ipinadala ni Rizal sa kanyang kapatid, ikinawing niya ang tagumpay ng kilusang propaganda sa pananalo ng isang nagngangalang Sagasta bilang pinunong ministro ng Espanya. Nabigo ang naturang tao na maluklok sa puwesto at sa gayon ganun din ang mga plano ng kilusang propaganda.

            Ganap ang kabiguan ng Kilusang Propaganda nang sa wakas ay bumalik sa Pilipinas si Rizal noong Hunyo 1892. Subalit patunay na hindi pa rin siya bumibitiw sa kanyang repormistang paninindigan ay ang pangyayari na bago pa man siya dumaong sa Pilipinas ay nakapagparating na siya ng kahilingan Kay Gobernador Heneral Eulogio Despujol na payagan siyang magdala ng isandaang libong mamamayan ng Pilipinas upang siya niyang ipagtayo ng Kolonya ng mga Pilipino sa Borneo. Kapit-patalim pa rin si Rizal na namnamin uli ang kalagayang kinagisnan na ang kanyang pamilya ay tinitingalang mga panginoong maylupa. Sa katunayan ito ang nag-iisang sustansya ng kanyang dalawang aklat – ang Noli Me Tangere, sinulat 1882-1887, at El Filibusterismo, sinulat 1891-1892 – na ang mga kahingiang reporma sa pamamalakad sa kolonyal na kaayusan sa Pilipinas at representasyon ng mga Filipino sa cortes ng Espanya ay nakaugat sa pagpapanumbalik sa pribilehiyo ng mga propagandista na mag-angkin ng malawak na lupain.

            Ang pagbabalik ni Rizal sa Pilipinas mula sa bigong kilusang propaganda sa Espanya ay may higit na malaking kahulugan kesa sa ipinakikita sa mga litaw na nagaganap. Dumaong siya sa Maynila Hunyo 26, subalit sa halip na tumuloy sa tinubuang Calamba, Laguna ay tumuloy sa Hotel Oriental sa Binondo na doon ay madalas siyang makipagpulong kay Maximo Viola hinggil sa negosasyon kay Gobernador Heneral Eulogio Despujol sa pagtatayo ng kolonyang Pilipino sa Borneo. Kinagabihan nakasalamuha niya sa isang piging na inihanda ng isang mestizong Tsino na si Don On-junco ang mga personalidad na apat na taon pa ang daraan ay pawang darakpin ng mga awtoridad na Kastila bilang mga kasangkot sa himagsikan ng Katipunan. Kinabukasan bumiyahe siya sa Gitnang Luzon (Bulacan, Pampanga at Tarlac), at kung ano man ang naging kanyang adyenda sa mga pakikipagpulong sa naturang biyahe ay walang mga tala na agad ay maaaring mahanap. Sapat nang malaman na ang mga pakikipagpulong na ito ay siya niyang agad na pinagbuhusan ng atensyon. Hapon na nang sumunod na araw nakabalik si Rizal sa Maynila. At kinabukasan, nakipagkita siya kay Despujol upang talakayin ang proyekto sa Borneo, na malakas na kinontra ng huli. Pinabalik si Rizal nang sumunod na Linggo (Hulyo 3, 1892) na noon ay pinal nang tinanggihan ni Despujol ang panukala ni Rizal ukol sa kolonyang Pilipino sa Borneo.

            Kinagabihan nang araw na iyun naganap sa Calle Ylaya ang pinal na makasaysayang pulong upang sa wakas ay ganap nang angkinin ng mga Pilipino ang kabansaan ng Pilipinas – ang pulong-pagtatatag ng La Liga Filipina.

            Nangulo sa pulong si Rizal. Ang paksang usapin ay hindi na ang paghingi ng reporma sa kolonyal na pamamalakad sa Pilipinas kundi ang pagkalas na sa Espanya sa pamamagitan ng sandatahang himagsikan at pagtatayo ng nagsasariling Bansang Pilipinas. Itinatag ang Liga bilang siyang samahan na babalikat sa pagsasakatuparan ng armadong pakikibaka laban sa Espanya.

