Sabado, Enero 5, 2013


Tsapter XII
KALAMPAG NG MASO’T KARET

            Ayon sa Tydings-McDuffie Act, makaraan  ang sampung taon ng katayuang komonwelt ng bansa, itatatag ang Republika ng Pilipinas na alinsunod naman sa  Konstitusyong 1935. Kaya makaraang palayain ang Pilipinas mula sa Hapones noong 1945, inasikaso ang pagsasagawa ng halalan na roon ay nahalal na pangulo si Manuel Roxas at pangalawang pangulo si Elpidio Quirino. Noong Hulyo 4, 1946, Araw ng Kalayaan ng Amerika, idineklara ang kalayaan ng Pilipinas kasabay ng panunumpa sa tungkulin ni Roxas bilang kauna-unahang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (ayon sa ilang historyador ikalawang republika kung isasaalang-alang ang Republikang 1898 na pinanguluhan ni Emilio Aguinaldo).

            At sa gayo’y sa wakas naluklok sa kapangyarihan ang burgesyang Pilipino, at samakatwid ang Pilipinas sa pusod ng pangmundong kapitalismo. Matapos pandayin ang mga lider Pilipino sa pag-iisip-Amerikano sa loob ng mahigit sa kalahating siglo, maaasahan lamang na ang lipunang kanilang pangangasiwaan ay ganap na aayon sa mga panuntunang pulitikal, ekonomiko, sosyal at kultural ng Amerika. At nang kagyat na kasunod ng digmaan ay mabiyak ang mundo sa dalawang  pangunahing kampo ng demokrasya at sosyalismo, pasasaan pa ba ang Pilipinas kundi sa kampo na pinangungunahan ng Amerika – ang demokrasya.

            Ang demokrasya ay siyang kaayusang panlipunan na humalili sa kolonyal na awtokrasiya sa Amerika na bago ang Rebolusyong Amerikano noong 1776 ay pinaghaharian ng piyudal na Monarkiya ng Gran Britanya. Halos kasabay naman itong ipinanghalili ng Rebolusyong Pranses noong 1789 sa ganun ding piyudal na monarkiya na naghari sa Pransya sa loob ng maraming siglo.

            Ang demokrasya, samakatwid, alinsunod sa Marxistang pag-aaral, ay siyang estado na kumakatawan sa interes ng kapitalismo, na ang katunggaling konsepto ay isang estado na kumakatawan naman sa interes ng uring manggagawa. Ang ganitong estado ang siyang ipinanghalili ng mga Bolshevik sa Rebolusyong 1917 sa Rusya na nagpagbagsak sa piyudal na rehimeng Tzar na naghari sa Rusya sa loob ng napakahabang panahon. Ang estado ng Bolshevik ay tinawag na Union of Soviet Socialist Republics (USSR) o Unyong Sobyet.

            Bunga ng pagkagapi ng puwersang Axis sa WWII, ang Europa ay  nahati sa dalawang larangan ng impluwensya: ang mga demokrasya na pinangungunahan ng Estados Unidos, Gran Britanya at Pransya; at ang tinaguriang mga bansang Warsaw Pact, na binubuo ng Silangang Europa (Poland, Hungary, Czechoslovakia, Yugoslavia, Albanya, Bulgarya,Rumanya at Austria,  na pawang sinakop ng Unyong Sobyet noong panahon ng digmaan at samakatwid pinapangyarihan ng idolohiyang komunista.

            Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang pumalit na dominanteng banggaan sa mundo ay ang tinaguriang Cold War sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet. Bagama’t sa paibabaw ang pag-aaway ay lumilitaw na labanan lamang sa psywar at propaganda, lubhang higit na mahalaga ang ipinakikita sa pailalim.
            Ang panahon sa pagitan ng 1945 at 1991 ay kinasaksihan ng mga kagila-gilalas na pagpapakita ng kaunlaran, hindi lamang sa mga larangan ng ekonomiya ng magkabilang kampo kundi, higit na mahalaga, sa larangan ng teknolohiya sa pakikipagdigma.

            At sa labanan ng mga superpower, muli ang Pilipinas ay di-maiiwasang maipaloob.

            Mula pa noong 1850, ang maaagang mga binhi ng pagkakabuklod ng uring manggawa ay naitanim na sa bansa, kaya nang sumalakay sa Pilipinas ang Amerika, nakapagpasulong na ang mga deboto ng uring manggagawa ng kilusang welga na epektibong kumontra sa kolonyalismong Amerikano.

            Ang Rebolusyong 1896 mismo ay isang pagbabalikwas proletaryado na hangga’t ang pinag-uusapan ay ang liderato rito ni Andres Bonifacio. Ayon sa ilang historyador na banyaga ay isang sosyalista si Bonifacio at samakatwid ang himagsikan, sa istriktong paggabay ng Katipunan na kanyang itinatag, ay tiyak na may sosyalistang tunguhin. Hindi kataka-taka na kagyat na nasa prentera ng pagsalungat sa agresyong Amerikano ay matatapat na ayudante ni Bonifacio sa pangunguna ni Makario Sakay.

            Kasabay halos ng pagkadakip kay Sakay noong 1902, itinatag naman ni Isabelo de los Reyes ang Union De Impresores de Filipinas (UIF). Badya iyon ng pagbaling ng armadong pakikibaka ng mga manggagawa laban sa Amerikano tungo sa legal na unyonismo.

            Si De los Reyes ay bahagi ng uring ilustrado na naghimagsik laban sa Kolonyalismong Kastila. Kabilang siya sa mga ipinatapon ng kolonyal na rehimen sa labas ng bansa sa pagsiklab ng Rebolusyong 1896. Sa Barcelona nakasalamuha niya ang iba’t ibang kulay ng idolohiya, kabilang dito ang ideyang nakasulat sa mga aklat ni Karl Marx at Friedrich Engels na taglay niya sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong 1902.

            Ang UIF ang kaunaunahang pormal na organisadong unyon ng mga manggagawa na natatag sa Pilipinas. Katulong niya rito si Herminigildo Cruz, isang cajista (kompositor ng mga letra) at minervista (tagapagpatakbo ng makinang pang-imprenta), na bago pa man nakabalik si De los Reyes sa Pilipinas ay matagumpay nang nakapaglunsad ng mga welga ng mga impresores.

            Katulong pa rin si Cruz kasama sina Dr. Dominador Gomez at Lope K. Santos, kasunod namang itinatag ni De los Reyes and Union Obrera Democratica (UOD), ang kauna-unahan namang pederasyon ng mga unyon ng manggagawa sa bansa.  Mahigit sa 85 unyon ng mga manggagawa ang sumali sa pederasyon mula sa iba’t-ibang sector tulad ng imprenta, pagawaan ng tabako, patahian, at talyer ng makina.

            Ang UOD ang naglunsad ng kaunaunahang welga ng mga manggagawa sa bansa na sangkot ang libu-libong manggagawa noon Agosto 2, 1902. Dahil dito naaresto si  De los Reyes at nakulong sa mga paratang na sedisyon at rebelyon. Sa inisyatiba ni Cruz, inihalili si Dr. Dominador Gomez sa pamunuan ng pederasyon na ang pangalan ay pinalitan niya ng Union Obrera Democratica de Filipinas  (UODF).

            Ang UODF ang nagsagawa ng kaunaunahang selebrasyon ng Mayo 1 sa Pilipinas na nilahukan ng daang libong mga manggagawa na nagmartsa mula Plaza Moriones sa Tondo patungong Malacanang. Sa nasabing demonstrasyon, pilit na hiningi ng mga manggagawa ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika. Inaresto si Gomez na nilitis sa salang sedisyon at illegal assembly, napatunayang nagkasala at nasentensyahan ng isang taong pagkabilanggo sa hard labor.
            Ang mga dekada 20 hanggang 30 ay sumaksi sa paglakas ng kilusang paggawa at pagtatamo nito ng yaman ng karanasan sa ligal na pakikibaka. Ang mga welga ay ganap na nakapagpahinto ng trabaho sa pabrika ng sigarilyo, sa mga pantalan ng Iloilo, sa mga trosohan at gilingan ng tubo sa Negros, Pampanga at Laguna. Epektibo rin ang mga welga sa mga riles ng tren, ang pabrika sa kopras ng Franklin Baker, Manila Gas Compnay, at mga gilingan ng palay sa Nueva Ecija at mga empresa sa paghahabi sa Maynila.   
            Sa bawat welga, bukod sa paghingi ng mga  ekonomikong kapakinabangan sa trabaho, tampok ang malakas na hiyaw ng mga manggagawa para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika. 
            Tiyak at kagyat ang naging tugon ng Amerika sa bantang pagpapaimbulog ng unyonismo sa Pilipinas: pugutan ito ng ulo hangga’t papausbong pa lamang. Katulong ang American Federation of Labor (AFL), humiwa ang kolonyal na rehimeng Amerikano sa hanay ng mga militanteng manggagawa. Inilako nila ang ideya na ang manggagawa ay dapat na pumukos lamang sa paghingi ng mga benepisyo sa trabaho, hindi sa mga usaping pulitikal tulad ng kalayaan.
            Inudyukan nila si Lope K. Santos na magtatag ng isang bagong pederasyon ng mga unyon na ang ipinamamarali ay ang suporta sa pamamalakad nito ng pamahalaang kolonyal at ang pangkalahatang ideya ng pakikipagtulungan sa mga kapitalista na ano pa ba kundi pawang mga Amerikano. Pinangalanang Union del Trabajo de Filipinas (UTF), ang pederasyon ni Santos ay bigo sa intensyong linlangin ang mga manggagawa. Noong Mayo 1, 1913, sa pangunguna ni Herminigildo Cruz, inorganisa ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siya ang naging pangulo at nagpasimuno sa patuloy na paglalantad at pagkondena sa AFL sa mga pagtatangka nitong sabotahehin ang kilusang paggagawa sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapailalim nito sa kolonyal na pamahalaang Amerikano.
                Walang humpay ang kolonyal na administrasyon sa pagpipilit nitong hiwain ang kilusang paggawa sa bansa. Bilang tugon sa COF, bumaklas dito sina Vicente Sotto, Rainon Diokno at Lope K. Santos at nagbuo ng sariling pederasyon na tinaguriang  Asemblea Obrera noong 1917. Nang taon ding iyon, humiwalay naman si Joaquin Balmori at bumuo ng sariling Federacion del Trabajo de Filipinas. Ipinamarali na di dapat naniningil ng butaw ang mga unyon at sa halip ay dapat na tumatanggap ng suporta mula sa management.

