Sabado, Enero 5, 2013


Tsapter XI
KIDLAT MULA SA LUPA NG PAPATAAS NA ARAW

            Ang pulang bilog sa eksaktong kalagitnaan ng nakapaligid na puti ay simbolo ng papataas na araw na sumasagisag sa bansang Hapon. Sinasabi ng isang alamat na isang watawat na may ganung simbolo ang ipinagkaloob ng isang pari ng  Nicheren  sa Shogun ngTokugawa upang magamit na sagisag ng pakikipagdigma sa mga mananalakay na Monggol noong mga huling dekada ng ika-13 siglo. Noong 1868, panahon ng Pamahalaang Meiji, ipinag-utos ang paggamit sa bandila sa mga barkong pangkomersyo at pandigma ng Hapon. Sa gamit pangmilitar, ang pulang bilog ay nagtataglay ng 16 na silahis; hindi ito dapat ipagkamali sa pambansang watawat na ang pulang bilog ay walang mga silahis.

            Ang pulang bilog na may 16 na silahis ang namumukod na tatak ng mga barko,  eroplano, tangke at iba pang mga sasakyang pandigma na nagdala ng mga pananalakay na Hapones sa  Rusya at Tsina simula noong ikatlong dekada ng ika-20 siglo at sa buong Timog Silangang Asya kabilang ang Pilipinas makaraang pulbusin ng mga eroplanong Hapones ang  Pacific Fleet ng Hukbong Pandagat ng Amerika sa Pearl Harbor sa Hawaii noong 1941.

            Ang pagdurog sa Pearl Harbor ay, sa katunayan, siyang nag-iisang kaganapan upang ang mga digmaang nagliliyab na sa panahong iyon sa Europa at ilang bahagi ng Aprika ay sumiklab sa isang pangmundong mga paghahamok –  ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

            Kalunos-lunos man, ang pandaigdigang digmaan ay maningning na nagsalarawan sa mga prinsipyong laman ng Sining sa Pakikipagdigma ni Sun Tzu.

            Sinabi ni Sun Tzu:  “Ngayon ang isang heneral na nagwawagi sa isang labanan ay gumagawa ng maraming kalkulasyon sa kanyang templo bago ang labanan. Ang isang heneral na nagagapi sa labanan ay bahagya nang gumagawa ng kalkulasyon bago ang labanan. Na kung kaya ang maraming kalkulasyon ay tumutungo sa tagumpay at ang kakaunting kalkulasyon ay tumutungo sa kabiguan: ano pang higit na pagkabigo kung wala ni anomang kalkulasyon! Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa puntong ito ko masasabi sa una pa man kung sino ang malamang na magwawagi at kung sino ang magagapi.”

            Bago ang Disyembre 7, 1941, maingat na napangalagaan ng Amerika ang kanyang neutralidad sa mga nagaganap na konprontasyon, bagama’t nagpairal na ito ng economic blockade laban sa Hapon  bilang tugon sa pananalakay na nito sa Indotsina.  Sa pagitan ng mga nagbabanggaang puwersa sa Europa (Aleman at Rusya), tusong naging taga-supply lamang ang Amerika ng mga kagamitang pandigma na napakagandang negosyo.

            Amerika ang paboritong takbuhan ng mga bansa para sa mga pangangailangan sa digmaan at madali rin namang makuhanan ng mga ito hangga’t may salapi rin lamang na maipambabayad. Sa panahong iyon nauso ang mga salitang “cash and carry”, na ibig sabihin “bayaran mo at bitbitin”.

          Kung gaano kawala ng kahandaan ang Estados Unidos sa pananalakay sa Pearl Harbor ay ipinakikita
ng mga sumusunod na pananaliksik
:
            “Nang mga panahong iyon, ang Gran Britanya ay problemado sa Hilagang Aprika, at nagdanas ng mabibigat na pagkalugi sa negosyong pandagat sa Atlantika dulot ng mga pananalakay ng mga submarinong Aleman. Ang Unyong Sobyet naman ay nakikihamok sa pananalasang Aleman na namiminto na sa Moscow. At ang Estados Unidos ay wala sa kalagayan na pumasok sa anomang pakikipagdigma. Binubuno pa ni Pangulong Franklin Delano Roosevelt ang kahirapang bunga ng depresyon ng Dekada 30, at pangamba niya na ang pagpasok sa digmaan ay maaaring lumikha ng mga pag-aalsa sa lipunan.  Hindi maunawaan ng mga kapitalista sa langis at ang mga tagapagtanim ng mais ang pangmundong katangian ng digmaan sa Europa at ang kahalagahan nito para sa kinabukasan ng Estados Unidos. Wala silang kaalaman hinggil sa Nazism; hindi nagkataon lamang na kabilang sa mga tagapagtaguyod ni Adolf Hitler sa pagsunggab ng kapangyarihan sa Alemanya ay malalaking korporasyong Amerikano na tulad ng AT&T, IBM, General Motors, Shell Oil, Dupont, Dunlop at maraming iba pa. Isang malaking giyerang Europeo lamang ang tingin nila sa sagupaan sa Dulong Kanluran at inisip nila ang tutubuin dito. Mabilis ang kita sa pagbebenta ng mga armas at supply sa kapwa panig ng labanan, subalit hindi nila nakita nang maaga ang mga desisyong magaganap sa Hapon. Hindi inasahan kahit na ni Roosevelt ang isang atake na walang deklarasyon ng digmaan, kung kaya teribleng sorpresa na nangyari ang Pearl Harbor. Halos buong Pacific Fleet ay nakadaong sa Pearl Harbor noong Disyembre 7.

            “Ang mga puwersang Hapones ay umiinog sa anim na pinakamodernong aircraft carriers o mga barkong lulanan ng mga eroplanong pandigma; inaaalalayan ng dalawang mabibigat na cruiser o barkong panagupa, tatlong magagaan na barkong panagupa, at siyam na barkong pangwasak. Kasama pa rin ang limang maliliit na submarine, na hindi na pinakinabangan pa sa labanan. Ang pananalakay ay ginawa tanging sa pamamagitan ng mga sasakyang panghimpapawid. Nang ang mga puwersang Hapones ay nasa layo nang 100 milya mula sa target, nakatanggap sila ng isang mensahe na nakakodigo: ‘Nitaka-yama nobore! (Akyatin ang Bundok Nitaka!)’, at 350 pambombong eroplano ang sumahimpapawid mula sa mga aircraft carrier. Ang unang mga bomba ay bumagsak sa mga airport at ganap na pumilay sa hukbong panghimpapawid ng Amerika. Sa loob ng kinse minutos, winasak nila ang 190 mga eroplano sa lupa; 150 iba pa ang napakatinding nasira kung kaya ni hindi na nagawa pang lumipad upang makihamok. At nang matauhan na ang mga Amerikano, nagkandakahog sila na mapalipad ang 40 eroplano para humabol sa kaaway, subalit huli na ang lahat.

            “Habang ang unang bugso ng pananalakay na Hapones ay nagtatagumpay, isang masiglang mensahe ang narinig sa radyo: ‘Tora! Tora! Tora! (Tigre! Tigre! Tigre!)’ Iyon ang nakakodigong atas sa sumunod na mga bugso ng pananalakay sa daungan na naroroon ang 70 barko, mula sa pinakamalalaki hanggang sa pinakamaliliit, na nakahilera na parang walang giyerang nagaganap
.
            “Nawasak ang dalawang pinakamodernong barkong pandigma, ang Arizona at Oklahoma. Sumambulat ang una kasama ang kanyang 1200 tauhan; lumubog ang huli, na naging libingan din ng buo niyang mga tauhan. Tatlong iba pang barkong pandigma ang nawasak at hindi nagamit pa sa loob ng maraming taon. Ang natitirang tatlo pa ay nagtamo ng malaking kasiraan. Nasira rin ang tatlong barkong pang-alalay at barkong pangwasak. Isang malaking hukbong pandagat ay halos nawalan ng buhay sa loob ng dalawang oras – ang itinagal ng tatlong bugso ng mga pananalakay ng magagaang eroplanong pambomba. Ang mga Hapones ay nawalan ng dalawampu’t siyam na eroplano at limang maliliit na submarine.

            “Sa kabutihang palad wala noon sa Pearl Harbor ang tatlong carrier, isang barkong pandigma at anim na barkong pang-alalay ng Amerika at nakaiwas sa mga pangwawasak.

            “Subalit hawak ng mga Hapones ang sampung makabagong aircraft carrier at sampu pa ring makabagong barkong pandigma, at sa pagsapol nila ng kalamangan sa himpapawid ay nanatili silang mga panginoon sa estratehikong kalagayan sa karagatan, at siniguro ang pananagumpay sa mga susunod pang operasyon sa Timog Silangang Asya.

            “Di katagalan bago ang pananalakay sa Pearl Harbor iniulat ng isang radar station ang papalapit na mga saksakyang panghimpapawid, subalit ang ulat ay binalewala – hindi naniniwala ang mga Amerikanong staff commander sa ganung mga  imbentong “magic”. Isang oras matapos ang pananalakay naniniwala pa rin ang mga local na naninirahan na iyon ay mga pagmamaniobra. Tatlong minuto makaraan ang pagsabog ng bulkang Haponese nakatanggap ang Departamento ng Hukbong Pandagat sa Washington ng isang madramang mensahe mula sa Honolulu: Air raid Pearl Harbor. This is not drill.  Alam na alam ng mga opisyal sa Departamento ng Hukbong Pandagat na iyon ay hindi nga maaaring maging drill lamang, subalit nag-inat na lang sila sa kawalan ng magawa.

            “Ang teknikal na posibilidad ng palihim na atake ng kaaway sa Pearl Harbor ay halos pinatunayan nang totoo ng mga maniobra ng 1927, subalit wala ni anomang ginawa upang pigilin ang pangwawasak ng Hapones at wala ni sinoman ang may alam kung ano ang gagawin.

             “Para sa criminal na di-pagganap sa tungkulin, ang  commander-in-chief ng Pacific Fleet, si Admiral Husband Kimmel, ay tinanggal sa puwesto. Hinalinhan siya ng magaling at masiglang si Admiral Chester William Nimitz.”

            Totoong hindi kulang sa mga palatandaan na ang pagwasak sa plotilyang pampasipiko ng Hukbong Dagat ng Amerika ay mataas na prioridad para sa Hapon. Nagbigay na ng warning ang Hapon sa matinding bagay na maaari niyang gawin kung hindi aalisin ng Amerika ang economic blockade na ginawa nito bilang pagtutol sa pagsakop ng Hapon sa Indotsina. Hiningi rin ng Hapon na tigilan na ng Amerika ang pagsuporta sa Tsina.

            Lahat ng mga kahingiang ito ng Hapon ay tinanggihan ng Amerika, bagay na sa praktikal na pagsasaalang-alang ay maaasahan lamang na magbunga ng pagliliyab ng damdaming Hapones. Bukod pa sa pangyayari na sadyang ginagatungan ng Alemanya ang pagiging mapandigma ng Hapon upang papanghinain ang Unyong Sobyet sa entablado ng Europa.

            Ang patakarang di-pakikialam ni Roosevelt sa digmaan ay hindi ganap na pumipigil kay Kimmel upang magsagawa ng mga hakbang ayon sa mga kongkretong kalagayan. Sinabi ni Sun Tzu: “Magwawagi siya na may kakayahang militar at hindi napakikialaman ng naghahari.” Subalit ang kabuuang pagiging kampante ng Amerika sa harap ng mga pangmundong paghahamok ng mga bansa ay siya ring aktitud ni Kimmel hanggang sa araw na iyon ng Disyembre 7
.
            Sa pelikulang “Pearl Harbor”, si Kimmel ay ipinakikitang nakahandang ipasok ang bola sa butas sa larong golf nang mailang siya ng rumaragasang pagdating ng isa niyang ayudante, nakamarka sa mukha na may sasabihing balita.

            Ngayon, doktrina sa golf na huwag na huwag mong iilangin ang isang manlalaro na nakaambang magpasok ng kanyang bola sa butas. Kaya nang mailang si Kimmel ng humahangos na pagsugod sa kanya ng ayudante, inihanda niya ang kanyang club upang ihambalos dito oras na magkamali sa pagsasalita.

            “It had better be good,” usal ni Kimmel sa sarili.

            Tulad ng alam na ng lahat, ang naganap ay kasaysayan. Nang ituro si Kimmel ng kanyang ayudante sa kalangitan, natulala siya sa daan-daang eroplanong pambomba ng Hapon, lumilipad patungo sa pagwasak ng plotilya na sa mga oras na iyon ay ipinagpalit niya sa kasiyahang dulot ng golf.  

            Sinabi ni Sun Tzu: “Ang digmaan ay isang bagay na hindi dapat na pinaglalaruan.”

            Litaw ang intensyon ng Hapon na dominahin ang Dulong Silangan upang gawing palengke ng sobrang produkto ng kanyang mga empresang industriyal. Mula nang sa pamamagitan ng pananalakay pangkaragatan ni Commodore Perry ay puwersahang pabuksan ng Amerika ang Hapon noong 1854 at sa gayon ay ipaloob ito sa pandaigdigang pangangalakal,  ang lupa ng papataas na araw ay sinaksihan ng kagila-gilalas na modernisasyon na sa pagpasok ng ika-20 siglo ay nagbunga sa bansang Hapones bilang isang pangmundong kapangyarihang ekonomiko.

            Sa larangang militar, tumaas ang kilay Hapones nang daigin nito ang Rusya sa digmaan noong 1904-1905 at sinakop ang mga isla ng Sakhalin, Kuril at Port Arthur. Sinundan ito ng pakikirambulan ng Hapon sa mga puwersang Europeo sa pangongolonya sa Tsina, na nagbunga sa pagsakop sa Okinawa at Formosa (Taiwan), kadikit ng pananalakay sa Korea, at papasok sa Tsina, humantong sa pagsakop sa Machuria at Mongolia. Kinalaunan, naipilit ng Hapon sa pamahalaang Vichy ng Pransya ang  pagsakop sa French Indochina (Laos, Vietnam, Cambodia).

            Pagpasok ng dekada 40, natamo na ng Hapon ang kaunlarang idustriyal na nagresulta  sa sobrang kalamangan sa kalakalan sa mga bansang kanluranin tulad ng Amerika, Gran Britanya at Pransya. Para sa makakapangyarihang mga bansa ng kanluran, matindi nang pasakit ito, dagdagan pa ng pakikipag-agawan na ng Hapon sa mga palengke ng dulong Silangan –  pakikipag-agawan na sinasalamin sa ideyang inilalako ng Hapon: “Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.”

            Plano sa nasabing ideya na kunin ng Hapon ang Malaya at ang Netherlands East Indies bilang mga kuhanan ng mga hilaw na sangkap. At bahagi ng planong ito ang pananakop ng Hapon sa Pilipinas sa pamamagitan ng  Southern Expeditionary Army Group.   
                       
                Binuo ang nasabing armi noong Nobiyembre  6, 1934,  na kinokoman ni Konde Heneral Hisaichi Terauchi, dating Ministro sa Pakikipagdigma. Inatasan itong maghanda para sa digmaan oras na hindi matamo ng Hapon ang mga hinihingi nito sa mga pakikipag-usap sa Amerika. Sa ilalim ng koman ni Terauchi ay sampung dibisyon at tatlong pinag-isang mga brigada, kabilang ang 14th Army. Sabay na isasagawa ang mga operasyon laban sa Pilipinas at sa Malaya ayon sa atas ng General Headquarters.

            Ang pananakop sa Pilipinas ay may tatlong layunin:

1.Pigilan ang paggamit sa Pilipinas bilang abanteng base ng operasyon ng mga  
   puwersang Amerikano.

            2.Manakop ng mga pook-lunsaran at base ng mga supply upang palakasin ang mga
               opersayon laban sa Netherlands East Indies.

            3.Pangalagaan ang mga linya ng komunikasyon sa pagitan ng mga nasakop na lugar sa 
               timog at ng Hapon.

            Iniatas ni Terauchi ang pananakop sa Pilipinas sa 14th Army, sa ilalim ng koman ni Lt. Gen. Masaharu Homma. Suportado ang mga operasyon sa lupa ng 5th Air Group, na nasa ilalim ni Lt. Gen. Hideyoshi Obata, na inilipat sa Formosa mula Manchuria. Ang pananalakay ng mga tropa na idadaong mula sa mga sasakyang pandagat ay isasagawa ng Puwersang Pampilipinas sa pamumuno ni Vice Admiral Ibo Takahashi, na gamit ang Imperial Japanese Navy Third Fleet, suportado ng nakabase sa lupang mga eroplano ng 11th Air Fleet ni Vice Admiral Nishizo Tsukahara.

            Dalawa ang dibisyon ng 14th Army sa unang linya ng mga dibisyon ng infantry, ang 16th at 48th, na siyang lulusob at sasakop sa Luzon, kasama ang 65th Brigade bilang puwersang nakabase sa lupa o garrison. Ang nakabase sa Formosa na 48th Division, bagama’t walang kasanayan sa pakikipaghamok, ay itinuring na isa sa pinakamahuhusay na yunit ng Hukbo ng Hapon,  ispesyal na sinanay sa mga operasyong pagsalakay mula sa mga barko papuntang dalampasigan, at siyang naatasang isagawa ang pangunahing paglanding sa Lingayen. Ang 16th Division, na naatasang dumaong sa Lamon Bay, ay isa sa mga nalalabi pang pinakamagagaling sa Hapon mismo , hinugot mula sa Ryukyu at Palau.