            Binubuo ang Liga ng dalawang saray. Nasa itaas ang Cuerpo de los Compromisarios, kinabibilangan ng mayayamang Filipino at pinamumunuan ng isang Don Francisco Roxas Chua; nasa ibaba naman ang mga indio na bumubuo sa samahang makikilala bilang Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KATIPUNAN, na pinamunuan naman ni Andres Bonifacio.

            Alinsunod sa mga napagkasunduan sa La Liga Filipina, pangangatawanan ng Cuerpo de los Compromisarios ang pangingilak ng pondo upang ipambili ng sandata at iba pang lohistika ng himagsikan, samantalang babalikatin naman ng Katipunan ang pag-oorganisa ng mga manghihimagsik sa buong kapuluan.


            Nakarating sa kaalaman ng mga awtoridad ang pagkatatag ni Rizal sa La Liga Filipina. Noong Hulyo 7, 1892 laman ng mga pahayagan ng Maynila ang kautusan ni Despujol para sa pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan. Alas onse ng gabi, isinakay si Rizal sa SS Cebu upang bumiyahe na sa kanyang katatapunan sa Dapitan.

            Mula sa reporma, bumaling si Rizal sa rebolusyon.

Tsapter V
PUWERSA ANG KOMADRONA

                Sinabi ni Sun Tzu: “Huwag mong kagipitin ang ang isang desperadong katunggali.”      

            Kay Sun Tzu ang pagwawagi sa digmaan ay hindi nangangahulugan ng pagdurog sa kaaway; balintuna, higit na magaan ang pagwawagi kung sa pagtatamo ng tagumpay ay mapananatiling buo ang kaaway. Alinsunod sa prinsipyong ito, lagi nang pagmamando ni Sun Tzu na huwag na huwag ilalagay ang kaaway sa isang posisyon na patay-kung-patay, sapagkat sa ganitong kalagayan lalaban at lalaban ang kaaway sukdulang ikasawi ng kanyang buhay. Sa ganitong kalagayan nasadlak ang Katipunan pagpasok ng 1896.


            Patunay na ang mga pangyayari ay pabor sa pinal na pagbaling ni Rizal mula sa reporma tungo sa rebolusyon, ang pagkakapatapon sa kanya ay hindi naging balakid sa pagsasakatuparan ng mga napagkasunduan sa Liga. Pursigidong inorganaisa ni Bonifacio and Katipunan hanggang hindi lang sinaklaw na nito ang buong Luzon mula Ilokos hanggang Bikol kundi natagos na rin nito ang Kabisayaan sa pagpasok ng 1896.


            Sa ganang Los Compromisarios naman, tumalima rin ito sa kasunduan sa Liga, gaya ng napatunayan din ni Bonifacio na nakaalam sa pagdaong sa Maynila ng isang barkong Hapones na may lulan na mga armas na nakapangalan kay Don Francisco Roxas Chua. Sa mga unang buwan na iyun ng 1896, ang mabilis na paglaganap ng Katipunan ay naamuyan na ng mga awtoridad, kung kaya minarapat ni Bonifacio na hingiin na ang mga armas. Subalit tumangging opisyal na makipag-usap sa kanya ang Kapitan ng barkong Hapones.Dahil dito kung kaya sinugo ni Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela kay Rizal sa Dapitan upang pasabihan ito na handa nang maghimagsik ang Katipunan at kailangan na ang armas ayon sa mga napagkasunduan sa pulong-pagtatatag ng La Liga Filipina.
  