            Subalit sa bawat pakana na bulukin ang kilusang paggagawa sa Pilipinas, matatag ang paninindigan ng proletaryong Pilipino na manatili sa unahan ng pakikibakang anti-kolonyalismong Amerikano. Noong Marso 1, 1918 pinagbagong-organisa ang pinakamalakas na unyon sa Pilipinas, ang UIF na rito ang nahalal na pangulo ay si Crisanto Evangelista.

            Ang pamumuno ni Evangelista sa kilusang paggawa sa Pilipinas ay siyang, sa istratehikong pagsasaalang, magdadala sa bansa sa mga masalimuot na usapin ng pakikipagdigma.        

            Naluklok si Crisanto Evangelista sa pamunuan ng kilusang paggawa sa Pilipinas sa panahong bagong kapapabagsak pa lamang ng Rebolusyong Bolshevik kay Tzar Nicholas II, ang pinakahuling emperador ng Dinastiyang Romanov, na siyang pinakamatagal na naghari sa buong kasaysayan ng Rusya. Mahalagang unawain na  samantalang ang Rebolusyong Bolshevik ay lumilitaw na may bisa lamang sa Rusya, sa saklaw ng idolohiya na gumabay sa rebolusyong ito, ang bisa na nilayong matamo ay may katangiang pandaigdigan.

            Buong ningning at walang pasubali ang kahulugan ng mga linyang ito mula sa Komunistang Antheme na Internationale: “Ito’y huling paglalaban/magkaisa nang masaklaw/ng Internationale ang buong daigdigan.”

            Sa katunayan buong linaw ding inilahad ni Lenin ang sustansya ng kahulugang ito nang kanyang ideklara: “Ang kauna-unahang akto ng estado na ito ay kumakatawan sa kabuuan ng lipunan ay siyang kahuli-hulihan niyang akto bilang estado.”Ayon sa Leninistang pananaw, sa eksaktong sandaling ito – na ang estado ay kumakatawan na sa kabuuan ng lipunan – ang katangian ng estado bilang instrumento ng paninikil na ginagamit ng isang uri laban sa isa pang uri ay magwawakas, ang estado ay mangunguluntoy at maglalaho.  

            Samakatwid ang pag-aadhika sa komunismo ay hindi kailanman magkakaroon ng katuparan kahit saang bansa hangga’t sa daigdig ay may umiiral pang kahit isa na lang na estado. 
           
            Samakatwid bilang pagpapasulong sa estratehikong layunin ng Rebolusyong Bolshevik na itatag ang komunismo, kailangang palaparin sa buong saklaw ng daigdig ang mga rebolusyong proletaryado tulad ng sa Bolshevik upang sa pandaigdigang saklaw ay maitatag ang diktadura ng proletaryo – ang tangi’t nag-iisang kondisyon upang maisakatuparan ang pangunguluntoy ng estado sa pandaigdigang saklaw at sa gayo’y maitatag ang komunismo.

            Sa masalimuot na prosesong ito ng pagtatatag ng komunismo, di maiiwasang pumaloob ang kilusang paggawa sa Pilipinas.

            Mulat ang mga kolonyal na administrador na Amerikano sa ganitong kahahantungan ng kilusang paggawa sa Pilipinas. Bukod sa kontra ito sa malalaking mga kapitalista sa bansa na ano pa ba kundi pawang mga Amerikano, kontra pa rin ito sa demokrasya na dinadala ng Amerika – kontra sa Amerika.

            Gagawin ng mga Amerikano ang lahat ng panunuyo, panunuhol, pananakot at kung hindi makuha sa mga taktikang ito, pamimiit at pagpaslang sa mga lider obrero upang mapatalikod lamang sa kilusang paggawa.

            Sa kaso ni Isabelo de los Reyes, makaraang mapiit ay napahinuhod siya na iabandona ang kilusang paggawa at sa halip ay intindihin  na lamang ang pagtatag ng Philippine Independent Church, na kinalaunan ay nakilala rin bilang Simbahang Aglipay.

            Sa kaso ni Crisanto Evangelista, ginamit niya ang dalawahang-taktika ng pakontra at pakikiayon.

            Pagkatatag ng pinagbagong-organisang UIF, kaagad binuo ni Crisanto Evangelista ang isang komite na kinabibilangan nina Herminigildo Cruz, Pablo Lucas at ng kanyang sarili. Atas sa komite ang pagsasagawa ng labor survey sa mga establisimiyentong pang-imprenta upang gawing batayan ng isang pangkalahatang petisyon para sa mga kahingian ng mga manggagawa sa mga ito. Tumanggi sa petisyon ang mga kinauukulang kapitalista. Tumawag ng general strike si Evangelista. Sunod-sunod na tumugon ang mga unyon sa mga imprenta. Bunga ng welga, napilitan ang mga kapitalista ng mga imprenta na ipagkaloob sa mga manggagawa ang karagdagang pasahod mula 100% hanggang 500%.

            Ibayong kasikatan ang tinamo nina Evangelista at mga kasama sa pamunuan ng UIF. Hilot ang naisip ng mga kolonyal na administrador na ipantapat dito. Hinirang ng pamahalaan si Pablo Lucas bilang Director ng Printing at si Herminigildo Cruz bilang Director of Labor.

            Sa kaso ni Evangelista, hinirang siya ng noon ay Pangulo ng Senado na si Manuel L. Quezon bilang regular na kasapi ng Philippine Independence Mission sa Estados Unidos noong 1919. Tinanggap ni Evangelista ang posisyon sa dalawang mahahalagang kadahilanan. Una, personal na pag-aralan ang iba’t ibang lider paggawa at kanilang mga organisasyon sa Estados Unidos at sa gayo’y higit pang pagyamanin ang kanyang kaalaman sa Marxismo at sa pandaigdigang siyentipikong sosyalismo. Pangalawa, magkaroon ng malapitang pag-alam sa reaksyunaryong pag-iisip ng mga kasama niya sa Mission.

            Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, pinangunahan niya ang pagwewelga laban sa mga diyaryo’t iba pang babasahing pag-aari ng mga Amerikano na tulad ng Philippine Free Press, Cable News America, Manila Times at Manila Daily Bulletin dahil sa pag-alipusta ng mga ito sa kakayahan ng mga Pilipino na pamahalaan ang kanilang mga sarili. Ang mga welgista  ay bumalik lamang sa trabaho makaraang bawiin ng mga babasahin ang nabanggit nilang pag-alipusta at sumumpa ang mga ito na hindi na uulitin ang kanilang ginawa.

            Mula 1922 palinaw na nang palinaw ang direksyong tinatahak ni Evangelista sa pagbibigay-giya sa kilusang paggawa sa Pilipinas. Sa taong iyon, itinatag niya ang Partido Obrero, at kung ano talaga ang partidong ito ay ganap na lilinaw walong taon pa ang lilipas.

            Samantala, bagama’t ipinasya ng COF na maging bahagi ng Red International of Labor Unions, at pinangunahan pa mismo ni Evangelista ang delegasyon ng COF sa mga kumperensya ng pandaigdigang kilusang paggawa na ginanap sa Shanghai, Moscow, at Berlin, ang biyakang naganap sa kongreso noong Mayo 1, 1929 ay humantong sa pagkalas dito ni Evangelista at ang pagbubuo ng isang bago at higit na progresibong pederasyon, ang Katipunan ng mga Anakpawis (KAP).          
        Subalit ang KAP ay isang maramihang organisasyon ng mga manggagawa; hindi ito tumutugon sa mga panuntunang itinakda ni Lenin para sa isang partido ng uri.
            Si Vladimir Ilyich Lenin ang dakilang lider ng Bolshevik na nagpataob sa rehimeng Tzarista sa Rusya sa Rebolusyong Oktubre ng 1917 at bunga nito ay nagtatag ng kaunaunahang diktadura ng proletaryado o sosyalistang estado sa kasaysayan.  Pangunahing elemento ng kawastuan ng rebolusyonaryong pagsasakatuparan ni Lenin sa mga pangaral ni Karl Marx ay ang paggamit ng rebolusyonaryong partido. Sa katunayan, ang konsepto ng isang rebolusyonaryong partido para sa uring manggagawa ay siyang mahalagang ambag ni Lenin sa pagsasapraktika ng Marxismo.

             Sinabi ni Lenin: “Bigyan mo ako ng isang dosenang matatalinong tao at pagbabali-baliktarin ko ang Europa.” Sa mga salitang ito masusuma ang konsepto ni Lenin ng partido para sa uring manggagawa. Hindi kailangang napakalaki. Sapat lang ang dami upang pag-aralan ang karanasan ng proletaryo at sumahin ito upang maging gabay sa kanilang pakikibaka sa kapitalista.

            Sa mas tumbok pang paglalahad, ipinakahulugan ni Lenin ang partido bilang siyang “sulong na destakamento ng uring manggagawa.”

            Iyon mismo ang hinahanap ni Crisanto Evangelista makaraang itatag niya ang KAP bilang kahalili ng COF na naging inutil matapos ang biyakang naganap noong Araw ng Paggawa ng 1929. Isang komite ang binuo ni Evangelista upang gumawa ng programa at konstitusyon ng partido. Noong Agosto 26, 1930 napagkasunduan nina Evangelista at mga kasamahan na ilunsad  sa Nobiyembre 7, 1930 ang itatatag na partido, na siyang kinahantungan ng Partido Obrero na itinatag niya noong 1922, na ngayo’y ganap nang wasto sa anyo, sustansya at pangalan –  ang Partido Komunista ng Pilipinas.

            Ang Agosto 26, 1930 ay anibersaryo ng Sigaw ng Balintawak.

            At ano naman ang Nobiyembre 7, 1930? Anibersaryo ng October 1905 Revolution sa Rusya. (Bunga ng paglipat ng Rusya mula sa Julian Calendar patungo sa Gregorian calendar, ang Enero 31. 1918 ay agad na sinundan ng Pebrero 14, 1918 o diperensya ng 13 araw, na kung kaya sa kuwenta sa kasalukuyang panahon, ang anibersaryo ng isang pangyayari sa taong 1905, nang  hindi pa nakalilipat ng kalendaryo ang Rusya, ay aabante sa kalendaryo ng 13 araw.)

            Sa anu’t anuman, ang Rebolusyong Oktubre 1905 ay itinuring ni Lenin na isang dress rehearsal o ensayo na kung hindi dahil dito ay hindi  magtatagumpay ang Rebolusyong Oktubre 1917. Sa kabilang dako naman, ang Sigaw ng Balintawak, bagama’t maningning na sandali sa kasaysayan ng pakikibaka ng proletaryong Pilipino, ay isang pangyayari na, dahil sa kabiguan ng Rebolusyong 1896, ang tanging silbi na lamang sa ngayon ay mang-antig ng romantikong panghihinayang sa isang paglaya na kailanman ay hindi natamo. Maliwanag na sadyang pinili ni Crisanto Evangelista ang mga petsa upang sangkapan ng rebolusyonaryong kulay ang pagkatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, subalit kung magagawa nga nitong ibahin sa sarili niyang karanasan ang ihip ng hangin na tumama sa Sigaw ng Balintawak ay pagpapasyahan ng panibagong kasaysayang nagsisimula pa lang na maisulat.
            Sa metodolohiya ng Communist Party of the Philippines (CPP - Pakpak Sison), ang karanasan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay sinusukat sa magkakaiba subalit pinaging-magkakaugnay na mga panuntunan na idolohiya, pulitika at organisasyon (IPO). 

            Sa idolohiya, itinuturing na pagkakamaling empirisista ang legal na pagkakabuo ng partido; ang kamalian ay bunga ng pagmamalaki sa kaaway at pagmamaliit sa sarili; na kung kaya sa halip na armado, ang pangunahing porma ng pakikibaka ay ligal. Sa pulitika, ang pagkakamali ay kanang oportunismo, gaya ng pakikipagkutsabahan sa pamahalaang kolonyal sa mga usapin ng kalayaan at mga patakaran sa paggawa. At sa organisasyon, alin kung kaliwa o kanang paglabag sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo, halimbawa’y liberalismo o ultra-demokrasya.

             Sa maraming pagkakataon, ang ganitong metodolohiya ay humahantong sa tunguhing tanggapin ang kaalaman sa isang mekanikal na paraan, sa halip na ganap na namnamin sa natural, at samakatwid wasto,  na proseso ang sustansya ng pag-alam. Ang diyalektika, sa anu’t anuman, ay hindi ang pagpapakita ng  pakaliwa’t pakanang mga tunguhin kundi ang pag-aaral  sa pinakaesensya ng mga bagay at pangyayari.

            Ang unang-unang problema na dapat inigpawan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang usapin ng istratehiya.

            Ayon kay Sun Tzu: “Nakikita ng lahat nang tao ang mga taktikang gamit ko upang makapanakop, subalit ang hindi makita ninoman ay ang istratehiya na mula roon ay ibubunga ang tagumpay.”

            Sa usapin ng istratehiya at taktika, ang una ang tago at ang huli ang litaw. Subalit sa pagsasaalang-alang  ni Lenin, ang masalimuot ay ang taktika samantalang ang istratehiya ay mailalahad sa paraang maiksi, simple at madaling unawain.

            Sa katunayan, ang pagbubuo ng komunistang istratehiya ay hindi na dapat problemahin pa ni Evangelista, sapagkat noon pang 1848 ito ay malinaw nang inilahad ni Marx sa Manipesto Komunista: “Ang kagyat na layunin ng mga komunista ay: buoin ang proletaryo sa isang uri, pabagsakin ang pangingibabaw ng burgesya, at sakupin ang kapangyarihang pulitikal para sa proletaryo.”

            Simple, maiksi, at hindi mapagdududahan ang ibig ipakahulugan ng ganitong pagkakalahad sa komunistang istratehiya. Ang mangyayari nga lang, ayon sa panuntunan ni Sun Tzu, dapat na ito ay tago.

            Nang itatag ni Crisanto Evangelista ang Partido Obrero noong 1922, ganap nang umaayon ito sa panuntunan ni Sun Tzu. Taglay ang komunistang istratehiya subalit binuo bilang lantay pangmanggagawang kaisahan. Kaya naman ang pamunuan nito ay naging tampulan ng panunuyo ng kolonyal na rehimen. Muli, magandang bagay ito sa panuntunan ni Sun Tzu.

            Sabi niya: “Nakakamit ang tagumpay sa digmaan sa pamamagitan ng maingat na pagpapaloob ng ating mga sarili sa mga layunin ng kaaway… Tahakin ang landas na itinatakda ng alituntunin at pumaloob ka sa kaaway hanggang sa kaya mo nang sumabak sa mapagpasyang labanan… Sa simula, samakatwid, umasta kang tila isang matimtimang birhen, hanggang mabigyan ka ng kaluwagan ng kaaway; at makaraan ito gagarin mo ang liksi ng isang rumarapidong kuneho, at magiging napakahuli na upang tunggaliin ka pa ng kaaway.”

            Bilang pagsasalarawan sa mga salitang ito ni Sun Tzu, matutukoy ang karanasan ng Chinese Communist Party (CCP). Ang partido ay itinatag noong 1920 ng 20 tao lamang, kabilang na rito si Mao Tse Tung. Nanatili itong napakaliit kahit hanggang sa pagsisimula ng pananalakay Hapones. Sapagkat ang dominanteng partido noon sa Tsina ay ang Kuomintang na pinamumunuan ni Chiang Kai Sheik, minanduhan ng Rusya na pumaloob na lamang ang CCP sa Kuomintang, na siyang suportado ng Unyong Sobyet sa pakikihamok sa Hapones; nagsimula ang alitan ng Rusya sa Hapon sa Digmaang Russo-Hapones noong 1904-1905.

            Tutol man sa mando ng Rusya, pumaloob pa rin ang CCP sa Kuomintang sa buong panahon bago sumabog ang Ikalwang Digmaang Pandaigdig. Sa pananalasa na ng Hapones sa Tsina, nakapamustura nang ganap ang CCP sa paglaban dito, nakaipon ng malakas na puwersa na sa pagtatapos ng WWII ay siya nitong ipinangbangga sa Kuomintang sa isang madugo’t puspos ng hirap at sakit na digmaang sibil. Noong 1949, ang buong puwersa ni Chiang Kai Sheik ay naitaboy sa Taiwan (dating Formosa) at ang CCP ang siyang naghari sa buong pangunahing lupain  ng Tsina.

            Iba ang senaryo sa Pilipinas bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Amerika ang malinaw na may epektibong kontrol sa bansa. Bilang pangunahing tagapagbandila ng pandaigdigang kapitalismo, ang Amerika, hangga’t masusunod din lang ang Unyong Sobyet, ay kaagad na siyang dapat na maging tumbok ng mga pag-atake, kung hindi man sa mga armadong pagkilos, sa propaganda.

            Malungkot aminin, subalit kung paanong ginamit ng Amerika ang Pilipinas bilang kambing na pansakripisyo sa digmaan laban sa Hapon, ganun din ginamit ng Unyong Sobyet ang kilusang proletaryo sa Pilipinas bilang pagsusulong sa istratehiya nito para sa mag-isang paghahari sa buong daigdig. 

            Sa anu’t anuman, hindi maaaring maulit ang karanasan ng CCP sa Pilipinas. Ang sabi ni Sun Tzu tungkol dito: “Huwag mong uulitin ang mga taktikang nakapagbigay sa iyo ng isang tagumpay, subalit hayaan mong gabayan ang iyong mga pamamaraan ng walang katapusang pagbagu-bago ng mga kalagayan.”

            Sa paghahambing sa mga karanasan ng CCP at PKP, masisilip ang isang katotohanan: na sa pakikipagrelasyon ng Unyong Sobyet maging sa hanay ng pandaigdigang proletaryo, ang gumagabay na prinsipyo ay hindi ang madalas na ipamaraling pakikipagkapatirang proletaryado kundi ang walang ikinahihiya’t lantay na pambansang interes.

            Ang katotohanang ito ang malinaw na hindi sinilip ni Crisanto Evangelista at mga kasamahang pasimuno sa Partido Komunista sa Pilipinas. O, anong sarap nga namang isipin, isang daigdig na walang mga bansa, samakatwid walang mga uri, walang batas, walang pulis, walang huwes, walang gobiyerno kundi bagkus ay isang pinag-isang sangkatauhan na namamahala sa sarili, pinagagalaw ng taos sa pusong pagdadamayan at pagkakapatiran. O, anong kadakilaan na ang pagpapaluwal sa ganung lipunan ay nakaatang sa balikat ng sulong na uri, sapagkat siyang uring tagapaglikha ng yaman ng lipunan, uring walang pag-iimbot, uring di-makasarili na kung kaya sa sandaling siya ay maluklok sa kapangyarihan ay hindi maaaring hindi niya gamitin ito upang sa wakas ay palayain hindi lamang ang sarili kundi ang kabuuan ng lipunan.

            Anong sarap ulit-ulitin si Lenin: “Hindi na maaaring palayain ng proletaryo ang kanyang sarili nang hindi kasabay na pinalalaya rin ang kabuuan ng lipunan.”

            Kinukubabaw ng ganitong romansa, daang libong mga manggagawa sa pamumuno ng PKP ang nagmartsa sa Caloocan upang ipagdiwang ang Mayo Uno ng 1931, inihihiyaw ang matayog na kahingian: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano.”

            Mangyari pa. tinapatan ng kolonyal na rehimen ng brutalidad ang protesta. Kinanyon ng tubig. Pinaghahambalos at pinagpapaluka. Binugbog. Ginulpi. Sabay raid ng mga secret police at sundalo ng konstabularyo sa mga himpilan ng partido na roon ay isinagawa ang mga dagdag pang maramihang pag-aresto. 

            Hindi lamang ang Bilibid Prison kundi ang marami pang piitan sa paligid ng Maynila ang siniksik sa libu-libong mga arestadong magmamartsa. Mula sa bulto ng mga arestado, pinili at ibinukod upang kasuhan ng sedisyon at iligal na pagsasasama-sama at pagkatapos ay patawan ng mabibigat na parusa ang dalawampu’t walong mga pinuno na kinabibilangan nina Crisanto Evangelista, Juan Feleo, Guillermo Capadocia, at Mariano Balgos – mga pangalang tumampok sa pagtingkad  na ng armadong pakikibaka ng HUKBALAHAP.

            Maraming iba pa ang ipinatapon naman.

            Ginawang labag sa batas ang Partido Komunista ilang buwan lang makaraan itong matatag. Ang mga lokal na pamahalaan sa buong kapuluan ay inutusan ng kolonyal na rehimeng Amerikano na huwag magbibigay ng pahintulot para sa anomang pagtitipon ng KAP at kaalyado nitong KPMP, pederasyon ng mga samahan ng mga magsasaka.

            Nagkamali ang Partido Komunista ng Pilipinas sa istratehiya hindi dahil inorganisa ito bilang ligal na samahan kundi sapagkat sa mga taktika nito ay inilitaw na  antimano ang istratehiyang komunista.

            Upang higit pang malinaw ang usaping ito, halawin natin si Sun Tzu:

            “Ang mga taktikang militari ay katulad ng tubig; sapagkat ang tubig sa kanyang natural na paraan ay dumadaloy palayo sa matataas na lugar at rumaragasa pababa… Samakatwid sa digmaan, ang paraan ay iwasan kung alin ang malakas at banatan kung alin ang mahina… Inaanyuan ng tubig ang kanyang sarili ayon sa kalikasan ng lupa na kanyang dinadaluyan; tinatrabaho ng isang sundalo ang kanyang tagumpay kaugnay ng kaaway na kanyang kinakaharap… Samakatwid, kung paanong walang pirming kaanyuan ang tubig, ganun din na walang pirming mga kalagayan sa digmaan...”
            At gamit ang simbolismo pa rin ni Sun Tzu, maaari nating maidagdag na ang tanging mahalaga ay naroroon lagi ang tubig, patuloy sa pagragasa patungo sa kanyang tadhanang kahahantungan.

            Maging sa kaso ng Rebolusyong Bolshevik, ang komunismo ay hindi isang litaw na bagay kung hindi sa punto na lamang ng aktwal na pagsunggab sa kapangyarihang pulitikal. Ibig sabihin, mula 1905 hanggang Oktubre ng 1917 o panahong bumibilang ng 12 taon, hindi kailanman isyu ang komunismo sa mga pagbabalikwas. Puntirya lamang ang pagpapabagsak kay Tzar Nicholas II na malawakang tinitingnan bilang siyang ugat ng kahirapan sa Rusya. Makaraan lamang na ibagsak na ang emperador at pagkatapos ay simpleng arestuhin ang gabinete ng humaliling burgis-demokratikong pamahalaang Kerensky iprinoklama ang paghahari ng Diktadura ng Proletaryado. Doon lamang luminaw sa mata ng malawak na masang Ruso ang pulang kulay ng mga Bolshevik.            

            Sa Pilipinas noong 1930, ang piyudal na kaayusan sa ilalim ng kolonyalismong Kastila ay epektibo nang nahalinhan ng burgis-demokratikong kaayusang dala ng mga mananakop na Amerikano; nakalugar na sa burukrasya ang mga anak-anak ng mga dating prinsipalya na pawang napanday na sa pag-iisip-Kano; at ultimong sa pangkalahatang hanay ng masang Pilipino, ang kulturang Amerikano ay malalim nang naitanim, nagkaugat, yumabong, salamat sa debotadong pagpapalaganap dito ng mga Thomasite.

            Sa ganitong mga kalagayan, mismong ang kolonyal na rehimen ang siyang dapat na “layunin ng kaaway” na maaaring pagpalooban ng Partido Komunista upang sa pagdating ng “kaluwagan” na ipagkakaloob ng kaaway mismo ay iigkas ang bigwas para sa pagtatamo ng tagumpay; dili’t iba kundi ang kolonyal na rehimeng Amerikano ang lupang maaaring pagdaluyan at pagkunan ng anyo ng tubig ng komunismo sa Pilipinas.

            Nangyari nga lang na sa Pilipinas, ang ganung tubig ng komunismo ay pinadaloy hindi sa kalupaan ng kolonyal na rehimeng Amerikano kundi sa kalupaan ng pandaigdigang makinarya para sa hegemonismo ng Unyong Sobyet na rito ang Partido Komunista ng Pilipinas ay isa lamang na turnilyo para sa  psywar at propaganda.

            Ang daan-daang-libong bilang ng mga manggagawang lumahok sa martsa sa Caloocan noong Araw ng Paggawa ng 1931 sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay pagpapakita lamang ng pagiging tuloy-tuloy ng pag-oorganisa at konsolidasyon sa hanay ng mga manggagawang Pilipino mula pa noong kalagitnaan ng Ika-19 na siglo.

            Ang punto rito ay ito: sa kuwestyon ng konsolidasyon ng pagkakabuklod ng uring manggagawa, wala nang duda na ito ay natamo na sa panahon ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang nalalabi na lamang na dapat isakatuparan sa komunistang istratehiya ay ang pagpapabagsak sa pangingibabaw ng burgesya at ang pagtatatag ng diktadura ng proletaryo.

            Hanggang sa ngayon, malaking palaisipan pa rin kung papaanong isasakatuparan ito. Lalong higit noong 1930, nang sa mundo ay tanging ang Unyong Sobyet ang napagtatagan ng diktadura ng proletaryo; ang sumunod na mga sosyalistang estado na natatag ay sa Soviet Bloc ng Silangang Europa, na naisagawa hindi sa nagsasariling kilos ng mga estadong ito kundi bilang mando ng pananakop ng Unyong Sobyet noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pananagumpay ng partido komunista ng Tsina ay magaganap naman 19 na taon pa muna ang lilipas, noong 1949. Tanging ang Rebolusyong Oktubre ng 1917 ang modelo para kina Crisanto Evangelista upang paggagaran ng pagkilos. Sa kasamaang palad, sa halip na maging huwaran lamang ng pakilos, o, sa mas istriktong pagsasalita, halawan lamang ng mga leksyon na magagamit sa pagpapayaman ng kondukto ng rebolusyong proletaryado sa Pilipinas, ang modelo ng Unyong Sobyet ay siya mismong tila nagmando kung papaano isasagawa ang rebolusyong ito.

            Welga rito, demonstrasyon doon, rali rito, martsa roon. Tulad ng mga kaganapan sa Rebolusyong Oktubre ng 1905. Na parang gustong ulitin ang mga pagbabalikwas sa Petrograd at tamuhin uli ang tagumpay na kinahantungan nito.

            Subalit tulad nga ng paalaala sa atin ni Sun Tzu, sa digmaan ay walang mga pirming kalagayan; ang tubig ay nagkakaanyo ng kalupaan na kanyang dinadaluyan.

            Sa Pilipinas noong 1930, ang kalupaang daluyan ng tubig ng komunistang istratehiya ay ang kolonyal na rehimeng Amerikano na pinatatakbo ng mga utak-Kanong katutubong burgesya. Ang nakaambang tanong kina Evangelista nang itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930: Paano ihuhugis ang pagpapagbagsak sa pangingibabaw ng burgesyang Pilipino na nakakanlong pa sa pundilyo ng imperyalismong Amerikano?

            Payo ni Sun Tzu sa usaping ito: “Ang magagaling na mga mandirigma nang unang panahon ay maglalagay muna ng kanilang mga sarili sa posisyon na imposible silang mabigo, at saka maghihintay ng pagkakataon na gapiin ang kaaway.”

            Maraming katanungan ang sangkot sa usapin ng pagpapabagsak ng burgesyang Pilipino sa panahong iyon.

            Halimbawa’y, pangunahing inihihiyaw sa mga demonstrasyon ang pagpapabagsak sa imperyalismong Amerikano, subalit anong lakas meron ang PKP laban sa pinakabago at makapangyarihang emperyong kolonyal na Amerika? Sa mga panuntunan ni Sun Tzu ito ay isang bagay na napakamali. Di ba’t paalaala na niya na “iwasan kung alin ang malakas at banatan kung alin ang mahina”?

            Puwera na lamang kung sa likod nga ng PKP ay ang Unyong Sobyet na ang lakas ay maaaring kasukat ng sa Amerika na kung kaya sa panuntunan ni Sun Tzu ay nagbibigay ng kakayahan sa PKP na mag-alok ng laban sa Amerika. Sinabi ni Sun Tzu, “Nasa alituntunin ng digmaan na kung ang ating puwersa ay sampu sa isa ng kaaway, paligiran siya; kung lima sa isa, salakayin siya; kung doble ang bilang ng sa kaaway, hatiin ang ating puwersa sa dalawa… Kung pantay ang tapatan, mag-alok ng laban.”

            Pero kung ito ang totoo, aaminin lamang ng PKP na turnilyo nga lang siya sa makinarya ng pakikipagdigma ng Unyong Sobyet at sa gayo’y hindi itinatag upang ispisipikong pabagsakin ang burgesyang Pilipino. Hangga’t ang rebolusyong Pilipino ang nasasangkot samakatwid, malilihis nang ganap sa komunistang istratehiya ang kilos ng PKP.

            Isa pang napakahalagang tanong, maibabagsak ba ang burgesyang Pilipino na hiwalay sa pagbagsak ng imperyalismong Amerikano? Ang tanong ay nagpapalagay na kung maaari man na maibagsak ang imperyalismong Amerikano, hindi ito magagawa nang mas maaga kesa sa pagbagsak ng burgesyang Pililipino. Ang tanong, samakatwid, ay mailalagay sa ganito: Pababayaan ba ang imperyalismong Amerikano na ibagsak ng PKP ang burgesyang Pilipino. Sa panahon ng pagkatatag ng PKP, walang posibilidad na ito ay mangyari. Dinigma ng Amerika ang Espanya mismong sa dahilan na kailangan nitong kolonyahin ang Pilipinas bilang pagpapalapad ng kapangyarihan nito sa rehiyon ng Asya Pasipiko. Hindi bibitiwan ng Amerika ang Pilipinas pabor sa pag-aalsa ng isang novatong partido komunista.

            Magkaganun man, sampung taon pa ang lilipas mula sa pagkatatag ng PKP, iniwan ng Amerika ang Pilipinas upang ipokus ang pakikipagdigma sa Europa. Patunay iyon ng mga salita  ni Sun Tzu na “kung papaanong walang pirming kaanyuan ang tubig, ganun din walang pirming mga kalagayan sa digmaan.” Kung sina Evangelista at mga kasamahan sa pamunuan ng PKP ay naging katulad sana ng “mga mandirigma nang unang panahon na inilalagay muna ang mga sarili sa posisyon na imposible silang magapi, at saka maghihintay ng pagkakataon na gapiin ang kaaway,” ang pag-iwan ng Amerika sa Pilipinas ay siya sanang naging punto ng pagbagsak ng burgesyang Pilipino, at ang pagbabalik ni MacArthur noong 1945 ay totoo sanang naging, ayon kay Sun Tzu, “napakahuli na upang pigilin pa ito”.

            Marahil pinakamatingkad na sa mga katanungan ay kung ang pagpapabagsak ba sa burgesyang Pilipino – sa katunayan sa burgesya saan mang panig ng mundo – ay isinasakatuparan sa labas ng sistemang pulitikal na pinaghaharian ng burgesya.

            Tumitindig ang katanungan sapagkat talamak ang pag-iisip sa hanay mismo ng mga rebolusyonaryo na ang pagkilos tungo sa pagpapabagsak sa burgesya ay nagsisimula sa labas, ibig sabihin, labas ng sistemang pulitikal na pinaghaharian ng burgesya.

            Sa usapin ng pagsakop ng kapangyarihang pulitikal ng proletaryo, samakatwid, nangangahulugan ito ng pagtatayo muna ng sariling kapangyarihang pulitikal na siyang ipananagupa kinalaunan sa nakatayo nang kapangyarihang pulitikal ng burgesya hanggang sa maibagsak ito.

            Sa katunayan, ang Rebolusyong Oktubre ng 1905 ay nagsimula sa pagtatayo ng mga sobyet o mga konseho ng mga manggagawa, ang batayang pagkakabuklod ng proletaryong Ruso na maihahambing sa mga unyon. Itinatag ang mga sobyet sa mga pagawaang industriyal at nang lumaon ay sa labas na ng pabrika, halimbawa’y sa mga sentro na ng siyudad.

            Tampok sa mga sobyet na ito ay ang Sobyet St. Petersburg (may turing din na Petrograd) na  sa una ay pinamunuan ni Krustalyov-Nosar, na nang maaresto ay hinalinhan ng maalamat na si Leon Trotsky. Bagama’t umabot ang Sobyet ng St. Petersburg sa puntong higit na itong maimpluwensya kesa sa imperyal na rehimeng Tzarista, marami ang nagdududa sa naging bisa nito. Ispontanyo at halos hindi napakialaman ng sobyet ang pangkalahatang welga na naganap noong Oktubre 1905 at ang pangalawang pangkalahatang welga na nilayong ilunsad ng sobyet nang sumunod na Nobiyembre ay nabigo. At nang maaresto si Trotsky noong Disyembre 1905, ang Sobyet ng St. Petersburg ay ganap nang huminto.

            Sa muling pagsiklab ng rebolusyon noong 1917, muling nabuhay ang sobyet ng St. Petersburg, subalit sa ganap nang bagong mga kalagayan.

            Nangyari na noon ang Rebolusyong Pebrero na sa wakas ay nagpabagsak sa Rehimeng Tzar. Naitayo na ang Pamahalaang Probisyonal na may katangian nang burgis-demokratiko sa pamumuno ni Alexandr Kerensky, matapang na aktibista sa kanyang kabataan at dati nang kaibigan ng Russian Social Democratic Labour Party (RSDLP), na noon ay nabiyak na sa pagitan ng mga Menshivik (minorya) at Bolshevik (mayorya). Tindig ng Menshivik na magtayo ng nagsasariling pamahalaan; giit naman ng Bolshevik na pumaloob sa pamahalaang Kerensky.
           
            Nahirang na Pangalawang Tagapangulo ng Sobyet Petrograd, kasama ni Kerensky si Lenin sa paninindigan laban sa pagtatayo ng pamahalaan na hiwalay sa Probisyunal na Pamahalaan, at nang tangkain siyang  patalsikin sa pamamagitan ng kudeta ni Heneral Lavr Kornilov, inarmasan niya ang mga manggagawa ng Petrograd upang magamit laban sa pakana. Naaresto si Kornilov sampu ng kanyang mga tauhan, at sa ilalim ng patakaran ni Kerensky na “walang kaaway sa kaliwa”, lumakas nang husto ang mga sobyet.

            Partikular sa Petrograd uli, sa inisyatiba ni Leon Trotsky ay napabaligtad pabor sa sobyet ang mga tropa ng pamahalaan – na siyang magiging binhi ng Red Army na kanyang pamumunuan.

            Hanggang tanging isang batalyon na lamang ng mga sundalo ang nagpapahayag ng katapatan kay Kerensky – at puro babae pa, ang Petrograd All Women Battalion o tinaguriang  Death Battalion. Bandang huli, maging ang batalyong ito ay pumakabila na rin sa mga sobyet. Matapos ang pagbaliktad ng mga kababaihang sundalo, kinailangan lamang ang 20 oras upang ibagsak ang probisyunal na pamahalaan – nang wala ni isang balang ipinuputok.

            Totoong kinikilala ni Lenin na ang Rebolusyong Oktubre ng 1905 ay nagsilbing ensayo para sa matagumpay na Rebolusyong Oktubre ng 1917, subalit isang bagay ang tiyak: ang tangkang pagpapabagsak sa rehimeng Tzar mula sa labas, ibig sabihin ang Sobyet ng St. Petersburg, ay di nagtagumpay; at noong 1917, ang pag-aresto ng Bolshevik, na noon ay ganap nang nakapaloob sa pamahalaang Kerensky, sa buong gabinite ng pamahalaan –  isang napakagaan na pagkilos mismong sa loob ng kapangyarihang pulitikal ng burgesya –   ay siyang aktwal na pagsunggab ng kapangyarihang pulitikal na roon ay ipinahayag ni Lenin: “Lahat ng kapangyarihan sa mga Sobyet.”

            Noon isinilang ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR) ng Rusya – pagsasalarawan ng diktadura ng proletaryo na ang larangan ng impluwensya ay sumaklaw sa mahigit kalahati ng mundo sa loob ng 73 taon.

            Mapupuna na mula sa Rebolusyong Oktubre 1905 hanggang sa Rebolusyong Oktubre 1917 ay panahong bumibilang ng 12 taon; mula 1922 nang itatag ni Crisanto Evangelista ang Partido Obrero hanggang sa Nobiyembre 7, 1930 nang itatag niya ang Partido Komunista ng Pilipinas ay panahong bumibilang din ng 12 taon. Sa Rusya ang 12 taon ay nagbunga ng kaunaunahang diktadura ng proletaryo sa kasaysayan; sa Pilipinas ang 12 taon ay naglublob sa uring manggagawa sa pusali ng pagkaduhagi.

            Papaano tinangkang gapiin ng PKP ang imperyalismong Amerikano? Sa pamamagitan ng militanteng unyonismo na bumabanat nang harapan mula sa labas ng kapangyarihang pulitikal ng burgesya? Papaanong ginapi ng Bolshevik ang pamahalaan ng burgesya ni Kerensky? Sa pamamagitan ng napakasimpleng pag-aresto sa buong gabinete at pagpapahayag ng pagsunggab sa mismong kapangyarihang pulitikal ng pamahalaang Kerensky.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Ang tinatawag ng matatanda na tusong mandirigma ay siya na hindi lang nagwawagi kundi bagkus ay nagwawagi nang napakadali.”

            Ganitong kahalintulad na hantungan ang ipinasilip na sa tatlong pinakamatataas na mga lider ng kilusang paggawa sa Pilipinas makaraang pagpanibaguhing-organisa ang UIF noong Marso 1, 1918.  At kaagad na kasunod niyon ay ang malaking tagumpay ng pangkalahatang welga sa industriya ng imprenta.  Maliwanag na panunuhol, hinirang  ng pamahalaang kolonyal si Pablo Lucas bilang Director ng Printing  at si Herminigildo Cruz bilang Director ng Labor. At si Crisanto Evangelista bilang regular na kasapi ng Independence Mission sa Estados Unidos.

            Pero, e, ano kung suhol? Di ba’t payo ni Sun Tzu, “pumaloob sa mga layunin ng kaaway”? Tatlong pinakamatataas na mga lider obrero, nakapaloob sa kolonyal na rehimeng Amerikano, ang laking ganansya na nito – na palalakihin na lamang nang palalakihin pa sa istilo ng “mandirigma noong unang panahon na inilalagay muna ang sarili sa posisyon na imposible siyang gapiin, at saka maghihintay ng pagkakataon na gapiin ang kaaway.”

            Sa aktwal, sa pagdaloy ng komunistang istratehiya patungo na sa panahon ng pananalakay  Hapones, dumating sa PKP ang ganung pagkakataon.

            Papasok sa kalagitnaan ng dekada 30, sakmal ng depresyon ang kapitalismo ng Amerika at ginigiyagis ng lumalakas na banta ng pasismo ng Alemanya at Hapon. Napagtanto ng pamahalaang Roosevelt ang katalinuhan ng pagtatayo ng pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa pasismo, na siya ring kapasyahan sa Ikapitong Kongreso ng Comintern (Communist International) na ginanap sa Rusya noong 1935.

            Noong 1936 sinugo ng Communist Party of the United States of America (CPUSA) si James Allen, manunulat na konektado sa bantog na liberal na babasahing The Nation. Atas ni Allen na  palaganapin sa hanay ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang ideya ng prente popular, ang pagpapanumbalik sa PKP bilang ligal na partido, at ang pakikipagsanib ng PKP sa Partido Sosyalista ng Pilipinas, na may malawak na suporta ng mga magsasaka. Ang “James Allen” ay pangalan sa panulat ni Sol Auerbach,  na asawa ng kadre ng CPUSA na si Isabelle Auerbach. Ang mag-asawa ang umalalay sa biyahe ng 5 kadre ng PKP noong 1934 upang dumalo sa Ikapitong Kongreso ng Comintern, na ginanap noong 1935 dahil sa pagkaantala ng isang taon.

            Sa isang mahabang pakikipagpanayam ni Allen kay Pangulong Quezon noong Nobiyembre 23, 1936, ipinarating niya ang kahingian ng CPUSA na palayain si Evangelista at mga kasamahang lider ng PKP. Bagama’t walang kagyat na komitment na ginawa si Quezon kaugnay ng kahingian ng CPUSA, nang pagbabagong taon ng 1937, ipinahayag niya ang pagpapalaya sa mga lider PKP sa pamamagitan ng pardon.

            Ganun din hindi naging kagyat ang pagtanggap ni Evangelista sa paglaya sa dahilang hindi niya matanggap ang kondisyon na yakapin niya ang mga prinsipyo ng pamahalaang komonwelt ni Quezon. Paninindigan ni Evangelista na ang kilusang proleryado sa Pilipinas ay hiwalay at nagsasarili kaugnay ng pamahalaang komonwelt.

            Nang sumunod na Setyembre, ipinahayag ng Komite Sentral ng PKP ang paninindigang ito: na upang mailigtas ang Pilipinas sa posibleng pananalakay ng Hapon kailangang mahiwalay ito kaagad sa Amerika, na ibig sabihin lamang ay magkaroon na ng kasarinlan. Mariing tinutulan ni Allen ang nasabing paninindigan. Sa isang liham kay Pedro Abad Santos, Tagapangulo ng Partido Sosyalista ng Pilipinas, idiniin ni Allen na iyon mismo ang magbubukas ng pinto para sa pananalakay Hapones.

            Maliwanag kapwa ignorante ang Komite Sentral ng PKP at si Allen sa War Plan Orange 3 na nailatag na ng pamahalaang Amerikano matagal pa bago nagsimula ang pananalakay ng Hapones sa Pasipiko. Sa ilalim ng planong ito, hindi na usapin kung kailangang lumaya ang Pilipinas mula sa Amerika o hindi upang salakayin o hindi ng Hapones. Ang digmaan sa Pasipiko ay nakaguhit na mangyari bunga ng pag-aagawan ng mga kapitalistang bansa sa mga palengke ng kalakalang pangmundo. Ang usapin na lamang ay kung ano ang hakbang na ipantutugon ng PKP oras na sumalakay ang Hapones.

            Kung saan, sa wakas, lumagay ang PKP sa kontrobersya ay ipinahiwatig noong Oktubre 16, 1937 nang tanggapin na nina Evangelista at mga kasamahan ang paglaya mula sa mahaba ring panahon ng pagkakapiit.

            Dagdag pang pahiwatig, pumayag si Quezon sa kahingian ng CPUSA na payagang makapagpagamot si Evangelista ng sakit na tuberculosis sa Unyong Sobyet.

            Inabot ng mahigit isang taon si Evangelista sa Unyong Sobyet, subalit sa buong panahong ito, tuloy-tuloy ang naging pagkilos ng PKP kaugnay ng pagtatatag ng nagkakaisang prente laban sa pasismo. 

            Kabilang sa mga pagkilos na ito ang pagsasagawa ng dalawang dokumento sa pulong na ginanap sa pagtatapos ng buwang iyon. Isang dokumento, “Memorandum on the Chief Tasks of the CPPI (tawag sa PKP sa Ingles, Communist Party of the Philippine Islands), na nagpahayag na ang pangunahing tungkulin ng partido ay ang pag-organisa ng pambansang demokratikong prente laban sa pasismong Hapones. Nang sumunod na Oktubre, pinagtibay sa Ikatlong Kongreso ng PKP ang nasabing pambansang prente, kasabay ng pahayag ng pagtanggap sa pamahalaang komonwelt, kabilang ang Saligang Batas ng Pilipinas  at ang pangako ng America ng kalayaan para sa Pilipinas sa 1946.  Mula sa pagiging lubog, muling bumalik ang PKP sa pagiging litaw at, samaktwid, ligal.

            Sa Ikatlong Kongreso rin, na ginanap noong Oktubre 29-31,1938, isinagawa ang pagsasanib ng PKP at ng Partido Sosyalista ng Pilipinas – sa ilalim ng bagong saligang batas at pinag-isang pangalang Partido Komunista ng Pilipinas. Ang pinakamatataas na opisyal ng pinagsanib na partido ay sina Crisanto Evangelista bilang Tagapangulo, Pedro Abad Santos, Pangalawang Tagapangulo, at  Guilleromo Capadocia, Kalihim Heneral .

            Kapuna-puna na sa lahat ng mahahalagang mga pagkilos ng PKP sa panahong iyon, masigasig ang pakikisangkot kung hindi man ganap na pangunguna sa inisyatiba ni James Allen. Ito ay dahil sa siya ang gumagampan ng pag-ugnay ng PKP sa CPUSA, na siyang tanging daan naman ng PKP papunta sa Comintern. Napagkasunduan sa Ika-2 Kongreso ng Comintern na ang mga partido komunista sa mga kolonya ay pangangasiwaan sa pamamagitan ng mga partido komunista sa mga bansang nakakasakop sa kanila, at sa Ika-5 Plenum ng Comintern noong 1925, ipinasa ang kauna-unahang resolusyon kaugnay ng Pilipinas na nagmamando sa CPUSA na pangasiwaan ang pagbubuo ng partido komunista sa kapuluan.

            Sa pagsapit ng 1940, isang pangyayari sa Estados Unidos ang naganap na bumulabog sa linyang ito ng disiplina sa komunistang internasyunal. Ipinasa ng kongreso ng EU ang Voorhis Act, na nagtatakda na ang CPUSA ay magrehistro sa Tanggapan ng US Attorney General bilang isang banyagang ahente ng Unyong Sobyet na naglalayong ibagsak ang pamahalaang Amerikano. Bunga nito, kumalas ang CPUSA sa Comintern, at sa isang iglap, nawalan ng ugnay ang PKP sa Comintern.

            Sa biglang tanaw ay mailalagay na isang masamang bagay ang nangyari.     Subalit sa mga kalagayan nang panahong iyon, ang masamang bagay na ito ay maaaring maibaling sa mabuti. Ang pagiging turnilyo lamang ng PKP sa pandaigdigang makinarya ng Unyong Sobyet ay nabaklas at sa gayo’y napaging-nagsasarili sa usapin ng pagsusulong ng komunistang istratehiya sa Pilipinas. Sa simpleng salita, ngayong wala na ang Unyong Sobyet upang magmando kung papaano ibabagsak ang burgesyang Pilipino, papaano ito isasagawa ng PKP sa sarili niyang diskarte?

            Ang pagsasariling-diskarte ng PKP ay binigyan ng pagkakataon na makaalagwa sa pagsabog ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Putol na ang koneksyon sa Comintern, tanging ang pakikipagkaisang-prente ng PKP sa Amerika kasama ang pamahalaang komonwelt ni Quezon ang ugnayang internasyunal na kinapapalooban ng PKP sa paglaban sa Hapon.

            May magandang kinapatutunguhan ang paghawak ng PKP sa kalagayan. Nakaprogramang iabandona ng Amerika ang Pilipinas sa simula ng digmaan upang maikonsentra ang puwersa sa paggapi sa Alemanya sa Europa. Noon pa lamang na papaatras si MacArthur patungong Bataan, naglulunsad na ang PKP ng mga pananalakay kontra sa puwersang Hapones upang mapabagal kung hindi man mapigilan ang paghabol nito. Kinalaunan nagtayo na si Evangelista ng base sa paanan ng Bundok Arayat na higit pang kinakanlong ng Candaba Swamps. Mula rito ay pinalaganap niya ang pakikipagdigma na noon pa mang kadadaong pa lamang ng mga puwersang Hapones sa bansa ay ipinanawagan na niyang suportahan ng sambayanang Pilipino: “Paglaban sa Hapon, Ibabaw sa Lahat.”

            Maliit lamang sa simula, makaraang bumagsak ang Bataan, ang armadong paglaban ng PKP  ay siyang bumalikat sa buong bigat ng paglaban sa pananalakay Hapones. Mahirap man sa isang panig, nagbunga naman ito ng imahen ng PKP bilang isang organisadong grupo ng mga makabansang mandirigma na tutubos sa Pilipinas mula sa pananalakay na banyaga.

            Sa pagtatapos ng 1941,  halos wala nang magawa pa ang mga Hapones upang supilin ang malaganap nang respeto ng sambayanan, partikular ang mga magsasaka, sa imaheng ito ng PKP. Malaganap at tuloy-tuloy ang mga pagpapahirap sa mga Pilipino ng Kempei Tai (lihim na pulisya ng Hapones), katulong ng mga notoryosong traydor na Makapili,  sa pagpipilit na makakuha ng impormasyon hinggil sa mga puwersa ng PKP. Lalo lang itong nakapagpatampok sa, ayon sa isang historyador, tila Robinhood na imahen ng mga mandirigma ng PKP.

            Sa panig ng burgesyang Pilipino, maliban sa kolaborasyon ng mga Laurel at Roxas sa mga Hapones, ang pamahalaang Quezon, ay maaga pa sa digmaan, inilikas ni MacArthur sa Australia upang mula roon ay tumuloy sa Amerika.

            Sa mga kalagayang ito, literal na inabandona ng burgesya ang kapangyarihang pulitikal sa Pilipinas. Samakatwid, sa tunggalian ng proletaryo at burgesya, ang ganung pag-abandona ay ang mismong “pagpapabagsak sa pangingibabaw ng burgesya” na tinutukoy sa komunistang istratehiya na mula roon, tulad ng ginawang pag-aresto ng Bolshevik sa gabinete ng pamahalaang Kerensky, ang kapangyarihang pulitikal ng burgesya ay maaari nang sunggaban ng PKP.

            Ang pagsuko sa Bataan at Corregidor noong 1942 ay siya namang  akto ng pag-abandona ng Amerika sa anumang pamumustura ng paghahari sa Pilipinas, na kung kaya sa bansa, matangi sa paglaban ng ilang pulutong ng mga gerilyang USAFFE, ang pinakamalaking awtoridad na pulitikal na bumaka sa Hapones ay ang PKP.

            Sa suma sa aktwal, ang pagtatatag ni Isabelo de los Reyes sa UIF noong 1902 ay siyang nagbadya sa pagpapaunlad sa proletaryong Pilipino bilang uri, na ang kaganapan ay ang pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Nobiyembre 7, 1930.  Ang mahabang prosesong ito na kinakitaan ng masigasig na pagbubuo ng mga kahalintulad na unyon ng mga manggagawa na nauwi sa pagpupundar ng mga pederasyon ng mga unyon sa paggawa tulad ng UODF, UOD, KAP, pagbuo ng Partido Obrero na nakipagalyansa sa malawak na hanay ng mga magsasaka na organisado sa ilalim ng KPMP – lahat nang ito ay tumugon sa unang hakbang sa komunistang istratehiya.

            Ang pagsusulong sa ikalawang hakbang – “ang pagpapabagsak sa pangingibabaw ng burgesya” – ay natugunan nang iabandona ng Amerika at pamahalaang Quezon ang Pilipinas nang sumiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

            At ang ikatlo’t pinal na hakbang – ang pagsunggab sa kapangyarihang pulitikal para sa proletaryo – ay naganap nang balikatin ng PKP mula 1942 hanggang 1945 ang buong bigat ng pakikipagdigma laban sa Hapones.

            Noong Enero 1942, nadakip sina Crisanto Evangelista at Pedro Abad Santos. Kapwa matatag na nanindigan laban sa Hapon, di-kalaunan ay binitay ang dalawa, na lalo lang nagpasiklab sa damdamin ng sambayanan laban sa mga Hapones, higit na nagpatapang sa mga gerilya ng PKP.

            Noong Marso 29, 1942 itinatag ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon  (HUKBALAHAP). Iyon ang nagsilbing pormal na paghahayag ng PKP sa kanyang pag-ako sa pananagutang pangalagaan ang Pilipinas at ipagtanggol ito laban sa mga agresyong banyaga. Sa kaunaunahang pagkakataon, ang PKP ay mayroon nang sariling hukbo – ang pangunahing rekisito para sa pagpundar, pangangalaga at pagtatanggol, at pakikipagdigma para sa sariling kapangyarihang pulitikal.

            Nagsimula sa 500 kasapi na nahahati sa tig-100-kataong laking iskwadron, ang Hukbalahap ay mabilis na lumobo ang kasapian, na sa tag-araw ng 1943 ay umabot na sa 20,000 aktibong mandirigmang lalaki’t babae at 50,000 pang mga reserba. Papasok sa 1945, matagal nang ganap na nakinis ang istruktura’t pangangasiwa sa Hukbalahap. Ang naunang mga distritong  militar na binuo bilang leksyon mula sa panalakay ng Hapones noong Setyembre 1942 ay higit pang naisaayos bilang mga regional command (Reco). Papasok sa 1945 ang bilang ng mga reco  ng Hukbalahap ay umabot na sa 11 na ang saklaw ng operasyon ay ang malaking bahagi ng Luzon, mula hilaga hanggang timog. Sa bilang na ito, tanging ang Reco 2 ang malabnaw ang proletaryadong pulitika at nakikipagtulungang sa USAFFE sa timog Luzon. Ang iba pa, bumubuo ng isang napakalakas na puwersa na bago pa man bumalik si MacArthur noong 1945 ay plinano na niyang durugin.
            Sa ituktok ng organisasyon ng Hukbalahap ay ang Komiteng Militar na binubuo nina Luis Taruc, Casto Alejandrino, Bernardo Poblete na may bansag na “Banal” at isang amasonang nagngangalang Felipa Culala na may bansag na “Dayang-Dayang”. Si Luis Taruc ang naitakdang mamuno sa komite at may taguring Supremo.

            Malaking kakulangan sa armas ang pangunahing problema ng mga gerilyang Hukbalahap, na magkaganun man ay hindi naging balakid upang palaparin sa maksimum ang nasasakupang mga teritoryo. Sa mga teritoryong ito, epektibo nilang sinabotahe ang pangongolekta ng buwis ng Hapones, kinumpiska ang mga pagkain at supply para sa mga sundalong Hapones, at nagtayo ng isang paaralan sa pagsasanay na roon ay itinuro ang teyoryang pulitikal at taktikang militar batay sa mga ideyang Marxista. Sa mga pook na nasa kontrol ng Hukbalahap, itinayo nila ang mga pamahalaang lokal at nagpatupad ng land reform, na rito ay pinaghati-hati nang pantay-pantay sa mga magsasaka ang malalawak na lupain.

            Makaraan ang mga pagbagsak ng Bataan noong Abril  at ng Corregidor noong Mayo 1942 , sa mga pagsisikap ni Taruc na maarmasan ang kanyang lumalaking puwersa, kinontak ng mga kinatawan ng Hukbalahap ang mga gerilya ng USAFFE na nasa ilalim ng koman ni Lietenant Colonel Charles A. Thorpe upang makakuha ng supply at mga kagamitan mula sa mga Amerikano.  Si Thorpe ang pinag-iwanan ni MacArthur ng instruksyon na mag-organisa ng operasyong gerilya laban sa Hapones.

            Sa loob ng tatlong linggong singkad, sa Punong Himpilan ng Hukbalahap sa Bundok Arayat,  nakipag-usap ang tatlong opisyal na Amerikano na pinamunuan ni Col. B. L. Anderson kay Casto Alejandrino hinggil sa mga hinihinging supply at mga kagamitan ng Hukbalahap.

            Isang borador ng kasunduan ang naging bunga  ng mga pag-uusap na roon ay nakalahad ang kondisyon ng Hukbalahap sa pakikipagtulungan sa USAFFE: nakahanda itong sumunod sa mga direktibang militar ng  USAFFE sa paglaban sa Hapones, subalit iginiit nito ang pagpapatupad ng sarili niyang mga programang pulitikal; at bagama’t itatayo ang Pinag-isang Punong Himpilan na mula rito ay ipalalabas ang mga order at patakaran sa pakikipagdigma, mananatiling malaya ang Hukbalahap sa pagpapalakad ng kanyang mga operasyon at pagrekruta ng sariling mga tauhan.

            Para kay Thorpe na sa katunayan bago pa sumiklab ang digmaan ay siya nang may atas mula sa US Army na imbestigahan ang mga kilos ng mga unyon sa paggawa sa paligid ng Ft. Stotsenburg sa Angeles, Pampanga, ang mga kondisyon sa pakikipagtulungan ng Hukbalahap ay ganap na hindi katanggap-tanggap.       
            Sa kabila ng kawalan ng suportang Amerikano, nagpatuloy ang mga operasyon ng Hukbalahap. Samu’t saring mga pamamaraan ang ginamit nito sa pangangalap ng mga armas  at mga kagamitan na naging sapat upang ipantapat sa pinakamatitinding mga pananalakay ng Hapones sa pangunahing kampo ng Hukbalahap sa Bundok Arayat. Sa pananalakay noong Setyembre 1942, bumilang lang ng konti ang namatay at nasugatang mga gerilya; sa panalakay noong Marso 1943 na ginamitan ng 5,000 regular na tropang Hapones, suportang mga pulis  at mga Makapili upang masalakab ang Hukbalahap, nakalusot patakas ang mga gerilya. Sa pagitan ng dalawang pananalakay, napalakas ng Hukbalahap ang kanyang puwersa at napalapad upang masakop ang buong Central Luzon, pahilaga hanggang Pangasinan at patimog hanggang Laguna.
            Sa lahat ng pagsasaalang, mula 1942 hanggang 1945, umiral ang pinagsanib na pamumuno ng Hukbalahap at Partido Komunista sa mga teritoryong sakop nito hindi bilang isang kilusang lantay kontra-Hapones  kundi bilang isang sistema ng pamamahalang pulitikal.

            Kasabay ng mga operasyong militar, itinatag ng Hukbalahap sa mga lugar-lugar ang Barrio United Defense Corps (BUDC) na bukod sa tungkuling palaganapin ang kontra-Hapones na damdamin at ipagkait sa Hapones ang mga daan patungo sa pagkain at mga supply, ay nagsilbing mga base para sa pagrekruta ng mga gerilya, paniniktik at suportang lohistika. At sa pagkilos ng mga BUDC  bilang pananggol at tagapag-alaga ng kaayusan at katahimikan sa hanay ng mga mamamayan, ang mga ito sa katunayan ang namuo bilang mga lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng mga ito ay napangasiwaan ng Hukbalahap ang  mga pang-araw-araw na gawain ng sambayanan.  
            Sa malalaking mga baryo, ang BUDC ay inorganisa bilang mga konseho na binubuo ng mga halal na opisyal. Bukod sa Tagapangulo, Pangalawang Tagapangulo, at Kalihim-Ingat-Yaman, bawat BUDC  ay may mga departamento na mangangasiwa sa pagrekruta, paniniktik, transportasyon, komunikasyon, edukasyon, kalusugan at sanitasyon, at agrikultura. Sa kabila ng mga instruksyon sa mga BUDC na iwasan ang direktang pakikipagtunggali sa Hapones, nag-organisa ang mga konseho ng mga gawain na hadlangan ang suporta sa Hapones, palitawin at parusahan ang mga traydor, at sa annu’t anuman magpatupad ng batas ayon sa nakikita nilang wasto. Minintina ang komunikasyon sa pagitan ang BUDC at GHQ ng Hukbalahap sa pamamagitan ng sistema ng mga tagapaghatid na nagpasa ng impormasyon at supply sa mga iskwadron ng Hukbalahap na nasa kapaligiran.
            Tunay na sa bisa ng  sandatahang  lakas ng Hukbalahap ay naipairal sa malaking bahagi ng kapuluan ang mga organo ng kapangyarihang pulitikal –  Pulang Kapangyarihang Pulitikal ng Diktadura ng Proletaryado – na kailanman bago iyon  ay di pa naganap sa kasaysayan ng Pilipinas, ni ang naganap pang muli pagkaraan niyon hanggang sa ngayon.

            Sa Pilipinas, sa pamamagitan ng PKP at ng sandatahang lakas nitong Hukbalahap, naisulong sa takdang hantungan ang istratehiya ng komunismo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento