MGA GINTONG TIPAK NG KASAYSAYAN
SA SINING NG PAKIKIPAGDIGMA
NI SUN TZU
Ni Mauro Gia Samonte
Tsapter I
DIGMAAN: SIMULA AT TADHANA
Sinabi ni Sun Tzu: "Ang sining ng pakikipagdigma ay napakahalaga para sa
Estado. Ito ang mapagpasyang usapin ng buhay at kamatayan, daan tungo
sa kaligtasan o kapahamakan. Samakatwid ito ay isang paksang usapin
na hindi kailanman maipagwawalang-bahala."
SA SINING NG PAKIKIPAGDIGMA
NI SUN TZU
Ni Mauro Gia Samonte
Tsapter I
DIGMAAN: SIMULA AT TADHANA
Sinabi ni Sun Tzu: "Ang sining ng pakikipagdigma ay napakahalaga para sa
Estado. Ito ang mapagpasyang usapin ng buhay at kamatayan, daan tungo
sa kaligtasan o kapahamakan. Samakatwid ito ay isang paksang usapin
na hindi kailanman maipagwawalang-bahala."
Dalawampu’t
dalawang libong taon na ngayon ang edad ng Tabon
Cave Man, ang unang taong nakatala na nabuhay sa Pilipinas. Pinatutunayan
ito ng taklob ng bungo at isang bahagi ng panga na nahukay ng mga anthropologo
sa kuweba ng Tabon sa Palawan noong 1962. Batam-bata ito kung ihahambing
sa Peking
Man, na ang mga kalansay ay nahukay naman sa Peking, China noong 1927 at
tinayang ang edad noon ay 500,000 taon.
Nang sulatin ni
Sun Tzu ang Sining ng Pakikipagdigma
noong 500 B.C., dalawang libong taon na ang sibilisasyong Tsino at ang aklat ay
tiyak na bunsod ng mga digmaang
nagaganap na sa hanay ng mga kaharian noon sa Tsina. Malaking kakapusang-palad
na sa pagsisimula pa lamang ng Kolonyalismong Kastila noong kalagitnaan ng
ika-16 na siglo, ang mga tala ng kasaysayan ng mga katutubo ay winasak ng mga
kolonyal na mananakop. Sa gayo’y kakapiraso ang mga tala na maaaring pagbatayan
para sa isang matino, malawak at makatotohanang paglalahad kung anong antas ng
kabihasnan ang inabot na ng bansa sa panahong iyon. Sa kadahilanang ito kung
bakit ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa natuklasang pagkabuhay ng Tabon Cave Man hanggang sa pagdating ni
Magellan noong 1521 ay di-nakasulat at maaarng maituring lamang na mga
pangyayaring naganap sa bisperas ng kasaysayan.
Sa istriktong
pamantayan, tradisyon sa pagsusulat ng kasaysayan na dapat ay may patotoo ang
mga pangyayari rito. Ang mga pangyayari
na di-mapatototohanan ay itinuturing na di-bahagi ng kasaysayan.
Sa ganitong
panuntunan, ang malaganap na pinaniniwalaang kasaysayan ng Sampung Datu mula sa
Borneo ay maaaring pagdudahan. Nakasulat ang kasaysayang ito hindi bilang tala
ng mga totoong pangyayari kundi bahagi ng Maragtas,
isang epikong alamat na matatagpuan sa mga dokumentong nanggaling sa mga
prayleng Kastila. Nitong dulo lamang ng ika-20 siglo pinasinungalingan ng isang
kanluraning historyador ang mga
dokumento ng Maragtas, na tinawag
nitong huwad.
Kakailanganin
ang higit pang marubdob na pananaliksik upang ugatin ang tunay na pinagmulan ng
bansang Pilipino. Hangga’t hindi ito naisasagawa, mapipilitan ang isang matapat
na mambabasa ng kasaysayan ng bansa na maging maingat, malalim na mapagsuri, at
ganap na mapamili sa kalipunan ng ayon sa mga historyador ay mga datos ng
kasaysayan ng bansa.
Sa anu’t anuman,
ligtas na basahin ang kasaysayan ng bansa mula sa kung saan walang
pasinungaling sa mga pangyayari – ang Pilipinas
nang sakmalin ng digmaang walang katapausan.
Malawak ang Pilipinas, tinatayang
binubuo ng 300,000 metro kilometro ng kalupaan, at may puwang para sa lahat ng
mga katutubo na mabusog sa likas na yaman nito nang hindi nang-aabuso sa isa’t
isa. Sa kaso ng mga tribu na may mga kagamitan na sa agrikultura, malawak ang
mga bukirin na pagtatamnan ng mga halamang pagkain at pagpapanginainan ng
kanilang mga pinaamong hayop. Sa kaso naman ng mga katutubong pinili ang
mamuhay nang pagala-gala sa mga kabundukan, patuloy silang nananagana sa mga
prutas at iba pang mga likas na pagkain na kanila na lamang pipitasin,
halimbawa’y saging, o huhukayin, kamote.
Oras na ubos na ang pagkain sa isang bahagi ng bundok, lilipat lamang sila sa
ibang bahagi na roon ay hitik na naman sa pagkain.
Kung pag-uusapan ang kabuhayan,
walang dahilan upang mag-away-away ang mga katutubo. Sa ilang tanging
kalagayan, ang digmaan sa pagitan ng mga tribu ay bunsod ng pangangailangang
makapanghuli ng mga taong aalipinin, o sa higit pang natatanging mga kalagayan,
babaing aasawahin.
Naging hudyat ang pagdating ni
Ferdinand Magellan noong 1521 sa ganap nang pagpapaloob ng kapuluan sa mga
batas ng digmaan. Unang-una na, layunin ng Ekspedisyong Magellan na kolonyahin
ang Pilipinas sa ngalan ng Espanya. Ang ekpedisyon na pumalaot mula sa Seville,
Espanya isang taon na ang nagdaan ay ayon sa Kasunduang Tordesillas (1494) na humati sa pagitan ng Espanya at
Portugal sa mga bagong tuklas na lupain na labas ng Europa. Ang mga tadhana ng
tratadong Tordesillas ay kinilala sa Tratadong Zaragosa (1529), na kung kaya
ang Pilipinas ay naging bahagi ng mga nasasakupan ng Espanya. Bakit may mga
kasunduang Tordesillas at Zaragosa? Dahil kung wala, magdidigma ang Portugal at
Espanya sa pag-aagawan ng mga kolonya.
Ang sabi ni Sun Tzu: “Ang lahyunin ng kapayapaan ay digmaan; ang layunin
ng digmaan ay kapayapaan.”
Sa bawat aklat
ng kasaysayan ng bansa na ating nabasa, iisa ang payak na paraan ng pagtukoy
kung paano dumating sa Pilipinas si Magellan: unang dumaong sa Homonhon, na
bahagi ng ngayo’y kilala bilang Silangang Samar, at saka tumuloy sa Cebu. Kung
bakit hindi na lamang tumigil sa Homonhon si Magellan, walang nakasulat na
paliwanag. Subalit kung tutuusin, pagkaraan ng isang taong paglalayag sa karagatan
na roon ay nalagas ang mahigit sa kalahati ng kanyang mga tauhan, nanaisin na
lamang ni Magellan ang magpahinga nang lubos bago mag-isip ng panibagong
pakikipagsapalaran. Puwera na lamang kung sa pagdaong sa Homonhon ay kaagad
silang tinunggali ng mga katutubong waray kung kaya napilitang pumalaot na muli
hanggang mapadpad sa Cebu.
Sinabi ni Sun
Tzu: “Hindi natin magagawang ibaling sa
ating kapakinabangan ang mga likas na bentahe
hangga’t hindi tayo gumagamit ng mga giyang lokal.”
Payapang tinanggap
si Magellan sa Mactan. Malaking dahilan nito ay ang pagkakaroon niya ng alalay
na si Enrique, isang katutubong nabihag ng mga nauna nang konkistador na
Portuges sa Silangang Indies. Sadyang isinama ni Magellan si Enrique sa
ekspedisyon upang magsilbing tagapamagitan sa mga katutubo, na sa Mactan noon ay pinaghaharian ng mga
datu na sina Lapu-Lapu at Zula. Madalas ay basta na lamang nakasulat na napatay
ni Lapu-Lapu si Magellan, walang pagsisikap na saliksikin ang maraming
katanungan, halimbawa’y bakit napatay, paano pinatay, at paano nakaiwas sa
kahalintulad na kapalaran ang nalalabing
puwersa ni Magellan na nakabalik sa Espanya. Sa isang aklat, may dagdag
na impormasyon ang pagkakalahad sa pangyayari, na di-umano’y bunga ng
panghihimasok ni Magellan sa alitan nina Lapu-Lapu at Zula. Sa isa pang
bersyon, nanaig naman ang dugong katutubo ni Enrique kung kaya tinalikdan nito
si Magellan at nakipagsabwatan na sa mga kadugo upang lipulin ito. Bukod sa
pagkakaroon ng kapani-paniwalang mga tauhan, ang kasaysayan ni Enrique kaugnay
ng pagkapatay kay Magellan ay siyang higit na umaayon sa mga batas ng
pakikipagdigma ni Sun Tzu. Sa mga panuntunan sa aklat ni Sun Tzu, si Enrique ay
tumutugon sa katangian ng isang espiyang bumaligtad na ang pagpanig kina
Lapu-Lapu at Zula ay siyang naging daan upang gapiin si Magellan sa labanan.
Sinabi ni Sun
Tzu: “Ang tunguhin at layunin ng
pang-espiya alinman sa limang anyo nito ay ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol
sa kalaban; at ang kaalamang ito, una muna, ay maaari lamang makuha mula sa
bumaliktad na espiya.”
Sa anu’t anuman,
ang kamatayan ni Magellan ay maagang patunay ng isang batas ng kasaysayan na
lagi nang totoo sa Pilipinas: na sa harap ng pananalakay na banyaga, ang mga
hidwaang panloob ay naisasa-isantabi o naipaiilalim sa pangangailangang gapiin
ang isang banyaga na kapwa kaaway ng mga nagtutungaling katutubo. Masaklap na
ang ganung patunay ay nanatili sa Mactan lamang sa loob ng napakahabang
panahon. Kinailangan ang mahigit 300 taon upang ang magkakahiwalay na pulutong
ng mga katutubo ay mamulat sa katotohanan na sila ay para-parang niyuyurakan ng
iisang banyagang mananalakay at sa gayon ay marapat na magkaisa sa pagbaka
rito.
Hindi nasakop ni
Magellan ang Pilipinas. Subalit ang kanyang expedisyon ay tinapos ni Sebastian
del Cano paikot sa daigdig pabalik sa
Espanya noong 1522 -- sa wakas nagpatunay na bilog ang mundo. Sa ganun, di tulad ng kanyang
dinanas, ginawa ni Magellan na di na gaano kahirap ang pagpabalik-balik sa
kapuluan ng mga sumunod na Kastilang kongkistador. Makaraan ang tatlo pang
ekspedisyon (Saavedra, 1527-29; Villalobos, 1541-46; at Legaspi, 1564), ang
kapuluan ay ganap nang pumailalim sa pangongolonya ng Espanya.
Sa ekspedisyong
Villalobos, Las Philipinas ang ipinangalan sa Leyte (noon ay Tandaya) bilang
parangal sa noon ay prinsipe ng Espanya na si Philip II. Noong 1565 ang
pangalang Filipinas ay ganap nang iniangkop
ng noon ay hari na ng Espanya na si Philip II sa buong kapuluan nang ang titulong “Adelantado de Filipinas”
ay ipinagkaloob niya kay Miguel Lopez de
Legazpi, namuno sa ekspedisyon noong 1564. Sa pamamagitan ni Legazpi, ang
magkakahiwalay at kalat-kalat na mga barangay
ay para-para nang naipailalim sa iisang pangangasiwa ng kolonyalismong Kastila.
Sa gayon, nagpanimula ang napakahabang proseso tungo sa pagkakabuo ng bansa.
Digmaan ang
pinagmulan ng bansang Pilipinas.
At mula sa
ekspedisyong Legazpi, ang pagpapatuloy ng kasaysayan ng Pilipinas ay
pagpapatuloy ng kasaysayan ng
di-matapos-tapos na pangmatagalang digmaang bayan.
Halos apat na
siglo ng paghihimagsik laban sa kolonyalismong Kastila, limang dekada ng pakikipagdigma sa agresyong Estados
Unidos, limang taong tigmak ng dugo sa pananalakay Hapones noong Ikalawang
Digmaang Pandaigdig, at mahigit na tatlong dekada ng pagpapatuloy na mga
pag-aalsang komunista at muslim.
Pilipinas na
walang digmaan, mula noon hanggang ngayon, isang pangarap lamang.
Totoo,
ipinahayag ni Karl Marx sa kanyang Manipesto Komunista, na ang kasaysayan ng
lahat nang umiral na lipunan sa nakaraan ay kasaysayan ng tunggalian ng uri,
subalit ang batayang silbi ng pahayag ay ang bigyan-katwiran ang marahas na
digmaan bilang tanging daan ng paglaya ng mga uring api. Kung sa Pilipinas ang
digmaan mismo ang nagsasadlak sa mga uring api sa patuloy na pagkaduhagi,
napakahalagang pag-aralan kung papaanong ang digmaan ay pagwagian na ng mga
uring api. Sinabi ni Marx, “Hindi na
maaaring palayain ng proletaryado ang sarili nang hindi kasabay na pinalalaya
nito ang kabuuan ng lipunan.”
Sa Tsina, niyakap
ni Mao Tse Tung ang mga pangaral ni Marx, subalit sa mga pakikipagdigma,
nanghawakan siya sa mga doktrina ni Sun Tzu.
Taong 1920 nang simulan ni Mao at ng iilang mga kasamahan ang kilusang
komunista sa Tsina; 1949, napagwagian nila ang digmaang sibil laban kay Chiang
Kai Shiek, at magmula noon ay dinirehe ang higanteng pag-unlad ng Tsina.
Sa Pilipinas
man, noon pa ay umiral na ang mga prinsipyo’t panuntunan sa pakikipagdigma na
laman ng aklat ni Sun Tzu. Sa katunayan, nang magsimula ang rebelyon nina Mao
ay mahigit dalawampung taon na dapat ang gulang ng Republika ng Pilipinas kung tatanggapin ang proklamasyon nito ng traydor na si Emilio Aguinaldo noong 1898 bilang pagpapahayag ng kasarinlan mula sa kolonyalismong Kastila - proklamasyong tinutulan ni Apolinario Mabini dahil nga naroroon at nailatag na ang mga higanteng hakbang ng nakapagsimula nang agresyong Amerikano.
Sa anu’t anuman,
tulad sa Tsina noon pang 2500 B.C. nakapagpanimula na ang kasaysayan ng digmaan
sa Pilipinas. At tanging sa kasaysayan ng pakikipagdigma maaaring tahakin ng bansa ang kanyang takdang
tadhana.
Tsapter II
PILIPINAS NA WALANG BANSA
PILIPINAS NA WALANG BANSA
Sinabi ni Sun Tzu: "Itinuturo sa atin ng sining ng pakikipagdigma na manalig
hindi sa malamang na hindi dumating ang ating kaaaway kundi sa ating
sariling kahandaan na tanggapin siya; hindi sa malamang na hindi siya manalakay
kundi sa pangyayari na ginawa natin ang ating mga sarili
na hindi maaaring salakayin."
Sa panahon ng kanyang pananalakay, ang Espanya
ay isa nang maunlad na estado na may pangmundong kapangyarihan, at ito ang
malaking kakapusang-palad para sa sinalakay na kapuluan na noon ay wala pang
naitatatag na pambansang estado na maaaring lumambat sa puta-putaking pagbaka
sa kolonyal na pananakop. Oo, naroroon na ang sining ng pakikipagdigma na
maaaring panghawakan upang ipananggalang sa nananalasang dayuhang estado,
subalit nasaan ang katutubong estado na maaaring manghawakan dito?
Nang magsimula ang kolonyalismong Kastila,
watak-watak at di-magkaisa ang mga
tribu, gayunma’t ang kaayusan ng mga lipunang umiiral ay umabot na sa antas ng
kaunlaran na maihahalintulad sa mga punlay ng estadong aliping Griyego. Sa
maraming pagkakataon, nagamit pa ng mga kolonyalista ang mga piling tribu upang ipanagupa at ipanggapi sa mga
mapanlabang katutubo.
Laganap
ang paniniwala na sa pangongolonya nito sa Pilipinas ay ginamit ng Espanya
ang prinsipyo ng “paghahati-hati upang
pagharian”. Mali ang ganitong pag-iisip. Paano paghahati-hatiin ang isang bagay
na hindi pa buo? Wala pang kabuuan ang Pilipinas noon, walang kabansaan, at sa
mga katutubong indio ay walang-wala ang kamalayan na sila ay isang kalipunan ng
mga tao na ang laki at lawak ng saklaw ay di-hamak na higit kesa sa makikitid
na hangganan ng mga nagkakanya-kanyang barangay.
Liban
sa ilang bahagi ng Mindanao at mga katutubo ng Cordillera, naipalaganap ng Espanya ang kolonyal na administrasyon sa
buong kapuluan sa pangunahing dahilan na walang pambansang puwersang moral ang
umiiral upang sumalungat sa pangongolonya.
Ayon kay Sun
Tzu, ang batas moral ang nangungunang pangangailangan upang gapiin ng isang
panig sa digmaan ang kabilang panig.
“Batas moral ang dahilan kung
bakit ang mga nasasakupan ay ganap na sumusunod sa naghahari na walang
pagsasaalang-alang sa panganib sukdulang kanilang ikamatay,” ani Sun Tzu.
Sa
pananalakay ng Espanya sa kapuluan, kanya-kanya ang mga barangay sa pagbaka
rito. Walang iisang diwa na tumutuhog sa kanilang pagkabukod-bukod. Sa ganun,
wala ang napakahalagang sangkap upang
pasunurin ang mga katutubo sa pinag-isang paglaban sa mga mananakop na Kastila.
Dito madaling unawain kung bakit sa kabila ng maraming paghihimagsik na sumiklab laban sa
Kolonyalismong Kastila, wala ni isa rito ang nagtagumpay sa kabuuang saklaw ng
kapuluan bago ang Rebolusyong 1896.
Sumiklab
ang Rebelyong Sumuroy noong 1649-50, itinuturing na pinakamalawak na
paghihimagsik laban sa puwersahang pagpapatrabaho sa mga mamamayan na
ipinatupad ng rehimeng kolonyal. Pinamunuan ni Juan Ponce Sumuroy, nagsimula ang pagbabalikwas sa Palapag,
Hilagang Samar, kumalat sa iba pang lalawigan
ng Visaya tulad ng Leyte, Panay at Cebu, umabot hanggang ilang bahagi ng
Mindanao at Luzon, kabilang na ang Masbate at Bikol. Sa kabiguang madakip si
Sumuroy, nag-alay ang mga Kastila ng
pabuya para sa kanyang ulo. Nagwakas ang rebelyon nang paslangin si Sumuroy ng
sariling mga tauhan upang kamtin ang pabuya.
Saan
nandoon ang batas moral? Ganyang sa kinang ng salapi, silang dapat na hindi
lamang sumunod sa namumuno kundi ialay pa ang kanilang buhay masunod lamang
siya ay sa halip sila pa ang papaslang sa kanya.
Ang Rebelyong
Dagohoy na tumagal ng 85 taon
(1774-1829) ay hindi nakapalaot lampas sa lalawigan ng Bohol. Bagama’t ang
pinuno nito na si Francisco Dagohoy ay may kamalayang pulitikal bilang cabeza
de barangay, lumilitaw na hindi niya hinangad na palaganapin ang apoy ng
kanyang paghihimagsik sa pambansang saklaw. Ang
Rebelyong Dagohoy ay nakapagtatag ng pamahalaang nagsasarili na
nangailangan ng maraming salin ng
gobernador heneral ng kolonyal na rehimen bago ganap na naibagsak noong August
31, 1829. Paano naibagsak ang Rebelyong Dagohoy? Sa pamamagitan ng
determinadong pananalakay ni Governador Heneral Mariano Ricafort na gamit ay
mga puwersang Cebuano.
Bagama’t may
batas moral na naipairal si Dagohoy sa saklaw ng Bohol, walang bisa iyun sa mga
Cebuano na nagpagamit kay Ricafort upang gapiin ang kanyang rebelyon.
Sa rebelyon ni
Diego Silang (1762-63) matagumpay na naitatag ang Nagsasariling Bansa ng Ilokos
sa malaking dahilan na ang pananakop ng Espanya sa kapuluan ay ibayong
pinanghina ng pagsakop sa Maynila ng
Gran Britanya bilang bahagi ng tinaguriang Seven
Years War sa pagitan nito at ng Espanya,
kaalyado ng Pransya sa Europa. Patunay na hindi hinangad ni Silang na
bakahin ang kolonyal na rehimeng Kastila ay ang kanyang alok na pamunuan ang
puwersa ng mga Ilokano upang isabak sa puwersang Britano sa Maynila. Ang alok ay kapalit ng mga
sumusunod na kahilingan: 1) Pagtanggal sa puwesto sa kinamumuhiang alcalde
mayor na
si Antonio Zabala at paghirang bilang kahalili nito sa paring
si Provisor Tomas Millan, na sa mahabang panahon ay naging tagapagkandili ni
Silang; 2 ) Pagpapawalang-bisa sa abusadong pambubuwis at puwersahang
pagpapatrabaho sa mga mamamayan; 3) Pagpapatalsik sa mga di-kanais-nais na
Kastila at mestizo mula sa Ilokos; 4 ) at paghirang kay Silang bilang kumander
ng hukbong Filipino upang sumagupa sa mga mananalakay na Britano.
Nang tumangging
magtiwala sa kanya ang mga administrador na Kastila, sinalakay ni Silang ang
Vigan at sa matagumpay na pag-agaw ng kapangyarihan sa Hilagang Luzon ay itinatag niya ang pamahalaan ng Malayang
Ilokos. Kinilala ng mga mananakop na Britano ang pamahalaan ni Diego Silang at
pinangakuan pa ng tulong laban sa mga Kastila. Noong Mayo 6, 1763, lumiham si
Kapitan B. Brereton, kumander ng hukbong pangkaragatan ng Britanya sa Cavite,
bilang sagot sa naunang liham ni Silang sa mga puwersang Britano sa Maynila.
Bahagi ng nasabing liham ni Brereton na may parating na “Kay Don Diego Silang,
Alcalde Mayor at Kapitan-Pakikipagdigma para sa Kanyang Kamahalan sa Lalawigan
ng Ylocos (To Don Diego Silang, Alcalde Mayor and War-captain for his Majesty
in the Province of Ylocos), ay nagsasaad ng mga sumusunod (malayang salin mula sa orihinal na tekstong English):
“Kahapon iniabot sa akin ng gobernador (Dawsonne Drake) ang liham na ang inyong
Kabanalan ay masayang ipinadala sa kanya, na roon ay nangangako ang inyong
Kabanalan na magiging matapat sa sagradong Kamahalan, ang hari ng Gran
Bretanya, na aking panginoon. Paniwalaan ninyo ako, Don Diego, na ang inyong
liham ay nagbigay sa akin ng natatanging kasiyahan at malaking kagalakan –
sukdulang isumpa ko na ipadadala ko sa inyo ang isa sa mga sasakyang pandagat
ng kanyang Kamahalan na nasa ilalim na aking koman, upang tiyakin sa inyong
Kabanalan ang aking pagtatanggol at tulong sa ngalan ng aking panginoon, laban
sa kapwa natin kaaway, Espanya. Nararamdaman ko ang maraming kapansanan na
pinagdusahan ng inyong Kabanalan sa ilalim ng mapanikil na pamahalaan ng mga
Kastila; subalit nakasisiyang malaman na kayo ay namulat na; at palalakasin pa
at pasisiglahin ng inyong Kabanalan ang inyong mga nasasakupan upang hamakin
ang kapangyarihan ng ganung napakalupit na bansa…”
Maaring
pagtalunan ang katalinuhan ng ginawang pakikipagmabutihan ni Silang sa mga
mananakop na Britano, sapagkat samantalang ang digmaan sa pagitan ng mga
katutubo at kolonyalismong Kastila ay magpapatuloy pa hanggang sa
pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang Seven Years War sa pagitan ng Gran
Britanya at Espanya ay magwawakas na, sa bisa ng unang Tratado ng Paris, isang
taon na lamang ang daraan. Noong Mayo 31, 1764 umatras ang mga puwersang
Britano mula sa Maynila – at muling tumigas ang paghahari ng kolonyal na
rehimen sa “Malayang Ilokos” ni Diego Silang.
Ang inasahang
tulong ni Silang mula sa mga Britano ay hindi kailanman naganap. Hindi na
umabot si Silang sa paghusga kahit sa sarili man lang kung ang kanyang
pakikipagkaibigan sa mga Britano ay
wasto o mali. Wala pang isang buwan makaraan ang palitan ng kalatas sa mga
Britano, noong Mayo 28, 1763, isang malapit na kaibigan ni Silang, si Miquel
Vicos, ang pataksil na bumaril at pumatay sa kanya mula sa likuran, udyok ng
malaking pabuyang alok ng mga prayleng Kastila.
Muli’t-muli,
nasaan ang batas moral na maaaring gumabay sa mga katutubo para sa mabisang
pagbaka sa Kolonyalismong Kastila?
Mahigit 100 taon
na ang nakararaan sa panahong iyun, ang paghihimagsik ni Sumuroy sa Samar ay
winakasan ng ganun ding patraydor na pagpaslang ng sariling mga tauhan sa lider
ng himagsikan. Patunay sa di-nababagong
katotohanan ng mga panuntunan ni Sun Tzu sa digmaan.
Sinabi ni Sun
Tzu: “Maging malapit ka sa iyong mga
kaibigan; subalit maging higit kang malapit sa iyong mga kaaway.”
Kulang ang lapit
ni Silang sa kaibigang si Vicos, sapagkat kung hindi, sana’y hindi siya
pataksil na pinatay nito. Higit ang kulang ng lapit ni Silang sa mga kaaway na
prayleng Kastila, sapagkat kung hindi, sana’y nasilip niya ang pakanang
katrayduran nito.
Sa anu’t anuman,
sa pamantayan ni Sun Tzu, ang pagkakaiba ng isang magaling na heneral sa mga
ordinaryong nilalang ay ang kakayahan nitong alamin ang mga pangyayari sa digmaan bago pa man ito maganap. Kung
isang magaling na heneral ang tatanungin, taglay ni Vicos ang mga katangiang
maging nakapaloob na espiya sa hanay ng mga kolonyalista at sa pamamagitan niya
ay nagawa sanang baligtarin ang mga pangyayari. Hindi ito naganap. Sa halip si
Vicos ang nakapaloob na espiya ng mga Kastila sa hanay ni Silang at naganap
ang, sa batas ni Sun Tzu, dapat na maganap – pabor sa mga Kastila.
Laging paalaala
ni Sun Tzu: “Ang heneral na makikinig sa
aking payo at kikilos ayon dito ay makapananakop – hayaang ang isang iyun ay
manatili sa pamumuno! Ang heneral na hindi
makikinig sa aking payo ni ang kumilos ayon dito ay magdurusa ng kabiguan –
hayaang ang isang iyun ay alisin sa tungkulin.”
Ang kabiguan ng
Rebelyong Silang ay salamin, at sinasalamin din naman, ng maraming
paghihimagsik na ipinanyanig sa kolonyal na rehimen.
Iba’t
iba ang katangian ng mga pag-aalsa sa paligid ng kapuluan laban sa rehimeng
kolonyal. May katangiang relihiyoso ang Rebelyong Tamblot (1621-1622), pinamunuan ng isang babaylan o katutubong
lider ispiritual, si Tamblot, na nag-alsa sa Bohol para sa pagpapanumbalik ng
mga katutubong paniniwala sa pagsamba; at ang Himagsik ni Hermano Pule
(1840-41), sa pamumuno ni Apolinario de la Cruz o Hermano Pule, na sa
pamamagitan ng sariling grupong relihiyoso, ang Cofradia de San Jose, ay nakibaka para sa pantay na karapatan ng
mga paring Pilipino at Kastila sa pamamalakad sa mga parisiya at sa pagbabago
ng mga gawain ng simbahang Katoliko upang umangkop sa mga katutubong kaugalian.
Ang iba pang mahahalagang paghihimagsik ay kontra sa abusadong buwis (Ilokos at
Cagayan, 1589) at laban sa pangangamkam ng mga prayleng encomiendero ng lupa ng
mga katutubo (Katagalugan, 1745-46).
Subalit
ano man ang kani-kaniyang kadahilanan, ang bawat isa sa mga natukoy na
paghihimagsik ay nagpapakita ng mga sumusunod na katangian:
1
) Walang layuning saklawin ang buong kapuluan.
2
) Walang gumagabay na pambansang kamalayan.
3 ) Ang mga kahilingang ipinaghihimagsik ay pawang sa loob
ng umiiral
na kaayusang kolonyal.
4) Walang intensyong wakasan ang Kolonyalismong Kastila sa
kabuuan.
Dahil
sa mga katangiang ito, hanggang sa yugtong iyon ng Rebelyong Silang ay bigo ang
mga pag-aalsa laban sa kolonyalismong Kastila.
Sinabi
ni Sun Tzu: “Magagawa natin ang iisang
buong katawan habang ang kaaway ay kailangang maatado sa maliliit na bahagi.
Samakatwid magkakaroon tayo ng isang buo na ilalaban sa magkakahiwalay na
bahagi ng kabuuan ng kaaway, na nangangahulugan na tayo ay laging marami laban
sa kaaway na laging kokonti.”
Ganito
ang timbangan ng puwersa sa pagitan ng bawat isa sa mga paghihimagsik at ng
kolonyal na pamahalaan. Dahil sa ganap na kawalan ng koordinasyon sa isa’t isa,
ang mga maghihimagsik ay lagi nang dehado. At sa ganitong kaayusan, ang salita
ni Sun Tzu ay ito: “Samakatwid,
samantalang isang marubdob na pakikipagdigma ang maaaring gawin ng isang maliit
na puwersa, sa kadulu-duluhan ito ay dapat na bihagin ng mas malaking puwersa.”
Matapang na
ipinagpatuloy ng balo ni Silang na si Maria Josefa Gabriela ang rebelyon ng
pinaslang na asawa, subalit ganap ang mga panuntunan ni Sun Tzu sa
pakikipagdigma at ang kahihinatnan ng pakikibaka ni Gabriela ay hindi
mapagdududahan. Pagkaraan ng apat na buwang paglaban, sa isang pagsalakay ng mga Kastila na gamit ay
mga puwersang Kapampangan, nahuli siya kasama ang mahigit sa isandaang tauhan,
na maramihang binitay noong Setyembre 30 ng taon ding iyon.
Ang malaking pagkakamali sa pag-aaral ng kasaysayan ng
Pilipinas ay ang basahin ito
mula
sa punto de vista ng kasalukuyang
panahon. Ibig sabihin, ang tumigas nang paniniwala na ang
Pilipinas ay dati nang bansa noon pa mang mga kaunaunahang panahon. Sa
dahilang ito, talamak na naipagkakamali ang mga pag-aalsa laban sa kolonyal na
rehimeng Kastila na mga pagbabalikwas ng bansang Pilipinas, gayong hanggang
doon pa sa Kilusang Propaganda ng mga ilustrado sa Espanya sa pagpasok ng
ika-20 siglo, ang tanging kahingian ng mga propagandista ay ang representasyon
para sa mga Filipino sa cortes (parlamento) ng Espanya – hindi ang
pagkalas mula sa pundilyo ng
Kolonyalismong Kastila.
Sa
mga panuntunang inilalahad ni Sun Tzu sa kanyang aklat, pangunahin niyang
sinusukat ang kakayahang magwagi ng alinmang panig sa digmaan sa ganitong
pagtatanong:
1
) Alin sa dalawang naghahari ang nagtataglay ng Batas Moral?
2
) Alin sa dalawang heneral ang higit na may kakayahan?
3
) Sa aling panig naroroon ang mga bentahe ng Langit at Lupa?
4
) Saang panig mahigpit na naipatutupad ang disiplina?
5
) Kaninong hukbo ang higit na malakas?
6
) Saang panig higit na mataas ang antas ng pagsasanay sa mga opisyal at tauhan?
7 ) Alin sa dalawang nagtutungaling hukbo ang higit na
nakapagpatuloy ng pagbibigay
kapwa ng mga parusa at pabuya?
Sabi
ni Sun Tzu: “Sa pamamagitan ng pitong
pagsasaalang-alang na ito, maaari kong sabihin sa una pa man kung sino ang
magwawagi at kung sino ang magagapi.”
Hanggang
sa panahon ng Kilusang Propaganda, ang mga katutubo sa palibot ng kapuluan ay
hindi makatugon sa alinman sa pitong pamantayan ng tagumpay na takda ni Sun Tzu
sa pakikipagdigma. Walang pagkaalam sa
buong saklaw ng kalupaan ng kapuluan, walang batas moral na batayan ng isang
sentralisadong paghahari na angkop sa buong kapuluan, walang pambansang
disiplina, walang mga pagsasanay sa mga
opisyal at tauhan ng hukbo, walang heneral ng hukbo, sapagkat walang hukbo.
Kataka-taka
pa ba na sa loob ng mahigit sa 300 taon ay nakapamayagpag sa kapuluan ang
kolonyal na pananakop ng Espanya?
Sa
napakahabang panahon na iyun, walang Bansang Pilipinas.
Tsapter
III
ANG PAGLILIHI SA BANSANG PILIPINAS
ANG PAGLILIHI SA BANSANG PILIPINAS
Sinabi ni Sun Tzu: "Hayaang ang iyong mga plano
ay maging kasing-dilim ng gabi at di-matagos,
at sa sandaling humakbang ka,
bumulaga na parang kulog."
Sa
yugtong ito, ang taguring Pilipinas ay tumutukoy lamang sa 7,100 mga isla na
bumubuo sa kapuluan at sa mga katubigang kinapapalooban ng mga ito; hindi
bilang umiiral na estado, ni hindi bilang kalipunan ng mga tao na may kaisahan
kapwa sa isip, sa salita at sa gawa. Ni hindi pa ito ang kabuuan ng teritoryo
na narating ni Magellan noong 1521; maliit na bahagi lamang nito ang Cebu na
tinagka niyang sakupin nguni’t sa kasamaang-palad ay kinamatayan.
Ang
Cebu pa rin lang ang unang dinaungan ni Legazpi noong Pebrero 13, 1565 sa
pagtatapos ng kanyang expedisyon na nagmula sa Espanya noong 1564. Subalit
makaraan ang dalawang araw pa, Pebrero 15, 1565, ang Cebu ay ganap nang
naipailalim sa pamamahala ng Espanya at ginawa itong kapitolyo ng Pilipinas, at
si Legazpi sa bansag na Adelantado de
Filipinas ay siyang gobernador
heneral.
Sa
mga pangyayaring ito, mahahalagang bagay ang ipinakakahulugan. Una, kinikilala
na ang buong saklaw ng kapuluan bilang iisang teritoryo. Pangalawa,
ipinahahayag ang pagkakaroon ng iisang pamamahala sa kabuuan ng teritoryong
ito. At ang mga katutubo sa buong kapuluan ay para-parang pinaging-dapat na mga
nasasakupan ng kaharian ng Espanya – pinaging-isa bilang mga mamamayan ng
bagong kolonya ng Pilipinas.
Ang
mga sumunod pang hakbang ni Legazpi ay parang kulog na bumulaga sa bawat pook
na ratnan ng kanyang mga adbenturang mapanakop, mula sa Mindanao hanggang Maynila at patagos pa hanggang sa
Hilaga at Timog Luzon. Sa bawat pananakop na ginawa ni Legazpi, tampok ang
kanyang ekspertong pagtimpla sa digmaan at diplomasya. Halimbawa’y noong Mayo 1570,
dumating siya bilang mapagkaibigang dayuhan sa Maynila at tinanggap naman siya
ni Rajah Soliman bilang gayon nga, isang kaibigang dayuhan. Nang tumutol si
Rajah Soliman sa soberaniya ng Espanya, ginamit naman ni Legazpi ang pamamaraan
ng digmaan, na nagbunga ng pagkagapi ni Soliman at pag-abo sa buong Maynila.
Isang taon pa ang nagdaan, noong Hunyo 24, 1571, ginawa ni Legazpi ang Maynila
bilang bagong kapitolyo ng Pilipinas. Kaipala’y noon pang ika-16 na siglo
nagsimula ang pagdiriwang ng Hunyo 24 bilang kaarawan ng Lungsod ng Maynila.
Magkagayunman,
mahalagang unawain na bagama’t sa bisa ng digmaan ay nagawang pagbuklurin ni
Legazpi ang kapuluan ng Pilipinas, hindi ibig sabihin nito na nabuo na ang
bansang Pilipinas. Sa usapin ng kabansaan para sa mga katutubo, isang aspeto pa
lamang ang natugunan ng mga pananakop ni Legazpi, ang aspeto ng pinag-isang
teritoryo. Ang iba pang mga aspeto tulad ng pulitika at kultura, ang nakapanaig
ay ang kolonyalistang paghahari ng Espanya at ang pagpapalaganap at pagtigas sa
hanay ng mga katutubo ng mga kaugaliang Kastila. Klasikong patunay nito ang mga
anotasyon na ginawa ni Dr. Jose Rizal sa Sucesos
de las Islas Filipinas ni Antonio
Morga na ang masasamang ugaling tulad ng katamaran at aktitud na “saka na iyan”
ay inugat sa kaugaliang Espanyol, hindi natibo sa mga katutubo.
Muling
matutukoy sa yugtong ito ang malaki at panghabampanahong kamalasan na ang mga
tala ng buhay ng mga katutubo bago dumaong sa kapuluan ang mga Kastila ay
pawang winasak ng mga kolonyalista, partikular ang mga prayle, sa layuning burahin
sa utak ng mga katutubo ang nakagisnang kultura at sa bisa ng sandata ay
ihalili rito ang taglay na kulturang kinukubabaw ng katolisismo. Kaya sa
pagdaloy ng panahon, napag-isa man ang mga katutubo ng Pilipinas sa ilalim ng
iisang pulitika ng Kolonyalismong
Kastila at ng iisang doktrina ng Simbahang Katoliko, nagpatuloy pa rin
ang kanilang pagkawatak-watak sa anomang diwa ng kabansaan: ang waray,
nanatiling waray; ang Bikolano, bikol; ang Ilokos, ilokano; ang Katagalugan,
tagalog; ang Mindanao, muslim; ang Cordillera, igorot; etsetera.
Sa
simula ng pinag-isang buhay sa pulitika ng kapuluan, ito ay napailalim sa
pangangasiwang pulitikal mula sa Mehiko, na noon ay tinaguriang Bagong Espanya.
Sa dahilang ito kung kaya sa loob ng napakahabang 200 taon umunlad ang
Kalakalang Galleon, ang tampok na ugnayang komersyo sa pagitan ng Pilipinas at
ng Mehiko mula 1600 hanggang 1815. Subalit noong 1821, ang Mehiko ay naging
independiyente sa bisa ng Rebolusyong Mehikano na nagsimula noon pang 1810, at
mula noon ang pulitikal na pangangasiwa sa Pilipinas ay isinakatuparan nang
direkta mula Espanya.
Naging
ganap na ang paglalapit ng kolonyang Pilipinas sa “Inang Bansa”, na ano pa ba
kundi Espanya. Sa mga mayamang katutubo na katulad ni Dr. Jose Rizal, Espanya
ang naging hantungan ng kanilang mga adhikain. Halimbawa’y pagkaraang
makapagtapos ng Bacheller del Artes sa Ateneo de Manila, nagtungo si Rizal sa
Espanya upang doon naman mag-aral ng medisina.
Ang
pagkaluklok ni Napoleon Bonaparte sa kanyang kapatid na si Joseph bilang Hari ng Espanya noong Hunyo 6, 1808 ay
nagbigay-daan sa liberalismo sa pamahalaan ng Espanya na humantog sa pagyakap
nito sa Konstitusyon ng Cadiz noong 1812. Sa ilalim ng nasabing konstitutsyon,
pantay ang mga mamamayan ng Espanya at ang mga katutubo ng mga kolonya at mga
teritoryo sa ibayong dagat sa karapatang katawanin sa cortes o lehislatura ng Espanya. At noong Setyembre
24, 1812, nanumpa sa Madrid ang mga kaunaunahang Pilipinong kinatawan sa batasan
ng Espanya. Subalit si Napoleon ay nagapi sa tinaguriang Digmaan ng mga Bansa
noong Oktubre, 1813 at ang mga puwersang Frances ay naitaboy mula sa Espanya,
at sa sumunod na Disyembre ay naluklok si Ferdinand VII bilang hari ng Espanya.
Tatlong taon pa ang nagdaan, noong Mayo 24, 1816, itinanggi ng Cortes ng
Espanya ang Konstitusyong Cadiz at sa gayon ay nagwakas ang representasyon ng
Pilipinas sa batasan ng Espanya.
Maliwanag
na pagkaraan ng 300 taon ng pangongolonya ng Kastila sa kapuluan, ang Pilipinas
ay nanatiling isang probinsya lamang ng Espanya at ang kabansaan nito ay hindi
pinag-uusapan ng mga kolonyalista maging ng mga katutubo. Nang kilalanin ng
Espanya ang kasarinlan ng Mehiko noong 1821, tanging ang Pilipinas ang nalabing
kolonya ng Espanya sa Pasipiko. Sa pagtatapos pa lamang ng ika-19 na siglo
magsisimulang sumibol ang pag-aadhika naman ng
Pilipinas sa kanyang kasarinlan.
Papunta
sa nasabing panahon, ang mga kaunlaran sa teknolohiya (mga makabagong kagamitan
sa produksyon) ay nakapagpasibol na ng kapitalismo sa Europa, isang sistema ng
produksyon na ang paggawa ng mga kalakal ay maramihan kung kaya ang mga
manggagawa ng kalakal ay maramihan, sama-samang gumnagawa at nakaipon sa iisang
bubong ng manupaktura. Kabaligtaran ito ng sinundan at papalaho nang piyudal na
sistema ng produksyon na ang paggawa ng mga kalakal ay sa kamay-kamay na paraan
(halimbawa’y sapatos) ng nagsosolong mga artesano sa kani-kaniyang
magkakahiwalay na talyer.
Bunga
ng panggigipit ng kapitalismo, ang piyudal na produksyon sa Pilipinas ay
nangailangang iangkop sa pangangailangan ng mga kapitalistikong industriya sa
Europa ng mga hilaw na sangkap, halimbawa’y asukal, kopra at abaca. Nagbunga
ito ng malawakang pangangamkam ng lupa, na sa kalakhan ay isinagawa sa
pamamagitan ng pribadong pag-aari ng mga enkomiendero sa kani-kaniyang
nasasakop na enkomienda. Matatandaan na ang mga enkomienda ay mga yunit
administratibo na pinairal ni Legazpi upang mapagaan ang pulitikal na
pamamahala sa kapuluan. At sapagkat ang mga enkomienda sa pangkalahatan ay
nakapailalim sa mga alituntunin na pinaiiral ng simbahan, nang lumaganap ang
sistemang asyenda para sa pagtatanim ng tubo, niyog at abaca, mga prayle ang
pumaimbulog bilang pinakamalalaking asendero. Sa ganung paraan napariwara sa
simbahan at mga kaalyado nitong mga enkomiendero ang kalakhan ng lupa sa
Pilipinas.
Kabilang
sa tinamaan ng pangangamkam ng mga prayle ng lupa ay ang Pamilya Rizal, na sa
mga talang historikal ay isinasaad na mayamang angkan at nagmamay-ari ng
malawak na lupain sa Calamba, Laguna. Kasama ang ilan pang panginoong-maylupa
sa Calamba, nagsampa ang mga Rizal ng kaso laban sa pangangamkam ng lupa ng mga
prayle, bagay na hindi lamang ganap na nabigo kundi nagpasama pa sa pangalan ng
angkan sa mata ng simbahan. Dito nagsimulang magbago ang kamalayang panlipunan
ni Rizal – kamalayan na sa dakong huli ay siyang pangunahing huhubog sa
kaisipang makabansa para sa buong kapuluan. Patunay ng pahayag ni Marx: “Hindi kamalayang panlipunan ang nagtatakda
ng katayuan sa lipunan kundi bagkus katayuan sa lipunan ang nagtatakda ng
kamalayang panlipunan.” Hindi makabansa si Rizal dahil totoo ang bansang Pilipino kundi
kailangan ang kabansaang Pilipino upang ipangontra sa pang-aabuso sa kanya ng
kolonyalistang Kastila.
Sa
kabilang dako, sa paglaganap ng sistemang asyenda, kambal na isinilang ang
dalawang bagong uring panlipunan: ang proletaryado (mga manggagawang pambukid,
magkokopras, mag-aasukal, taga-gawa ng abaca, kargador sa piyer at mga bodega,
trabahador sa obras publicas) at kapitalista, sa panimulang anyo ng mga mga
komprador o mga mamamakyaw ng produkto ng mga asyenda at gayundin mga tagapamahagi ng mga inangkat na kalakal.
Bagama’t sa kalikasan ng kani-kaniyang uri ay kagyat na may tunggalian na sa
kanilang pagitan mula pa lang sa sandali ng kanilang pagsilang, kapwa ang
proletaryado at natibong kapitalista ay biktima ng pang-aabuso ng kolonyal na
kaayusan, partikular ng mga prayle, at sa kalagayang ito ay hindi maaaring
hindi maipasailalim ang hidwaan sa kanilang pagitan sa higit na
pangangailangang gapiin ang kapwa nila kaaway na mga kolonyal na adminstrador.
At
kapwa ang proletaryado at katutubong kapitalista sa Pilipinas ay naging
matabang lupa na mapaghahasikan ng mga
kaisipang liberal na yumabong sa paglago ng kapitalismo sa Europa.
Sa
pulitika, demokrasya, kontra sa awtokrasiyang piyudal, ang sistema ng
pamahalaan na isinulong ng kapitalismo. Ang halos magkasunod na Rebolusyong
Amerikano laban sa monarkiya ng Gran Britanya noong 1776 at ang Rebolusyong
Pranses laban naman sa monarkiya ng Pransya noong 1789 ay matagumpay na
nakapagluklok ng mga kaunaunahang demokratikong pamahalaan sa kasaysayan, at
ang pananagumpay na ito ay tila apoy sa parang na kumalat sa buong Europa. Sa
pagbubukas ng mga daungan ng Pilipinas sa pandaigdigang malayang kalakalan
noong 1834, kasabay ng mga kalakal na pumasok sa kapuluan ay ang mga liberal na
ideya ng kalayaan, pagkakapantay at pagkakapatiran na binuhay sa mga
rebolusyong Pranses at Amerikano. Sa Espanya naganap ang liberal na rebolusyon
na nagpabagsak kay Reyna Isabela II noong 1868 at muling umiral ang liberal na
pamahalaan sa ilalim ng Konstitusyong ng 1869. Sa taong iyun nahirang sa Pilipinas
na bagong gobernador heneral si Heneral Carlos Maria de la Torre na nagpatupad
ng mga liberal na patakarang tadhana ng bagong konstitusyon ng Espanya: nagpawalang-bisa
sa sensorsyip at gumarantiya sa mga kalayaan sa pamamahayag at pagtitipon. Ang pagbubukas ng Suez Canal nang taon ding
iyun na nagpaiksi sa pagbiyahe mula Europa patungong Asya ay higit pang
nagpabilis sa pagdaloy ng mga kaisipang demokratiko sa Pilipinas.
Hindi
mapagtatakhan na sa pagdanas ng Pamilya Rizal ng pagtindi ng mga kaapihang
kolonyal, ang mamuong pangontra ay ang mga kaisipang demokratiko na
walang-pigil ang pagdaloy mula sa ibayong dagat. Angkop ang mga kaisipang ito
sa uri ng mga ilustrado na ano pa kungdi ang binhi ng uri na sa pagtakbo ng
panahon ay makikilala bilang katutubong burgesya, o uring kapitalista.
Sa
kabilang banda, maging sa hanay ng mga isang-kahig-isang-tukang indio, o mga
proletaryado, marubdob din ang pagtanggap sa mga adhikaing demokratiko.
Natuklasan sa mga pananaliksik na ilan sa mga babasahing pinag-aralan ni Andres
Bonifacio ay ang aklat tungkol sa Rebolusyong Pranses at sipi ng Konstitusyon
ng Amerika.
Makaraan
lamang ang dalawang taon, noong Abril 1871, ang
malupit na si Rafael de Izquierdo ay nahirang na bagong gobernador
heneral, na kagyat ay nagpawalang-bisa sa mga kalayaan at kaluwagang pinairal
ng kanyang sinundang gobernador heneral na si De la Torre. Subalit ang binhi ng
“kapatiran, pagkakapantay at kalayaan” ay naitanim na at nagkaugat, at ang
humaliling muling paninikil ay nagsilbi lamang na pataba sa halaman ng
kabansaan na walang duda ay yayabong.
Kapwa
sa katutubong burgesya at proletaryado, taga na sa panahon ang pagsilang ng
Bansang Pilipinas.
Tsapter IV
ANG PAGLULUWAL SA BANSA
Sinabi
ni Sun Tzu: "Maaring
baguhin ang mga plano
nang ayon sa kung ito ay pinapanigan
ng mga kalagayan."
Ang
liberalisasyon sa Pilipinas ay tila patalim na humiwa sa hanay ng simbahan. Sa
isang banda ay ang mga Pilipinong pari na humingi ng sekularisasyon na
maglalagay sa pangangasiwa ng simbahan sa Pilipinas sa kamay ng mga katutubong
pari. Sa kabilang banda ay ang mga relihiyosong order, tulad ng Heswita at
Dominikano, na sa kagustuhang siyang makinabang nang ganap sa lumaganap na
sistemang asyenda ay naglagay sa mga parisya sa kanilang direktang
pangangasiwa. Sa bawat pangyayari, ang usapin ay pinagpapasyahan ng kung sino
ang pinakikinggan ng umuugit sa kapangyarihan pulitikal. Sa panahon ni De la
Torre, nanaig ang mga sekulars, subalit sa paghahalili ni De Izquierdo,
namayagpag ang mga relihiyosong order. Sa panahong ito tumampok ang mga paring sina Padre Mariano Gomez, Jose
Burgos at Jacinto Zamora, tumanyag bilang GOMBURZA, mga namumunong boses ng nasyonalismo sa hanay
ng mga katutubong kaparian.
Sa mga gawain ng tatlong pari,
sangkot ang nakatatandang kapatid ni Rizal na si Paciano. Upang iiwas ang mga
sarili sa pagkakasangkot na ito, minrapat ng pamilya na palitan ang kanilang
apelyido, na kung kaya samantalang ang apelyido ng pamilya ay “Mercado”, ito ay
naging Rizal, mula sa “Ricial” o ang luntian ng isang papalagong halaman. Ang
pagpalaot ni Rizal sa Madrid upang doon magtapos ng medisina ay bunga pa rin ng
pangangailangang makaiwas sa sigalot na nilika ng sekularisyon ng simbahan.
Wala pang isang taon mula sa kanyang
pagkakaupo, pinairal ni Izquierdo ang mga patakaran na tunay na nakapagpasiklab
sa paghihimagsik ng mga mamamayan. Kabilang dito ang pagpapanumbalik sa
puwersahang pagpapatrabaho na noong Enero 20, 1872 ay humantong sa nakilala
bilang Cavite Mutiny. Nag-alsa ang 200 rekrutang sundalo bilang protesta sa
pagkaltas mula sa kanilang sahod ng halagang dapat ay ipinagtrabaho nila ng
libre. Ang mga paputok sa selebrasyon ng pista sa Sampalok nang gabing iyun ay
ipinagkamali ng mga sundalo na siyang
hudyat ng myutiny naman ng mga sundalo sa Intramuros, na kung kaya ipinasya na
nila itong sabayan.
Bigong-bigo ang Cavite Mutiny. Apatnapu’t
isa ay binitay, labing-isa pa na sentensiyado ng kamatayan ay naibaba sa
habambuhay na pagkabilanggo
.
.
At pinaratangan at napatunayang
nagkasala ng pamumuno sa paghihimagsik ay ang tatlong paring Gomburza, na
binitay sa pamamagitan ng garrote. Maraming mayayaman ang idinawit ng
administrasyon ni Izquierdo sa Cavite Mutiny at ipinatapon sa mga Isla ng
Marianas at kinalaunan ay tumuloy sa mayayamang pook tulad ng London at Madrid.
Sa Madrid nagsimula ang kilusan na bagama’t bunsod na ng papalagong kaisipang
makabansa ay nakakulong pa rin sa repormistang paghingi ng mga kaluwagan lamang
sa ilalim pa rin ng kolonyal na pangangasiwa.
Magbibinatilyo pa lamang si Rizal
nang maganap ang Cavite Mutiny subalit malalim na itong tumatak sa kanyang
pag-iisip tungo sa paghubog ng makabansang kamalayan. At nang magtungo na siya
sa Madrid noong 1882, naging tampok siya sa hanay ng mga propagandista dahil sa
kanyang mga sulatin. Sa isang liham na ipinadala ni Rizal sa kanyang kapatid,
ikinawing niya ang tagumpay ng kilusang propaganda sa pananalo ng isang
nagngangalang Sagasta bilang pinunong ministro ng Espanya. Nabigo ang naturang
tao na maluklok sa puwesto at sa gayon ganun din ang mga plano ng kilusang
propaganda.
Ganap ang kabiguan ng Kilusang
Propaganda nang sa wakas ay bumalik sa Pilipinas si Rizal noong Hunyo 1892.
Subalit patunay na hindi pa rin siya bumibitiw sa kanyang repormistang
paninindigan ay ang pangyayari na bago pa man siya dumaong sa Pilipinas ay
nakapagparating na siya ng kahilingan Kay Gobernador Heneral Eulogio Despujol
na payagan siyang magdala ng isandaang libong mamamayan ng Pilipinas upang siya
niyang ipagtayo ng Kolonya ng mga Pilipino sa Borneo. Kapit-patalim pa rin si
Rizal na namnamin uli ang kalagayang kinagisnan na ang kanyang pamilya ay
tinitingalang mga panginoong maylupa. Sa katunayan ito ang nag-iisang sustansya
ng kanyang dalawang aklat – ang Noli Me Tangere, sinulat 1882-1887, at El
Filibusterismo, sinulat 1891-1892 – na ang mga kahingiang reporma sa
pamamalakad sa kolonyal na kaayusan sa Pilipinas at representasyon ng mga
Filipino sa cortes ng Espanya ay nakaugat sa pagpapanumbalik sa pribilehiyo ng
mga propagandista na mag-angkin ng malawak na lupain.
Ang pagbabalik ni Rizal sa Pilipinas
mula sa bigong kilusang propaganda sa Espanya ay may higit na malaking
kahulugan kesa sa ipinakikita sa mga litaw na nagaganap. Dumaong siya sa
Maynila Hunyo 26, subalit sa halip na tumuloy sa tinubuang Calamba, Laguna ay
tumuloy sa Hotel Oriental sa Binondo na doon ay madalas siyang makipagpulong
kay Maximo Viola hinggil sa negosasyon kay Gobernador Heneral Eulogio Despujol
sa pagtatayo ng kolonyang Pilipino sa Borneo. Kinagabihan nakasalamuha niya sa
isang piging na inihanda ng isang mestizong Tsino na si Don On-junco ang mga
personalidad na apat na taon pa ang daraan ay pawang darakpin ng mga awtoridad
na Kastila bilang mga kasangkot sa himagsikan ng Katipunan. Kinabukasan
bumiyahe siya sa Gitnang Luzon (Bulacan, Pampanga at Tarlac), at kung ano man
ang naging kanyang adyenda sa mga pakikipagpulong sa naturang biyahe ay walang
mga tala na agad ay maaaring mahanap. Sapat nang malaman na ang mga
pakikipagpulong na ito ay siya niyang agad na pinagbuhusan ng atensyon. Hapon
na nang sumunod na araw nakabalik si Rizal sa Maynila. At kinabukasan, nakipagkita
siya kay Despujol upang talakayin ang proyekto sa Borneo, na malakas na
kinontra ng huli. Pinabalik si Rizal nang sumunod na Linggo (Hulyo 3, 1892) na
noon ay pinal nang tinanggihan ni Despujol ang panukala ni Rizal ukol sa
kolonyang Pilipino sa Borneo.
Kinagabihan nang araw na iyun
naganap sa Calle Ylaya ang pinal na makasaysayang pulong upang sa wakas ay
ganap nang angkinin ng mga Pilipino ang kabansaan ng Pilipinas – ang
pulong-pagtatatag ng La Liga Filipina.
Nangulo
sa pulong si Rizal. Ang paksang usapin ay hindi na ang paghingi ng reporma sa
kolonyal na pamamalakad sa Pilipinas kundi ang pagkalas na sa Espanya sa
pamamagitan ng sandatahang himagsikan at pagtatayo ng nagsasariling Bansang
Pilipinas. Itinatag ang Liga bilang siyang samahan na babalikat sa
pagsasakatuparan ng armadong pakikibaka laban sa
Espanya.
Binubuo ang Liga
ng dalawang saray. Nasa itaas ang Cuerpo de los Compromisarios, kinabibilangan
ng mayayamang Filipino at pinamumunuan ng isang Don Francisco Roxas Chua; nasa
ibaba naman ang mga indio na bumubuo sa samahang makikilala bilang
Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KATIPUNAN,
na pinamunuan naman ni Andres Bonifacio.
Alinsunod sa mga napagkasunduan
sa La Liga Filipina, pangangatawanan ng Cuerpo de los Compromisarios ang
pangingilak ng pondo upang ipambili ng sandata at iba pang lohistika ng
himagsikan, samantalang babalikatin naman ng Katipunan ang pag-oorganisa ng mga
manghihimagsik sa buong kapuluan.
Nakarating sa kaalaman ng mga
awtoridad ang pagkatatag ni Rizal sa La Liga Filipina. Noong Hulyo 7, 1892
laman ng mga pahayagan ng Maynila ang kautusan ni Despujol para sa pagpapatapon
kay Rizal sa Dapitan. Alas onse ng gabi, isinakay si Rizal sa SS Cebu upang
bumiyahe na sa kanyang katatapunan sa Dapitan.
Mula sa reporma, bumaling si Rizal
sa rebolusyon.
Tsapter V
PUWERSA ANG KOMADRONA
PUWERSA ANG KOMADRONA
Sinabi
ni Sun Tzu: “Huwag mong kagipitin ang ang isang desperadong katunggali.”
Kay Sun Tzu ang pagwawagi sa digmaan
ay hindi nangangahulugan ng pagdurog sa kaaway; balintuna, higit na magaan ang
pagwawagi kung sa pagtatamo ng tagumpay ay mapananatiling buo ang kaaway.
Alinsunod sa prinsipyong ito, lagi nang pagmamando ni Sun Tzu na huwag na huwag
ilalagay ang kaaway sa isang posisyon na patay-kung-patay, sapagkat sa ganitong
kalagayan lalaban at lalaban ang kaaway sukdulang ikasawi ng kanyang buhay. Sa
ganitong kalagayan nasadlak ang Katipunan pagpasok ng 1896.
Patunay na ang mga pangyayari ay pabor sa pinal na pagbaling ni Rizal mula sa reporma tungo sa rebolusyon, ang pagkakapatapon sa kanya ay hindi naging balakid sa pagsasakatuparan ng mga napagkasunduan sa Liga. Pursigidong inorganaisa ni Bonifacio and Katipunan hanggang hindi lang sinaklaw na nito ang buong Luzon mula Ilokos hanggang Bikol kundi natagos na rin nito ang Kabisayaan sa pagpasok ng 1896.
Patunay na ang mga pangyayari ay pabor sa pinal na pagbaling ni Rizal mula sa reporma tungo sa rebolusyon, ang pagkakapatapon sa kanya ay hindi naging balakid sa pagsasakatuparan ng mga napagkasunduan sa Liga. Pursigidong inorganaisa ni Bonifacio and Katipunan hanggang hindi lang sinaklaw na nito ang buong Luzon mula Ilokos hanggang Bikol kundi natagos na rin nito ang Kabisayaan sa pagpasok ng 1896.
Sa ganang Los Compromisarios naman,
tumalima rin ito sa kasunduan sa Liga, gaya ng napatunayan din ni Bonifacio na
nakaalam sa pagdaong sa Maynila ng isang barkong Hapones na may lulan na mga
armas na nakapangalan kay Don Francisco Roxas Chua. Sa mga unang buwan na iyun
ng 1896, ang mabilis na paglaganap ng Katipunan ay naamuyan na ng mga
awtoridad, kung kaya minarapat ni Bonifacio na hingiin na ang mga armas.
Subalit tumangging opisyal na makipag-usap sa kanya ang Kapitan ng barkong
Hapones.Dahil dito kung kaya sinugo ni
Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela kay Rizal sa Dapitan upang pasabihan ito na
handa nang maghimagsik ang Katipunan at kailangan na ang armas ayon sa mga
napagkasunduan sa pulong-pagtatatag ng La Liga Filipina.
Subalit ang mga kalagayan sa panig ni Rizal ay muling humingi ng mga pagbabago. Sa apat na taong pagkakapatapon sa kanya sa Dapitan, muling nagkaroon ng kaunlaran ang kanyang buhay. Malawak ang lupaing napaunlad niya sa produksyong agrikultural, mga pananim at alagang hayop, na tampok pa rito ay ang isang makabagong patubig na kanyang itinayo.Tinatayang sa panahon ng pagdalaw ni Dr. Pio Valenzuela, ang kabuhayang naipundar ni Rizal ay hindi bababa ang halaga sa P 1 milyon. Sa kalagayang ito maaaring husgahan ang pag-aatubili ni Rizal na sumang-ayon sa mensaheng taglay ni Valenzuela mula kay Bonifacio.
Subalit ang mga kalagayan sa panig ni Rizal ay muling humingi ng mga pagbabago. Sa apat na taong pagkakapatapon sa kanya sa Dapitan, muling nagkaroon ng kaunlaran ang kanyang buhay. Malawak ang lupaing napaunlad niya sa produksyong agrikultural, mga pananim at alagang hayop, na tampok pa rito ay ang isang makabagong patubig na kanyang itinayo.Tinatayang sa panahon ng pagdalaw ni Dr. Pio Valenzuela, ang kabuhayang naipundar ni Rizal ay hindi bababa ang halaga sa P 1 milyon. Sa kalagayang ito maaaring husgahan ang pag-aatubili ni Rizal na sumang-ayon sa mensaheng taglay ni Valenzuela mula kay Bonifacio.
“Kung ganun ay tumubo ang binhi,”
ulat ni Valenzuela na siyang winika ni Rizal bilang reaksyon sa pasabi ni
Bonifacio.
Ganun pa man, taliwas sa maraming
tala ng mga historyador sa pangyayaring iyun, hindi tumutol si Rizal sa pinal
na pagpapasabog sa rebolusyon. Ang kondisyon na hiningi niya upang sang-ayunan
ang paghihimagsik ay ang papamunuin dito si Antonio Luna. Bagay na ikinagitla ni
Bonifacio.
“Putanginang Rizal,” o mga
kahalintulad na pananalita ang nawika ni Bonifacio sa ulat ni Valenzuela
tungkol sa kondisyong ibinigay ni Rizal. “Sino ang nagsabi sa kanya na
kailangan ang armas upang magkaroon ng rebolusyon?”
Kauna-unawa samakatwid na nang sa
wakas ay matuklasan ng mga awtoridad ang Katipunan dahil sa pangungumpisal ng
babaing kapatid ng isang katipunero, si Bonifacio at ang kanyang mga tauhan ay
napilitang magbalikwas na ang tanging gamit ay mga itak at sibat na buho.
Tumangging isuko ni Bonifacio ang
liderato ng himagsikan; tumangging ibigay ni Rizal ang mga armas na hawak ng
mga kompromisaryos.
Sa una pa man, ipinaalaala na natin
sa unahan na ang proletaryado at burgesya sa Pilipinas ay kambal na isinilang,
magkaputol sa pusod ngunit magkatunggali sa kani-kaniyang pagkilos upang
makapangibabaw sa kolonyal na kaayusan ng Pilipinas. Ang Rebolusyoing 1896 ay
siyang kauna-unahang pagsiklab ng tunggalian sa pagitan ng uring manggagawa at
uring kapitalista mismong sa punto ng pagluluwal ng bagong lipunan mula sa
sinapupunan ng lumang piyudal na kolonyal na kaayusan.
“Puwersa ang komadrona ng bawat
lumang lipunan na nagbubuntis ng bago.” Walang pasubali ang paghahayag na ito
ni Marx. Ke me armas, ke wala, magbabalikwas ang proletaryodo na ang tanging
sandata ay ang iwing bayolenteng katapangan. Nagsimula ang Rebolusyong Pranses
sa pamamagitan ng pananalakay ng sambayanan na armado lamang ng mga piko, pala,
kalaykay, palakol at kung anu-ano pang mga pamaluka upang palayain ang mga bilanggo
ng Bastille, ang pambansang piitan ng Pransya. Wala ni anomang armas ang mga
manggagawa ng Paris nang agawin ng mga ito ang kapangyarihang pulitikal ng
siyudad at pairalin ang makasaysayang Komuna ng Paris.
Sa pagtanggi pa lamang ni Rizal na
ibigay kay Bonifacio ang napagkasunduang mga armas sa Liga, ibayong panggigipit
na ito sa Katipunan. Isipin ang tila bulkang umaalburuto na damdamin ng mga
katipunero na pagkaraan ng apat na taong masinop na pag-oorganisa na sakbibi ng
pag-asang lumaya ay eto pala’t pagkakaitan lamang ng sandatang kailangan sa
asam na paglaya. Idagdag pa rito ang panggigipit naman ng mga awtoridad na
pagkaraan ng pangungumpisal ng babaing kapatid ng katipunero ay sumulong sa
pag-aresto ng daan-daang pinaghihinalaang kasapi ng Katipunan. Tunay na
naisiksik na sa pader ang mga kawawang maghihimagsik. Kahit mga hayop ang
ganituhin mo, tiyak na sasakmal.
Noong Agosto 22, 1896 nagtipon sa Pugadlawin
ang may 500 katipunero at naglakbay papuntang Balintawak upang sa pamamagitan
ng pagpunit ng kanilang mga sedula ay iproklama ang pambansang paghihimagsik
laban sa Kolonyalismong Kastila – ang makasaysayang Sigaw ng Balintawak noong
Agosto 25, 1896.
Kung naging higit na maingat ang mga
Kastila sa pag-aaral sa sitwasyon, dapat nilang napag-alaman ang mga sumusunod:
Una, hindi handa ang Katipunan sa
isang malawakang pag-aalsa kung pag-uusapan ang lohistika, partikular ang
armas. Maraming kilos ang maaaring nagawa upang pigilin ang pagsiklab ng
paghihimagsik kung sakaling matuloy man ito sa hinaharap
.
.
Pangalawa, hindi pa solido ang
liderato ng himagsikan, tulad ng di-pagkakasundo sa pagitan ni Rizal,
kumakatawan sa mga ilustrado, at Bonifacio, sa Katipunan. Nang magsimulang
mang-aresto ang mga awtoridad sa pagkatuklas ng Katipunan, karamihan sa mga
ilustrado ay nagsilikas sa loob ng Intramuros, nagpapahayag ng katapatan sa
Espanya. Isa na rito ang lalaking ninais ni Rizal na papamunuin sa rebolusyon –
si Antonio Luna.
Pangatlo, isang masinop na
paniniktik ang tanging kailangan upang alamin ang adyenda ng rebolusyon at
magsagawa na mga kailangang hakbang upang pigilin ang pagsabog nito. Yaman din
lamang at madali nang alamin kung sinu-sino ang sangkot sa planong
paghihimagsik, maaaring gumawa ng sistematikong pagnyutralisa kapwa sa hanay ng
mga lider ng himagsikan sa layuning alisan ito ng ulo at gayundin sa hanay ng
masang kasapian sa layuning pagkaitan ito ng katawan.
Sa kambal na panggigipit na iyun ni
Rizal at ng mga awtoridad na Kastila, naganap kay Bonifacio at sa mga
katipunero ang pinakaiwas-iwasan ni Sun Tzu na paglagyan sa isang kaaway: ang
pakibabakang buhay-at-kamatayan. Sa ganitong kalagayan, lumalabas ang lahat ng
tapang ng isang mandirigma na kung kaya siya ay walang katalo-talo.
Mula sa puntong iyun, wala nang
ibang patutunguhan pa ang kolonyal na kapangyarihan sa Pilipinas kundi ang
pagbagsak.
Maraming historyador ang tumatawad
sa tunay na kahalagahan na tinamo ng pananalakay ni Bonifacio kasama si Emilio
Jacinto sa garrison ng mga gwardiya sibil sa San Juan del Monte, na nabigo
nilang sakupin, di tulad di-umano ng matatagumpay na pagsakop ni Emilio
Aguinaldo sa mga kuta ng Kastila sa Cavite. Hindi inuunawa ng maraming ito na
ang pananalakay nina Bonifacio at Jacinto sa San Juan del Monte ay siyang, ayon
sa salita ni Mao Tse Tung, maliit na kislap ng apoy na nagpanimula ng lagablab
ng sunog sa buong kaparangan.
Sa pagpasok ng 1897, ang mga sangay
ng Katipunan na itinatag ni Bonifacio sa loob ng apat na taon ay
nangagsipamayani na rin laban sa mga Kastila sa kani-kaniyang pook na
nasasakupan.
Tanging ang napapaderan na siyudad
ng Intramuros ang hindi pa bumabagsak sa kamay ng mga Katipunero. Sa panuntunan
ni Sun Tzu, ito ay isang magandang bagay. Aniya, “Samakatwid ang pinakamataas na anyo ng pagiging heneral ay ang biguin
ang mga plano ng kaaway; ang kasunod na pinakamataas ay ang pigilan ang
pagsasama-sama ng mga puwersa ng kaaway; kasunod nito ay ang pag-atake sa hukbo
ng kaaway na nasa larangan; at ang pinakamasamang patakaran ay kubkubin ang mga
napapaderang siyudad.”
“Bilang
patakaran,” paalaala ni Sun Tzu, “huwag
kubkubin ang mga siyudad na napapaderan
hangga’t maaari din lang itong iwasan.”
Eksaktong ipinanghuli ni Bonifacio
ang pagsakop sa Intramuros. At dito, ang masasabi ni Sun Tzu ay ganito: “Samakatwid inilalagay ng isang matalinong
mandirigma ang sarili sa isang posisyon na imposible siyang mabigo at hindi
niya kinakaligtaan ang sandali na gapiin ang kaaway.” Kung saang posisyon
inilagay ni Bonifacio ang sarili na doon ay ibibigwas ang panghuling ulos sa
kolonyalismong Kastila ay kaunaunawang hindi niya ipinaalam. Lahat ng
magagaling na heneral ay sinasarili
lamang ang kanilang mga plano hanggang sa sandali ng pagsasakatuparan nito. Sa
bisperas ng Labanan ng Waterloo, tinanong ang Duke ng Wellington kung paano niya
iniisip na gapiin si Napoleon Bonaparte. Sagot ng Duke sa nagtanong: “Paano kita sasagutin ngayon sa katanungan mo
gayong isusulpot lamang ang kasagutan mula sa kung ano ang gagawin ng kaaway sa
kinabukasan pa.” Ang wika ni Sun Tzu tungkol dito ay ito: “Ang pangalagaan ang ating mga sarili laban
sa pagkabigo ay nasa ating mga kamay, subalit ang pagkakataon na gapiin ang
kaaway ay ipinagkakaloob ng kaaway mismo.”
Umabot na si Bonifacio at ang Katipunan sa
yugto na sasamantalahin na lamang nila
ang pagkakataong ipagkakaloob ng kolonyalismong Kastila mismo para sa sarili
nitong pagkagapi
.
.
Samantala, saan namang posisyon
inilagay ni Rizal ang sarili. Habang ang buong Luzon at iba pang panig ng
kapuluan ay nagliliyab sa apoy ng himagsikan, si Rizal ay papalaot papuntang
Cuba upang manilbihan bilang medico ng Hukbong Kastila sa pananalasa nito sa
mga rebeldeng Cubano. Kaipala’y agarang inialok ni Rizal ang sarili sa ganung
paninilbihan nang namiminto nang mabunyag ang Katipunan at siya ay madadawit sa
pagsabog ng himagsikan. Hindi na siya nakarating pa ng Cuba. Tulad ng kanyang
pinangambahan, dawit siya sa sumiklab na paghihimagsik at siya ay ipinaaresto,
pinabalik sa Pilipinas, ikinulong sa Puerto Santiago, nilitis, sinentsyahan ng
kamatayan, at sa wakas ay binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896. Sa
paglilitis na naganap, ipinagdiinan ni Rizal na wala siyang kinaalaman sa
rebolusyon. Tama siya roon. Ang sumiklab na himagsikan ay rebolusyon nina
Bonifacio at ng Katipunan. Subalit binaril pa rin si Rizal sa Bagumbayan. Tama
rin dito ang mga kolonyalistang Kastila. Si Rizal ang nag-organisa ng
rebolusyon sa pamamagitan ng La Liga Filipina.
Leksyong moral sa palaisipang ito:
Huwag kang lilikha ng tigre upang sakyan para sa iyong pansariling kapakanan. Kawikaan
na sa matandang Tsina, “Ang sumakay sa tigre ay nauuwi sa bunganga ng tigre.”