            Subalit ang mga kalagayan sa panig ni Rizal ay muling humingi ng mga pagbabago. Sa apat na taong pagkakapatapon sa kanya sa Dapitan, muling nagkaroon ng kaunlaran ang kanyang buhay. Malawak ang lupaing napaunlad niya sa produksyong agrikultural, mga pananim at alagang hayop, na tampok pa rito ay ang isang makabagong patubig na kanyang itinayo.Tinatayang sa panahon ng pagdalaw ni Dr. Pio Valenzuela, ang kabuhayang naipundar ni Rizal ay hindi bababa ang halaga sa P 1 milyon. Sa kalagayang ito maaaring husgahan ang pag-aatubili ni Rizal na sumang-ayon sa mensaheng taglay ni Valenzuela mula kay Bonifacio.

            “Kung ganun ay tumubo ang binhi,” ulat ni Valenzuela na siyang winika ni Rizal bilang reaksyon sa pasabi ni Bonifacio.


            Ganun pa man, taliwas sa maraming tala ng mga historyador sa pangyayaring iyun, hindi tumutol si Rizal sa pinal na pagpapasabog sa rebolusyon. Ang kondisyon na hiningi niya upang sang-ayunan ang paghihimagsik ay ang papamunuin dito si Antonio Luna. Bagay na ikinagitla ni Bonifacio.


            “Putanginang Rizal,” o mga kahalintulad na pananalita ang nawika ni Bonifacio sa ulat ni Valenzuela tungkol sa kondisyong ibinigay ni Rizal. “Sino ang nagsabi sa kanya na kailangan ang armas upang magkaroon ng rebolusyon?” 
          
            Kauna-unawa samakatwid na nang sa wakas ay matuklasan ng mga awtoridad ang Katipunan dahil sa pangungumpisal ng babaing kapatid ng isang katipunero, si Bonifacio at ang kanyang mga tauhan ay napilitang magbalikwas na ang tanging gamit ay mga itak at sibat na buho.

            Tumangging isuko ni Bonifacio ang liderato ng himagsikan; tumangging ibigay ni Rizal ang mga armas na hawak ng mga kompromisaryos.


            Sa una pa man, ipinaalaala na natin sa unahan na ang proletaryado at burgesya sa Pilipinas ay kambal na isinilang, magkaputol sa pusod ngunit magkatunggali sa kani-kaniyang pagkilos upang makapangibabaw sa kolonyal na kaayusan ng Pilipinas. Ang Rebolusyoing 1896 ay siyang kauna-unahang pagsiklab ng tunggalian sa pagitan ng uring manggagawa at uring kapitalista mismong sa punto ng pagluluwal ng bagong lipunan mula sa sinapupunan ng lumang piyudal na kolonyal na kaayusan.


            “Puwersa ang komadrona ng bawat lumang lipunan na nagbubuntis ng bago.” Walang pasubali ang paghahayag na ito ni Marx. Ke me armas, ke wala, magbabalikwas ang proletaryodo na ang tanging sandata ay ang iwing bayolenteng katapangan. Nagsimula ang Rebolusyong Pranses sa pamamagitan ng pananalakay ng sambayanan na armado lamang ng mga piko, pala, kalaykay, palakol at kung anu-ano pang mga pamaluka upang palayain ang mga bilanggo ng Bastille, ang pambansang piitan ng Pransya. Wala ni anomang armas ang mga manggagawa ng Paris nang agawin ng mga ito ang kapangyarihang pulitikal ng siyudad at pairalin ang makasaysayang Komuna ng Paris.

            Sa pagtanggi pa lamang ni Rizal na ibigay kay Bonifacio ang napagkasunduang mga armas sa Liga, ibayong panggigipit na ito sa Katipunan. Isipin ang tila bulkang umaalburuto na damdamin ng mga katipunero na pagkaraan ng apat na taong masinop na pag-oorganisa na sakbibi ng pag-asang lumaya ay eto pala’t pagkakaitan lamang ng sandatang kailangan sa asam na paglaya. Idagdag pa rito ang panggigipit naman ng mga awtoridad na pagkaraan ng pangungumpisal ng babaing kapatid ng katipunero ay sumulong sa pag-aresto ng daan-daang pinaghihinalaang kasapi ng Katipunan. Tunay na naisiksik na sa pader ang mga kawawang maghihimagsik. Kahit mga hayop ang ganituhin mo, tiyak na sasakmal.

             Noong Agosto 22, 1896 nagtipon sa Pugadlawin ang may 500 katipunero at naglakbay papuntang Balintawak upang sa pamamagitan ng pagpunit ng kanilang mga sedula ay iproklama ang pambansang paghihimagsik laban sa Kolonyalismong Kastila – ang makasaysayang Sigaw ng Balintawak noong Agosto 25, 1896.

            Kung naging higit na maingat ang mga Kastila sa pag-aaral sa sitwasyon, dapat nilang napag-alaman ang mga sumusunod:

            Una, hindi handa ang Katipunan sa isang malawakang pag-aalsa kung pag-uusapan ang lohistika, partikular ang armas. Maraming kilos ang maaaring nagawa upang pigilin ang pagsiklab ng paghihimagsik kung sakaling matuloy man ito sa hinaharap
.
            Pangalawa, hindi pa solido ang liderato ng himagsikan, tulad ng di-pagkakasundo sa pagitan ni Rizal, kumakatawan sa mga ilustrado, at Bonifacio, sa Katipunan. Nang magsimulang mang-aresto ang mga awtoridad sa pagkatuklas ng Katipunan, karamihan sa mga ilustrado ay nagsilikas sa loob ng Intramuros, nagpapahayag ng katapatan sa Espanya. Isa na rito ang lalaking ninais ni Rizal na papamunuin sa rebolusyon – si Antonio Luna.

            Pangatlo, isang masinop na paniniktik ang tanging kailangan upang alamin ang adyenda ng rebolusyon at magsagawa na mga kailangang hakbang upang pigilin ang pagsabog nito. Yaman din lamang at madali nang alamin kung sinu-sino ang sangkot sa planong paghihimagsik, maaaring gumawa ng sistematikong pagnyutralisa kapwa sa hanay ng mga lider ng himagsikan sa layuning alisan ito ng ulo at gayundin sa hanay ng masang kasapian sa layuning pagkaitan ito ng katawan.

            Sa kambal na panggigipit na iyun ni Rizal at ng mga awtoridad na Kastila, naganap kay Bonifacio at sa mga katipunero ang pinakaiwas-iwasan ni Sun Tzu na paglagyan sa isang kaaway: ang pakibabakang buhay-at-kamatayan. Sa ganitong kalagayan, lumalabas ang lahat ng tapang ng isang mandirigma na kung kaya siya ay walang katalo-talo.

            Mula sa puntong iyun, wala nang ibang patutunguhan pa ang kolonyal na kapangyarihan sa Pilipinas kundi ang pagbagsak.

            Maraming historyador ang tumatawad sa tunay na kahalagahan na tinamo ng pananalakay ni Bonifacio kasama si Emilio Jacinto sa garrison ng mga gwardiya sibil sa San Juan del Monte, na nabigo nilang sakupin, di tulad di-umano ng matatagumpay na pagsakop ni Emilio Aguinaldo sa mga kuta ng Kastila sa Cavite. Hindi inuunawa ng maraming ito na ang pananalakay nina Bonifacio at Jacinto sa San Juan del Monte ay siyang, ayon sa salita ni Mao Tse Tung, maliit na kislap ng apoy na nagpanimula ng lagablab ng sunog sa buong kaparangan.

            Sa pagpasok ng 1897, ang mga sangay ng Katipunan na itinatag ni Bonifacio sa loob ng apat na taon ay nangagsipamayani na rin laban sa mga Kastila sa kani-kaniyang pook na nasasakupan.

            Tanging ang napapaderan na siyudad ng Intramuros ang hindi pa bumabagsak sa kamay ng mga Katipunero. Sa panuntunan ni Sun Tzu, ito ay isang magandang bagay. Aniya, “Samakatwid ang pinakamataas na anyo ng pagiging heneral ay ang biguin ang mga plano ng kaaway; ang kasunod na pinakamataas ay ang pigilan ang pagsasama-sama ng mga puwersa ng kaaway; kasunod nito ay ang pag-atake sa hukbo ng kaaway na nasa larangan; at ang pinakamasamang patakaran ay kubkubin ang mga napapaderang siyudad.”

            “Bilang patakaran,” paalaala ni Sun Tzu, “huwag kubkubin ang mga siyudad na napapaderan  hangga’t maaari din lang itong iwasan.”

            Eksaktong ipinanghuli ni Bonifacio ang pagsakop sa Intramuros. At dito, ang masasabi ni Sun Tzu ay ganito: “Samakatwid inilalagay ng isang matalinong mandirigma ang sarili sa isang posisyon na imposible siyang mabigo at hindi niya kinakaligtaan ang sandali na gapiin ang kaaway.” Kung saang posisyon inilagay ni Bonifacio ang sarili na doon ay ibibigwas ang panghuling ulos sa kolonyalismong Kastila ay kaunaunawang hindi niya ipinaalam. Lahat ng magagaling na heneral ay  sinasarili lamang ang kanilang mga plano hanggang sa sandali ng pagsasakatuparan nito. Sa bisperas ng Labanan ng Waterloo, tinanong ang Duke ng Wellington kung paano niya iniisip na gapiin si Napoleon Bonaparte. Sagot ng Duke sa nagtanong: “Paano kita sasagutin ngayon sa katanungan mo gayong isusulpot lamang ang kasagutan mula sa kung ano ang gagawin ng kaaway sa kinabukasan pa.” Ang wika ni Sun Tzu tungkol dito ay ito: “Ang pangalagaan ang ating mga sarili laban sa pagkabigo ay nasa ating mga kamay, subalit ang pagkakataon na gapiin ang kaaway ay ipinagkakaloob ng kaaway mismo.”

            Umabot na si Bonifacio at ang Katipunan sa yugto  na sasamantalahin na lamang nila ang pagkakataong ipagkakaloob ng kolonyalismong Kastila mismo para sa sarili nitong pagkagapi
.
            Samantala, saan namang posisyon inilagay ni Rizal ang sarili. Habang ang buong Luzon at iba pang panig ng kapuluan ay nagliliyab sa apoy ng himagsikan, si Rizal ay papalaot papuntang Cuba upang manilbihan bilang medico ng Hukbong Kastila sa pananalasa nito sa mga rebeldeng Cubano. Kaipala’y agarang inialok ni Rizal ang sarili sa ganung paninilbihan nang namiminto nang mabunyag ang Katipunan at siya ay madadawit sa pagsabog ng himagsikan. Hindi na siya nakarating pa ng Cuba. Tulad ng kanyang pinangambahan, dawit siya sa sumiklab na paghihimagsik at siya ay ipinaaresto, pinabalik sa Pilipinas, ikinulong sa Puerto Santiago, nilitis, sinentsyahan ng kamatayan, at sa wakas ay binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896. Sa paglilitis na naganap, ipinagdiinan ni Rizal na wala siyang kinaalaman sa rebolusyon. Tama siya roon. Ang sumiklab na himagsikan ay rebolusyon nina Bonifacio at ng Katipunan. Subalit binaril pa rin si Rizal sa Bagumbayan. Tama rin dito ang mga kolonyalistang Kastila. Si Rizal ang nag-organisa ng rebolusyon sa pamamagitan ng La Liga Filipina.

            Leksyong moral sa palaisipang ito: Huwag kang lilikha ng tigre upang sakyan para sa iyong pansariling kapakanan. Kawikaan na sa matandang Tsina, “Ang sumakay sa tigre ay nauuwi sa bunganga ng tigre.”