            Binubuo pa rin ang 14th Army ng 4th at 7th  Tank Regiment, limang batalyon ng artillery, limang batalyon ng anti-aircraft artillery, apat na kumpanyang panagupa sa tanke, at isang batalyon na gamit ay mortar. Isang di-pangkaraniwang malakas na grupo ng mga combat engineer ang kabilang sa puwersang suporta ng 14th Army.

            Para sa pananalakay sa Pilipinas, ang  Third Fleet ng hukbong pandagat ng Hapon ay pinalakas pa ng dalawang iskwadron ng barkong destroyer at isang dibisyon ng mga barkong cruiser mula sa Second Fleet, at ng aircraft carrier na Ryujo mula sa 1st Air Fleet.

            Ang pinagsamang lakas-panghimpapawid ng army at navy upang isuporta sa mga paglanding ay 604 na eroplano. Ang 11th Air Fleet ay binubuo ng 21st at 23rd Air Flotilla, na may pinagsamang lakas na 146 eroplanong bomber, 123 eroplanong fighter, 24 na eroplanong pangkaragatan, at 15 eroplanong pangrekorida.
            Mula sa Ryujo, dagdag pa ang 16 na eroplanong fighter at 18 eroplanong pantorpedo, at mula sa iba pang mga barko ay ang 68 na mga eroplanong pangkaragatan para sa mga paghahanap at pagmamatyag, bahagi ng kabuuang bilang na 412 eroplano.  Ang  5th Air Group ay binubuo ng dalawang rehimento ng mga fighter, dalawang rehimento ng magagaan na bomber at isang rehimento ng mabibigat na bomber, na sa kabuuan ay bumibilang ng 192 na eroplano: 81 bomber, 72 fighter, at 39 pangmatyag.

            Sa harap ng kasindak-sindak na kawalan ng paghahanda ng Amerika na ipinakita sa mga guho ng Pearl Harbor ay tila nakaguguluhiman ang kwenta ng kahandaan ng Amerika sa Pilipinas.

            Mula sa kalagitnaan ng 1941 kasunod ng tumaas na tensyon sa pagitan ng Hapon at malaking bilang ng iba pang kapangyarihan, kabilang ang Estados Unidos, Britanya at ang Netherlands, maraming bansa sa Timog Silangang Asya at sa Pasipiko ang nagsimulang maghanda para sa malamang na maganap na digmaan.

            Pagsapit ng Disyembre 1941, ang pinagsamang puwersa para sa depensa ng Pilipinas ay naorganisa na bilang US Armed Forces in the Far East (USAFFE), na kinabilangan na ng 1st Regular Division ng Philippine Army, 2nd (Constabulary) Division, at 10 dibisyon ng pinakilos na mga reserba, at ang Philippine Department ng Hukbo ng Estados Unidos. Mula sa pagkaretiro, pinabalik sa serbisyo si Heneral Douglas McArthur ng War Department ng EU at inilagay bilang kumander ng USAFFE noong Hulyo 26, 1941; nagretiro si MacArthur noong 1937 upang pangasiwaan ang pagreporma sa Philippine Army na sa kalakhan ay binubuo  ng mga reserbista na kulang sa mga kagamitan, pagsasanay at organaisasyon.

            Noong Hulyo 31, 1941 ang Philippine Department ay may 22,532 mga tropa, na kalahati nito ay mga Pilipino. Inirekomenda ni MacArthur na ilipat ng puwesto ang department commander na si Maj. Gen. George Grunert, at noong Octubre 1941 ay inako niya mismo ang koman ng Departamento.

            Ang kalakhang sangkap ng Departamento ay ang Philippine Division ng US Army, binubuo ng 10,500 mga tauhan na karamihan  ay mga yunit panagupa ng Philippine Scouts. Sa pagitan ng Agosto at Nobiyembre, ang Philippine Department ay higit pang pinalakas ng 8,500 mga tropa ng US Army Air Forces, at ng tatlong yunit ng National Guard, kabilang ang tanging armor, dalawang batalyon ng M3 light tank. Ang mga yunit na ito, ang 200th Coastal Artillery Regiment, 192nd Tank Battalion at 194th Tank Battalion, ay pinagsamasamang mga tropa mula sa New Mexico, Wisconsin, Illinois, Ohio, Kentucky, Minnesota, Missouri, at California. Noong Nobiyembre 30, 1941, ang pinalakas na Departamento ay binubuo na ng 31,095 tropa, kabilang ang 11,988  Philippine Scouts.

            Hinati ni MacArthur ang USAFFE sa apat na tactical command. Ang North Luzon Force, pinagana noong Disyembre 3, 1941 sa ilalim ni Maj. Gen. Jonathan Wainwrigth, ay dumepensa sa pinakamalamang na paglunsaran ng pananalakay sa mga dalampasigan at sa mga kapatagan ng Central Luzon. Ang mga puwersa ni Wainwright ay kinabilangan ng 11th, 21st at 31st Infantry Division ng Philippine Army, ng 26th Cavalry Regiment ng EU (isang yunit ng Philippine Scout), isang batalyon ng 45th Infantry (PS), at ng 1st Provisional Artillery Group na may dalawang hanay ng mga kanyong 144 mm at isang hanay ng 2.95 pulgadang (75mm) kanyong pambundok. Bilang reserba, ang Philippine 71st Infantry Division ay maaaring manduhan lamang kung pahihintulutan ni MacArthur
.
            Ang South Luzon Force, pinagana noong Disyembre 13, 1941, ay nasa koman ni Brig. Gen. George M. Parker Jr. at may kontrol sa isang zona sa silangan at timog ng Maynila. Nasa ilalim ni Parker ang 41st at 51st Infantry Division at ang 2nd Provisional Artillery Group na binubuo ng dalawang hanay ng US 86th Field Artillery Regiment (PS)
.
            Ang Mindanao Force sa ilalim ni Brig. Gen. William F. Sharp ay binubuo ng PA 61st, 81st, at 101st Infantry Division, na makaraang sumabog ang labanan ay pinalakas ng bagong kapapaganang 73rd at 93rd Infantry Regiment
.
            Ang 61st Division ay nakatalaga sa Panay, ang 81st sa Cebu at Negros, at ang 101st sa Mindanao. Noong Enero, ang pang-apat na dibisyon, ang 102nd, ay nilikha sa Mindanao mula sa mga rehimentong panganyon ng 61st at 81st na kumikilos bilang infantry, walang taglay na mga kanyon, at ang 103rd Infantry ng 101st Division. Ang 2nd Infantry ng 1st Regular Division ng Philippine Army at ang 2nd Battalion ng US 43rd Infantry (Philippine Scouts) ay isinangkap din sa Mindanao Force.

            Ang Reserve Force ng USAFFE na nasa direktang kontrol ni MacArthur ay binubuo ng Philippine Division, ng 91st Division (PA), at mga yunit ng punong himpilan mula sa PA at Philippine Department, nakaposisyon sa hilaga ng Maynila. Ang 192nd at 194th Battalion ay bumuo ng hiwalay na Provisional Tank Group, na nasa ilalim din ng direktang koman ni MacArthur, sa Clark Field/Fort Stotsenburg.
            Apat na coastal artillery regiment ang nangangalaga sa entrada ng Manila Bay, kabilang na ang isla ng Corregidor. Pahalang sa makitid na tubig daanan na sumusukat lamang ng 3 kilometro mula sa Bataan  naroroon ang Ft. Mills sa Corregidor, nadedepensahan ng mga hanay ng 59th at 60th Coast Artillery Regiment; ang huling nabanggit ay isang panganyon laban sa eroplano. Kasama rin ang 91st at 92nd Coast Artillery Regiment (Philippine Scouts) ng Harbor Defenses of Manila and Subic Bay. Ang 59th Coast Artillery ay umakto bilang namumuno sa mga hanay ng lahat ng yunit na nakaposisyon sa Fort Hughes, Drum, Frank at Wint.

            Ang sangay panghimpapawid ng USAFFE ay ang Far East Air Force (FEAF) ng US Army Air Forces, kinkoman ni Maj. Gen. Lewis H. Brereton. Binuhay bilang Philippine Department Air Force noong Setyembre 20,1941, iyon ang pinakamalaking panagupang organisasyong panghimpapawid ng USAAF sa labas ng Estados Unidos. Ang kanyang panimulang puwersang panagupa noong Disyembre 1941 ay binubuo ng 91 serviceable P-40 Warhawk fighter at 35 B-17 Flying Fortress na pambomba, na palalakasin pa ng mga paparating nang mga eroplanong fighter. Sa usapang tactical, ang FEAF ay bahagi ng Reserve Force, kung kaya pumatak din ito sa direktang koman ni MacArthur.

            Pagsapit pa lamang ng Nobiyembre 30, 1941, ang lakas ng mga tropa ng US Army sa Pilipinas, kabilang na ang mga yunit Pilipino, ay bumibilang na ng 31, 095,   binubuo ng 2,504 opisyal at 28,591 enlisted (16,643 Amerikano at 11,957 Philippine Scouts).

            Kailangang detalyehin ang paglalahad ng kalagayan sa depensa ng Pilipinas laban sa namiminto nang pananalakay ng Hapon. Mahalaga ito upang unawain kung bakit nangyari ang Pearl Harbor.

            Ang paghahanda na ginawa ni MacArthur sa Pilipinas ay patunay na hindi natutulog ang Amerika sa litaw nang intensyon ng Hapon. Saan mang panig ng kapuluan ihampas ng Hapon ang kanyang kidlat, may nailatag na depensa si MacArthur. Kung bakit nang ang kidlat ay isambulat sa sariling teritoryo ng Amerika, walang nagawa ang pinakamakapangyarihang puwersa sa Pasipiko upang salagin ito.

            Kung ibabatay sa mga naging kilos ng Hapon mula sa Digmang Ruso-Hapones noong 1904-1905, ang direksyon ng kanyang mga pananakop ay pautay-utay pahilaga, na pinakahuli nito ay ang pag-agaw nito mula sa Pransya ng mga kolonyang Vietnam, Laos at Cambodia. At sa harap ng kanyang programa na “Greater East Asia Co-Prosperity Sphere”, natural lamang na isipin ng sinomang kaaway ng Hapon na susunod na nilang sasalakayin ang Malaya, na sakop ng Britanya, Indonesia, na sakop ng Netherlands, at Pilipinas, na sakop ng Amerika.

            Hanggang sa mga panahong iyon, hindi pa pinangahasan ng Hapon na pasukin ang mga kanluraning puwersa sa sarili nilang mga teritoryo. Maging nang gapiin nito ang Rusya sa digmaan noong 1904-1905, hindi lumampas ang pananakop na Hapones sa mga hangganan ng  Sakhalin at Kuril, na kasama na ang Port Arthur (Lueshun) ay mga isla  na hiwalay  sa higanteng pangunahing lupain ng Unyong Sobyet.

            Sa mga paghahandang ginawa ni MacArthur, ipinahihiwatig ang kalkulasyon ng Amerika na kabilang ang Pilipinas sa mga unang target ng mga pananalakay Hapones – na sa anu’t anuman ay magaganap sa pangkalahatang rehiyon ng Timog Silangang Asya. Malayo rito ang Hawaii at sa gayon malayo sa hinagap ng Amerika na unang tatamaan ang isla ng bombang Hapones.

            Ayon sa isang aklat, Shadows Dancing: Japanese Espionage Against the West, 1939-1945 ni Tony Matthews, isang malaking organisasyon ng mga espiyang Hapones na karamihan ay maliliit na negosyante na pinupunduhan ng Japanese Tourist Bureau ang kumikilos sa paligid ng Pearl Harbor at nangangalap ng intelligence information para sa Hukbong Hapones. Kabilang sa mga ahenteng espiyang Hapones ay mga delivery truck driver na nakapapasok sa mga barko ng Amerika sa Pearl Harbor upang maghatid ng mga prutas, gulay at bulaklak at iba pang mga pangangailangan. May 3,000 pinaghihinalaang mga espiya ng Hapon ang dinakip ng FBI makaraan ang pambobomba sa Pearl Harbor.

            Samakatwid, habang masinop at pursigidong pinaghahandaan ni MacArthur ang pagsalakay ng Hapon sa Pilipinas, ganun din kasinop at pursigido ang paghahanda ng Hapon na salakayin ang Pearl Harbor. Hindi tumugma ang paghahanda ng Amerika sa pagsalakay ng Hapon – na eksaktong umayon sa panuntunan ni Sun Tzu sa pakikipagdigma.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Sumalakay doon sa hindi siya nakahanda, lumitaw doon sa hindi ka niya inaasahan.”

            Ang bilang ng mga nasawing Amerikano sa Pearl Harbor ay higit na malaki kaysa sa pinagsama nang bilang mula sa Digmaang Hispano-Amerikano at Unang Digmaang Pandaigdig. Subalit masahol pa rito ay ang napakagaang pagkabura sa mga Amerikano mula sa Pacific Ocean at ang pagtamo ng Hapon ng kalamangan sa mga pangunahing buhos ng kanyang mga pananalakay – sa Pilipinas at Indonesia, mga lupaing mayaman sa langis at iba pang materyales na may estratehikong kahalagahan. Isinagawa nila ang gayong opensiba kasabay ng pananalakay sa Hawaii.

            Sa sandaling napulbos na ang Pearl Harbor – na isinakatuparan ng mga Hapones sa loob lamang ng dalawang oras – ang mga paghahandang ginawa ni MacArthur sa Pilipinas ay ganap na nabalewala.

            Naririto ang laman ng isang pananaliksik na ginawa hinggil sa mga kaganapan sa hanay ni MacArthur nang mga sandaling binubomba ang Pearl Harbor:

            “Makaraang dumating sa Pilipinas ang balita na ang isang pananalakay sa Pearl Harbor ay nagaganap alas tres ng madaling araw ng Disyembre 8, 1941, ang mga eroplanong interceptor ng FEAF ay nakapaggalugad na sa himpapawid na target ang mga papasok na eroplano bandang hatinggabi, subalit ang mga nasabing eroplano ay lumitaw na mga Japanese scout plane na nagbabalita ng lagay ng panahon.

            “Alas singko ng madaling araw, sinikap ni FEAF kumander Hen. Brereton na makipagkita kay MacArthur subalit nabigo. (Gaya nang nailahad na sa unahan, ang suportang panghimpapawid sa depensa sa Pilipinas ay may kategoryang tactical reserve at sa gayon ay nasa direktang control ni MacArthur.) Inirekomenda niya sa chief of staff ni MacArthur na si Hen. Richard Sutherland na maglunsad ang FEAF ng mga misyong pambobomba laban sa Formosa alinsunod sa mga direktiba ng Rainbow 5 war plan na salakayin ang mga teritoryong Hapones na malamang na panggalingan ng mga atake. Hindi ibinigay ang pahintulot para dito, subalit ilang sandali lamang, bilang tugon sa isang telegrama mula kay Heneral George C. Marshall na nag-aatas kay MacArthur na ipatupad ang Rainbow 5, inorderan si Brereton na ihanda ang isang pananalakay na ang pahintulot  tungkol dito ay isusunod pa lang.

            Dulot ng mga kalituhan na kailanman ay hindi nalutas, alas onse na nang magtatanghali ipinalabas ang pahintulot para sa pambobomba sa Formosa na isasagawa bago magdapithapon, subalit maaga pa ay nakahanda nang lumusob ang mga eroplanong Hapones mula sa Formosa upang bombahin ang mga pangunahing base ng FEAP, dangan nga lamang at naatraso dahil sa makapal na ulap;  nakapagsagawa lamang ng panimulang maliliit na pananalakay ang mga Hapones sa dulo ng hilagang Luzon. Alas otso ng umaga nakatanggap si Brereton ng tawag sa telepono mula kay Heneral Henry H. Arnold na nag-uutos na huwag niyang pabayaang salakayin ang kanyang mga eroplano habang nasa lupa pa. Sa pagitan ng alas otso at alas nuebe ng umaga, pinalipad ng FEAF ang mga eroplano nito bilang pagsunod sa utos. Subalit dulot ng muling kalituhan sa hanay ng depensa, ipinalabas ang pahayag na all-clear alas onse nang magtatanghali, at sa oras na iyon ay iniutos na ang mga eroplano ay lumapag at humanda para sa pambobomba na gaganapin kinahapunan; ganun din ang iskwadron ng mga P-40 fighter na nagpapatrulya sa paligid ng Clark.

            Alas onse y veinte nang magtatanghali, nasagap ng mga radar ng paliparan sa Iba, Zambales ang sumasalakay na mga eroplanong Hapones na nasa layong 130 milya. Ipinasa ang impormasyon sa himpilan ng FEAF at command post sa Clark.

            Lumilitaw na ang babala hinggil sa paparating na pananalakay ay nakaabot lang hanggang sa kumander ng grupong pantugis, na mula rito ay wala nang aksyong nagawa upang pangalagaan ang puwersang panghimpapawid. Nang ang mga eroplanong Hapones mula sa 11th Air Fleet ay mambomba na sa Clark Field, nasapol nila ang dalawang iskwadron ng B-17 na nakalapag sa paliparan at ang iskwadron ng mga pantugis na eroplano na naghahanda pa lamang upang mag-taxi (maniobra para sa paglipad)
.
            Ang unang bugso ng 27 twin-engine bomber na Hapones ay nakagawa ng ganap na sorpresang taktikal, binira ang mga nagmamaniobra pa lamang upang makalipad na mga P-40.   Ang pangalawang bugso ng mga pambobomba ay suportado ng mga zero fighter, o mga eroplano na minamaneho ng mga pilotong patay-kung-patay, na dumurog sa 12 sa 17 eroplanong pambomba na naroroon at sumira sa tatlong iba pa. Tatlong P-40 lamang ang nagawang makalipad.

            Matagumpay din ang pananalakay ng Hapones sa paliparan sa Iba: matangi sa dalawa, lahat ng P-40 ng iskwadron na pantugis ng FEAF ay nadurog, alin kung sa labanan o dahil sa payak na kawalan ng gasolina. Kalahati ng mga eroplano ng FEAF ay nawasak sa unang pagsalakay, at sa sumunod pang mga araw lamang, ang Far East Air Force ay ganap nang durog.

            Walang pormal na imbestigasyon ang isinagawa kaugnay ng kabiguang naganap makaraan ang Pearl Harbor. Matapos ang digmaan, nagpalitan na lamang ng paninisi sina Brereton at Sutherland.

            Sa panig ni MacArthur, nagpalabas siya nang pahayag na wala siyang nalamang anomang rekomendasyon na salakayin ang Formosa ng mga B-17.

             Batay sa mga aktwal na naganap, ang Pilipinas ay isang katakam-takam na pain na sa saklaw ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay ipinantudyo ng Hapon sa Amerika. Sinakmal ng Amerika ang pain at sa Pilipinas ibinuhos ang matitinding paghahanda laban sa Hapon.

            Tulad sa isda, huli ang Amerika sa bibig.

         Sabi nga ni Sun Tzu: “Lahat ng digmaan ay panlilinlang… kung malapit tayo, dapat nating papaniwalain ang kaaway na tayo ay malayo; kung malayo, dapat natin siyang papaniwalain na malapit tayo… ganyakin siya ng mga pain… gumawa ng mga pagkakagulumihanan… at saka siya durugin.”

            Durog ang hukbong pangkaragatan bunga ng pananalakay sa Pearl Harbor at sandali lang makaraan nito ay durog naman ang buong puwersa ng Far East Air Force (FEAF) bunga ng pananalakay naman sa mga paliparan ng Clark, Nichols  at Iba, lubhang napilayan ang kapasidad ng Amerika na sawatain ang paglanding na ng mga infanry ng Hapon sa mga dalampasigan ng Luzon.

            Sinimulan ng 14th Army ang pananakop ng Hapon sa pamamagitan ng paglanding ng mga tropa sa isla ng Batan 190 kilometro mula sa dulo ng Luzon noong Disyembre 8, 1941. Dalawang araw pa, mga paglanding naman sa Camiguin Island, Vigan, Aparri, at Gonzaga. Sa mga paglanding na ito, nagawa pa ring bakahin ng nalalabing mga eroplano ng FEAF ang puwersang Hapones at nasira ang dalawang barko nito, ang cruiser na Naka at destroyer na Murasame at isang minesweeper.

            Noong umaga ng Disyembre 12, naglanding sa Legazpi ang 2,500 tropa ng 16th Division. Sumunod ang paglanding sa Mindanao ng mga tropa ng 16th Army na pansamantalang itinali sa puwersang panalakay upang magamit ng 14th Army ang buo nitong puwersa sa mga pananalakay  sa Luzon.

            Halos buong puwersa ng US Asiatic Fleet ay iniatras na ni Admiral Thomas C. Hart mula sa mga karagatan ng Pilipinas upang iiwas ito sa kapinsalaan kasunod ng mga pananalakay ng mga eropolanong Hapones na lumikha ng malaking kasiraan sa mga pasilidad ng US navy sa Cavite. Tanging mga submarino ang naiwan upang harapin ang kalamangan ng Hapon sa karagatan. Subalit ang mga kumander ng mga ito ay saklot ng makalumang pangamba na ang mga submarino ay walang pananggol laban sa mga atake mula sa himpapawid at laban sa mga kontra-submarinong mga pananalakay, at sila ay hindi nakatugon sa hamon ng mga kalagayan; ang mga submarino ay tunay na nawalan ng silbi.    

            Papasok sa kapaskuhan, nailatag na ang entablado para sa malawakan nang pagsakop ng Hapones sa bansa.
             
            Nagsimula ang pangunahing pananalakay maaga pa noong Disyembre 22, 1941. Mga tropang bumibilang ng 43,110 ng 48th Division at isang rehimento ng 16th Division, suportado ng artillery at humigit-kumulang 90 tanke, ang naglanding sa tatlong  pook sa silangang dalampasigan  ng Lingayen Gulf. Ilang B-17 mula sa Australia ang sumalakay sa plotilyang nananalakay, katulong ang panggigipit ng mga submarinong Amerikano mula sa mga kanugnog na karagatan, subalit nagbunga lamang ng kakaunting epekto. Walang nagawa ang kulang sa kasanayan at kagamitan na 11th at 17th Division (Philippine Army) na pinamumunuan ni Wainwright upang  pigilin ang mga paglanding o di kaya’y panatiliin sa mga baybayin ang kaaway. Matapang na laban ang ipinantunggali ng 26th Cavalry sa Rosario, subalit makaraang magdusa ng maraming nasawing buhay at kawalang-pag-asa na may darating na ayuda ay napilitang umatras.  Sa ante-bisperas ng Pasko, ang mga Hapones ay nakapasok ng 16 kilometro sa kalooban ng Luzon.

             Sa bisperas ng Pasko, 7,000 tauhan  ng 16th Division ang dumaong sa tatlong pook ng dalampasigan ng Lamon Bay sa Timog Luzon at naratnan nilang nakakalat ang mga puwersa ni General Parker, walang artillery na nangangalaga sa silangang baybayin, at walang kakayahang seryosong makihamok. Kagyat na pinatibay ng mga Hapones ang kanilang posisyon at sinimulan ang pagsulong papuntang Maynila na roon ay makikipagdugtong sila sa mga puwersang galing sa Lingayen upang ipagdiwang ang tagumpay.

            Nang araw ding iyon, pinulong ni MacArthur si Pangulong Manuel Quezon hinggil sa paglikas sa Corregidor ng pamunuan ng bansa. Buo na sa isipan ni MacArthur na ideklarang Open City ang Maynila upang iligtas ito sa matinding pambobomba ng Hapon.

            Makakasama ni Quezon sa paglikas sa Corregidor ang iba pang pinuno na pinangungunahan ni Pangalawang Pangulo Sergio Osmena. Si Jose P. Laurel na noon ay Katulong na Kalihim ng Katarungan ay nais ding sumama subalit nangibabaw ang payo ni Quezon na magpaiwan siya upang pamunuan ang pagharap sa mga Hapones.

            Nang araw pa ring iyon, ipinasya ni MacArthur na gamitin na ang WPO-3 (War Plan Orange 3), na ginawa bago pa sumiklab ang digmaan, na nagsasangkot ng paggamit ng limang pang-abalang posisyon sa Central Luzon habang ang mga puwersa ay umaatras papuntang Bataan. Ipinatupad ng 26th Cavalry Regiment ang ilang bahagi ng plano. Inalis niya si Hen. Parker bilang kumander ng South Luzon Force at siya niyang pinapangasiwa sa pagtatalaga ng mga posisyong depensiba sa Bataan, na gamit ay mga yunit alinsunod sa kanilang pagdating. Inilipat din sa Bataan kapwa ang punong himpilan ng militari at ang pamahalaan ng Pilipinas.

            Siyam na araw ng pagkukumahog ang sumaksi sa pagdadala ng mga supply sa Bataan, na sa kalakhan ay sa pamamagitan ng mga barge, upang tiyakin ang pagkain para sa inaasahang 43,000 tropa (sa aktwal dumating ang 80,000 mga sundalo at 26,000 mga refugee).

            Disyembre 30 nang mapagtanto ng mga Hapones ang buong larawan ng maniobra ni MacArthur at inorderan ang 48th Division na sumulong at sarahan ang Bataan. Sa pagitan ng Enero 2 at Enero 4, ang  11th at 21st Division ng Philippine Army, 26th Cavalry (PS) at ang mga tankeng  M3 Stuart ng Provisional Tank Group ay pinanatiling bukas ang daan mula San Fernando hanggang Dinalupihan para sa mga umaatras na puwersa ng South Luzon Force, at pagkatapos ay pinagbuti ang kanilang sariling mga pagtakas. Sa kabila ng 50% pagkawala ng 194th Tank Battalion sa pag-atras, ang mga Stuart at ang sumusuportang 75mm SPM halftrack ay paulit-ulit na pumigil sa mga pag-abante ng Hapones at siyang huling mga yunit na pumasok sa Bataan.

            Sa gitna ng pagpupunyagi ng mga puwersa ng South Luzon Force na makatawid sa mga tulay ng  Calumpit, San Fernando at Plaridel, desperadong hiningi ng 48th Division ng Hapon sa mga kumander panghimpapawid na pasabugin ang mga tulay upang masalakab ang umaatras na puwersa; tumanggi ang mga nasabing kumander, dahil sa isip nila ay  magagamit din ng puwersang Hapones ang mga tulay. Subalit nang makatawid na ang mga umaatras na puwersa ng depensa, mga engineer mismo ng Philippine Scouts ang nagpasabog sa mga tulay.

            Enero 6, 1942 nang makumpleto ang matagumpay na pag-atras ng puwersa ni MacArthur sa Bataan. Nang sumunod na Mayo 6 isinuko ni Wainwright ang buong puwersang alyado sa Pilipinas. Bagama’t ang pagtatanggol sa Bataan ay tumagal lamang ng apat na buwan, kinasaksihan ito ng ilan sa pinakamamatitinding mga labanan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagtampok sa mga rurok ng kakayahan ng tao na pangingibabawan ang mga kahinaan upang isulong ang matuwid.

            Nagkamali sa una ang mga Hapones sa pag-aakalang tagumpay na ang pananakop sa Pilipinas, kung kaya papasok sa kalagitnaan ng Enero iniurong na nila ang buong 48th Division, na siyang responsable sa maraming matatagumpay na mga operasyon, upang itutok naman sa pananakop ng Malaya. Hinalinhan ito ng di-gaanong sanay na 65th Brigade, na nilayong maging isang puwersang pang-garison o di-makilos. Kasama ng 48th Division papuntang Netherlands East Indies ay ang 5th Air Group. Sa mga kalagayang ito, bigo ang Hapones sa pagpipilit na gibain ang depensa ng Bataan.

            Makaraan ang ilang mga pananalakay sa gabi sa malapit sa Abucay, pinagpanibagong sigla ng 14th Army ang mga pananalakay nito sa pamamagitan ng paglanding ng mga tropa ng isang batalyon ng 16th Division pahilera sa mga linya ng sagupaan. Ang paglanding ay inabala ng pag-atake ng isang PT boat at pagkatapos ay nasupot sa napakakapal na kagubatan ng mga yunit ng US Army Air Corps, mga tauhang pandagat at ng Philippine Constabulary. Ang nasakoteng mga Hapones ay utay-utay na naitaboy sa mga bangin na roon, kasama ng ilan pang paglanding na isinagawa upang saklolohan sila, lahat sila ay inubos sa labanang nilahukan pa rin ng ilang nalalabing P-40 ng Air Corps.

            Sa panig ng Hapon, ganap na pagkawasak sa tatlong batalyon ng 20th Infantry ang resulta ng mga labanan. Makaraang mailigtas mula sa pagkakasupot ang 378 opisyal at sundalo ng isang batalyon, iniatras ng 14th Army ang kanyang linya pahilaga at binawi ng mga alyado ang iniwang teritoryo.

            Subalit dumagundong man sa buong mundo ang kagitingan ng mga tagapagtanggol ng Bataan, nakatakda na itong maging panandalian lamang.

            Maraming taon pa bago ang pananalakay ng Hapon sa Pearl Harbor, nabuo na ng Amerika ang War Plan Orange, isang balangkas ng pakikipagdigma na ispisipikong nakatutok upang sawatain ang lumilinaw na intensyon ng Hapon na palawakin ang okupasyon ng mga teritoryo pahilaga mula sa sariling lupain. Sa muling pananalasa ng Alemanya sa Europa simula sa mga huling taon ng dekada 30, sumailalim ang War Plan Orange sa mga pagbabago ayon sa muling pag-igting ng digmaan sa Europa. Sa mga pagbabagong naganap, ang tanging may kahalagahan na napupusiyunan ng Amerika sa Dulong Silangan –  ang Pilipinas –  ay sadyang ganap na itinuring na hindi maipagtatanggol.   

            Natukoy sa unahan na ang ipinantugon ni MacArthur sa mga paglanding na ng mga tropang pangkatihan ng Hapon sa Pilipinas ay ang War Plan Orange 3 na buo na matagal pa ang pambobomba sa Pearl Harbor. Mapupuna na sa planong ito, masusing binalangkas ang pag-atras ng South Luzon Force at mga puwersang alyado mula sa Gitnang Luzon papuntang Bataan. Ipinakikita nito  hindi lamang na walang anomang plano na banggain nang todo ang pananalakay Hapones sa Pilipinas kundi handa pa ring basta na lamang isuko ang pakikipaghamok ng mga tagapagtanggol ng Bataan.

            Sa katunayan, and War Plan Orange 3 na isinakatuparan ni MacArthur sa pagpapaatras  sa mga puwersang alyado  ay gumuhit mismong sa ganung kapalaran ng Bataan.

            Ang War Plan Orange ay binuo matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Nakabatay ito sa palagay na ang digmaan sa Pasipiko ay magaganap sa pagitan lamang ng Estados Unidos at Hapon; kasabay nito ang War Plan Red bilang pantugon naman sa seryoso ngunit malayong mangyaring pakikipagdigma sa Estados Unidos mula sa isang kapangyarihang Europeo, ang Gran Britanya. Alinman sa dalawang senaryong ito ng digmaan ang maganap, ang kalaban ng Amerika ay isang bansa lamang; alin kung ang kalaban ng Estados Unidos ay Hapon lamang sa isang digmaan sa Pasipiko o Britanya lamang sa Atlantika. Kinalaunan pinagsanib ang dalawang plano, na tinaguriang War Plan Orange-Red, na ang konsepto ay dalawang magkaibang digmaan, isa sa Pasipiko, isa naman sa Atlantika, maaaring magkasabay na maganap at kapwa may katangiang opensiba, na ibig sabihin todong babanggain ng Amerika ang Hapon sa Pasipiko kasabay ng todo ring pagbangga nito sa Britanya sa Atlantika.

            Hindi kailanman naipatupad ang War Plan Orange-Red sa dahilang hindi nangyari ang mga batayang palagay para dito. Sa halip muling nanalasa ang Alemanya, nabuo ang Axis power sa pagsasama ng Alemanya at Italya, na kinalaunan ay nilahukan na ng Hapon sa Dulong Silangan. Sa ganitong mga kalagayan, sa Pasipiko man o sa Atlantika, hindi iisang bansa lang ang didigmain ng Amerika kung papasukin niya ang gusot kundi ang buong puwersang Axis. At hindi mag-isa lang siyang makikipagdigma kundi kasama ang mga puwersang alyado.

            Sa bahagi ng Amerika, nangailangan ito ng kaukulang pagbabago ng kanyang mga plano sa pakikipagdigma na nagsasangkot hindi na ng isang bansang kalaban kundi ng marami at hindi na ng sarili lamang sa pakikipaglaban kundi ng marami rin; mula sa turing na gamit ay isang kulay lamang (Orange para sa pakikipagdigma sa Hapon o Red para sa isang bansang Europeo, na sa simula ay nakaumang sa Britanya) ang turing ay tumungo sa paggamit na ng maraming kulay  (Rainbow para sa Axis).

            Noong Hunyo 1939, inilatag ng Joint Board (binubuo ng mga pamunuan ng Army at Navy ng Amerika) ang mga panuntunan para sa pagbubuo ng plano sa pakikipagdigma na tinaguriang Rainbow upang pag-ibahin ito sa mga nauna nang planong Orange at Red.

            Lima ang itinakdang maging planong Rainbow, na ang layunin ng bawat isa ay iisa: ipagtanggol ang Estados Unidos at Western Hemisphere (kanlurang kalahati ng mundo) laban sa pananalakay ng Axis.

            Sa Rainbow 1 ipinagpapalagay na makikipagdigma ang Estados Unidos na walang malaking mga kakampi. Ang pinagsamang mga tungkulin ng Army at Navy ay kinabibilangan ng pagpigil sa paglabag sa Monroe Doctrine (Amerika para sa mga Amerikano) sa pamamagitan ng pagtatanggol sa mga teritoryo ng Western Hemisphere na maaaring magamit upang salakayin ang mahahalagang mga interes ng Estados Unidos, ang kanyang lupain, mga nasasakupan, at kalakalan. Partikular na ipinakakahulugan dito ang tinaguriang Istratehikong Tatsulok na binubuo ng Alaska, Hawaii at Panama.  Mula sa likuran ng tatsulok na ito, pananatilihin ang isang depensiba sa Pasipiko hanggang sa ang mga kaganapan sa Antlantika ay magpahintulat ng pag-iipon ng plotilya sa gitnang Pasipiko para sa isang opensiba laban sa Hapon.

            Sa Rainbow 2 ipinagpapalagay na magkasamang kikilos ang Estados Unidos, Gran Britanya, at Pransya, sangkot ang limitadong paglahok ng  mga puwersang EU sa Europa at Atlantika. Samakatwid makapagsasagawa kaagad ang Estados Unidos ng mga operasyong opensiba patawid ng Pasipiko upang pangalagaan ang mga interes ng mga puwersang demokratiko sa pamamagitan ng paggapi sa mga puwersa ng kaaway.

            Sa Rainbow 3 ipinagpapalagay na makikipagdigma ang Estados Unidos na nag-iisa. Tulad sa Rainbow 1, titiyakin ang pagtatanggol sa Hemisphere, subalit maaga ang pagpapadala ng mga puwersa ng Estados Unidos mula sa Hawaii papasok sa kanlurang Pasipiko.

            Sa Rainbow 4  ipinagpapalagay na ang Estados Unidos ay nakikipagdigma na walang malalaking mga kakampi, gamit ang kanyang mga puwersa upang ipagtanggol ang buong Western Hemisphere, subalit may mga puwersa ring ipinadadala sa timog ng Sur Amerika, at gagamitin din sa mga pinagsanib na operasyon sa silangang Atlantika. Tulad sa Rainbow 1, imimintina ang istratehikong depensiba sa Pasipiko hanggang sa ipahintulot ng mga kaganapan sa Atlantika ang paglilipat ng mga puwersang pangkaragatan para sa aksyong opensiba laban sa Hapon.

         Sa Rainbow 5 ipinagpapalagay na nakikipagdigmang magkakasama ang Estados Unidos, Gran Britanya at Pransya, tinitiyak ang depensa ng hemisphere tulad sa Rainbow 1, sangkot ang maagang pagpapadala ng mga puwersa ng Estados Unidos sa silangang Atlantika, at sa mga kontinente ng Aprika at Europa. Isasakatuparan ang mga operasyong opensiba sa pakikipagkaisa sa mga puwersa ng Britanya at iba pang mga alyado upang gapiin ang Alemanya at Italya. Imimintina ang istratehikong depensiba sa Pasipiko hanggang matamo ang tagumpay laban sa mga puwersang Axis sa Europa at ipahintulot ang paglilipat ng mga puwersa para sa opensiba laban sa Hapon.

            Sa limang plano, ang Rainbow 5 ang pinakamalapit na tumutugon sa mga kalagayan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig: aktibong pakikipagtulungan sa Gran Britanya at Pransya; at mabilis na pagpapadala ng mga puwersang Amerikano patawid ng Atlantika papunta sa Aprika o Europa upang gapiin ang Alemanya at Italya. Sa Rainbow 5, malinaw ang batayang istratehiya ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig: na sa pakikipagdigma sa mga Axis na Europeo at Hapon, ang Alemanya ang pangunahing kaaway at samakatwid ang pangunahing pagkilos ay dapat na gawin sa Europa upang tamuhin ang ganap na paggapi sa Alemanya sa posibleng pinakamaagang petsa.

            Napagsuri ng Amerika na ang kanyang malaking pag-asenso ay naganap sa panahong tahimik ang Atlantika sa tanging dahilan na rito ay nakapamamayani ang nag-iisang kapangyarihan, ang Royal Navy ng Gran Britanya. Tanggap kapwa ng Army at Navy ng Amerika na ngayong panahon ng digmaan, ang kaligtasan ng Estados Unidos ay nakaangkla sa pagwawagi ng Britanya laban sa mga Aleman, na hindi mangyayari kung magpipilit ang Amerika na magsagawa ng opensibang pakikipagdigma sa Hapon sa Pasipiko – at ang ganung pagpipilit ang magaganap kung pukpukang ipagtatanggol ng Amerika ang Pilipinas.

            Kapuna-puna na alinman sa limang planong Rainbow ay walang probisyon ng buhay-at-kamatayang pakikipagtunggali sa Hapon para sa Pilipinas.

            Sa bisperas ng pananalo ni Roosevelt sa panibagong  termino bilang pangulo ng Estados Unidos, ipinahayag ni Admiral Harold R. Stark, Chief of Naval Operations, ang “Plan Dog”, isang komprehensibong pagsusuri na ang senisentrohan ay ang pagkilala na ang siguridad ng Estados Unidos ay nakadepende nang napakalaki sa kapalaran ng Britanya sa pakikipagdigma nito sa Alemanya. Ayon kay Stark, “Kung magwawagi ang Britanya laban sa Alemanya, tayo (ang Amerika) ay magwawagi kahit saan; subalit kung siya ay mabibigo magiging napakabigat ng mga problemang kakaharapin natin; na bagama’t maaaring hindi tayo magapi sa lahat ng panig, maaaring hindi tayo magwagi kahit saan.”

            Upang mapabilis ang pagtatapos ng digmaan, ipinasiya ng Amerika na ibuhos ang kanyang buong kagila-gilalas na lakas sa pinakamaagang pagkakataon laban sa pangunahing kaaway – sukdulang mawala ang kanyang mga istratehikong posisyon tulad ng Pilipinas.

            Ayon sa historyador na si Louis Morton, dating Lieutenant Colonel sa USAR, “Sa Pasipiko at sa Dulong Silangan, ang istratehiya ng Estados Unidos ay depensiba, sangkot ang pinakamalaking atensyon sa teritoryong saklaw ng istratehikong tatsulok. Alaska-Hawaii-Panama (nakapaloob sa tatsulok ang kabuuan ng teritoryo ng Estados Unidos). Sangkap ng pag-iisip na ito ang pagtanggap na mawawala ang Pilipinas, Wake at Guam. Samakatwid, sa loob ng kulang pa sa tatlong taon, ang orientasyon ng istratehiya ng Estados Unidos sa Pasipiko, na binuo sa loob ng maraming taon, ay ganap na nabaligtad. Bandang kalagitnaan ng 1941, bilang tugon sa banta mula sa Europa, ang mga mata ng mga istratehiyestang Amerikano ay naituon sa Atlantika. Doon, sa kanilang paniwala, ang digmaan na tiyak na kasasangkutan ng Estados Unidos ay mapagpapasyahan.”

             Kung sa simula ng digmaan ang Pilipinas ay isang pain na ipinanlansi ng Hapon sa Amerika upang ilihis ang atensyon nito sa patraydor na pananalakay sa Pearl Harbor, ang Pilipinas naman ang ipinampain sa Hapon upang pagbuhusan ng malaking puwersang higit sanang nakapagpagaan sa mabibigat na operasyong sangkot sa adyenda nito sa digmaan.

            Malinaw na sa istratehiya ng Estados Unidos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig,  ang Pilipinas ay hindi nakaprograma na ipagtanggol. Kung alam lang ito ng Hapon, hindi na nito pinagkaabalahan pa ang Pilipinas at sa halip ay idineretso na lamang ang mga puwersa nito sa pananakop sa mga teritoryo ng Britanya tulad ng Malaya, Singapore, India at Australia. Ang pag-okupa sa mga teritoryong ito kasama ng Netherlands East Indies ay  makapagpapahina nang malaki sa pakikipagdigma ng Britanya laban sa Alemanya – ang istratehikong kondisyon upang magtagumpay ang isang  pananalakay sa Amerika mismong sa lupain na nito.

            Bakit kailangang ipakipagdigma pa ang Pilipinas?

            Ayon pa rin sa historyador na si Morton, “Ang pananaw ni Roosevelt sa patakaran ng Amerika sa Pasipiko ay katugma ng pagtingin ng pamunuan ng militari. Doon haharap ang Estados Unidos sa depensiba na rito ang plotilya ay nakabase sa Hawaii. Walang magaganap na dagdag-puwersang pangkaragatan sa Pilipinas, at ang kumander ng plotilyang pang-Asya, na nakabase sa Pilipinas, ay may sariling kapangyarihang umatras kung aakalain niyang kailangan kung magkakaroon ng digmaan. (Eksaktong ito ang nangyari ng ilayo ni Hart ang plotilyang pang-Asya ng Amerika sa labas ng mga katubigan ng Pilipinas makaraang bombahin ng Hapones ang mga pasilidad ng US Navy sa Cavite.) Nasa sa kanya ang desisyon at bahala siyang magpasya alin kung maglalayag siya pa-Silangan papuntang Pearl Harbor o di kaya pa-Timog papuntang Singapore, na umaayon sa mga kahilingan ng Britanya sa Amerika.”

            Kung lumitaw man na ipinakipagdigma pa rin ng Amerika ang Pilipinas, iyon ay sa layunin lamang na antalain ang pagsalakay ng Hapon sa direksyon ng Malaya patagos pa sa Indian Ocean. Ang mahalaga –  ayon sa unawaang Britano-Amerikano, na nagsimula sa mga pag-uusap noong 1937 at umunlad at naging pormal oras na muling manalakay na ang Alemanya –  ay mapanatiling buo ang British Empire bilang kondisyon sa pagwawagi nito sa pakikipagdigma sa Alemanya.

            Ang pakikipagdigma ng Amerika na lumilitaw ay para sa Pilipinas ay sa katunayan pakikipagdigma upang antalain lamang ang relong Hapones para sa pananalasa nito sa emperyong Britano,  pag-antala na kondisyon para sa pagwawagi ng Britanya laban sa Alemanya – na sa kadulu-duluhan ay siya namang kondisyon upang ang Istratehikong Tatsulok, at samakatwid Amerika, ay panatilihing ligtas.

            Hindi madalas mapag-usapan, subalit sa lahat ng mga bansa sa mundo, ang tanging hindi tinamaan ng giyera noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay ang kontinente ng Amerika. Malaking utang na loob ito sa apat na buwang puspos ng hirap at sakit at dugo’t hiningang naunsyami sa pagtatanggol sa Bataan.

            Kalunos-lunos man, ang sakripisyo ng Bataan ay nagsilbing maningning na pagpapatoo sa mga unibersal na prinsipyo sa pakikipagdigma na isinaayos ni Sun Tzu.

            “Samakatwid ang pinakamataas na anyo ng pagkaheneral ay ang biguin ang mga plano ng kaaway; ang susunod na pinakamataas ay ang pigilan ang pagdurugtong ng mga puwersa ng kaaway....,” wika ni Sun Tzu.

            Ang pagsuko sa Bataan ay siyang kondisyon upang biguin ang plano ng Hapon na sakupin ang Malaya at Netherlands East Indies, patungo sa pagsakop naman sa Australia at India, na kung nagtagumpay ay siya sanang ganap na nakapagpahina sa Britanya upang sa wakas ay mangayupapa ito sa Alemanya. Ang ganitong tagumpay ng Alemanya sa Britanya ay siyang hahantong sa pagdurugtong ng Hapones  mula sa  Pasipiko at mga puwersang Axis mula sa Europa. Dahil sa Labanan sa Bataan, naantala nang lubos ang kilos ng Hapones pasulong sa Australia.

            Samantala dahil sa pananatili ng lakas ng Britanya sa Pasipiko, napigilan ang pagsasanib ng mga puwersang Axis (Hapon, Alemanya at Italya) na siyang kondisyon para sa panghuling opensiba sana laban sa Amerika. Subalit huminto ang pagsulong ng Hapon sa tarangkahan ng Australia, at oras na maganap ang pananakop ng mga alyadong puwersa sa Normandy, inihudyat  ang malawakan nang pagbawi ng buong Kanlurang Europa mula sa mga kamay ng Axis.

            Sa Pasipiko, huli na ang matagumpay na paglanding ng Hapones sa Tulangi sa New Guinea, at pagkaraang mabigo sa pananalakay sa Port Moresby sa tarangkahan na ng Australia, ang Hapon ay nagsimula nang mailagay sa kilos paatras.

            Kasunod nito ay ang matatagumpay na mga mission ng US 3rd Fleet sa ilalim ng pamumuno ni Admiral William F. Halsey. Sa mga kampanya nito sa Palau at Morotai, winasak nila ang may 500 eroplano at 180 barkong pangangalakal ng kaaway. Ipinakita ng mga labanang ito na ang pag-agaw sa Pilipinas ay maaari nang maisagawa.

            Noong Mayo 7, 1942, sa kanyang pagdating sa Australia mula sa Pilipinas, nagpahayag si MacArthur nang ganito: “Iniwan ko ang Bataan sa araw na ito. Subalit ako ay babalik.” Pumalaot sa kasaysayan  ang ganung pahayag bilang ang historikong “I shall return.” Di naglaon makaraang mabigo ang Hapones sa Moresby, tinupad na ni MacArthur ang pangako sa pamamagitan ng tinaguriang Leyte Landing.

            Nakasulat na ang pagbabalik ni MacArthur ay bunsod ng kanyang paniniwala na ang Amerika ay may obligasyong moral na palayain ang Pilipinas. Subalit lagi nang trahedya sa kasaysayan ng Pilipinas na ang mga nobleng pangungusap ng mga tauhan ng kasaysayan ay lagi nang nakukulapulan ng mito.

            Kaya nagbalik si MacArthur ay hindi dahil sa anomang konsiderasyon ng obligasyong moral kundi dahil iyon na ang yugto na kailangang pukpukan nang itaboy ang Hapones mula sa mga lupaing sinakop nila kasabay ng pag-abandona sa Bataan ni MacArthur at paglikas niya sampu ng mga nasa burgis na pamunuan ng Pilipinas sa kaligtasang kaloob ng Australia.

            Sa panig naman ng Hapones, ito ang kanilang pagpapatotoo sa mga prinsipyo ni Sun Tzu: “Kahit kailan ay hindi nangyari na ang isang bansa ay nakinabang sa isang napakahabang pakikipagdigma.”

            Sa simula nang pananalakay ng Hapones sa Pilipinas, lamang na lamang ang puwersa ng USAFFE sa mga mananakop kung ang pag-uusapan ay bilang. Umabot hanggang sa 120,000 mahigit ang bilang kontra sa mga 40,000 lamang ng Hapones. Subalit ang malaking bahagi ng USAFFE ay mga reserbista, walang karanasan sa sagupaan, at iyon namang mga regular ay kapus sa kasanayan. Malaking dahilan ay ang patakaran nga ng Amerika na ang Pilipinas ay sa una pa man kabilang sa mga teritoryo na, katulad ng Wake at Guam, ay maaaring mawala at sa gayon ay hindi ipakikipagpupukan ng laban.

            Sa kabilang dako, ang mga puwersang Hapones ay sagad sa buto ang dinaanang pagsasanay, ibayong hinasa upang magpakabaliw sa pakikibaka, kabilang na ang mga kabuktutan laban sa mga babae, matatanda't bata pati sanggol. Ayon sa isang historyador, sinanay ang mga sundalong Hapon na mabuhay sa kanin lamang kumpara sa maluhong pagkain ng USAFFE, kung kaya pagdating na sa hirap na dulot ng labanan, higit na makapangingibabaw ang Hapones. Kung tutuusin, maganda pa ang sinabing ito ng historyador. Sa higit pang masasahol na mga kalagayan, sinanay ang sundalong Hapones na mabuhay sa pagkain ng suso lamang, Lumitaw sa isang pagsasaliksik na matagal pa bago ang digmaan, nagtanim na ang Hapon ng mga suso sa mga bukirin at kabundukan ng Pilipinas upang magamit nga na pagkain sa panahon ng kanilang pananalakay.

            Ang nangyari nga lang, ang kasanayan ng Hapones ay hindi naitugma sa isang matagal na labanan. Nang tumagal nang tumagal ang giyera at hindi pa rin nila nasakop ang buong Timog Silangang Asya ayon sa plano, nagsimula na silang manghina.

            Sabi ni Sun Tzu: “Kung mapurol na ang iyong mga sandata, ang iyong kasiglahan nabantilawan, ang iyong lakas nasaid, at ang iyong kabuhayan ubos, ang ibang mga punongbayan ay iigkas upang samantalahin ang iyong sagad na paghihirap. Samakatwid walang sinoman, gaano man katalino, ang makapipigl sa masasamang mga bagay na ibubunga.”

            Sa Pilipinas lumpo na ang Hapones nang magbalik si MacArthur. Marami sa mga USAFFE sa Visaya at Mindanao ang hindi sumunod sa utos na pagsuko ni Wainwrigth at sa halip ay nagpatuloy sa paglaban bilang mga gerilya.

            Katulad ng nabanggit sa nakaraang labas, ang tinaguriang Labanan ng Leyte noong Oktubre 17, 1944 ay isang mito. Tumampok sa pagkakataong ito ang kabayanihan ng isang lalaking nagngangalang Yayoy na kinailangang languyin ang mahabang distansya sa dagat upang makarating sa barko ni MacArthur at sabihan ito na tumakbo na ang mga Hapon noon pang nakaraang araw at ang tinatamaan ng kanilang mga bomba ay mga Pilipino. Ang bayan ng Dulag ay halos mapulbos sa pambobombang iyon, ang mga mamamayan, halos ubos.

           Pebrero ng susunod na taon, pinalaya naman ni MacArthur ang Maynila sa isa sa pinakamadudugong mga labanan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig – paglawak ng digmaan sa moderno nang anyo nito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento