Sabado, Enero 5, 2013



Tsapter VI
PANLILINLANG SA TEJEROS

                Sinabi ni Sun Tzu: “Lahat ng digmaan ay panlilinlang.”

            Tagumpay ang Katipunan sa mga pananalakay nito sa mga moog ng Kastila sa ngayo’y kilala bilang Metro Manila tulad ng Pasig, Pateros, Tagig at Kalookan, kaagad kasunod ang pagsiklab sa Morong (ngayon ay Rizal), partikular sa San  Mateo, Marikina at Montalban. Kung gaano kalawak ang pagsiklab ng himagsikan ay ipinakikita ng pangyayari na noong Agosto 30, 1896 idineklara ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang batas militar (martial law) sa mga probinsya ng Maynila, Kabite, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija.

            Sa Kabite, ang pagsakop sa mga puwersang kolonyalista ay isa rin lamang sa maniningning na pananagumpay na nabanggit, subalit sa lalawigang ito muling tumingkad ang panlalansi na siya nang naging tatak ng himagsikan sa palibot ng kapuluan mula’t sapul, dahilan kung kaya ang lalawigan ay tumampok sa kasaysayan.

            Patapos na ang Disyembre 1896 nang si Bonifacio ay dumating sa Zapote bilang paunlak sa paanyaya ng mga paksyong Magdiwang at Magdalo ng Katipunan na pamagitanan ang kanilang hidwaan kaugnay ng pamunuan ng Katipunan sa lalawigan. Kasama ni Bonifacio ang kabiyak na si Gregoria de Jesus at mga kapatid na sina Ciriaco at Procopio.

            Napakarangya ng pagtanggap ni Emilio Aguinaldo at ilan pang lider sa Kabite  sa pinuno ng Katipunan.  Pinalyuhan si Bonifacio na parang kataastaasang obispo ng simbahan, isinakay sa karuwahe at ipinagmisa ng te deum. Sa bawat pagkakataon, hinihiyawan ng taumbayan sa pangunguna ni Daniel Tirona: “Mabuhay ang hari ng Pilipinas.” Kapuna-puna ang pagkainis ni Bonifacio sa sigaw na iyun.

             At nagsimula ang klasikong pakana sa pag-agaw ng kapangyarihan kay Bonifacio bilang pinuno ng himagsikan. Noong Disyembre 31 tinawag ang unang pulong sa Imus na rito ay pinagtalunan ang usapin kung marapat ba na buoin ang isang panibagong porma ng pamahalaan na hahalili sa Katipunan. Itinutulak ng paksyong Magdalo na pinamumunuan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan ni Emilio, ang pagbubuo ng panibagong pamamahala sa kilusan yaman din lamang at lantad na ang Katipunan at dapat nang iangkop ito sa mga pagbabagong naganap. Sa bahagi naman ng paksyong Magdiwang, pinanindigan nito na hindi na kailangan pang baguhin ang Katipunan na anila’y sa katunayan isang gobiyernong may sarili nang ipinatutupad na  saligang batas.

            Mula pa noong 1892 paulit-ulit nang nagkaroon ng halalan sa pamunuan ng Katipunan, magmula kay Deodato Arellano na unang nahalal na supremo, tungo kay Roman Basa na nahalal na supremo noong Pebrero 1893. Noon lamang 1895 tinindigan ni Bonifacio ang pagiging supremo ng Katipunan udyok ng pangangailangang ganap nang paghusayin ang pamamahala sa samahan. At kagyat na sinundan ng pagsiklab ng rebolusyon noong Agosto 1896 ay ang ganap nang pagbubuo ni Bonifacio sa Katipunan bilang isang rebolusyonaryong gobyerno na may namamahalang gabinete na kinabibilangan nina Bonifacio bilang Supremo o Pangulo: Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Teodoro Plata, Kalihim ng Pakikipagdigma; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; Aguedo del Rosario, Kalihim ng Interior; at Enrique Pacheco, Kalihim ng Pinansya.

            Walang nangyaring  paglutas sa hidwaang Magdalo-Magdiwang sa unang pagpupulong  na ginawa sa Imus. Subalit sa sumunod na pulong na ginanap noong Marso 22, 1897 sa kumbento ng Tejeros, isang baryo sa San Francisco Malabon (ngayon ay General Trias), gumulong na ang pakanang agawin ang pamunuan ng Katipunan kay Bonifacio.

            Naging mainit ang debate ukol sa kung dapat o hindi na magtayo ng bagong gobiyerno ang Katipunan. Minarapat ng nangungulo sa kumbensyon na si Jacinto Lumbreras, isang Magdiwang, na tumawag ng reses upang palamigin ang maiinit ang ulo. Sa muling pagbubukas ng kapulungan, si Bonifacio na ang nangulo at sa hangad na lutasin na ang sigalot, sinang-ayunan niya ang panukala ng magbuo ng panibagong pamahalaan ang Katipunan at iprinoklama ang pagkabuo ng Republika ng Pilipinas – at ang paghalal ng panibagong pamunuan.

            Sa unang halalan, para sa pagkapangulo, nominado si Bonifacio at si Aguinaldo, subalit sa isang kapulungang binubuo ng pawang Kabitenyo sino pa ba ang mahahalal kundi Kabitenyo rin. Talo si Bonifacio, panalo si Aguinaldo.

            Sa halalan para sa pagkapangalawang pangulo, nominado si Bonifacio, na tinalo uli ng isang Kabitenyo na naman na si Mariano Trias. Hanggang sa puntong ito, tiim-bagang lamang si Bonifacio at ang kanyang pananahimik ay tanda ng kanyang pagtanggap sa mga nagaganap na kapasyahan.

            Dumating ang halalan para sa posisyon ng Kalihim ng Interior. Nominado na naman  at nanalo na si Bonifacio, na wari ay tatanggapin ang pagwawagi kung hindi nakialam si Daniel Tirona – ang lalaki na  noong unang dating niya sa Kabite noong Disyembre 1896 ay nanguna sa paghiyaw ng papuri kay Bonifacio bilang “Hari ng Pilipinas” – na tumutol sa pagkahalal kay Bonifacio dahil sa aniya’y hindi ito isang abogado.

            Tila iyun lamang ang hinihintay ni Bonifacio, isang pagkakataon upang pakawalan ang pagpupuyos ng kanyang damdamin sa malinaw na panlalansi na kanyang kinapatakan. Pinawalang-bisa niya ang lahat nang naganap at lumabas ng kapulungan.

            Doon nabitag si Bonifacio. Bilang Supremo ng Katipunan, may basbas ng kapangyarihan ang kanyang pagsang-ayon sa pagtawag ng halalan para sa pamunuan ng rebolusyonaryong samahan. Samakatwid samantalang ang kapulungan ay binubuo lamang ng pawang Kabitenyo at sa ilalaim ng mga pamantayang demokratiko ay hindi maaaring sumaklaw sa iba pang sangay ng Katipunan sa palibot ng kapuluan, ang pagpayag dito ni Bonifacio at sa katunayan paglahok sa mga kaganapan ay mabisang nagbigay ng awtoridad sa mga naging kapasyahan ng Kumbensyong Tejeros. 

            Mismong ang kapangyarihan ni Bonifacio ang nagpatibay sa pag-agaw ni Aguinaldo sa kapangyarihang ito.

            Isang bagay na nakaiintriga sa pangyayaring iyun ay ang pagiging absente ni Aguinaldo sa Kumbensyong Tejeros. Paanong mahahalal sa kataastaasang pamumuno ng pamahalaan ang isang tao na absente sa pulong na ginanap upang buoin nga ang pamahalaang pamumunuan?

            Wala si Aguinaldo sa Kumbensyong Tejeros.

            Sa batas criminal, kailangang patunayan na ang gumawa ng krimen ay nasa pook na pinangyarihan ng krimen nang ito ay maganap. Kung ang Kumbensyong Tejeros ay ang criminal na akto ng pang-aagaw ng kapangyarihan kay Bonifacio, walang kasalanang maaaring ibintang kay Aguinaldo kaugnay ng pangyayari dahil wala siya sa kumbensyon nang ang krimen ay maganap. Subalit maaari ding sukatin ang nangyari sa timbangan ng moralidad. Maaari sanang tinanggihan ni Aguinaldo ang masigalot na pagkahalal sa kanya; walang pamimilit sa kanya na tanggapin ang pagkahalal niya bilang pangulo ng republika na binuo sa kahina-hinalang mga kalagayan.

            Mula pa sa mga rebolusyong Sumuroy at Silang, ang kataksilan ng mga sariling tauhan ay siya na ngang naging tatak ng himagsikan sa Pilipinas. Maiiba pa ba si Aguinaldo?
           
            Sinabi ni Sun Tzu: “Painan mo ang kaaway upang ganyakin siya. Magkunwaring nagkakagulo, at saka siya durugin.”

Mula sa yugtong iyun, si Aguinaldo na ang may basbas ng batas; si Bonifacio, pugante ng batas.

            Lihim na kinasabwat si Bonifacio ni Artemio Ricarte at ilang iba pang pawang Kabitenyo at ginawa nila ang Pakto ng Naic, isang kasulatan na nagpapawalang-bisa sa mga naging kaganapan sa Kumbensyong Tejeros. Walang kamalay-malay si Bonifacio na ang waring pagpanig sa kanya ni Ricarte at mga kasamahan nito sa Pakto ng Naic ay nagsilbi lamang na panibagong patibong upang siya ay arestuhin ng mga puwersa ni Aguinaldo, kasuhan ng sedisyon at litisin sa paratang na ito. Sa paglilitis, napatunayan si Bonifacio na maysala at sinentensyahang ieksikyut sa pamamagitan ng pagbaril. At sa bisa ng kautusan ni Aguinaldo, ipinatupad agad-agad ang pagbitay kay Bonifacio kasama ang kapatid nitong si Procupio sa Bundok Tala, Maragondon, Kabite.

            Sa ganang may-akda, ang pagpaslang kay Bonifacio ay siya nang rurok ng pananalaula sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa banyagang pananalakay.

            Sa linaw ng kinahantungan ngayon ng bansa – talamak na korapsyon kapwa sa hanay ng sambayanan at ng gobiyerno at malalang kawalan ng pambansang kamalayan na dahilan kung bakit patuloy na nakapamamayagpag pa rin sa lipunang Pilipino ang interes ng mga banyaga, partikular  ang Estados Unidos – maitatanong kung ganito pa rin ba ang kahihinatnan ng bansa kung si Bonifacio ang nakapagpatuloy sa paggiya sa Himagsikang Pilipino sa halip na si Aguinaldo.

            Mahirap na sagutin ang katanungan sapagkat sa totoo, pinaslang nga si Bonifacio at hindi niya nagawa ang tunay niyang layunin. Subalit kung pagbabatayan ang direksyong tinahak ng matatapat na alagad ni Bonifacio, wastong wikain na kung hindi naagaw kay Bonifacio ang pamunuan ng rebolusyon maiiba ang kahahantungan ng bansa. Ang mga nasabing alagad sa pangunguna ni Macario Sacay ang siyang tunay na tumunggali sa humaliling agresyong Amerikano at nangamatay na lumalaban. Samantalang si Aguinaldo at kanyang mga alagad naman ay bumaling sa patakarang palasuko na kung kaya ginawang napakaluwag para sa mananalakay na Amerikano ang pagsakop sa bansa.

            Ang malaking nakapanghihinayang kay Bonifacio ay ang di niya ganap na paggagap sa katalinuhan ng winika ni Sun Tzu: “Samakatwid ang kasabihan: Kung kilala mo ang kaaway at kilala mo ang iyong sarili, hindi mo dapat kasindakan ang bunga ng isandaang labanan. Kung kilala mo ang iyong sarili subalit hindi ang kaaway, sa bawat tagumpay na iyong matatamo magdudusa ka rin ng kabiguan. Kung di mo kilala ang iyong sarili ni ang iyong kaaway, malulugmok ka sa bawat labanan.”                                                                                                                                                                                                       

            Saan pumapatak si Bonifacio sa mga panuntunang ito?

                Ang malaking pagkakamali ni Bonifacio ay ang di niya pagkilala na sa Rebolusyong 1896 dalawa ang kanyang kaaway. Una, ang kolonyalismong Kastila, pangalawa, ang katutubong burgesya. Nangyari nga lamang na sa yugtong iyun ng tunggalian laban sa kolonyalismong Kastila, ang alitan ng katutubong proletaryado sa katutubong burgesya ay napailalim sa pambansang pangangailangan na gapiin ang mga kolonyalista. Ang Kumbensyong Tejeros ay nagbadya lamang ng pagpapangibabaw na ng katutubong burgesya bilang pangunahing kaaway ng proletaryadong Pilipino.

            Hindi maaaring hind maging kinatawan si Aguinaldo ng katutubong burgesya. Isinilang noong Marso 22, 1869, si Aguinaldo ay lahi ng mayayaman sa Cavite El Viejo (ngayon ay Kawit), lalawigan ng Kabite. Ang kanyang amang si Crispulo Aguinaldo ay naging gobernadorcillo  ng bayang iyun, isang tungkulin na madalas ay nakalaan sa mga enkomiendero
o administrador ng mga encomienda. Nag-aral siya sa San Juan de Letran hanggang ikatlong taon lamang  ng mataas na paaralan upang tulungan ang kanyang nabalong ina sa pag-intindi sa kanilang mga lupain. Noong 1895, si Aguinaldo ang kaunaunahang naging capitan municipal ng Cavite El Viejo.

             Kapwa sa katayuan sa lipunan at kamalayan, burgis si Aguinaldo. At bagama’t pangunahin din niyang kaaway ang kolonyalismong Kastila, kaaway pa rin niya ang katutubong proletaryado sa saklaw ng tunggalian sa uri sa Pilipinas. At sa pagbulusok ng kapangyarihan ng kolonyalismong Kastila sa bansa,  natural na maging kaagapay si Aguinaldo sa pagpaimbulog naman ng katutubong burgesya bilang pangunahing kaaway ng proletaryadong Pilipino.

            Muli’t muli, tandaan na ang mga uring katutubong proletaryado at burgesya ay kambal na isinilang sa pagkakatanim ng binhi ng kapitalismo sa Pilipinas. Samantalang kapwa sila nagpunyagi na ibagsak ang kolonyalismong Kastila sa bansa, nagsagawa din sila ng kani-kaniyang maniobra upang makapangibabaw sa isa’t isa sa bawat pagkakataon.

