Huwebes, Nobyembre 29, 2012


TSAPTER XV

KONGKLUSYON

Sinabi ni Sun Tzu: “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan.”

            Isa sa pinakamatatandaang wika ni Presidente Corazon C. Aquino maaga pa sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ng Pilipinas ay ito: “Ngayon alam ko na kung bakit ang mga tao ay papatay para sa puwestong ito. (Malayang salin mula sa English: ‘Now I know why people would kill for this position.’)”

            Sabi nga ng Kano: “Labas mismo sa bibig ng kabayo.”

            Sa anu’t anuman, kinikilala lamang ni Cory na isang mito ang pinalaganap na paniniwala na ang panguluhan ng bansa ay dinadaan sa demokratiko’t mapayapang pamamaraan. Malayo sa mapayapa ang EDSA I People Power Revolt noong 1986 na nagpabagsak kay Marcos at nagluklok kay Cory bilang presidente. Armas ng Kano na pinalakas pa mandin ng nagngangalit na hiyaw ng simbahang Katoliko ang pumigil kay Marcos na gamitin ang dahas ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang buong gaan sanang nasupil niya ang paghihimagsik sa EDSA.

            Oras na sumibol ang ideya ng kapangyarihan pulitikal bago pa man nagsimula ang kolonyalismong Kastila, ang pamumuno saanmang panig ng kapuluan ay hindi maaaring hindi maging bunga ng giyera. Sa katunayan,  sa sandaling  naisip ng tao na kubabawin ang kanyang kapwa, ang pamumuno sa lipunan saanmang panig ng mundo ay lagi nang pinagpasiyahan ng digmaan.

            Kaipala’y sa kabila ng napakahenyosong paghalaw ni Sun Tzu ng mga di-mapapasubaliang batas sa pakikipagdigma na siyang sangkap ng kanyang  Art of War (Sining sa Pakikipagdigma), tunay na nakapanlulumong isipin na ang mga batas na ito ng digmaan ay totoo.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan.” Sa madaling sabi, paikut-ikot lang sa isa’t isa ang palitan ng kapayapaan at digmaan -- isang walang katapusang sikolo ng kademonyuhan.

            Sa usaping ito – sa panghabampanahong pagkahigop sa sangkatauhan sa demonyong sikolo ng kapayapaan-digmaan – nagkakahiwalay ang mga doktrina ni Sun Tzu sa Marxismo.

            Walang pagkukunwaring kinilala ni Sun Tzu na walang katapusan ang sikolo – o, kahit papaano, hangga’t buhay ang sangkatauhan.

            Kinilala rin ni Karl Marx ang di-mapagkakasundong tunggalian sa uri na naging bunga ng pag-aari ng iilan sa mga kagamitan sa produksyon, at, samakatwid, pag-aari rin sa mga bunga ng produksyon, subalit gumawa pa rin si Marx ng higanteng hakbang upang lampasan ang mga pangaral ni Sun Tzu.

            Sa pilosopiya ng diyalektikong materyalismo, matapang na ipinahayag ni Marx na babagsak ang kapitalismo at hahallili rito ang Diktadura ng Proletaryado na, dahil pinatatakbo na ng di-makasariling uri ng proletaryo o mga manggagawa, ay kakatawan na sa kabuuan ng lipunan. Oras na ito ay mangyari – na ang diktadura ng proletaryado ay kumakatawan na sa kabuuan ng lipunan – mangangahulugan ito na maglalaho na ang mga uri – wala nang kapitalista, walang manggagawa, walang mayaman, walang mahirap – at ang lipunan  ay pamamayanihan ng isang sangkatauhan na sama-sama nang namamahala sa sarili, pinakikilos ng lantay na pagkakapatirang pangmundo, tunay na nagmamahalan sa isa’t isa at sa gayon ay makatarungan at mapayapa – ang komunismo.

            Ang mga pangaral ni Marx ay higit pang sininop at pinagyaman ni Lenin, na nagpahayag: “Ang kauna-unahang akto ng estado na ito ay kumakatawan na sa buong lipunan ay siyang kahuli-hulihan nitong akto bilang estado.”

            Ang tangi’t nag-iisang silbi ng estado ay gumanap bilang instrumento ng paninikil ng isang uri laban sa isa pang uri, halimbawa’y ng kapitalista laban sa mga manggagawa. Ngayon, laban pa kanino maaaring maging kasangkapan ang Diktadura ng Proletaryado kung ito ay kumakatawan na sa kabuuan ng lipunan? Sa yugtong ito, hindi na kailangan ang marahas na pakikipagdigma upang ibagsak ang diktadura ng proletaryado, sapagkat ito ay mawawalan na ng silbi at sa gayo’y kusang mangunguluntoy at maglalaho – iyon ang komunismo.

            Sa katwirang Marxismo, ang digmaan ay inilulunsad upang wakasan ang lahat ng digmaan.

            Sa katwiran ni Sun Tzu: “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan.” Lahat ng mga digmaan sa kasaysayan, maliit man o malaki, ay pawang ayon sa pangaral na ito ni Sun Tzu.

            Sa kaso ng Marxismo, naitumba ng Bolshyevik Revolution noong 1917 ang tzaristang rehimen ni Nicholas II, inaresto ang buong gabinite ng humaliling burgis-demokratikong pamhalaang Kerensky, at pagkaraan ay idineklara ang: “Lahat ng kapangyarihan sa mga Sobyet.” Iyon ang simula ng Diktadura ng Proletaryado sa Rusya, na bilang direktang bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nadagdagan pa ng mga bansa sa Silangang Europa na nakilala bilang Soviet Block (Yugoslavia, Poland, Hungary, Czechoslovakia, Albanya, Rumania, Silangang Alemanya at Sobyet na bahagi ng Austria).

            Sa Tsina naman, noong 1949 nanaig sa wakas ang Chinese Communist Party laban sa Kuomintang at naitatag sa mainland China ang People’s Republic of China, na siya namang diktadura ng proletalryado sa bansa. Naging mabisang tagasuporta ang Tsina sa mga kilusang komunista sa bansang Asyano, halimbawa’y Hilagang Korea, Vietnam, Cambodia at Myanmar; sa kainitan ng alitang Sino-Soviet, nakuha ng Tsina ang pagpanig ng Rumania at Albanya.

Noong 1990, ang Unyong Sobyet ay binulabog ng perestroika  o demokratikong kilusan na nagpabagsak sa komunistang rehimen pagkaraan ng 73 taong pamamayagpag sa kapangyarihan sa mundo na halos lumampas na sa antas ng kapangyarihan naman ng Estados Unidos.

            Mabilis na kasunod namang nagsipanumbalik din sa demokratikong kaayusan ang tinaguriang Soviet Bloc. Sa Tsina, ang pagkamatay ni Mao Tse Tung noong 1976 ay nagpaimbulog kay Deng Hsiao Peng sa pamunuan ng bansa at ito ang nagbigay-daan sa wakas sa pamumukadkad ng kanyang ideyang “isang bansa, dalawang sistema (komunismo-kapitalismo)”.
Mula noon kinakitaan ang Tsina ng kagila-gilas na kaunlaran na namimintong pumangibabaw na sa kaunlarang tinatamasa ng Amerika.

            Sa harap ng lahat nang ito ay ang di-mapapasubaliang katotohanan ng pagpapatuloy ng pagtahak ng mundo sa landas ng kapitalismo. Ibig sabihin lamang, nagpapatuloy at higit pang sumisigla ang mga kalagayang kapitalistiko na bagama’t sa pana-panahon ay kinakikitaan ng malaganap na katiwasayan, sa katotohanan ng mga paghahayag ni Sun Tzu ay hindi maaaring hindi humantong sa muling pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng mga bansa. Sa ganitong kalagayan sumabog ang Una at Ikalawang Digmaan Pandaigdig.

            “Sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan, sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan,”  ito ang laging ipangungulit sa atin ni Sun Tzu. Kulang na lang ipagdudulan sa atin nang diretsahan: ang digmaan ay walang katapusan.

            Walang pagsidlan sa kasakiman ang tao. Mas mayaman, mas gahaman. Totoo, subalit mas walang-wala mas mag-aadhika na magkaroon, at oras na magkaroon na, iyon pa rin, mas mayaman, mas gahaman.

            Purihin sina Marx at Lenin sa pagpapanata ng paglilingkod sa uring manggagawa, sa kung papaanong pupurihin din sina Kristo’t kanyang mga disipulo sa pangangaral ng pagiging di-makasarili’t pag-ibig sa kapwa.

            Subalit ang pagiging di-makasarili’t maibigin sa kapwa ay isang tanging handog na kaloob lamang sa kakaunting nilalang na kung tawagin ay mga santo. At sa kakaunting ito ay naroroon ang kamalian: ang isipin na ang balana ay kaisa nila sa pag-iisip.

            Hindi sapagkat may ilang natatanging tao na nangangaral ng kasantuhan ay magiging santo rin ang mga makikinig sa kanilang pangaral. Sa paninging Marxista, ang kamalayang panlipunan ay pinagpapasiyahan ng kalagayang panlipunan, na ibig sabihin lamang,  sa isang kaayusan na talamak ang mga gawing kapitalistiko, ang utak maging ng balana, particular ng mga manggagawa,  ay kapitalistiko na rin.

            Bakit ba ang mga lider relihiyoso ay kabilang sa pinakamayayamang mga tao sa mundo, ang mga sekta sa pinakamayayamang institusyon? Kabaligtaran ng ipinangangaral, ang  pagmamakasanto ay siya pang nagiging mabisang kasangkapan upang  pagpalaguan ng makamundong yaman. Di ba’t kahalintulad din ang maaaring mawika sa unyonismo’t malalaking lider nito? Ang proletaryadong rebolusyonaryong pulitika ay siya pang matabang lupang pinagtataniman ng walang ipinag-iba sa burgis na makasasariling mga interes.

            Gaano man kasidhi, samakatwid, ipangaral ang pagpapakasanto ng bawat tao sa mundo – at gaano man kasidhi rin na sikapin ng tao na sundin ang pangaral -- kukubabaw at kukubabaw sa lipunan ang kapitalistikong kamalayan na walang pasubaling siyang magpapanatili sa digmaan bilang siyang kalakaran ng buhay at sa wakas ay  magdadala sa sangkatauhan sa ganap na pagkawasak.

            Kung, samakatwid, ang pagmamakasanto ay siya mismong nagsusulong sa tao sa kanyang pagkawasak, saan pa naroroon ang kaligtasan ng sangkatauhan?

            Halos kasabay ng mga paghahalaw ni Sun Tzu sa matandang Tsina sa mga katotohanan ng batas sa pakikipagdigma ay ang pagyaman naman ng pilosopiyang Griyego sa pangunguna ni Aristotle. Tila pagtugon sa tanong natin ngayon, winika ni Aristotle noon pang mga 500 B.C. ang ganito:

            “Isinumpa ka, lahing mabilis sa paglipas, supling ng ala-tsamba at mga hirap ng pagsubok, bakit mo ako pinipilit na sabihin sa iyo ang mismong bagay na higit na makabubuti sa iyo ang huwag nang marinig pa? Ang pinakamagandang bagay ay lubhang lampas sa iyong pang-unawa: na hindi ka na dapat na isinilang pa, hindi naging ikaw, ang maging wala. Ganun pa man, ang susunod na pinakamagandang bagay para sa iyo ay ito: ang mamatay agad.”

            Si Sun Tzu at si Aristotle ay nabuhay sa panahon ng kung turingan sa istorikong materyalismo ay lipunang alipin – panahon na ang mga tao sa lipunan ay nahati na sa mga uri: uring panginoon at uring alipin. Panahon, kung ganun, na ang lipunan ay gising na sa katotohanan na digmaan ang kalakaran ng buhay.

            Ang bawat taong isisilang sa panahon ng lipunang alipin  ay hindi maaaring hindi magkamalay sa digmaan bilang siyang kalakaran ng buhay. At ang kamalayang ito, kasabay ng pagtindi nang pagtindi ng digmaan ng mga uri sa sumunod na mga lipunang piyudal at kapitalista, ay naging isang paniniwala na sa mga sumunod na salin-lahi ng sangkatauhan ay tumigas na nang tumigas.

            Subalit bago nga ang lipunang alipin, meron nang kalakaran ng buhay ang sinaunang sangkatauhan.             Kung sa kasaysayan ng mundo ay nagkaroon ng isang totoong yugto na walang digmaan at ang mga tao ay tunay na nagmahalan at sa gayon ay namayani ang kapayapaan at katarungan, bakit sa kasalukuyang yugto ay bumagsak ang ganung uri ng buhay?

            Una muna, linawin natin ang tanong. Ang totoong komunismo sa kasaysayan ay tanging ang primitibo komunal na sistema. Nabiyak iyon at nagbigay-daan sa paghalili ng sistemang alipin.

            Sa kasalukuyang panahon, sa istriktong pag-uusap, walang komunismo na bumagsak. Ang ipinalalagay na komunismo sa Unyong Sobyet at bumagsak noong 1990 pagkaraan ng 73 taong  pamamayani sa Rusya ay isang estado na isinilang sa bisa ng armas, binuhay, pinalaki’t pinalago, at minintina sa pamamagitan ng sandatahang lakas. Naririto ang punto ng paghahambing.  Walang armas ang mga tao sa panahon ng primitibo komunal na sistema.

            Kay Sun Tzu, walang pagkukunwari sa pagtingin sa lipunan bilang pinamamayanihan ng di-matapos-tapos na digmaan: “Sa panahon ng digmaan paghandaan ang kapayapaan, sa panahon ng kapayapaan paghandaan ang digmaan.” At sapagkat ang daigdig ay naisadlak na sa landas ng digmaan sa sandaling ang lipunan ay mahati na sa mga uri,  hindi na ito makahuhulagpos pa sa tadhanang ito.

            Si Sun Tzu ang henyo sa sining ng pakikipagdigma. Hangga’t digmaan ang nasasangkot ay hindi siya nagkamali.

            Ang pagkakamali ni Marx ay nasa pag-iisip na ang kalakaran sa primitibo komunal na sistema o ang sinaunang komunismo ay maisasakatuparan pa rin sa panahong naisibol na ang tunggalian ng mga uri. Oras na mangibabaw na ang digmaan bilang kalakaran ng buhay, ang  sinaunang kapayapaan sa primitibo komunal na sistema ay di na muling mabubuhay. 

            Papaanong ang isang mapayapa’t makatarungang lipunan ay matatamo sa pamamagitan ng marahas at walang katarungang mga pamamaraan?

            Ang komunismo ay isang sistema ng pamumuhay na likas na namuo sa hanay ng primitibong sangkatauhan  udyok ng kanilang pangangailangan na sama-samang kumilos sa pagharap sa mga puwersa ng kalikasan. Oras na matutunan na ng tao ang paglikha ng sandata at gamitin ito upang pangayupapain ang kalakhan ng sangkatauhan sa paghahari ng iilan, ang komunismo ay hindi maaaring hindi maging isang pangarap na lamang.

             Ang debosyon ni Marx sa komunismo ay rurok ng praktikal na pag-aadhika na kamtin ng tao ang gloria hindi sa haka-hakang langit kundi sa katunayan ng daigdig. Ang debosyong ito na sa kalakhan ay nanatili sa teorya  ay tinumbasan ni Lenin ng praktika na nagbunga sa kaunaunahang sosyalistang estado  sa kasaysayan, ang Unyong Sobyet. Subalit pagkaraan ng 73 taon, bumagsak ang makakomunistang estado sa Rusya, sinundan ng pagkaagnas ng mga sosyalistang estado sa Silangang Europa, at ng pagyakap naman ng Tsina sa kapitalismo sa loob ng pinalamutiang ideya na “isang bansa, dalawang sistema.”

            Sa mga deboto ng komunismo, nakapanlulumo ang kinahinatnang ito ng kanilang pinakamamahal na idolohiya. Lalo na sa partikular na kalagayan ng Pilipinas, ano pa ang silbi ng pagpupursigi sa “pangmatagalang digmaang bayan” gayong sa karanasan ng mundo, imposible nang pairalin pa ang komunismo.

            Sabi uli ni Sun Tzu: “Subalit ang isang kaharian na minsan nang winasak ay hindi na muling mabubuo; ni ang patay ay di na muling mabubuhay.”

            Isang dating seminarista na sa kanyang pagtatapos ng abogasya ay malalim na nasangkot sa kilusang komunista sa Pilipinas ang ating natanong  kung magkakatotoo pa ba ang komunismo sa Pilipinas?

            “Kailangang maniwala,” wika niya. “ O kung hindi, ang tanging mapipili natin ay ang  tyranny, kawalang hustisya’t pang-aapi.”

            Sa ayaw natin at sa gusto, ang tyranny, kawalang hustisya’t pang-aapi ay magpapatuloy dahil bahagi ang mga ito  ng mekanismo ng di-maiiwasang pangwawasak sa isang sangkatauhan na ayaw kumawala sa pananakmal ng digmaan. Malungkot tanggapin na sa pangwawasak ng sangkatauhan ay madadamay pati na ang mga walang muwang na bagong silang. O, anong   laking katotohanan na para sa mga ito na hindi dapat na isinilang pa, gaya ng sinabi ni Aristotle, ang susunod na pinakamagandang bagay ay ang “mamatay agad”.

            Subalit isang bagay ang nanatiling totoo rin naman. Nabuhay ang komunismo sa panahong sanggol pa lamang ang tao. Ang komunismo, samakatwid, ay hindi para sa mga taong natuto nang humawak ng sandata upang sa pamamagitan nito ay isulong ang kanilang makasasariling mga interes. Ang komunismo ay para sa mga sanggol na magkakamalay sa isang kapaligirang katulad ng  lipunan na sa salita ni Marx ay hindi pa nakakakalas sa pusod ng primitibo komunal na pamumuhay.

            Mangangailangan ng isang henyo upang halawin ang bagong katotohanang ito: ibinubuga, hindi ng bunganga ng baril, kundi ng iyak ng mga sanggol.

WAKAS