            Magkaisa ang katutubong proletaryado at burgesya sa pagtatatag ng La Liga Filipina. Tiniyak ni Rizal na hawak ng burgesya ang mga armas; tiniyak ni Bonifacio na hawak ng proletaryado ang mga tao. Ginusto ni Rizal na pamunuin sa rebolusyon si Antonio Luna; tumanggi si Bonifacio na isuko ang pamumuno niya sa rebolusyon.

            Sa panahon ng napipintong ganap na pagbagsak ng kolonyalismong Kastila sa Pilipinas, maasahan lamang na magkanya-kanya na ang mga katutubong proletaryado at burgesya sa paniniguro na siya ang maluklok sa kapangyarihan.

            Ang Kumbensyong Tejeros ay larawan lamang ng pagbabago ng katangian ng digmaan sa Pilipinas, mula sa anti-kolonyal na pakikibaka ng buong sambayanan tungo sa makauring sagupaan sa pagitan ng proletaryado at burgesya. At sa sagupaang ito, sa payak na paggamit ng panlilinlang, nanaig ang burgesya.

Tsapter VII

TRAHEDYA NG BIYAK NA BATO

            Pagkaraang-pagkaraan na paslangin si Bonifacio, naging palatakbuhin na si Aguinaldo. Nabawi ng mga Kastila ang Naic at iniatras niya ang sentro ng rebelyon sa Maragondon, subalit sa harap ng matinding pananalakay sa pamumuno ni Gobernador Heneral Primo de Rivera na inihalili kay Camilo de Polavieja, muling tumakbo si Aguinaldo patungong Talisay, Batangas, na rito ay pinaligiran siya ng mga Kastila subalit nakalusot at takbo na naman pagawing hilaga. Nakarating ng Morong, tumawid ng Pasig, lusot sa Montalban patungong Biyak Na Bato na doon ay itinatag niya ang panibagong punong himpilan. Ang lalawigan ng Kabite, na siyang tanging pinagkunan ni Aguinaldo ng kredensyal upang mamuno sa rebolusyon ay buong nabawi na ni Primo de Rivera.

            Hilong talilong ang naging pamumuno ni Aguinaldo sa himagsikan. Samantalang itinatag niya ang Republika sa Biyak Na Bato noong Nobiyembre 1897 sa bisa ng Konstitusyon ng Biyak na Bato na nagtatakda ng pahihiwalay sa Espanya, bago pa ito ay nagpalabas siya ng proklamasyon na nagsasaad ng mga kahingian na nagpapatunay na wala siyang hangaring makipagkalas sa kolonyalismo.

            Ang mga kahingiang nabanggit ay ang mga sumusunod:1 ) pagpapatalsik sa mga prayle at pagbabalik sa mga lupang inagaw ng mga ito; 2 ) representasyon sa cortes ng Espanya; 3 ) kalayaan sa pamamahayag at pagsamba; 4 ) pantay na pagtrato at pasahod sa mga insulares at peninsulares na naglilingkod sa pamahalaan (ng kolonyalismo); 5 ) paglusaw sa kapangyarihan ng pamahalaan (ng kolonyalismo) na magpatapon ng mga mamamayan; 6 ) legal na pagkakapantay ng lahat ng tao.

            Ang mga sumunod pang pangyayari ay nagpatibay lamang sa takbuhin at palasukong tunguhin ni Aguinaldo. Pumayag siya sa alok ni Pedro Paterno na ipamagitan siya sa pakikipagkasundo sa mga awtoridad na Kastila. Si Paterno ang lumagda para sa mga rebolusyonaryo sa Kasunduang Biyak Na Bato katapat ni Primo de Rivera para sa Espanya.

            Ayon sa Kasunduang Biyak Na Bato, ang mga sumusunod:

            1 )  Si Aguinaldo at kanyang mga kasamahan ay boluntaryong lalabas ng Pilipinas;
            2 )  Magbabayad si Primo de Rivera sa mga rebelde  ng halagang P800,000 sa talong
                   hulog: una – P400,000.00 kay Aguinaldo sa oras ng pag-alis mula Biyak Na Bato;
                   pangalawa – P200,000 kung lalabis sa 700 ang armas na isusuko ng mga rebelde;
                     at pangatlo – sa sandaling iproklama ni Primo de Rivera ang amnestiya para sa                               mga manghihimagsik.   

            At noong Disyembre 23, 1897 lumayag si Aguinaldo mula sa daungan ng Sual, Pangasinan patungong Hongkong, kasama ang kanyang mga namumunong tauhan at si Paterno.

            Subalit kagaya ng madalas na ipaalaala ni Sun Tzu, ang layunin ng digmaan ay kapayapaan,  ang layunin ng kapayapaan ay digmaan.

            Ang kapwa panig sa Kasunduang Biyak Na Bato ay nagtaguan ng kanya-kanyang iniisip. Inisip nina Aguinaldo na gamitin ang salapi upang ipamili ng armas. Inisip ng mga awtoridad na Kastila na pahupain lamang ng paghihimagsik upang mapadali ang pag-dakip sa mga rebelde. At sa mga sumunod na maramihang pandarakip ng mga Kastila sa mga manghihimagsik, di maiiwasang muling sumiklab ang himagsikan.

            Bagama’t sinikap ng ilang heneral ng rebolusyon na tumupad sa napagkasunduan sa Biyak Na Bato, marami rin ang nagkimkim ng duda sa layunin ng mga Kastila kung kaya hindi sila nagsuko ng kanilang mga sandata.

            Isa sa mga heneral na nagpatuloy ng paglaban sa mga Kastila ay si Heneral Francisco Makabulos ng Tarlac. Ginawa niya ang isang saligang batas na nakilala bilang Konstitusyong Makabulos. Ito ang naging batayan ng pagkabuo ng tinaguriang Komite Sentral na Tagapagpaganap na nilayong maging pansamantalang pamahalaan ng himagsikan.

            Ang Komite Sentral na Tagapagpaganap ay binubuo ng  Pangulo, Pangalawang Pangulo, Kalihim ng Interior, Kalihim ng Pakikipagdigma at Kalihim ng Pananalapi. Maninilbihan sila hanggang sa maitatag ang isang panibagong republika na sasaklaw sa kapuluan.

              Hindi malinaw kung ang ginawa ni Makabulos ay may basbas ni Aguinaldo. Ang malinaw lamang ay walang pagkakaisa sa hanay ng mga rebolusyonaryo kaugnay ng Kasunduang Biyak Na Bato – sa katunayan, hindi magkaisa sa usapin ng pagsusulong sa himagsikan.

            Sa Hongkong, nagtalu-talo na sina Aguinaldo at mga kasamahan tungkol sa kung ano ang gagawin sa P400,000 ibinayad sa kanila ni Primo de Rivera. Ang halagang ito ay idineposito sa isang banko at sa simula, nagkasya na lamang ang  grupo sa interes na tutubuin ng desposito bilang sustento sa kanilang ikabubuhay sa kolonya ng Britanya. Subalit di naglaon, may mga nagpapanukala na na paghati-hatian na lamang nila ang halaga. Nang tumanggi si Aguinaldo sa panukala, idinemanda siya ni Isabelo Artacho, ang nagpanukala na paghatian na lamang ang pera, sa Korte Suprema ng Hongkong. Iniwasan ni Aguinaldo ang demanda sa pamamagitan ng pagbiyahe papuntang Singapore kasama si Gregorio del Pilar at isa pa.

            Ang nasabing paglalakbay ay hahantong sa mga pangyayaring magbubunsod kay Aguinaldo upang pangatawanan ang muling pagpapasiklab ng himagsikan laban sa Espanya.

            Dumating si Aguinaldo sa Singapore Abril 23, 1898. Sa araw na iyon, mahigit dalawang buwan na ang nakararaan mula nang sumabog sa baybayin ng Cuba ang barkong pandigma ng Amerika na USS Maine. 260 na sundalong Amerikano ang kagyat na namatay sa pagsabog; ang bilang ay kinalaunan  naragdagan pa ng 6 na namatay sa ospital.
            Malalaking imbestigasyon ang ginawa sa insidente, kapwa sa panig ng Amerika at Espanya, na nilahukan pa ng mga independiyenteng pananaliksik. Sa mga imbestigasyong ito, iisa ang kongklusyon na ang pagsabog ay bunga ng pagsiklab ng magasin ng pulbura na nakaimbak sa barko. Subalit magkaiba ang resulta sa usapin na kung alin ang naging mitsa ng pagsiklab. Ayon sa imbestigasyon ng Amerika, mina mula sa labas ang nagpasiklab sa magasin. Subalit tinindigan ng mga eksperto na imposibleng mina mula sa labas ang may kagagawan sa pagsiklab ng magasin sapagkat walang anomang palatandaan sa katawan ng barko na may pagsabog na naganap mula sa labas.

            Lumaganap ang hinala na ang pagsabog ng Maine ay sinadya ng Amerika upang pangatwiranan ang pakikipagdigma nito sa Espanya. Hanggang sa ngayon, hindi napatotohanan ang hinalang iyon.

            Ang mahalaga lang, ang pagsabog ay epektibong naibintang sa mga puwersang Kastila sa Cuba, at ito ang malaganap na nagpasiklab sa damdamin ng sambayanang Amerikano, na humihiyaw: “Alalahanin ang Maine! Impiyerno sa Espanya! (Remember the Maine! Hell to Spain!)”

            Dalawang buwan pa ang daraan, nagdeklara na ang Kongreso ng Estados Unidos ng pakikipagdigma ng bansa sa Espanya.

Naririto ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa Estados Unidos makaraan ang pagsabog ng USS Maine.

            Ang mga publikante ng mga pahayagan sa pangunguna ni  William Randolph Hearst ay nagpalaganap sa sapantaha na ang pagsabog ng Maine ay kasalanan ng mga Kastila sa Cuba. Ginatungan nila ang galit ng mga Amerikano sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga nakagugulantang na pahayag sa mga kalupitang diumano’y gawa ng mga Kastila sa Cuba. Ayon sa isang malaganap na kuwento, nang sabihin ng kanyang ilustrador na si Frederic Remington na ang kalagayan sa Cuba ay di ganun kasama upang tapatan ng digmaan, bumulyaw si Hearst: “Ibigay mo ang mga larawan at ako ang magbibigay ng giyera.” Sa isang talumpati ni Senador Redfield Proctor, masinop niyang pinag-aralan ang mga kalagayan at nagpahayag na digmaan  ang pinal na kasagutan. Ang mga sektor ng simbahan at negosyo ay para-parang sumang-ayon sa kongklusyon ni Proctor, kung kaya halos mag-isa na lamang sina Pangulong William McKinley at Ispiker Thomas Brackett Reed na kontra sa digmaan. Noong Abril 11, humingi si McKinley na awtorisasyon mula sa Kongreso na magpadala ng mga tropang Amerikano sa Cuba upang wakasan ang digmaang sibil doon. Noong Abril 19, pumasa sa Senado ng Amerika (42-35) at sa Mababang Kapulungan (311-6) ang pinagsamang resolusyon na humihinging lisanin ng Espanya ang Cuba at nagbibigay-kapangyarihan sa pangulo ng gumamit ng anomang puwersang militar na kinakailangan upang palayain ang Cuba mula sa Espanya. Nilagdaan ni McKinley ang resolution noong Abril 20, 1898 at binigyan ng ultimatum ang Espanya. Bilang sagot, nakipagkalas ng ugnayang diplomatiko ang Espanya at nagdeklara ng giyera sa Amerika noong Abril 25. Sa katunayan, ayon sa sumunod na deklarasyon ng Kongreso ng America, naganap na ang digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika noon pa mang Abril 21.

                Sa pagsiklab ng digmaang Hispano-Amerikano, mula sa dating bilang na 28,183 ang kabuuang puwersa ng sandatahang lakas ng Estados Unidos ay mabilis na pinalobo  sa 250,000, at ito ang kasindak-sindak na hukbo na ipinanghampas sa kakarampot nang puwersa ng Espanya sa Cuba at Puerto Rico, na kapwa nito mga kolonya.

            Samantala si Komodor George Dewey, pinuno ng Asiatic Squadron ng Hukbong Pandagat ng Estados Unidos ay papunta na ng Hongkong upang doon mag-antabay para sa kautusang sumalakay na sa Pilipinas.

            Dalawang araw nang nakapagsisimula ang digmang Hispano-Amerikano nang dumating si Aguinaldo sa Singapore. Ewan kung sinasadya, subalit ang biyaheng iyon ni Aguinaldo at ni Gregorio del Pilar ay siyang nagbukas ng pinto para sa ugnayan ni Aguinaldo sa Amerika.

            Kinahapunan ng araw na dumating si Aguinaldo sa Singapore, isang Britano na matagal nang nakapanirahan sa Pilipinas ang umugnay sa kanya, si Howard Bray. Ipinabatid ni Bray na ang Konsul ng Amerika sa Singapore, si E. Spencer Pratt, ay nais na makipag-usap kay Aguinaldo.

            Maitatanong sa yugtong ito: Nakabuti ba o nakasama sa kilusang rebolusyonaryo ang pagpasok sa Kasunduang Biyak Na Bato?

            Sa harap ng namimintong pakikipagkita ni Aguinaldo kay E. Spencer Pratt, malaking katatakutan para sa himagsikan ang isipin kung ano namang pagkakanulo ang maaari niyang gawin. Kung ang isang dati’y pinakamakapangyarihang bansa sa mundo ay nangangayupapa na ngayon sa Amerika, gaano pa ang isang lider na sa maaga pa lamang na yugto ng kanyang pamumuno sa rebolusyong kontra-Kastila ay nagpakita na ng kanyang iwing karakter na palatakbo at mapagpakasundo, kung hindi man mapagkanulo.

            Sa takbo ng panahon, ang kasaysayan ni Emilio Aguinaldo ay mapapatunayang sa tuwina ay kasaysayan ng pakikipagkutsabahan sa mga banyagang mananakop. Ang Kasunduang Biyak na Bato ay pasilip lamang sa kung hanggang saan maaaring dalhin ang bansa ng kasaysayang ito.
Sa dakong huli ng kanyang pamumustura bilang kontra-Amerikano, isinuko niya ang labanan at sumumpa ng katapatan sa Amerika. Noon namang ikalawang digmaang pandaigdig, lantaran siyang kumampi sa mga bagong mananalakay na Hapones at nanawagan pa sa sambayanan na itigil ang pagkontra sa agresyon  ng Hapon, dahilan kung bakit sa pagbabalik ng kapayapaan at muling pangingibabaw ng Amerika sa Pilipinas si Aguinaldo ay nilitis sa salang kolaborasyon at napatunayang maysala.

            Subalit ito’y masyado nang abante sa kuwento. Sa yugtong ito, nasa bisperas pa lamang si Aguinaldo ng pakikipag-ugnay sa mga Amerikano.

            Sa naganap na pakikipag-usap ni Aguinaldo kay Pratt, tiniyak ng huli na walang intensyong kolonyahin ng Amerika ang Pilipinas.

            Wika ni Pratt, “Walang dahilan upang pangambahan mo ang Amerika. Ang Kongresong Amerikano at ang Pangulo ay kapapalabas pa lamang ng taimtim na pahayag na itinatatwa nito ang anomang pagnanasa na angkinin ang Cuba at nangangako na iiwanan ang bansang iyon sa mga Cubano pagkaraang maitaboy ang mga Kastila at mapanumbalik ang kapayapaan sa bansa. Ang Cuba ay nasa aming pintuan, samantalang ang Pilipinas ay 10,000 milya ang layo.”
Tsapter VIII
KUTSABAHAN SA MANILA BAY
Sinabi ni Sun Tzu: “Samakatwid ang mandigma at ipagwagi
ang lahat ng labanan ay hindi rurok ng kagalingan sa digmaan;
ang rurok ng kagalingan sa digmaan ay ang pagdurog
sa pakikipagdigma ng kaaway na walang labanan.”
Sa simpleng salita, talunin ang kaaway na walang labanan.
            Hindi na inabot ni Aguinaldo si Dewey nang makabalik siya sa Hongkong noong Abril 25, 1898. Nang araw na iyon, nakatanggap si Dewey ng mensahe mula kay John Davis Long, Kalihim ng Hukbong Pandagat ng Estados Unidos, na nagpabatid sa kanya na nagsimula na ang digmaan sa pagitan ng Amerika at Espanya at nag-aatas na siya ay kaagad kumilos laban sa plotilyang Kastila sa Pilipinas, bumihag ng mga barko o di kaya’y dumurog sa mga ito.”
            Una muna, bakit kailangang sumalakay si Dewey sa Pilipinas? Totoong may deklarasyon ng digmaan kaugnay ng giyera sa Cuba subalit ano ang pakialam ng Pilipinas doon? Sa katunayan ang pinagsanib na resolusyon ng Senado at Mababang Kapulungan ng EU na ginawa noong Abril, 19 1898 at naging batayan ng deklarasyon ng digmaan na sinang-ayunan ni Pangulong McKinley ay humihinging lisanin ng Espanya ang Cuba lamang, hindi ang alin pa mang ibang bansa.  
            Mas malalim kesa sa galit ng sambayanang Amerikano sa pagsabog ng USS Maine and dahilan ng pakikipagdigma ng EU laban sa Espanya. Di kokonti ang mga historyador na Amerikano ang naglantad sa tunay na dahilan, halimbawa’y sina Charles A. Beard, Howard Zinn at Richard Hofstadter. Ayon sa kanila, ang pagpapalapad sa pandaigdigang saklaw ng kapangyarihang Amerikano ang humantong sa isang pinakanang digmaang Hispano-Amerikano.
            Di-umano’y isinulong ang digmaan ng mga negosyante’t korporasyon na nangangailangan ng mga palengke sa ibayong dagat para sa kanilang mga produkto. Mga detalyadong patunay nito ang laman ng mga aklat na The History of the Labor Movement in the United States ni Philip Poner at Republic Or Empire: American Resistance to the Philippine War. Ang American Anti-Imperialist League ay itinatag sa pangunahing dahilan na kailangang ipahayag ang panlulumo sa pananakop sa Pilipinas. Ang pamosong manunulat na si Mark Twain, pangalawang pangulo ng liga mula 1901 hanggang mamatay siya noong 1910, ay kumundena sa pananalakay ng Amerika sa Pilipinas bilang "isang kumunoy na kada bagong hakbang ay palalim nang palalim at ang pag-ahon mula rito ay ubod ng hirap.” Sa isang artikulong nilimbag ng New York Herald noong Oktubre 15, 1900, sinabi ni Twain na ang Amerika ay dumating sa Pilipinas “upang manakop, hindi upang manubos.”
            Inamin ito mismo ni Theodore Roosevelt, Sr. noong 1899 nang wikain niya: “Nagkaroon ng mga usapan na simpleng aksidente lamang na nagkataong si Dewey ay siyang may koman ng Iskwadrong Pang-Asya nang sumiklab ang digmaan. Hindi ito ang totoo. Inatasan siyang maging kumander ng iskwadron noong taglagas ng 1897 sapagkat itinuring na katalinuhan ang magkaroon  doon ng isang tao na makatutuloy sa Maynila kung kinakailangan.”
            Si Roosevelt ang pinakamaimpluwensya sa Amerika na masugid na promotor ng pakikipagdigma ng EU sa Espanya. Nang mahirang siyang Katulong na Kalihim ng Hukbong Pandagat ng Amerika, binuo niya sa isip ang ideya ng pagsalakay sa Maynila kung sasabog ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Espanya. Isang tao lamang ang inisip ni Roosevelt na may kakayahang gawin ito – si Dewey. Nang mabakante ang posisyon ng Kumander ng Iskwadrong Pang-Asya, trinabaho ni Roosevelt na si Dewey ang maluklok sa puwesto. Noon Pebrero 25, 1898, sampung araw pa lang magmula ng sumabog ang Maine, inatasan  na ni Roosevelt si Dewey sa pamamagitan ng kablegrama na gawing base ng kanyang mga operasyon ang Hongkong. Ang instruksyon kay Dewey ay, na kaagad gumawa ito ng aksyon laban sa plotilya ng Espanya sa Pilipinas kung sakaling magkakaroon ng pakikipagdigma sa Espanya.
            Ganitung-ganito ang kaatasan na ipinaabot ni Kalihim Long kay Dewey nang araw na magdeklara ng digmaan ang Espanya, na kung kaya kara-karakang tumulak si Dewey papuntang Pilipinas at hindi na hinintay pa ang pagbalik ni Aguinaldo sa Hongkong.
            Mapupuna na ang nabanggit na atas ni Roosevelt kay Dewey ay ginawa dalawang buwan bago ang deklarasyon ng digmaan ng Espanya noong Abril 25, 1898. Sa pakikipagtalastasan ni Roosevelt nang gayon kay Dewey, nagiging matimbang ang teorya – na pinapanigan mismong ng mga responsableng ekspertong militari ng EU at maging ng mga pangunahing mamamahayag –  na sinadya ng Amerika na pasabugin ang USS Maine upang magkaroon ng malakas na alibay na digmain ang Espanya.
            Madaling araw ng  Mayo 1, 1898 dumating si Dewey  sa Manila Bay, sakay ng Olympia, isa sa pitong barkong pandigma na tangay niya sa gagawing pananalakay. Dumiretso siya sa baybayin ng Maynila sa pag-asang doon niya matatagpuan ng plotilya ng Espanya, subalit wala iyon doon.
            Nang mga sandaling iyon, ang ploltilyang Kastila ay, sa pagkaaninag ni Dewey, tila paparagasa mula sa Sangley Point sa Kabite, na wari’y upang salikupin ang mga Amerikano mula sa likuran.
            Iniutos ni Dewey na ipabalik ang mga barkong Amerikano upang harapin ang mga Kastila, at nang matantiya na kaya nang abutin ng kanyang mga kanyon ang mga barkong Kastila, iniutos niya sa Kapitan ng Olympia na simulan ang panganganyon.
            Bagama’t higit na nakararami ang mga barkong pandigma ng mga Kastila, sobrang higit na armado naman ang sa mga Amerikano. Todo dehado ang mga Kastila.
            Isang masaker ang nangyaring labanan.
            Tanghali pa lamang ng araw na iyon, ganap nang wasak ang mga barkong Kastila na nasa ilalim ng koman ni Admiral Patricio Montojo. Itinaas ng mga Kastila ang puting bandila ng pagsuko.
            Bukod sa panimulang pakikipag-ugnayang nagawa na ni Dewey kay Aguinaldo, ang pananagumpay niya laban sa mga puwersa ni Montojo ay higit pang umakit kay Aguinaldo upang makipagtulungan na sa Amerika.   
             Noong Mayo 4, kinunsulta ni Aguinaldo ang Junta sa Hongkong ukol sa kung ano ang maipanunukala nitong dapat niyang gawin sa harap ng mga panibagong pangyayari.
            Ang junta ay itinatag sa Hongkong bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan. Kinabibilangan ito ng mga tampok na pangalang tulad ni Felipe Agoncillo, pangulo; Doroteo Lopez, kalihim; at mga kasaping sinaTeodoro Sandico, Anastacio Francisco, Mariano Llanera, Miguel Malvar, Andres Garchitorena, Severo Buenaventura, Maximo Kabigting, Faustino Lichauco, at Antonio Montenegro.
            Inihayag ni Aguinaldo sa pulong ang mga namagitan sa kanila nina Pratt at  konsul ng EU sa Hongkong na si Rounseville Wildman. Si Wildman ang nagpanukala ng pagtatatag ng gobiyernong diktaduryal sa Pilipinas bilang paghahanda sa napipintong digmaan laban sa Espanya. Ipinaliwanag ni Aguinaldo ang pakikipagkasundo niya kay Wildman na ang pamahalaang diktaduryal ay babaguhin sa panahon ng kapayapaan upang umayon sa demokratikong pamahalaan ng EU. 
            Pinagkaisahan sa pulong na pabalikin si Aguinaldo sa Pilipinas at pamunuan ang mga Pilipino sa muling pagpapasiklab ng digmaan  laban sa mga Kastila.
            Pagkaraan niyon, sagsag na si Wildman  sa pamimili ng armas at iba pang mga gamit pandigma na dadalhin ni Aguinaldo sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Umabot sa 2,000 riple ang nabili at 200,000 bala, mula sa halagang P50,000 na ibinigay ni Aguinaldo kay Wildman. Isa pang hiwalay na halagang P67,000 ang diumano’y iniablot ni Aguinaldo kay Wildman subalit walang nakatala kung ito ay nagamit din sa pagbili ng mga dagdag na gamit pandigma o di kaya’y naisauli kay Aguinaldo.
            Sa anu’t-anuman, tila naging sunud-sunuran na lamang si Aguinaldo sa mga naisin ni Dewey. Sa una pa, bumalik si Aguinaldo sa Hongkong dahil sa pasabi ni Dewey. Nang di niya abutin si Dewey sa kanyang padating sa Hongkong, naghintay na lamang siya kung kelan siya katatagpuin nito. Inasikaso naman siya ni Wildman, subalit ayon pa rin sa mga tagubilin ni Dewey.

            Nang handa na siyang bumalik sa Pilipinas, dumating sa Hongkong ang barkong McCulloch, isa sa barko ni Dewey, subalit hindi pinasakay si Aguinaldo ng barko dahil ayon sa kapitan nito walang bilin si Dewey na pasakayin siya. Sa ikalawang beses na pagdating ng McCulloch sa Hongkong, pumayag na ang kapitan na pasakayin si Aguinaldo dahil aniya’y ibinilin ni Dewey na pasakayin siya pabalik sa Pilipinas.

            Sa kalaliman ng gabi noong Mayo 16, sumakay si Aguinaldo at kanyang mga kasamahan sa McCulloch. Ginawa ito upang maiwasan na maamuyan ng konsul na Kastila sa Hongkong ang biyahe. Alas onse kinabukasan, pumalaot na ang McCulloch papuntang Pilipinas.

            Sa sandaling nakadaong ang McCulloch sa Manila Bay, ipinasundo siya ni Dewey sa kanyang lantsa at tinanggap bilang bisita sa Olympia. Kagalang-galang ang naging pagtanggap ni Dewey kay Aguinaldo, tulad ng isang heneral sa kapwa heneral.

            Ayon kay Aguinaldo, siniguro sa kanya ni Dewey na hindi kailangan ng Estados Unidos ang anomang kolonya at tiniyak din ni Dewey na kikilalanin ng Amerika ang kasarinlan ng Pilipinas. Ayon sa mga tala, ikinaila ni Dewey na nagbigay siya kay Aguinaldo ng ganung paniniyak. Aniya ang pakikipag-usap niya kay Aguinaldo ay sa sarili niyang kapasidad at hindi niya maaaring ipangako ang desisyon ng pamahalaan ng Amerika.

            Opinyon ng isang historyador, ipinagkamali ni Aguinaldo ang kagandahan ng pagtanggap sa kanya ni Dewey bilang kagandahang loob ng pamahalaan ng Amerika.

            Subalit kung tutuusin, ang winikang paninindigan ni Dewey sa pakikipagpulong nito kay Aguinaldo sa Olympia ay siyang-siya ring komitment na binitiwan kay Aguinaldo ng konsul na si Wildman sa Hongkong. Nagpapakita ito ng isang tila orkestradong panlalansi kay Aguinaldo ng Amerika sa pakikialam nito sa Pilipinas, panlalansi na kulob-saan mo dalhin ay lumilikha ng larawang kumokumporme sa propagandang Amerikano na mabait ang kanyang hangarin sa Pilipinas.
            Hindi kinailangang magtagal upang malantad ang itim na layuning nakatago  sa likod ng  mga kabaitang naipamamalas ng Amerika hanggang sa yugtong ito. Ang muling pagsabog ng himagsikan laban sa Kastila ay lubos na naghubad sa maskara ng Amerika.
            Kagulo ang sambayanan sa pagbabalik ni Aguinaldo. Daan-daan ang agad na nag-alok ng kanilang serbisyo, kabilang na ang mga Pilipinong kasapi ng gwardiya sibil na pumakabila sa  rebolusyon. Ang mga sundalong ito ang inatasan ni Aguinaldo na sakupin ang Sangley Point sa Kabite. Sa napakaraming nagboluntaryo, ipinamahagi ni Aguinaldo ang mga armas na  pinamili niya sa Hongkong.
            Pagpasok ng Hunyo 1898, halos buong Luzon ay muling nasakop na ng mga puwersa ng rebolusyon maliban sa daungan ng Cavite at Maynila.
            Desperado ang gobernador heneral na si Basilio Agustin sa pagsisikap na himukin ang pagpanig ng mga Pilipino laban sa Amerika. Katulong na naman dito si Pedro Paterno, ang ahente sa pagkakanulo ng rebolusyon sa pamamagitan ng Kasunduang Biyak Na Bato, na sa ngayon ay nagpahayag ng katapatan sa Espanya kontra Amerika. Subalit ang pagpanig na sa reboluyson ng mga Pilipinong gwardiya sibil ay lubhang nakapagpahina ng loob ng mga puwersang Kastila at ang pagbagsak ng mga moog na Kastila sa buong Luzon ay ibayong nagpasigla sa mga Pilipino upang maging ang mga balimbing na mestizo na katulad ni Paterno ay pawang nagsipag-alay ng serbisyo’t katapatan kay Aguinaldo.
            Samantala, sa bahagi ni Dewey gumulong na ang proseso patungo sa kutsabahan sa Manila Bay. 
            Sinarhan ni Dewey ang Manila Bay bilang paraan lamang ng pagpigil sa alis-dating ng mga barkong Kastila sa Maynila. Hindi niya nilayong bombahin ang napapaderang Lungsod ng Maynila,  na sumasaklaw lamang sa Intramuros. Libu-libong Kastila at mga mestizong tapat pa rin sa Espanya ang nagkakanlong dito. Hindi rin niya ninais na sakupin muna ang siyudad dahil kapus siya sa tauhan upang okupapin ito. Hihintayin lang muna niya ang pagdating ng mga dagdag na puwersa mula sa Amerika.

            Sa mga pamantayan ni Sun Tzu, wasto ang ginawa ni Dewey: “Sa praktikal na sining ng pakikipagdigma, ang pinakamagaling na bagay ay ang kuning buo at walang kasiraan ang bayan ng kaaway: ang wasakin ito at sirain ay hindi napakaganda. Gayundin higit na magaling na bihaging buo ang isang hukbo kesa sa sirain ito, bihagin ang isang rehimento, destakamento o isang kumpanya na buo kesa sa sirain sila.”

            Mababang-mababa na ang moral ng mga Kastila dahil sa pagkawasak ng kanilang mga barkong pandigma sa Kabite maaaga pa, subalit di nababawasan ang kanilang dangal at pagpapahalaga sa dugong Espanyol. Di matiyak kung ano sana ang nangyari kung pinilit ni Dewey na sakupin ang Maynila nang ganun kaaga; hindi ito ang nangyari. Kung babalikan si Sun Tzu, sinabi niya na huwag na huwag ilalagay ang kaaway sa pakikibakang buhay-at- kamatayan sapagkat sa ganitong kalagayan lumalabas ang lahat ng tapang ng kaaway at malamang na siyang magwagi sa labanan. Ang nangyari, dahil sa pagpipigil ni Dewey na umatake, umabot ang digmaan sa wastong yugto na hindi na kailangang digmain pa ang Espanya upang isuko nito sa Amerika ang Pilipinas na  walang kasiraan, buong-buo.

            Katapusan ng Hunyo nang dumating sa Manila Bay ang una sa mga dagdag-puwersa na inaasahan ni Dewey. Nasa pamumuno ito ni Heneral Thomas Anderson. Kalagitnaan ng Hulyo, dumating ang pangalawa, pinamumunuan ni General Francis V. Greene. Ibayong gumaan ang pagtatamo ng tagumpay nang dumating ang pangatlong mga dagdag-puwersa na pinamumunuan ni Heneral Arthur MacArthur.

            Subalit patuloy si Dewey sa kanyang pag-atras ng suntok, wika nga. Sa paniwala niya, ang pagsuko ng Maynila ay maisasagawa nang hindi dinadaan sa labanan. Sa pamamagitan ng konsul ng Belgium, nakipagnegosasyon si Dewey sa mga Kastila. Nang mabalitaan ng gobyerno sa Espanya na balak ni Gobernador Heneral Agustin na sumuko, agad siyang hinalinhan ni Heneral Fermin Jaudenes, na lumabas ay may layunin ding sumuko dahil sa kawalang pag-asa ng kalagayan ng Kastila. Nakaharang sa Manila Bay si Dewey; nakapaligid sa lupa si Aguinaldo at ang napakaraming tropa nito.

            Ngunit di tulad ng inisip ni Agustin na simpleng pagsuko, ang ideya ni Jaudenes ay pagsuko na hindi masisira ang karangalan ng Espanya. Dahil dito kung bakit samantalang ilang ulit ding inalok ni Aguinaldo si Jaudenes na sumuko, lahat ng alok ay tinanggihan nito. Sa halip tinanggap ang negosasyon ni Dewey. Ang kondisyon, isusuko ni Jaudenes ang Maynila pagkaraan ng isang gawa-gawang labanan sa Manila Bay. Makukuha ni Dewey ang kanyang gusto; makukuha rin ni Jaudenes ang ibig niya – iligtas ang dangal ng Espanya.

            Ang pinakamalungkot sa mga pangyayari, ipinagpilitan ni Jaudenes na ipuwera si Aguinaldo at ang mga puwersa ng rebolusyon sa negosasyon – at si Dewey ay pumayag. Nangako si Dewey na hindi papapasukin si Aguinaldo at mga tauhan nito sa pagsakop ng mga Amerikano sa Maynila.

            Sa bisperas ng Labanan sa Manila Bay, si Aguinaldo ay nakatanggap ng warning mula kay Heneral Greene na huwag niyang pabayaang makapasok ang kanyang mga tropa sa Maynila (Intramuros) nang walang pahintulot ng kumander na Amerikano. “Sa bahaging ito ng Ilog Pasig, kayo ay babarilin,” babala ni Greene. 

Tsapter IX
PAMANANG MGA KATRAYDURAN

Sinabi ni Sun Tzu: “Malungkot ang sinoman na magsisikap ipagwagi
ang kanyang mga pakikipagdigma at ipagtagumpay ang
kanyang mga pananalakay subalit hindi nagtatanim ng diwa
ng pagpupunyagi, sapagkat ang magiging bunga
ay malaking panghihinayang sa panahon
at pangkalahatang pagkabansot.”

            Gaan ng pananagumpay ang maliwanag na hangad ni Aguinaldo at ng mga kasamahan sa Junta sa Hongkong nang ipasya nila na makipagtulungan na kay Dewey sa sandaling mabalitaan ang pagkadurog nito sa plotilya ng Espanya sa Kabite. Hindi nila kailanman sinikap na pag-aralan nang malalim ang pakay ng Amerika sa pagpunta sa Pilipinas at sa gayo’y tuklasin ang  maitim na balakin na nagtulak kay Dewey sa pakikihamok nito sa mga Kastila sa bansa. Sa kadahilanang ito maaaring maituring na ang pakikipagtulungan ng mga Pilipino sa mga Amerikano ay para lamang na pakikipagbalse sa diablo.

            Bakit dinigma ng  EU ang Espanya?

            Samantalang nakaugalian nang ipakahulugan  sa turing na Digmaang Hispano-Amerikano ang mga katutubong pag-aalsa sa Cuba, Puerto Rico, Guam at mga kapuluang Pilipino, ang digmaan ay sa katunayan tumutukoy sa direktang pakikialam ng EU sa mga pagbabalikwas sa mga kolonya ng Espanya sa pagtatapos ng ika-19 na siglo.

            Nagsimula bilang pagsusulong sa kalayaan ng Cuba noong 1898, ang digmaan ay tumagal lamang ng apat na buwan subalit sumambulat sa isang pandaigdigang sagupaan na rito ang layunin ng Amerika ay buwagin na sa pamamagitan ng kanyang Hukbong Pandagat ang pamamayani ng Espanya sa mga kolonya nito sa Silangang Pasipiko at Carribean.

            Magkaiba ang kinahantungan ng digmaan para sa mga magkalabang panig.

            Para sa Espanya, iyon ang matinding pananalanta na ibayong nagpahina sa Pamahalaan ng Pagpapanumbalik (turing sa gobiyerno noon ng Espanya), nagbigay-daan sa diktadura ni Primo de Rivera at humantong sa ganap na kawalang-saysay ng militari ng Espanya pagpasok ng ika-20 siglo.  

               Para sa matagumpay na Estados Unidos, pinangatawanan na nito ang papel bilang ganap na Emperyo o kaharian, na may mga sakop na kolonya na nakapalibot sa mundo  at pinangangalagaan ng isang makabagong Hukbong Pandagat. Ang tagumpay ng Amerika sa digmaan ay siya nang kaganapan ng Doktrinang Monroe na noon pang 1823 ay nagtakda na ng patakaran ng Estados Unidos kaugnay ng mga kolonya ng Espanya. Ayon sa doktrinang ito, ang anomang karagdagang pagtatangka ng mga pamahalaang Europeo na makapangolonya sa mga Amerika (tinutukoy ang Sur Amerika at mga karatig-teritoryo sa karagatan ng Carribean) ay ituturing na mga pananalakay na nangangailangan ng pakikialam ng Estados Unidos.

               Sa pagsisimula pa lamang ng Republika ng Amerika, ang pagpapalapad ng teritoryong nasasakupan ay isa nang mahalagang sangkap ng papaimbulog na pambansang karakter ng Estados Unidos.   Kasunod ng Digmaang Sibil sa Amerika, mga beterano ng digmaan ang nanguna sa pagpapalapad ng teritoryo ng EU sa pamamagitan ng pagsakop sa napakalaking kanluran ng kontinenteng Amerikano. Sa pagpasok ng 1890, naglaho na ang mga frontier o malalawak na lupaing okupado ng di-bababa sa dalawa subalit di-hihigit sa anim na katao kada milyang parisukat. Sa madaling sabi, ubos na ang kalupaan  sa Estados Unidos na maaari pa nitong pagpalaparan – kinailangan nang mangibayong dagat upang magtuloy-tuloy ang pagpapalapad sa Amerika lagpas pa sa aktwal na teritoryo nito.

            Walang kamalay-malay si Aguinaldo na sa kanyang pagpapahayag ng pagkilala sa Doktrinang Monroe ang pangangailangan mismong ito ng Amerika ang siya niyang buong gaan na kinapalooban.

             Noong Setyembre 29, 1898 niratipika ng Kongreso ng Malolos ang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas na isinagawa ni Aguinaldo sa Kawit, Kabite  noong nakaraang Hunyo 12. Sa kanyang talumpati sa nasabing okasyon, ipinahayag ni Aguinaldo ang ganito: “Ngayon saksi tayo sa katotohanan ng winika ng bantog na Pangulong Monroe na ang Estados Unidos ay para sa mga Amerikano; ngayon ay sinasabi ko, ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino.”

             Nakalulungkot isipin na ipinahayag ni Aguinaldo ang mga salitang ito isang buwan matapos  ganap nang sakupin ng mga Amerikano ang Maynila – puwera ang mga puwersang Pilipino.  Ang Doktrinang Monroe ay para lamang sa mga Amerikano – pag-angkin ng soberaniya ninoman sa mundo para sa Amerika.

             Ang tagumpay ni Dewey sa kanyang unang pakikipagsagupaan sa mga Kastila noong Mayo 1, 1898 ay tunay na nakapagpaluwalhati sa sambayanang Amerikano. Tatlundaan pitumpu’t isang Kastila ang nasawi kumpara sa 9 lamang sa mga tauhan ni Dewey.  Ganap na wasak ang plotilya ni Montojo na pawang gawa sa kahoy at may kabuuang timbang na 11,328 tonelada, kumpara sa iskwadrong Amerikano na pawang yari sa bakal at sama-samang tumitimbang ng 19,098 tonelada. Ang daluyong ng mga pagbubunyi sa tinamo ni Dewey ay nagsilbing pampagaan sa kapasyahan ng Amerika na sakupin na nga ang Maynila.

             Nang mga panahong iyon, bumilbilang ng 26,000 regular at 14,000 milisya ang mga puwersang Kastila na nakakuta sa palibot ng kapuluan. Kabilang dito ang 9,000 na nakakuta sa Intramuros at siyang dahilan ng pag-aatubili ni Dewey na salakayin ang Maynila agad na kasunod ng pananagumpay niya sa Kabite. Kapus ang kanyang puwersa kung ihahambing dito, subalit sa pagpipista ng Amerika sa kanyang tagumpay, buong gaan na ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong McKinley ang karagdagang puwersa na higit pa sa doble ng kanyang kahilingan na 5,000 – 10,844 sa pamumuno ni Heneral Wesley Merrit.

             Ang kagila-gilalas na puwersang ito ang naikalat na pakubkob sa Intramuros noon pang Agosto 10, 1898, na siyang naitakdang petsa ng pagsakop sa siyudad subalit naipagpaliban dahil sa sama ng panahon.

             Alas nueve y media ng Agosto 13 nang sa wakas ay isambulat ni Dewey ang unang dagundong ng kanyon na nakaumang sa Timog-Kanlurang bahagi ng Intramuros, ang Kuta ng San Antonio Abad. Iyon ang simula ng gawa-gawang labanan sa Manila Bay. Mula sa Malate, makaraan ang isang oras ng pambobomba mula sa mga barko ni Dewey,  lumusob ang pangkat na nasa pamumuno ni Heneral Greene. Kalahating oras pa ang lilipas, sumugod naman ang mga puwersang pinamumunuan ni Heneral MacArthur.

             Sa kabila ng pagbabawal ni Heneral Anderson ipinagpilitan pa rin ni Aguinaldo ang pakikipaggitgitan sa kanang bahagi ng pulutong ni MacArthur at nakalapit din kahit papaano sa mga pader ng Intramuros. Huli na nang malaman ni Aguinaldo na siya ay napaglalangan ng mga Amerikano. Bago pa magtanghali, alinsunod sa kutsabahang namagitan kina Dewey at Jaudenes, itinaas na ng mga Kastila ang puting bandila ng pagsuko. At sa mga kagyat na sumunod na negosasyon ng pagsuko, tanging ang naroroon ay sina Heneral Greene at Heneral Merrit at kinatawan ni Dewey sa panig ng mga Amerikano, at si Jaudenes sa panig ng Espanya.

            Nasaan si Aguinaldo at mga Pilipino? Nasa labas ng pader, nakatunganga.

            Sa makatotohanang pagsasaalang-alang, puwersa ng rebolusyong Pilipino ang nagpagupo sa Kolonyalismong Kastila. Ang mga kalagayan sa digmaan bago ang gawa-gawang labanan sa Manila Bay – na bumagsak na ang kapangyarihang Kastila sa bansa maliban sa napapaderang siyudad ng Maynila – ay siyang-siyang kaayusan nang patulan ni Aguinaldo ang Kasunduang Biyak Na Bato, na sa pamamagitan nito ay ibinenta ang rebolusyon sa hulugang halagang P800,000.

            Nananalasa na noon sa Cuba ang mababangis na puwersang inorganisa ni Theodore Roosevelt na tinaguriang Rough Riders, nagbabadya ng  pagbagsak ng kapangyarihan ng Espanya sa dakong iyon ng mga Amerika. Dagdag pa rito, ang asasinasyon kay Canovas del Castillo ay nakapagluklok bilang Punong Ministro kay Praxedes Sagasta, isang liberal at masugid na tagasulong ng pagsasarili ng Cuba. Si Sagasta rin ang inasahan ng tulong ng mga propagandistang Pilipino sa Espanya ngunit hindi napagtagumpayang kunin ang pamunuan  sa Espanya nang mga panahong iyon. Sa namimintong pagbagsak ng kapangyarihang Kastila sa Cuba, di malayong isipin na susunod na rin ang Pilipinas. Ang Kasunduang Biyak Na Bato ay isang desperadong pagbili lamang ng oras ng mga Kastila sa Pilipinas upang patagalin pa ang kanilang paghahari.

            Pagkaraan ng Labanan sa Manila Bay (Mayo 1, 1898), nagkasya na lang muna si Dewey sa pagharang sa karagatan papasok sa Maynila; sa kanyang pagtantiya, kulang ang kanyang puwersa upang sakupin na ang siyudad.

            Subalit si Aguinaldo at ang napakarami niyang puwersa ay nakapaikot na sa napapaderang lungsod at nasa kalagayan na itutuloy-tuloy na lang ang pag-atake upang agawin na sa mga Kastila ang kapangyarihan. Subalit di niya ito ginawa. Dahil nga sa ang unawaan nila ni Dewey ay magtutulungan sila sa pagpapabagsak sa mga Kastila. Wala siyang kamuwang-muwang na sina Dewey at Merritt ay nakipagkutsabahan na kay Jaudenes ukol sa palabas na Labanan ng Manila Bay at sa kutsabahang ito, patraydor na ipinuwera si Aguinaldo. Sa halip na ihampas na ang panghuling dagok na hinihintay na lamang ng mga Kastila,  isinakatuparan ni Aguinaldo ang matagalang pagkubkob na ang layunin ay gutumin at uhawin ang mga Kastila hanggang sa ang mga ito ay sumuko; pinutol pa mandin ni Aguinaldo ang daloy ng tubig papasok sa lungsod para sa layuning ito.

            Mula sa pagtatapos ng Mayo – na noon ang buong Luzon matangi sa Maynila at arsenal sa Kabite ay napalaya na –  hanggang sa pagsabog ng gawa-gawang labanan sa Manila Bay, ang naging operasyon ni Aguinaldo ay ang kubkubin ang Maynila. Isang bagay na sa mga panuntunan ni Sun Tzu ay siyang pinakamasahol na istratehiya sa digmaan.

            “Ang patakaran,” aniya, “ay, huwag kubkubin ang mga napapaderang siyudad hangga’t pwede itong iwasan.”

            Ang nangyari, naubos ang oras ni Aquinaldo sa kakukubkob sa Maynila. Nang dumagsa na ang humigit-kumulang ay 11,000 tropang Amerikano na tangay ni Heneral Merritt at nangayupapa na ang mga Kastila, kubkob kete kubkob pa rin ang inabot ng kilos ni Aguinaldo. Nakipaggigitan man siya sa sandaling rumaragasa na ang mga tropang Amerikano papasok ng Maynila, naiwan pa rin siya sa mga tarangkahan ng siyudad.

            Sinubukan ni Aguinaldo na laruin ang  panlalansi’t katrayduran. Sa larangang ito, meron pa bang higit na gagaling kesa sa Kano? 
Sa pagitan ng Mayo 1 at Agosto 13, may mga ginawa si Aguinaldo na kung ilalagay sa timbangan ng mga ginawa naman ni Dewey, magpaparehas lang ang dalawa sa usapin ng katrayduran.

            Una, ang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas na ginawa ni Aguinaldo sa balkonahe ng kanyang bahay sa Kawit, Kabite noong Hunyo 12, 1898. Ang intindihan niya sa Amerika, sa pamamagitan ng konsul nito sa Hongkong na si Wildman, makikipagtulungan siya sa puwersa ni Dewey sa pagpapabagsak sa mga Kastila sa Pilipinas. Tumupad si Aguinaldo sa usapan. Di ba nga’t ang napakalaking puwersa ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang siyang bumalikat sa pagkubkob sa Maynila habang hindi pa dumarating ang dagdag-puwersang Amerikano na hinihintay ni Dewey upang ipanalakay sa siyudad? Subalit, sa pagdeklara niya ng kalayaan ng Pilipinas, inuunahan na niya ang anomang mga balakin ni Dewey. Di maiiwasang isipin ng mga Amerikano na ang ganung gawi ni Aguinaldo ay isang anyo ng kataksilan. Totoong may intindihan si Aguinaldo at si Wildman na magtatatag siya ng isang pamahalaang diktaduryal na kalaunan ay itatransporma sa isang pamahalaang demokratiko na tulad ng sa Amerika,  subalit hindi sa anomang kalagayan  maaaring isagawa ang nasabing pagtatatag ng pamahalaan na walang basbas ng Amerika.

            Upang maging malinaw ang isyung ito, balik-tanawan ang mga kaparaanang dinaanan ng Cuba sa pagtatamo nito ng awtonomiya mula sa Espanya. Sinugo ni Pangulong McKinley si Stewart L. Woodford sa Espanya upang hingiin sa Madrid na ipagkaloob ang nasabing awtonomiya at kung hindi ay kikilalanin ng Estados Unidos ang mapandigmang katayuan ng Cuba at sa gayon ay magagawang legal na armasan ito ng mga negosyanteng Amerikano. Maayos na naganap ang pakikipag-usap ni Woodford sa bagong luklok na Punong Ministro na si Praxedes Sagasta, na sumang-ayon sa kahingian ng Estados Unidos. Ang awtonomiya ng Cuba ay itinakdang magsimula sa Enero 1, 1898.

            Sa punto de vista ng Amerika, ang isang walang onsehang unawaan ay dapat na dumaan sa prosesong inilahad sa itaas: Estados Unidos ang dapat na prinsipal na padrino sa paglaya ng Pilipinas mula sa Espanya. Sa katunayan bago pa naganap ang palabas na labanan sa Manila Bay, gumulong na ang proseso na doon ay ginagampanan na ng Estados Unidos ang eksaktong papel na ito. Isang protokol na pangkapayapaan ang ipinarating ng EU sa Espanya sa pamamagitan ni Jules Cambon, Embahador ng Pransya sa Washington, noong Agosto 10, 1898. Kabilang  sa iba pang mga probisyon, itinatadhana ng protokol ang pagpapalaya ng mga kolonya ng Espanya na Cuba, Puerto Rico, Guam at Pilipinas. Sumang-ayon ang Espanya sa mga tadhana ng protocol, at noong Agosto 12, bisperas ng gawa-gawang Labanan sa Manila Bay, nagpalabas si Pangulong McKinley ng isang proklamasyon na nag-uutos ng pagtigil ng lahat na operasyong militar laban sa kaaway.

            Sa pagtigil ng digmaan sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos, naiguhit ang tadhana ng Pilipinas na maging kolonya na ng Amerika. Dahil pagmamando ng Amerika, ang utos, tulad ng sa hari,  ay di dapat na mabali – subalit binali nga ito ni Aguinaldo nang sa sariling diskarte ay iproklama niya ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.

            Bago ginawa ni Aguinaldo ang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas, ipinasundo niya upang konsultahin  si Apolinario Mabini, isang batang abogado na maagang tinamaan ng paralisis. Tutol si Mabini sa balak na proklamasyon. Ayon sa kanya, higit na mahalagang makumbinse ang mga banyagang kapangyarihan na matatag ang bagong pamahalaan kesa sa magproklama ng kalayaan sa ganung napakaagang yugto. Ang nararamdaman ni Mabini na nakaambang bagong agresyon ng Amerika ang siyang higit na dapat na pagtuunan ng pansin.

            May katalinuhan sa payo ni Mabini. Hanggang sa mga panahong iyon, hindi pa litaw ang mga balakin ng Amerika sa Pilipinas at sa ganang kay Mabini, pabayaang Amerika ang siyang unang maglantad ng kartada. Di tulad ng gagawing proklamasyon na kaagad ay maaaring ipagkamali na paghamon sa disenyo ng EU sa bansa.

            Katulad ng lagi nang payo ni Sun Tzu, lahat ng digmaan ay panlilinlang. “Samakatwid, kung kaya nating umatake, dapat lumitaw na di natin kaya; sa paggamit ng ating puwersa, dapat lumitaw na wala tayong ginagawa; kung malapit tayo, dapat papaniwalain ang kaaway na tayo ay malayo; kung malayo, dapat papaniwalain siya na malapit tayo,” paliwanag niya. At dagdag pa, “Kung sigurado ang kaaway sa lahat ng puntos, paghandaan siya. Kung higit na malakas ang kanyang puwersa, iwasan siya.”

            Ganito halos ang payo ni Mabini kay Aguinaldo. Malakas ang Amerika at hindi siya dapat bigyan ng alibay na digmain ang mga rebolusyonaryong Pilipino. Kung pagsasaayos lamang sa rebolusyonaryong pamahalaan ang pag-uusapan, hindi ito problema. Ipinanukala rin ni Ambrosio Rianzares Bautista ang pagtatayo ni Aguinaldo ng pamahalaang diktaduryal, na siya rin namang suhestyon ng Amerikanong konsul na si Wildman una pa sa Hongkong. Naging tema rin ito ng usapan nang tanggapin ni Dewey si Aguinaldo bilang panauhin lulan ng Olympia makaraang makabalik na sa Pilipinas mula sa Hongkong ang huli.

            Diktaduryal man ang itatayong pamahalaan, wala itong lilikhaing sigalot basta’t kapit sa pundiyo ng Amerika. Kaya ayos lang ang pahayag na ginawa ni Aguinaldo noong Mayo 24, 1898 na inaako niya ang pamumuno sa lahat ng tropang Pilipino “sa pakikibaka para sa pagtatamo ng matatayog nating mga adhikain, pinasisinayaan ang isang gobyernong diktaduryal na pamamalakaran ng mga dekrito  na ipalalabas sa ilalim ng solo kong pananagutan…” Sa araw ding iyon, ipinalabas ni Aguinaldo ang isang dekritong pormal na nagtatatag sa Pamahalang Diktaduryal.

             Subalit ang deklarasyon ng independensya – na ang kalamnan ay isang paghamon sa plano ng EU na kolonyahin naman ang Pilipinas – naroroon ang kontrobersiya. Hunyo 5 nang ipalabas ni Aguinaldo ang dekrito na nagtatakda sa Hunyo 12, 1898 bilang araw ng kalayaan ng Pilipinas, at sa nasabing petsa nga ay naganap ang proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas.

            Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Nagdatingan na ang mga dagdag-puwersa na hiningi ni Dewey, naikalat sa mga baybayin ng Maynila pahalili sa mga posisyon ng mga rebolusyonaryong Pilipino na sa ngalan ng kooperasyon ay pinayagan ni Aguinaldo na maitaboy palayo.

            Samantala, inareglo na nina Dewey at Merrit ang kutsabahang magsusuko sa kolonyalismong Kastila sa Pilipinas – hindi sa mga rebolusyonaryong Pilipino kundi sa mga Amerikano.     
           
            Wala pang isang buwan makaraang ipahayag ni Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas, binago niya ang anyo ng pamahalaang diktaduryal. Kapalit nito itinatag niya ang isang Pamahalaang Rebolusyonaryo, na rito ay hindi na Diktador ang turing sa kanya kundi Presidente. Upang may makatulong sa pangangasiwa sa pamahalaan, binuo ni Aguinaldo ang isang gabinete na kinabibilangan nina Baldomero Aguinaldo, Kalihim ng Pakikipagdigma at Mga  Pagawaing Bayan; Leandro Ibarra, Kalihim ng Interior; Mariano Trias, Kalihim ng Pananalapi; at Apolinario Mabini, Kalihim ng Mga Ugnayang Panlabas.

            Ang pagkakatalaga kay Mabini sa gabinite ay nagpapakita ng malalim na kapatutunguhan ng mga ginagawa ni Aguinaldo kaugnay ng mga Amerikano. Unang inialok ang posisyon kay Cayetano Arellano subalit ito ay tumanggi sa dahilang nakita niya na ang pagkakabuo ng gobyernong rebolusyonaryo ay lilikha ng alitan sa Amerika. Matatandaan na ito rin ang paninindigan ni Mabini noong una pa, dangan nga lamang at sa pagkakataong ito, siya ay nakabaon na sa kumpiyansa ni Aguinaldo – sa katunayan, umani na ng taguring “Madilim na Lukmuan ng Presidente”—at buong luwag nang tinanggap ang puwesto.

            Magkaganun man, pinatingkad lamang ng pagkakabuo ng gobyernong rebolusyonaryo ang pananalusira na ginagawa ni Aguinaldo sa mga unawaang kinapalooban na niya kaugnay ng Amerika. Ang intindihan nila ni Wildman sa Hongkong ay bubuoin ni Aguinaldo ang isang pamahalaang diktaduryal na kalaunan ay iaangkop sa demokratikong anyo ng pamahalaan ng Amerika. Higit pang pinatigas ang ganitong unawaan nang ang tema ring ito ang naging sentro ng usapan nina Aguinaldo at Dewey sa kanilang paghaharap lulan ng Olympia. Ang pagkabuo ni Aguinaldo sa gobyernong rebolusyonaryo ay, samakatwid, isang paglayo – pagtalusira nga – sa mga unang intindihan niya sa mga representante ng pamahalaan ng Amerika. 

            Tulad ni Dewey, umalinsunod din lamang si Aguinaldo sa isang saligang batas ng digmaan – ang batas ng pananalusira, o sa garapal na salita, batas ng katrayduran. Sa usaping ito, maaaring sipatin kung sino kina Dewey at Aguinaldo ang higit na magaling na manalusira at sa gayon ay magwawagi sa digmaan. Sa simpleng salita, sino ang mas traydor.

            Sa katrayduran ni Dewey, walang kamalay-malay si Aguinaldo sa pakikipagkutsabahan niya kay Jaudenes. Sa katunayan, bukod kina Dewey at Merritt sa panig ng mga puwersang Amerikano at Jaudenes sa panig ng mga Kastila, walang ibang nakaamoy man lang sa kutsabahan. Nagulantang na lang si Aguinaldo nang ang 11,000 puwersang ipinadala ni McKinley mula sa Amerika ay naghati-hati na sa  pag-okupa ng mga teritoryo paikot sa Maynila, na mula rito ay itinaboy palayo ang mga rebolusyonaryong Pilipino. Mula noon maliwanag na ang katrayduran ni Dewey ang siyang mangingibabaw. Di pa man nagagapi ang huling paninindigan ng Kolonyalismong Kastila, may kahambugan nang nanakot si Heneral Greene na babarilin ang sinomang Pilipino na tatawid sa guhit na dinuraan sa lupa ng mga Amerikano.

            Paano nagkaiba sa katrayduran sina Dewey at Aguinaldo? Tago ang katrayduran ni Dewey, litaw na litaw ang katrayduran ni Aguinaldo. Dahil tago, hindi nagawang paghandaan at kontrahin ni Aguinaldo ang mga maniobra ni Dewey; dahil kitang-kita, magaang na naplano ni Dewey kung paano aalisin sa landas ang mga puwersa ni Aguinaldo.


Ang pagiging litaw na litaw ng mga maniobra ni Aguinaldo ay pawang labag sa mga panuntunan ni Sun Tzu, na nagsabi: “Ngayon, ang heneral na nagwawagi sa labanan ay gumagawa ng maraming kalkulasyon sa kanyang templo bago ganapin ang pakikipagdigma. Ang heneral na nagagapi sa labanan ay bahagya nang gumawa ng mga kalkulasyon bago sumagupa. Samakatwid, ang maraming kalkulasyon ay tumutungo sa tagumpay,  at ang kokonti ay tumutungo sa kabiguan: ano pa kung wala ni anomang kalkulasyon! Sa pagbibigay-atensyon sa puntong ito, maaari kung hulaan kung sino ang magwawagi at sino ang magagapi.”

            Maliwanag, naniwala si Aguinaldo na tapat si Dewey sa kanilang naging intindihan sa Olympia, na magtutulungan sila  sa paggupo sa mga Kastila at kapalit ng kanyang pakikipagtulungan ay kikilalanin ni Dewey ang kalayaan ng Pilipinas. Itinanggi ni Dewey na nagbitiw siya ng ganung paniniyak. Subalit hindi na ito ang usapin. Ang isyu rito  ay, inilitaw na lahat ni Aguinaldo ang kanyang mga kartada, at ito ay maaari lamang maugat sa mga sumusunod.

            Una, ganap na kawalang kaalaman sa mga usaping saklaw ng pagpunta rito ni Dewey. Natukoy na sa unahan na noon pang 1823 ipinahayag na sa Doktrinang Monroe ang ambisyon ng Amerika sa mga kolonya ng Espanya, kabilang dito ang Pilipinas. Sa ganitong kalagayan, hindi maaaring tamuhin ng Pilipinas ang kalayaan nang hindi dumadaan sa pakikipagdigma sa Amerika. Noon pang Enero 1, 1898 nabraso na ng EU ang Espanya upang ipagkaloob ng huli ang kalayaan para sa Cuba, at mula noon ay pinaghandaan nang gawin ang isang protokol na nagtatakda na sa isang angkop na tratado ay ipagkakaloob ng Espanya sa EU ang mga kolonyang Cuba, Puerto Rico, Guam at Pilipinas. Ang protokol ay isinumite sa Espanya noong Agosto 10, 1898. Sinang-ayunan ng Espanya ang mga probisyon ng protokol, at itinakda ang pagsasagawa ng angkop na tratado na magsisimulang pag-usapan nang hindi lalampas ng Oktubre 1. Kasunod nito, ninumbrahan na ng magkabilang panig ang kani-kaniyang mga komisyonado na lalahok sa mga pagtatalakay para sa tratado. Noong Disyembre 10, 1898, nilagdaan ang tratado na nakilala bilang Tratado ng Paris. Ayon sa tratadong ito, ipinagkakaloob ng Espanya sa Amerika ang Pilipinas kapalit ng halagang $20 millyon.

            Sa ganitong mga kalagayan, paanong basta na lamang  makapagdedeklara ng kalayaan si Aguinaldo para sa Pilipinas gayong ang proseso para sa pagkakaroon ng EU ng soberaniya sa kapuluan ay nagsimula na? Sa ibang salita, inaalisan na ang mga Pilipino ng karapatang magpatupad ng soberaniya sa sarili nilang bansa.

            Hanggang sa pagdating ng mga Amerikano, ang Pilipinas ay hindi pa nakahulagpos sa kalagayang gapos ito ng mga banyagang kapangyarihan at ang tanging daan ng paglaya ay hindi ang payak na proklamasyon bagkus ang mahirap, masalimuot at madugong armadong pakikibaka ng sambayanan.

            Ang katotohanang ito ay patutunayan sa pagsabog ng Digmaang Pilipino-Amerikano.
Isa pang malaking ipinahihiwatig ng ganap na paglalantad ni Aguinaldo sa buong puwersa ng rebolusyon sa kanyang pagkubkob sa Maynila ay ang burgis na ugaling  pagpapakitang-gilas.

            Sa biglang malas, kahindal-hindal ang mga tropang Pilipino. Epektibong napigilan ng puwersa ng rebolusyon ang paglabas-pasok ng mga tao’t kagamitan sa Maynila.

            Subalit sa isang magaling na heneral, lubos na walang-saysay ang ganung pakitang-puwersa. Sa ilalim ng mga kalagayan, walang layunin ang mga Kastila na tumakas mula sa Intramuros, samakatwid walang pangangailangang kubkubin pa ito. Maaring magtalaga sa paligid ng siyudad ng maliliit na destakamento upang magsilbing tagapagmatyag, subalit ang kalakhan  ng mga tropang rebolusyonaryo ay dapat na nakatago at ang mga ikikilos nito ay dapat na maging lihim na lihim.

            Batay sa isang anekdota, hindi estranghero kay Aguinaldo ang paghahambog sa digmaan. Di-umano’y sa gitna ng labanan, walang takot na lalantad si Aguinaldo sa harap ng pamamaril mula sa mga sundalong Kastila. Dahil dito, lumaganap ang alamat na si Aguinaldo ay may anting-anting na kung kaya hindi siya maaaring tagusin ng bala. At ang alamat ay naging mabisang paraan ng pagpapalaganap ng kanyang imahen bilang bayani. Ang hindi alam ng marami, kabisado ni Aguinaldo ang kayang abutin ng bala ng mga ripleng Mauser na hawak ng mga sundalong Kastila. Kaya tumayo man siya sa harap ng pamamaril ng mga Kastila, basta manatili lamang sa layo na lampas sa maaring abutin ng mga bala nito, walang bala ang maaaring puminsala kay Aguinaldo.

            Subalit sa pakikipagpakitaan ng puwersa sa mga Kastila, hindi bala mula sa mga ripleng Mauser ang pinag-uusapan. Isyu ang paglalantad sa buong kakayahan ng mga tropang rebolusyonaryo, at sa nangyayaring pagbubulgar, nagawa ni Dewey ang tantiyahing maigi kung hanggang gaano kalakas na dagdag-puwersa pa ang kailangan niya bilang panagot sa ipinakikitang kapasidad ng mga Pilipino. 

            Sa puntong ito, balikan natin ang Labanan ng Manila Bay noong Mayo 1, 1898. Ganap na nawasak ang plotilyang Kastila na pinamumunuan ni Montojo. Kulang-kulang 400  ang tropang Kastila na nasawi. Sa puwersang Amerikano, 9 lamang ang namatay. Buong-buo pa ang puwersa ni Dewey, na sa araw ng labanan ay nakuha pang mananghalian bago itinuloy ang pagdurog sa ilan pang nalalabing barkong Kastila na nagkanlong sa mababaw na tubig ng Bacoor.

            Ibig sabihin, kung noong buo pa ang plotilya ng Kastila at wala pang aktwal na naganap na sagupaan upang matantiya ni Dewey ang totoong lakas nito, ay nangahas siya na digmain ito,
lalong wala na siyang dapat ipag-atubiling manalakay sa panahong halos nangakaluhod na ang natitirang mga Kastila sa kuta ng Maynila.     Subalit minarapat munang pigilin ni Dewey ang kanyang mga bigwas habang hinihintay ang pagdating ng mga dagdag-puwersang manggagaling pa sa Amerika.  Bakit?

            Una pa muna, lumusob na ang Iskwadrong Pang-Asya ni Dewey sa Pilipinas. Ibig sabihin, taglay na ni Dewey ang lahat ng tauhan at mga pangangailangan sa giyera upang maging handa sa digmaan. At pinulbos nga niya ang kaaway sa loob ng wala pang isang araw. Para saan pa niya kailangan ang 11,000 tropa na manggagaling pa uli sa Amerika?

`           Iisa lamang ang maaaring pagtuunan ng mga tropang iyon: ang kagila-gilas na tropang Pilipino na nangakakubkob sa napapaderang siyudad ng Maynila.

            Pinakamasahol sa mga ipinahihiwatig ng paglalantad ni Aguinaldo ng buong puwersa ng rebolusyon ay ang ganap na kawalan ng paggagap sa sining ng pakikipagdigma.

            Uulit-ulitin natin, lahat ng digmaan ay panlilinlang. Hindi ito pakitaan ng katapatan at kagandahang loob. Larangan ito ng pagsisinungaling, pananraydor, pananabotahe’t pananamantala, lahat ng taliwas sa payak na usapin ng kabutihang asal.

            Sa pakikipagtagisan ng istratehiya’t taktika, ang isang heneral ay dapat na maestro sa sining ng balintuna, tila mahika na ang mahina ay nagagawang malakas, ang kawalang-kakayahan ay napagiging-makapangyarihan, at ang tunguhing kabiguan ay naibabaling sa tagumpay.

            Sabi ni Sun Tzu: “Ang heneral na hasa sa depensa ay nagtatago sa pinakalihim na mga kasuluk-sulukan ng daigdig; siya na hasa sa atake ay nagliliyab na parang kidlat mula sa pinakamatatayog na mga rurok ng kalangitan. Samakatwid sa isang panig meron tayong kakayahan na ipagtanggol ang ating mga sarili; sa kabilang panig, tagumpay na ganap.”

            Sa buong panahon mula sa Mayo 1 na Labanan ng Manila Bay hanggang sa pirmahan na ng mga kondisyon ng pagsuko ng Espanya, si Dewey ay walang nakatalang pagkilos labas ng kanyang nangungunang barko na Olympia. Ang pakikipagsabwatan niya kay Jaudenes ay lubhang napakalihim na kung kaya maliban sa kanya, kay Merritt at kay Jaudenes, walang iba pang nakaalam tungkol dito kapwa sa panig ng Espanya at Amerika. Maging nang matapos na ang palabas na labanan at pag-usapan na ang mga kondisyon ng pagsuko ng Espanya, wala pa rin doon si Dewey; nagpadala lang siya ng kinatawan na kasama ni Merrit at ni Greene sa mga pag-uusap.  

            Subalit nang pakawalan na niya ang mga bala ng kanyon mula sa kanyang mga barkong pandigma, nagmistula ngang niyayanig ang  Maynila ng kidlat at kulog mula sa kalangitan.

            Totoong di malaman ni Aguinaldo at mga tropang Pilipino kung ano ang tumatama sa kanila. Bago mag-alas diyes ng umaga, makaraan ang pambobomba, sumugod na si Greene mula sa Malate.  Si MacArthur naman, mula sa Singalong. Si Aguinaldo sa gawing kanan ni MacArthur ay winarningan ni Anderson na huwag nang makialam sa pananalakay sa Maynila. Nagpilit man si Aguinaldo na lumahok sa pananalakay, hanggang sa panonood na lang ang nagawa niya nang pumasok na si Greene sa Puerto Real sakay ng isang karetela papunta sa Ayuntamiento na doon ay gaganapin ang negosasyon para sa pagsuko ng Espanya.

            Maitatanong sa bahaging ito, nabaligtad kaya ang mga pangyayari kung naging maayos ang kilos ni Aguinaldo, kung sa halip na buo niyang inilantad ang puwersa ng rebolusyon ay itinago niya muna ito, isasabak lamang sa angkop na panahong itatakda ng isang masinop na pinag-aralang istratehiyang pandigma? Ang sagot ay, hindi. Ang nangyari sa Labanan sa Manila Bay ay di maiiwasang siyang maging hantungan ng isang mahabang serye ng mga kamalian na ibinunga ng trahedya ng Biyak Na Bato.

            Sa panahong iyon, nakatakda na ang pagbagsak ng kolonyalismong Kastila. Kung itinuloy-tuloy lang sana ang pagtatag at pagpapalakas ng Republika ng Biyak Na Bato, nagawa sana ng rebolusyon na gapiin sa sariling lakas ang mga Kastila. Iyon ang punto ng dapat ay totoong pamamayani ng rebolusyong Pilipino sa kolonyalismong Kastila. Mangyari pa, nailatag na rin matagal na ang mga plano ng Amerika sa Pilipinas at tiyak na ang adventura ni Dewey sa bansa ay magaganap pa rin makaraang maitaboy ang Espanya mula sa Cuba. Subalit maiiba ang kalagayan. Hindi na ang mananakop na Espanya ang kanyang kakabakahin kundi ang independiyenteng Republika ng Pilipinas. Maagang lilitaw ang pambansang karakter ng Amerika bilang makabagong emperyong pandaigdig at sa mata ng mundo napakahirap nitong pangatwiranan.




Tsapter X
SA MGA KUKO NG IBONG MANDARAGIT

            Ang imahen ng dakilang Agilang Amerikano ay ang simbolikong selyo para sa panig ng Estados Unidos nang lagdaan ang Tratado ng Paris noong Disyembre 10, 1898. Sa tratado ay ipinagkaloob ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos sa halagang $20 milyon. Magkakabisa lamang ang tratado oras na ratipikahin ng kani-kaniyang senado ng Espanya at Amerika, subalit  kasing-aga pa lang ng paglagda sa tratado ay ginawa na nitong tila isang magandang katatawanan lamang ang mga pagpupunyagi ni Aguinaldo.

            Ano ang silbi ng proklamasyon ng “independensya” ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 at ng mga sumunod na  pagbuo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo  at Rebolusyonaryong Kongreso, pati na ang paglikha sa Konstitusyong Malolos na sa bisa nito ay itinatatag ang Republika ng Pilipinas na siya ang Pangulo?

            Lahat nang ito ay nangyari sa panahong nakayapak na ang Amerika sa Pilipinas at pinababayaan ito ni Aguinaldo na lumalim nang lumalim. Ang proklamasyon ng kalayaan ay di kailanman kinilala maging ng Amerika o Espanya, o ni ng anomang kapangyarihang banyaga.

            Malaking katatawanan nga na mawiwika na ang Konstitusyong Malolos ay inaprubahan ni Aguinaldo noong Enero 21, 1899, isang araw makaraang hirangin ni McKinley – bilang panimulang hakbang sa pagpapatupad ng soberaniya ng Estados Unidos sa Pilipinas sa bisa ng Tratado ng Paris – ang Unang Komisyon para sa Pilipinas, ang Komisyong Schurman, pinamunuan ni Dr. Jacob Schurman, pangulo ng Unibersidad ng Cornell, at kinabibilangan din nina Admiral George Dewey at General Elwell Stephen Otis.

            Bagama’t ang atas sa Schurman Komissyon ay gumawa ng imbestigasyon sa kalagayan sa Pilipinas at magharap ng mga rekomendasyon, sa praktikal na pag-uusap iyon ay nagtataglay ng kapangyarihang magpatupad ng mga patakarang pampamahalaan para sa Estados Unidos. Higit na mahalaga, gagampanan ng Komisyon ang pagtatakda ng pangmatagalang direksyon na tatahakin ng Pilipinas. Samakatwid babalewalain nito ang anomang kapasyahang narating na ni Aguinaldo at ng rebolusyon, na siya ngang naganap.

            Sa paningin ng Komisyong Schurman, ang mga naganap sa hanay ng mga Pilipino (proklamasyon ng kasarinlan, rebolusyonaryong pamahalaan at kongreso, Konstitusyong Malolos at Republikang Malolos) ay payak na mga pagpupunyagi para sa pagsasarili subalit hindi pa handa ang bansa para sa kasarinlan. Sa halip, pagkaraan ng isang taong pag-iimbestiga, inirekomenda ng Komisyon ang pagtatatag ng isang pamahalaang sibilyan sa halip na pamahalaang militar sa pamumuno ng isang gobernador militar. Kabilang sa rekomendasyon ang pagtatatag ng isang lehislaturang bicameral (may senado at kongreso) at mga nakapagsasariling pamahalaan sa antas ng mga probinsya at munisipalidad, kabilang ang isang libreng sistema ng edukasyon sa elementarya.

            Totoong kakatwa ang kalagayang pulitikal sa Pilipinas sa pagdating ng Komisyong Schurman. Gumagampan ito bilang ahensyang pampamahalaan ng Amerika sa Pilipinas sa bisa ng Tratado ng Paris kaalinsabay ng pag-iral ng sariling republika ni Aguinaldo sa bisa ng Konstitusyong Malolos. Kapwa wala sa lugar ang dalawang pangyayari.

            Sa panig ni Aguinaldo, kalayaan mula kanino ang kanyang iprinoklama noong Hunyo 12 na mula roon ay nag-ugat ang Konstitusyong Malolos at Republikang Malolos? Sa panahong iyon, gapi na ng mga Amerikano ang Kastila, kulang na lang ang pormalidad ng pagsuko, na lihim na ngang inaareglo nina Dewey at Merritt kay Jaudenes.  Kung, samakatwid, ang kalayaang Hunyo 12 ay kalayaan mula sa Kastila, iyon ay wala nang silbi sapagkat wala nang kapangyarihan ang Espanya sa Pilipinas.

            Kung, sa kabilang dako, ang kalayaang Hunyo 12 ay kalayaan mula sa Amerika, wala pa rin itong batayan sapagkat hanggang sa mga araw na iyon, si Dewey at ang kanyang mga tropa ay nananatili pa rin na lulan ng kani-kanilang mga barko; ang gawa-gawang Labanan ng Manila Bay ay mangyayari pa lamang sa darating na Agosto 13. Wala pang deklarasyon ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas.

            Sa panig naman ni McKinley, sa bisa ng ano niya nilikha ang Komisyong Schurman gayong ang Tratado ng Paris na siyang tanging ligal na maaaring pag-ugatan nito ay hindi pa nararatipika ng Senado ng Amerika?

            Sa Espanya, ratipikado na ang tratado sapagkat bagama’t tinanggihan ito ng Cortes, ang parlamento ng bansa, sa ilalim ng konstitusyon ng Kastila, may kapangyarihang aprubahan ito ni Reyna Regente Maria Christina, na siya niyang ginawa.

            Subalit sa Senado ng Amerika, hindi ganun kadali ang pagpasa rito kung saka-sakali. Marami sa mga senador ay kontra sa tratado.

            “Gagawin tayo ng tratadong ito na isang bulgar, pangkaraniwang emperyo, na kumukontrol ng mga aliping lahi at sunud-sunurang mga estado, na roon ang isang uri ay habampanahong  dapat na maghari at ang iba pang mga uri ay habampanahong dapat na mga tagasunod,” pagtutol ni Senador George Frisbie Hoar.

            Ayon naman sa mga tagapagtaguyod ng ekspansyon ng Amerika,  itinali ng tratado ang Estados Unidos sa isang tunguhing emperyo at nilabag ang pinakasaligang mga doktrina ng Konstitusyon ng Estados Unidos. Ikinatwiran nila na ni ang Kongreso o ang Pangulo ay walang karapatan na magpasa ng mga batas ukol sa mga mamamayang kolonyal na hindi kinakatawan ng kanilang mga mambabatas.

            Wika naman ng mga ekspansyonistang sumusuporta sa tratado, tulad ni Senador Henry Cabot Lodge, “Kung itatanggi ng EU ang tratado, halimbawang itinanggi natin ang Tratado. Ipagpapatuloy natin ang kaayusan ng pakikipagdigma. Itatakwil natin ang Pangulo. Babansagan tayo na mga taong walang kakayahang humanay bilang isa sa pinakadadakilang mga kapangyarihang pangmundo.”

            Ayon kay Senador Knute Nelson, “Pinagkalooban ng Poong Maykapal ang Estados Unidos ng tungkulin na palawakin ang sibilisasyong Kristiyano. Ang pagdating natin ay bilang mga tagapagturong anghel, hindi mga diablo.”
            Sa pag-init ng debate, nagpetisyon sina Andrew Carnegie at dating Pangulong Grover Cleveland na tanggihan ng Senado ang tratado.
            Ang debate sa Senado ng Estados Unidos ukol sa Tratado ng Paris ng 1898 ay higit pang pinag-init ng pagkondena sa tratado ng mga anti-imperyalistang sektor ng lipunang Amerikano. Kabilang sa masusugid na kritiko ng tratado ay ang Pangulo ng Anti-Imperialist League of New York na si Ernest Crosby, artist na si Dan Beard, at ang bantog na kwentistang si Mark Twain, pangalan sa panulat ni Samuel Langhorne Clemens.

            Sa isang artikulo na lumabas sa New York Herald noong Oktubre 15, 1900, inilahad ni Twain kung papaanong sa saklaw ng Digmaang Pilipino-Amerikano siya binago at namulat mula sa pagiging isang  “namumula-sa-init na imperyalista”.

            Wika ni Twain, “Ninais ko na ang Agilang Amerikano ay pumalaot sa Pasipiko na humihiyaw… Bakit hindi niya palaparin ang mga pakpak sa ibabaw ng Pilipinas? tanong ko sa sarili… Sabi ko sa sarili, Naririto ang sangkatauhan na nagdusa sa loob ng tatlong siglo. Maaari natin silang gawing kasing laya natin, pagkalooban sila ng pamahalaan at bansa na kanilang sarili, maglagay ng isang maliit na larawan ng Konstitusyong Amerikano na lumulutang sa Pasipiko, magpanimula ng isang bagong republika na hahanay sa malalayang mga bansa ng mundo. Akala ko iyon ang dakilang atas na pinagtuunan natin ng mga sarili. Subalit nakapag-isip ako ng iba, mula noon, at maingat kong nabasa ang Tratado ng Paris (na nagbigay-wakas sa Digmang Hispano-Amerikano), at nakita ko na hindi natin layunin ang magpalaya, kundi bagkus alipinin ang mga mamamayan ng Pilipinas. Pumunta tayo roon upang manakop, hindi ang manubos. Dapat, ayon sa aking pananaw, maging kasiyahan natin at tungkulin na palayain ang mga taong iyon, at pabayaan silang intindihin ang kanilang mga katanungang panloob sa sarili nilang pamamaraan. At sa gayon ako ay isang anti-imperyalista. Kontra ako na ang mga kuko ng agila ay bumaon sa ibang lupain.”

            Makaraan noon tinanggap ni Twain ang puwesto bilang Pangalawang Pangulo ng Anti-Imperialist League, at doon ay nanatili siya hanggang sa kanyang kamatayan noong 1910.

            Samantala, ganap na taliwas sa magandang pangitain ni Twain para sa Pilipinas ang Tratado ng Paris, na malinaw na nakita niya, ay isang planadong balangkas para sa pagpapabaon ng mga kuko ng Agilang Amerikano sa Pilipinas.

            Noon pa mang pinagtatalunan ang mga probisyon ng tratado na nagsimula sa Paris noong Oktubre 1, maraming puntos ang di-pinagkakasunduan ng mga Kastila at Amerikanong negosyador. Halimbawa’y hiningi ng mga Kastila na ibalik sa kanila ang Maynila na sinakop ng Amerikano bilang bunga ng gawa-gawang Labanan ng Manila Bay noong Agosto 13. Hindi na dapat nangyari pa ang pekeng labanan dahil noong Agosto 12, nag-utos na si McKinley na itigil ang lahat ng operasyong militar laban sa Kastila. Nangyari nga lang na ang kautusan ni McKinley ay hindi nakarating kay Merritt dahil ang kable na daanan ng mensahe ay pinutol ni Dewey. Kung hindi pinutol ang kable, matatanggap ni Merrit ang kautusan ni McKinley, hindi mangyayari ang gawa-gawang labanan, hindi masasakop ang Maynila, na mananatili sa kamay ng mga Kastila, na hindi magkakaroon ng dahilan sa nagaganap na negosasyon sa Paris na hingiin nila ang pagbabalik sa siyudad sa kanilang posesyon.

            Ano ang sagot ng Amerikano sa kahingian ng Kastila? Hindi. At tiim-bagang na lamang ang mga Kastilang negosyador.

            Mula pa noong matanggap ni Dewey ang utos ni Kalihim Long ng Hukbong Pandagat ng EU na tumuloy na siya sa Pilipinas at durugin o dakpin ang plotilya ng Espanya roon, lahat ng mga pangyayari ay umalinsunod na sa balangkas ng pagpapabaon ng mga kuko ng Agilang Amerikano sa Pilipinas – balangkas na siyang nasusunod sa mga negosasyon para sa Tratado ng Paris.

            Isa sa pinakamalalaking mga isyu sa negosasyon sa Tratado ng Paris ay kung aling bahagi ng Pilipinas ang mapupunta sa Amerika at alin ang ititira para sa Espanya. May mga  punto na wari’y magkakasya na lamang ang Estados Unidos sa alin kung Luzon lamang o  Mindanao lang; nagkaroon pa ng suhestyon na nasahin na lamang ng Amerika ang arsenal sa Cavite.
            Sa harap ng mga di-pagkakaunawaan, gabay ang mga tagubilin ni  McKinley sa mga negosyador na Amerikano.
            Paglilinaw ni McKinley, “… Nakatindig ang Pilipinas sa naiibang batayan… Huwag nang pag-usapan pa kung meron tayong orihinal na inisip na ganap o kahit na bahagi lamang na pag-angkin, ang naroroong tagumpay ng ating mga armas sa Maynila ay nagpapataw sa atin ng mga pananagutan na hindi natin maaaring talikdan. Ang daloy ng mga pangyayari ay siyang umuugit at pumapangibabaw sa aksyon ng tao. Walang pasubaling pinanunumpaan ang layunin na siyang nagpapasigla sa ating mga pagpupunyagi, at marubdob na nananangan pa rin dito, hindi maaaring wala tayong muwang na, kahima’t hindi natin nilayon o ninais, ang digmaan ay nagdala sa atin ng mga bagong tungkulin at pananagutan na dapat nating harapin sa paraang nababagay sa isang dakilang bansa, sapagkat una pang itinakda ng Diyos ang pagpapalapad ng kapangyarihan at mga pananagutan ng Amerika. Sa kabilang dako, kailangang matapat na aminin na kaakibat ng ating pananatili sa Pilipinas ay ang oportunidad sa komersyo na sa pagpapatakbo ng estado ng Amerika ay hindi maaaring ipagwalang-bahala, Makaturangan na gamitin ang bawat lehitimong pamamaraan para sa pagpapalaki ng kalakalang Amerikano… Alinsunod sa mga nabanggit, hindi matatanggap ng Estados Unidos ang anomang kaloob na kulang sa buong karapatan at kapangyarihan sa isla ng Luzon.”
            Setyembre 16 nang lihim na iparating ni McKinley sa komisyong Amerikano ang mga tagubilin na nasa itaas.  Sa pagpalaot na sa mga pag-uusap pangkapayapaan sa Paris, napagtanto ng komisyon na kung magtitira pa ng bahagi ng Pilipinas para sa Espanya, malamang na ibenta rin nito ang bahaging iyon sa iba pang makapangyarihang bansang Europeo, at iyon ay magiging napakagulo para sa Amerika. Ipinabatid ng komisyon ang bagay na ito kay McKinley, na sumagot noong Nobiyembre 25: “…ang tanggapin ang Luzon lamang, at iiwanan ang iba pang bahagi ng kapuluan sa paghahari ng Espanya, o maging  tuunan ng mga pagtutuos sa hinaharap, ay hindi mapangangatwiranan sa mga kadahilanang pulitikal, komersyal o pagiging makatao. Dapat na ang kaloob ay ang buong kapuluan o wala. Ang huli ay ganap na hindi katanggap-tanggap, at samakatwid ang una ang siyang dapat na hingin.”

            Noong una, ang kahingian ng Amerika ay tinanggihan ng Espanya, subalit nang ito ay samahan na ng alok na $20 milyon, bumigay na ang mga Kastila.

            Saad ng sagot ni Reyna Regente Maria Christina: “Ang Pamahalaan ng Kanyang Kamahalan, pinakikilos ng matatayog na mga kadahilanang patriyotismo at pagiging makatao, ay hindi makayayakap sa pananagutan na muling dalhin sa Espanya ang lahat ng katatakutan ng digmaan. Upang iwasan na ang mga ito, tinatanggap niya sa sarili ang masakit na tungkulin na pumailalim  sa batas ng nagwagi, gaano man ito kalupit, at sapagkat salat ang Espanya sa mga material na mga pamamaraan upang ipagtanggol ang mga karapatang pinaniniwalaan niyang kanya, na ang mga ito ay kanyang naisatala, tinatanggap niya ang tanging mga kondisyon na maiaalok ng Estados Unidos para sa pagtatapos ng tratado ng kapayapaan.”

            Ang buong kapuluan ng Pilipinas o wala ni anoman.

            Iyon ang balangkas ng disenyo ng Amerika sa bansa na ipinasilip sa usapang pangkapayapaan sa Paris. Kung sa harap ng isang kapangyarihang pangmundo na katulad ng Espanya ay nagawa ng Amerika ang ganung kahambugan, ano pa sa isang republika na nakatindig tanging sa iwing katapangan  ng mga katutubo, sinusuhayan ng isang karag-karag na sandatahang puwersang sariwa pa ang mga kapansanan mula sa katatapos pa lamang na pakikihamok sa Kastila, at niyayanig ng di-pagkakaisa sa hanay ng mga pasimuno nito.

            Wala ni alinman sa komunidad ng mga bansa sa mundo ang nagpahayag ng pag-intindi man lang sa republikang itinatag ni Aguinaldo.

            Ang paglikha sa Komisyong Schurman ay badya ng determinadong pag-angkin na ng Estados Unidos sa ganansya ng mga negosasyon nito sa Paris. At yaman din lamang na minarapat ni Aguinaldo na tapatan ang determinasyong EU ng mga sariling kahambugan tulad ng proklamasyon ng kalayaang Hunyo 12 at ng Republikang Malolos, hala sige, sulong sa giyera.

            Sa mga panuntunan ni Sun Tzu, ganito lumalagay ang timbangan ng puwersa sa panahong iyon sa pagitan ng Amerika at mga rebolusyonaryong Pilipino.


1.      “Alin sa dalawang maykapangyarihan ang nagtataglay ng Batas Moral?”
           
            Si Aguinaldo o si McKinley?

            Halal na pangulo ng Amerika si McKinley;  sa kararaang eleksyon ng 1898, kokonti lang   ang nabawas sa mayorya ng kanyang Partidong Republikano sa kongreso, patunay ng         matatag niyang suporta mula sa sambayanang Amerikano.

            Hirang na pangulo si Aguinaldo, hindi pa ng isang demokratikong republika kundi ng        isang rebolusyonaryong pamahalaan na kinakilangang paslangin si Bonifacio upang         maitatag. agama’t buong Luzon ang inabot ng kanyang kapangyarihan, kalakhan ng pagkilala sa kanyang awtoridad ay mula sa Katagalugan; mga puwersang Macabebe (mula sa Pampanga) ang nagkanulo sa kanya upang siya ay madakip ng mga Amerikano    sa Palanan, Isabela  noong 1902.

2.      Sino sa dalawang heneral ang higit na may kakayahan?”

            Si Aguinaldo o si Dewey?

         Likas kay Dewey ang pagiging matalino at mapandigmang pinuno; nanguna sa                   pakikihamok ng mga istudyante laban sa kanilang titser sa grammar school; pumasok sa   paaralang  militar ng Universidad ng Norwich sa edad na kinse at pagkagradweyt doon na may  panglimang karangalan ay pumasok naman sa paaralang panghukbong dagat na mula roon siya ay naging midshipman sa isang barko na nagdala sa kanya sa makasasaysayang mga pook sa Europa at Gitnang Silangan; sumabog ang digmaang sibil   sa pagitan ng Hilaga at Timog Amerika at nagboluntaryo siya sa serbisyo ng Hukbang     Dagat ng EU na roon ay nakakuha siya ng komisyon ng isang Tinyente; nang sumiklab ang Digmaang Hispano-Amerikano, kumander na siya ng Iskwadrong Pang-Asya ng Hukbong Dagat ng Estados Unidos; kaunaunahan siyang pinagkalooban ng ranggong Admiral sa kasaysayan ng Hukbong Dagat ng EU.

            Nagtapos si Aguinaldo ng ikalawang taon sa segundarya sa Colegio de San Juan de Letran. 

3.      Na kanino ang bentahe na ipinagkakaloob ng Langit at Lupa?”

            Kontrolado ni Dewey ang Manila Bay. Nagawa niyang ideploy ang mga puwersang          Amerikano sa kalupaan sa paligid ng Maynila (Intramuros).

            Kabisado ni Aguinaldo ang lupa (mga natural na lagusan at pagtataguan, mga kapatagan   at kabundukan, etc.) at langit (tinutukoy ang pagbagu-bago ng panahon, tag-init, tag-ulan, tag-lamig, tag-sibol).

4.      Saang panig pinakamahigpit ang pagpapatupad ng disiplina?”

            Naririto ang paghahambing kung anong klaseng disiplina meron ang magkabilang panig:

            Si Col. Jacob Smith, isa sa mga pangunahing kumander ng hukbong Amerikano, ay na- court martial sa kanyang pag-uutos ng pagpapatay sa lahat ng nabubuhay sa Balanggiga, Samar (tao na may edad sampung taon pataas, hayop, halaman), at napatunayang nagkasala at itinawalag sa tungkulin.

            Si Heneral Antonio Luna ay may ugaling nanampal ng tauhan at siya ay piñatay ng isa sa mga biktima ng kanyang pananampal. Pagkaraang unang magkapalitan ng putok ang mga sundalong Amerikano at Pilipino noong gabi ng Pebrero 4, 1899, nagpahatid ng sugo si Aguinaldo kay Heneral Otis na nagsasabing ang pamamaril mula sa panig ng mga Pilipino ay labag sa kanyang utos.

            5.     “Aling hukbo ang higit na malakas?”

            Kung pag-uusapan ang bilang ng mga tauhan, tinatayang nasa pagitan ng 80,000 at            100,000 ang dami ng regular na rebolusyonaryong puwersa, di pa kabilang ang            tinatayang 150,000 na di-regular na milisya.

            Sa bahagi ng Amerika, humigit-kumulang ay 11,000 ang mga tropa nito na nakapanakop   na sa Maynila; sa anomang pagtingin, napakaliit nito kung ihahambing sa mga Pilipinong mandirigma. Sa dahilang ito kung bakit sa halip na maabala pa sa pakikipagdigma pa rin sa mga Muslim, minarapat ng EU na makipagkaibigan na muna sa mga ito sa pamamagitan ng Tratadong Bates na ginawa sa pagitan nina Brig. Gen. Jonh C. Bates at   Sultan Jamal ul-Kiram ng Sulu.

            Subalit sa usapin ng kakayahan sa armas, naririto ang sinasabi ng isang pag-aaral:
           
            “Ang dahilan ng mataas na bilang ng mga namatay na Pilipino ay kumbinasyon ng superior na mga armas at higit pang superior na bilang ng mga sundalong Amerikano, na nasasandatahan ng pinakabago, napapanahong mga armas sa daigdig, kabilang ang mga Krag-Jorgensen na riple at mga machine gun, at buong husay pa rin na napamumunuan.Dagdag pa, mga barkong pandigma ng EU ay nakaumang    upang durugin ang mga posisyon ng mga Pilipino oras na kailanganin. Kabaligtaran, ang mga Pilipino ay           naarmasan ng samu’t saring mga lumang riple na katulad ng Mauser at Remington na marami rito ay nakumpiska sa mga patay na sundalong kaaway (kabilang ang mga  tropang Kastila sa nakaraang labanan) o di kaya ay ipinuslit sa bansa ng kapwa  nila  mga Pilipino. Ang kanilang mga kanyon ay ganun din  kaluma, binubuo ng mga sira-sira nang piyesang panganyon na nakumpiska mula sa mga Kastila. Kung meron man         silang mga abanteng machine gun gaya ng Maxim at Gatling kasama ng Krupp na kanyon, ang mga iyon ay masyadong pinahahalagahan, na kung kaya madalas na ito ay nasa likuran sa takot na makuha ng kaaway. Sa pag-usad ng digmaan, pakonti nang pakonti ang mga bala’t ripple, at ang mga Pilipino ay napilitan gumawa ng sarili nilang mga armas, tulad ng gawang-bahay na paltik. Ganunpaman, karamihan sa mga sundalong Pilipino ay wala pa ring sandata. Marami ang nagkasya na lamang sa paggamit ng itak at           sibat sa pakikipaglaban, na lalo pang nagparami sa mga nasasawi sa tuwing ang mga laos nang sandata kagaya ng mga ito ay ginagamit laban sa mataas na kalidad ng armas Amerikano.

5.      Saang panig higit na mataas ang pagsasanay sa mga opisyal at sundalo?

            Sa panig ng Amerika, ang namumunong mga kumander ay sina:

            William McKinley

   Dating guro, sarhento hanggang maging brevet major sa 23rd Regiment ng Ohio                             Volunteer Infantry noong digmaang sibil sa Amerika, nagtapos ng abogasya, pitong terminong kongresman at gobernador ng Ohio, at Pangulo ng Estados Unidos sa panahon ng digmaan 

            Theodore Roosevelt
                       
       Dating komisyonado ng pulis ng siyudad ng New York, inorganisa ang                                           Rough Riders, lantay boluntaryong rehimento ng mga mangangabayong sundalo na natampok sa mga pananalakay sa puwersang Kastila sa Cuba at sa gayo’y tinanghal siyang bayani ng Digmaang Hispano-Amerikano, humaliling Pangulo ng Estados Unidos nang paslangin ng isang asasin si                                             McKinley noong 1901.

            Elwell Otis

   Tapos ng abogasya sa Harvard Law School, beterano ng digmaang sibil ng                                     Amerika, ginawaran ng ranggong brevet brigadier general matapos pamunuan ang maraming matagumpay na labanan, hinirang na mejor heneral ng mga boluntaryo bilang bahagi ng dagdag pwersa para kay                                         Wesley Merrit sa Pilipinas.

            Arthur MacArthur

    Anak ng isang huwes, dumaan sa pagsasanay sa isang academiang                                                 militari,  maagang napasabak sa giyera noong digmaang sibil ng Amerika, nahirang na adjutant ng 24th Wisconsin Volunteer Infantry ng Union Army at umani ng mga karangalan sa maraming labanan.

            John Pershing

      Umani ng sunud-sunod na mga karangalan habang nag-aaral sa West Point                                     (First Corporal, First Sergeant, First Lieutenant, at First Captain, ang                                              pinakamataas na ranggo na maaaring igawad sa isang kadete), at nagtapos na ika-30 sa klase ng 77, at kinomisyon bilang Second Lieutenant ng  Hukbo ng Estados Unidos sa edad na 26, matagumpay na namuno sa maraming labanan na nagbunga ng ranggong General of the Armies, ang                                         tanging sundalo na pinarangalan nang gayon habang buhay pa.

            Jacob Smith
      Taglay ang mga tatak bilang beterano ng digmaang sibil sa Amerika:                                               peklat sa ulo na likha ng isang sable ng kaaway, bukol sa pige na nakuha mula sa pakikihamok at tingga nanakabaon sa katawan, mga alaalang kayang pumukaw ng kung anong mga kahalimawang sasambulat sa                                                 pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikano.

            Sa panig ng mga rebolusyonaryong Pilipino, ang mga kumander ay sina:

            Emilio Aguinaldo
         Tapos ng ikalawang taon sa hayskul, ang kasanayang militar ay kung ano                                        ang nakuha bilang kasapi ng Katipunan.

            Miguel Malvar
            Nakapag-aral ng tatlong taon sa hayskul
.
            Manuel Tinio
       Nag-aral ng hayskul sa San Juan de Letran, kasanayan sa pakikipagdigma                                       ang mga karanasan bilang kasapi ng Katipunan
.
            Arcadio Maxilom
  Dating guro sa Cebu na ang kasanayan sa pakikipagdigma ay kuha sa                                              karanasan bilang kasapi ng Katipunan.

            Macario Sakay
    Isang barbero na ang kasanayan sa pakikipagdigma ay kuha sa karanasan                                        bilang kasapi ng Katipunan.

            Dionisio Seguela
  Isang babaylan o katutubong pari na ang pang-akit ng mga tagasunod sa                                         kanyang pakikipagdigma ay ang katutubong relihiyon.

            Sultan ng Sulu
  Walang hangaring makipagdigma,  napapayag sa Tratadong Bates na                                              kinikilala niya ang soberaniya ng Estados Unidos kapalit ng buwanang                                           kabayaran.            

6.      Nasa aling hukbo naroroon ang higit na nagpapatuloy na pagbibigay ng mga pabuya at parusa?”

            Nakuha ng mga binanggit na kumander ng Amerika ang kanilang mga ranggo sa bisa ng    aktwal na kabayanihan sa digmaan. Ang mga heneral na Pilipino ay nahirang sa ganung ranggo sa bisa ng kalagayan bilang bahagi ng prinsipalia sa lipunang kolonyal. Sa kabila ng kanyang pagiging mataas na opisyal, si Jacob Smith ay nilitis sa pag-order ng panununog at maramihang pagpatay sa Balanggiga, Samar, napatunayang nagkasala at itiniwalag sa tungkulin. Sa loob lamang ng dalawang araw na paglilitis sa bintang na          sedisyon, ang Supremo ng Katipunan, si Andres Bonifacio, ay binitay sa pamamagitan ng  pagbaril sa utos ni Aguinaldo. Si Pedro Paterno, ang ahente sa pagbebenta ng rebolusyon na isinakatuparan ng Kasunduang Biyak Na Bato, ay pinabuyaan ng panguluhan ng rebolusyonaryong Kongreso.

            Ang sabi ni Sun Tzu: “Sa pamamagitan ng pitong panukat na ito, malalaman ko nang maaga pa ang tagumpay o kabiguan.”   

            Sino ang magwawagi, sino ang magagapi, sa digmaang tiyak nang sasabog.
           
            Mahigpit na nakapaligid ang mga tropang Amerikano sa Maynila, determinadong ipagtanggol ito bilang base ng kanilang namimintong pagpapalaot sa pananakop sa Pilipinas. Malakas ang tension sa kapwa panig. Si Aguinaldo, sa pagpipilit na mabilis na mapalakas  ang republika na itinatag sa Malolos. Sa Amerika, hirap pa rin si McKinley na makuha ang dalawa-katlong boto ng senado na kailangan upang maratipika ang Tratado ng Paris; kapwa sa moral at ligal na pagtingin, di-makatwiran ang pananalakay ng Amerika sa Pilipinas kung hindi mararatipika ang tratado.

            Noong Pebrero 4, 1899 naganap ang kinailangang maganap.

            Bandang alas otso ng gabi, nagrerekorida ang dalawang sentri sa mga hangganan ng Amerikano sa isang dako ng Sta. Mesa nang maka-engkwentro ang ilang rebelde. Nagkapalitan ng paghamon na mabilis na humantong sa palitan ng putok. Dalawang rebelde ang napatay.

             Nasa Malolos si Aguinaldo nang gabing iyon at nakarating lang sa kanya ang pangyayari sa pamamagitan ng telegram ng isa niyang kapitan. Kinabukasan pa lang siya gumawa ng hakbang nang papuntahin niya ang isang sugo kay Heneral Otis upang pagpaliwanagin na ang pamamaril mula sa mga rebolusyonaryong Pilipino ay labag sa kanyang kautusan.

            Ang sagot ni Otis: “Yamang nagsimula na ang labanan, hayaan itong magtuloy-tuloy hanggang sa malagim na katapusan.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento