Sabado, Enero 5, 2013


Tsapter XIII
SA BUNGANGA NG BARIL

            Sa kambal na uri na iniluwal mula sa sinapupunan ng piyudal na kaayusan ng kolonyalismong Kastila, naunang naluklok sa paghaharing pulitikal ang burgesyang Pilipino. Ito ay dahil sa ang burgesyang Pilipino ang perpektong katugma ng interes ng kapitalistikong pangongolonya ng Amerika sa Pilipinas. Simula sa Second Philippine Commission o ang Taft  Commission na roon mga kinatawan ng prinsipalyang Pilipino ang gumampan bilang Philippine Assembly o batasang pambansa hanggang sa pangungulo ni Quezon sa komonwelt ng Pilipinas na siyang inabutan ng pananalakay Hapones, namayagpag ang katutubong burgesya sa pagtamasa ng kapangyarihang pulitikal na kaloob ng mga bagong mananakop.

            Samantalang ang proletaryong Pilipino ay lagi nang nagkukumahog sa pagsisikap na makibagi sa kapangyarihang ito sa pamamagitan ng iba’t-ibang ligal na pamamaraan. Hanggang dumating ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na di-kaginsa-ginsa’y tumanbad sa proletaryong Pilipino ang ginintuang pagkakataon na siya naman ang sumunggab sa kapangyarihang pulitikal. 

            Nang iabandona ni MacArthur ang Pilipinas noong 1942, kasama niyang lumikas papuntang Australia ang pamahalaang Quezon upang mula roon ay pumalaot naman patungo sa kaligtasang kaloob ng Amerika sa mismong kontinente nito. Sa gayon, inabandona ng burgesyang Pilipino ang kapangyarihang pulitikal nito sa bansa, at sa pagbalikat ng PKP at ng Hukbalahap sa buong bigat ng pagsagupa sa pananalakay Hapones, sa katunayan sinunggaban nito ang kapangyarihang pulitikal na inabandona ng burgesya.

            Kung hindi man nakapagdeklara ng nagsasariling rehimen ang PKP at Hukbalahap sa ganung pagsunggab ng kapangyarihang pulitikal, ang dahilan ay sapagkat sa pag-asang tutuparin ng Amerika ang pangakong palalayain ang Pilipinas sa 1946, layunin ng PKP na isulong ang pakikibaka para sa mga programa nitong pulitikal sa pamamagitan ng parlamentaryong pamamaraan.

            Magkaganun man, iniatas ng PKP at Hukbalahap sa kanilang mga sarili na pangasiwaan ang bansa – kahit man lang sa saklaw ng Luzon – sa lahat ng aspeto ng paglilingkod pampamahalaan, halimbawa’y, land reform, edukasyon, kalusugan at sanitasyon, kaayusan at pagpapatupad ng mga batas. Bago pa bumalik si MacArthur noong 1945, ang kapangyarihan ng PKP at Hukbalahap ay sumaklaw na sa halos buong Luzon at ang impluwensya nito ay umaabot na ng Kabisyaan.

            Ilang makikitid na pook lamang ang naaabot ng impluwensya ng mga di-sumukong sundalong USAFFE na naglunsad ng sariling pakikibakang gerilya. Isang maliit na paksyon ng katutubong burgesya ang nalagay sa kapangyarihan sa papet na pamahalaang Laurel; kabilang dito sa Manuel Roxas, na sa pagbabalik ng mga Amerikano ay inaresto at pinaratangan ng kolaborasyon, at naligtas lamang sa kaparusahan dahil sa pakikialam ni MacArthur.

Sa eleksyong heneral noong Abril 23, 1946, si Roxas ang nahalal na Pangulo at Pangalawang Pangulo si Elpidio Quirino – huli bilang mga pinuno ng nagwawakas na Komonwelt at una bilang mga pinuno ng Republika ng Pilipinas na ipahahayag lamang sa darating pang  Hulyo 4, 1946, ang araw na noon ay ipagkakaloob ng Amerika ang kalayaan ng Pilipinas – na siya ring araw ng kalayaan ng Amerika.

            Si Luis Taruc, kasama ang limang iba pang lider PKP-Hukbalahap, ay nahalal bilang mga kongresista sa ilalim ng partidong Democratic Alliance. Sa bisa ng mahigpit na pagtutol ni Roxas, ang anim ay hindi pinaupo.

            Walang pasubali sa kontra-Amerikanong paninindigan ang PKP at Hukbalahap, at maraming pagbabago pa ang nakaambang gawin sa saligang batas ng Pilipinas pabor sa interes ng Amerika na nakaligtaang isaalang-alang ng Kumbensyong Konstitusyunal noong 1935. Halimbawa’y ang parity rights amendments na nagbibigay sa mga mamamayan ng Amerika ng pantay na karapatan ng mga Pilipino sa pakikinabang sa likas na yaman ng Pilipinas. Naroroon pa rin ang isyu ng mga baseng militar na kailangang ipagkaloob sa Estados Unidos sa loob ng 99 na taon bilang kapalit ng tulong ng Amerika upang makaahon ang Pilipinas sa mga kapinsalaan ng digmaan na Amerika rin naman ang may kagagawan.

            Sa matitingkad na usaping ito, ang mga lider PKP-Hukbalahap na nahalal na mga kongresista ay magiging tunay na napakabigat na balakid, na kung kaya kailangan na silang walisin sa daan habang maaga pa.       Hindi mahirap intindihin kung bakit si Taruc at mga kasamahan ay hindi pinaupo sa kabila ng kanilang pagwawagi sa halalan. Sagabal sila sa Amerika.

            Hindi rin mahirap unawain kung bakit pagkaraang ipagkait kay Taruc at mga kasama ang tagumpay sa halalan, ang kagyat nilang reaksyon ay ang mamundok at ibaling na ang laban sa armadong pakikibaka.

            Malakas ang Hukbalahap sa panahong iyon. Tinatayang ang kanyang armadong puwersa ay bumibilang ng 20,000 at ang suportang masa ay 2,000,000.

            Lumilitaw na sa mga panuntunan ni Sun Tzu, ang desisyong makipagdigma ng PKP-Hukbalahap ay wasto. Ang sandatahang lakas ng Pilipinas noon ay bumibilang lamang ng 37,000 regular, sobra-sobra na sa timbangan ng puwersa na kailangan sa pakikipagdigmang gerilya: 10 ng kaaway kontra 1 ng gerilya. Nang panahong iyon, halos pantay na ang bilang ng Hukbalahap at ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Sa ganitong kalagayan, ang payo ni Sun Tzu ay,  maaari nang mag-alok ng laban.
            Subalit nananatili ang malaking problema. Simula’t sapul, alam na ng kaaway – partikular ng Amerika –  ang layunin ng PKP-Hukbalahap. Ngayong magdeklara na ito ng sandatahang pakikipaghamok sa pamahalaan ng Pilipinas, basta na lang ba makapaghahalukipkip ang Amerika?

            Una pa muna, interes ng Amerika ang dahilan kung kaya hindi pinaupo sa Kongreso sina Taruc at mga kasamahan. Ngayong nagdeklara na ng giyera ang PKP at Hukbalahap, maliwanag sa Amerika na siya ang talagang puntirya nito at samakatwid ay siyang dapat na kumilos agad upang sugpuin ito.

Subalit sa panahong kagyat na sumunod sa pagwawakas ng WWII, ang higit na pinagtuunan ng pansin ng Amerika ay ang Europa, bilang pag-alinsunod pa rin sa patakarang “Europe First” ng Estados Unidos, at ang Korea bilang pangangalaga rito laban sa noon ay lumalakas nang bantang pananakop ng komunismo mula  sa Tsina. Kaugnay ng Pililipinas, nanatili ang Estados Unidos sa paninindigang maihahalintulad na rin sa pagpapabaya, kagaya ng ginawa nitong pag-abandona sa bansa sa buong panahon ng pananakop na Hapones.

Noon lamang papasok sa 1950 napilitan ang Amerika na makialaman na nang husto sa pakikipagdigma ng pamahalaang Quirino laban sa PKP-Hukbalahap. Ang isang taon at sampung buwang panunungkulan ni Pangulong Manuel Roxas (namatay siya sa atake sa puso noong Abril 15, 1948; hinalinhan ni Bise Presidente Elpidio Quirino bilang pangulong noong Abril 17, 1948) ay sinaksihan ng grabeng korapsyon sa gobiyerno, paglaganap ng kriminalidad, kahirapan ng mga mamamayan, at partikular sa kanayunan, pagpapatuloy ng problemang agraryo na pinalala pa ng pang-aabuso ng mga walang-disiplinang sundalo ng pamahalaan na kumikilos hindi bilang tagapangalaga ng taumbayan kundi bilang tila mga tropang mananakop na nananalakay sa kanila. Lahat nang ito ay nagsama-sama bilang mga dahilan ng pagtaas ng pagtingin ng sambayanan sa Hukbalahap, na sa panahong ito ay minarapat na ng pamunuan nito na palitan na ang pangalan sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) na kaagad ay nabantog na lamang bilang Huk. Sa sukdulang inabot ng lakas ng Huk, halos kayanin na nitong itumba ang pamahalaang Quirino pagpasok ng 1950..

Noon nagsimula ang tila alamat na pagsikat ng isang tao na sa naging daloy ng kasaysayan ay siyang magpapabago sa takbo ng kilusang komunista sa Pilipinas – si Ramon Magsaysay.

Anak ng isang gurong karpintero, tumampok si Magsaysay sa mata ng kanyang mga kababayang Zambaleno bilang is matwid at matapat na tao na pagkatapos makapag-aral sa kolehiyo ay nanilbihan bilang isang abang mekaniko sa isang kumpanya sa transportasyon; pagkalipas ng isang maiksing panahon, siya na ang general manager ng kumpanya.
Makaraang bumagsak ang Bataan noong 1942, sumapi siya sa USAFFE bilang isang gerilya. Mula sa pagiging kapitan tumaas ang kanyang ranggo sa major na siyang kumander ng Distritong Militar ng Zambales na may pananagutan sa mga operasyon ng 10,000 tauhan. Sa tindi ng kanyang mga pananagupa sa Hapones, pinatungan siya ng mga ito ng P 100,000.00 para sa kanyang ulo. Nang bumalik si MacArthur noong Pebrero 1945, hinirang niya si Magsaysay bilang Gobernador Militar ng Zambales.
                      

Papunta sa halalan noong Nobiyembre 1946, hinimok ni Pangulong Manuel Roxas si Magsaysay na umanib sa Partido Liberal at tumakbo bilang kongresista ng Zambales. Atubili si Magsaysay na tanggapin ang alok dahil sa di niya masikmura ang maka-mayamang mga patakaran ni Roxas, subalit ang di niya matanggihan ay ang pang-uudyok ng kanyang mga tauhan na nakakakita ng higit pang malalaking bagay na maaaring magawa kung papatulan ni Magsaysay ang pulitika.

Sa wakas napahinuhod si Magsaysay na tumakbo sa pagkakongresista. Nagwagi siya na may pinakamalaking kalamangan na naitala sa kasaysayan ng Zambales – at nagpasimula ang paglago at paglaganap ng isang dakilang alamat sa pulitika ng Pilipinas.

Sa kongreso, bukod sa kagyat na pagtugon sa mga kahilingan ng mga beterano ng digmaan, ginampan ni Magsaysay ang tungkuling subaybayan ang gawain ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas bilang kasapi ng Komite sa Tanggulang Pambansa.  Sa kanyang muling pagkahalal sa puwesto  sa kongreso noong 1949, siya na ang naging Tagapangulo ng nasabing komite. Sa ganitong kapasidad niya pinasimunuan ang pagrereorganisa ng sandatahang lakas ng bansa. Ang Police Constabulary na dati ay nakapailalim sa Departamento ng Interior ay nailipat sa Departamento ng Tanggulang Pambansa. Ang mga puwersa ng sandatahang lakas ay binagong-buo bilang mga battalion combat teams (BCT) na sa mga ito ipinagampan ang responsibilidad para sa kampanyang anti-Huk na dating tungkulin ng konstabularya.
            Bilang Tagapangulo ng Komite sa Tanggulang Pambansa, bumiyahe si Magsaysay sa Amerika noong Abril 1950. Sa Washington, nakipagpulong siya kina Heneral George C. Marshall, na nakaabang na hirangin bilang Kalihim sa Pagtatanggol, at Pangulong Harry S. Truman kasama ang National Security Council ng EU. Bunga ng mga pagpupulong na ito ay ang $10 milyon tulong pangkagipitan para sa mga operasyon ng sandatahang lakas ng Pilipinas at sa mga alok pabuya para sa mga impormasyon laban sa Huk.
            Dagdag pa sa tulong na iyon ay ang pangako ng higit pang ayuda sa ilalim ng Military Assistance Agreement na nilagdaan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas noong Marso 1947.
             Isa pa ring napakahalagang bunga ng pagdalaw na iyon ni Magsaysay sa Amerika ay ang pagkikilala nila ng bagong kaaangat sa ranggo na si Lieutenant Colonel Edward G. Lansdale, opisyal sa paniktik ng US Air Force na malawak ang kaalaman tungkol sa Pilipinas. Ang pagkikilalang iyon ay humantong sa pagkakaibigan ng dalawa, sa pagiging pinakamalapit na tagapayo ni Lansdale kay Magsaysay sa ilalaim ng JUSMAG – isang ugnayan na sa kadulu-duluhan ay siyang naging mapagpasya sa kahahantungan ng pakikibakang kontra-Huk.
            Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, ipinarating ni Magsaysay kay Pangulong Quirino na ang prestihiyo ng Pilipinas sa Amerika ay napakababa dulot na malalang kalagayan ng lipunan at ng tagumpay ng Huk sa Luzon. Ipinayo ni Magsaysay ang pagpurga ng gobiyerno sa mga tiwaling opisyal at ang pagsasagawa ng mga repormang agraryo. Binale-wala ni Quirino ang mga suhestiyon ni Magsaysay.
            Kasunod niyon ay ang malakas na presyur kay Quirino mula sa loob ng sarili niyang administrasyon at gayundin mula sa Amerika sa pamamagitan ni Major General Leland Hobbs, Chief  ng Joint U.S. Military Advisory Group to the Philippines (JUSMAG), na hirangin si Magsaysay bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa. Pumayag si Magsaysay na tanggapin ang puwesto sa kondisyon na siya “ang masusunod”. Walang nagawa si Quirino kundi ang pumayag.
            Ilang araw lang mula nang tanggapin ni Magsaysay ang portpolio ng tanggulang pambansa, isang grupo ng mga opisyal ng hukbong sandatahan ang humingi kay Magsaysay na samahan sila sa pagpapabagsak kay Quirino. Napakahirap para kay Magsaysay na tanggihan ang alok, hindi dahil gusto rin niya ang isang kudeta kundi dahil kontrang-kontra siya sa mga patakaran ng adminstrasyong Quirino. Ang tanging nagawa niya ay mangako sa mga opisyal: “Bigyan nyo ako ng 90 araw. Kung sa panahong iyon ay wala pa akong nagawa, sumige kayo.”
            Kauna-unawa ang lakas ng loob ni Magsaysay. Ang paniniguro ng ayuda na nakuha niya sa kanyang pagbiyahe sa Amerika ay nanggaling mismong sa pinakamataas ng pinunong Amerikano, si Pangulong Truman, at may basbas ng pinakamataas na ahensya ng gobiyernong Amerikano na may pananagutan sa kasiguruhan ng Amerika, ang National Security Council. Mahirap mahalungkat kung ano ang eksaktong intindihan na namagitan kina Magsaysay at mga opisyal na Amerikano, subalit ang pagbibigay ng $10 milyong tulong pangmilitar sa Pilipinas, paniniguro ng karagdagan pang tulong sa ilalim ng Military Assistance Agreement ng 1947 at ng JUSMAG ay nagpapahiwatig lamang ng tiwala ng Amerika na ang kampanyang  kontra-Huk na isasagawa ni Magsaysay ay tutungo sa pinal na kapakinabangan ng Amerika.
            Walang duda na tinanggap ni Magsaysay ang tungkulin bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa na may maliliwanag na mga plano sa kanyang utak. Gusto niyang alugin ang militarya mula ulo hanggang paa, linisin ang hanay nito sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa mga tiwali’t walang kakayahang mga opisyal.
            Sa katunayan, layunin ni Magsaysay na baguhin ang pinakaubod ng papel na gagampanan ng sandahatang lakas ng Pilipinas. At hindi isang paghahaka-haka lamang  na isipin na ang layuning ito ay pinagpasyahan sa mga pakikipagpulong ni Magsaysay kina Heneral Marshall, Pangulong Truman kasama ang National Security Council ng Estados Unidos, at opisyal sa paniktik na si Lt. Col. Lansdale.
            Hangga’t kontrol sa sandatahang lakas ng Pilipinas ang nasasangkot, sandal sa pader si Magsaysay.

            Naging magandang paghahalimbawa ng mga panuntunan ni Sun Tzu sa pakikipagdigma ang pangangasiwa ni Magsaysay sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa.

            Ayon kay Sun Tzu, ang “Kumander” ay kumakatawan sa “katalinuhan, katapatan, kabaitan, katapangan at pagiging mahigpit.” Isa ito sa limang di-nababagong mga usapin sa pakikipagdigma na kailangang matugunan upang matamo ang tagumpay. Ganap itong natugunan ni Magsaysay.

            Sa isang pag-aaral na ginawa ni Major Lawrence M. Greenberg ng Analysis Branch ng U.S. Army Center of Military History, Washington D.C., pinamagatang “The Hukbalahap Insurrection” (may pang-ilalim na pamagat na “A Case Study of a Successful Anti-Insurgency Operation in the Philippines, 1946-1955”), malawak na sinuri ang mga pamamaraang sinunod ni Magsaysay sa kampanya upang lansagin ang rebelyon ng Huk.

            Binago ni Magsaysay ang konsepto ng militarya. Ninais niya itong maging nangungunang bahagi ng isang malaking planong pangkaunlaran ng bansa, isang plano na magsasangkot sa sandatahang lakas sa mga repormang panlipunan at paglilingkod bayan.
            Ayon kay Greenberg, “Hindi lamang hiningi niya sa kanyang mga puwersa na iabandona ang mga gawing tiwali, pinangunahan niya mismo ang pagpapakita ng halimbawa. Tumanggi siyang bigyan na ispesyal na pagtrato, namuhay mula sa kanyang suweldo ng gobiyerno (mga $500 kada buwan) at isang maliit na panggastos bilang Chairman of the Board ng Philippine Airlines, at hangga’t maaari ay magpakita ng payak na pustura sa publiko.”

            Marami sa loob ng sandatahang lakas ay ninerbyus sa intension ni Magsaysay subalit naging tiwala din naman na hindi niya ito kakayaning mag-isa.

            “Maagang napatunayan ng mga dudusong ito na sila ay mali, ngunit nawalan din naman ng trabaho noon din,” wika ni Greenberg.

            Sa kanyang unang araw bilang Kalihim, sinimulang linisin ni Magsasay ang tanggulang pambansa. Tinggal niya sa puwesto ang ilang matataas na mga opisyal, kabilang na ang Chief of Staff at ang Chief ng konstabularya, at ang mga tinaguriang armchair strategist ay idinestino niya sa larangan. Ang mga ayaw sumunod sa utos at nagnais na manatili sa kaligtasan ng Maynila ay tinanggal sa tungkulin kasama ng mga tiwaling opisyal. At pagkaraan niyon ay sinimulan niya ang personal na paglakbay sa mga larangan upang alamin ang kalagayan ng mga tropa, makipag-usap sa kanila at gayundin sa taumbayan, at magsagawa ng mabilis at mapagpasyang mga aksyon anumang sandali na ang mga ito ay kailanganin.

            Personal na pinangunahan ni Magsaysay ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno bilang kahalili ng mga tiwaling kumander ng batalyon at idinestino niya ang mga yunit sa mga bagong larangan ng operasyon. Ito ang naging pamamaraan ni Magsaysay upang wasakin ang makikiitid na mga barkadahang pangkapangyarihan sa loob ng hukbo at ganun din upang pahupain ang naipong tensyon sa pagitan ng mga sundalo at sambayanan. Oras na napatunayang may koneksyon sa Huk ang isang sundalo, tanggal agad ito sa puwesto, ganun din ang mga sundalong napatunayang atubili sa paglaban sa Huk. Tinapos ang paboritismo na siyang naging pamantayan ng promosyon, at ang mga pasimuno nito ay tinapos na rin sa pamumuno.

            Araw-araw niyang binisita ang mga tropa na walang pagtatangi sa laki at layo, at masinop na sinusuri ang kanilang mga kalagayan, kagamitan at pasilidad. Ang mga opisyal na pabaya sa tungkulin o di kaya ay sangkot sa katiwalian ay ora mismo itiniwalag sa tungkulin. Isang gabi, nabungaran niyang natutulog sa puwesto ang isang gwardiya. Inagaw ni Magsaysay ang kanyang riple, pinalitan ng panibagong gwardiya at saka ipinakaon sa antuking sundalo ang kanyang kumander. Nang gabi ding iyon, pinatawan ng parusang pandisiplina ang sundalo at tinanggal sa panunungkulan ang kumander.

            Sabi ni Sun Tzu: “Kung ang mga salita ng pagmamando ay di malinaw at natatangi, kung ang mga atas ay di masinop na nauunawaan, sisihin ang heneral. Subalit kung ang kanyang mga atas ay malinaw at ang mga sundalo ay hindi pa rin makasunod, samakatwid ang kamalian ay nasa mga opisyal.” 

            Dumami nang dumami ang ganung mga sorpresang pagbisita ni Magsaysay sa mga tropa hanggang sa, kagaya ng pahayag ni Colonel Napoleon Valeriano ng AFP 7th BCT, “Walang kumander kahit na sa pinakamalalayong kuta ang maaaring matulog sa gabi na nakatitiyak na hindi siya gigisingin ng isang nagngangalit na Kalihim ng Tanggulang Pambansa.”   
            Samantala, kasing-agad ng kanyang pagpaparusa ay ang kanya rin namang pagbibigay pabuya. Minsan ay sinuhulan ng P150,000 ang isang kapitan kapalit ng pananahimik na lamang  hinggil sa isang malaking imbak ng mga sandatang Huk na nadiskubre ng kanyang mga tauhan. Tinanggap ng opisyal ang pera hindi upang ibulsa kundi upang iulat kara-karaka kay Magsaysay na noon ay nasa gitna ng hapunan sa isang state dinner para kay Pangulong Quirino. Sa pagitan ng mga subo, pinabuyaan ni Magsaysay ng cash ang kapitan at iniangat pa mandin sa ranggong major.  
            Sabi ni Sun Tzu: “Ngayon, upang mapaslang ang kaaway, kailangang pag-apuyin sa galit ang ating mga tauhan; upang magkaroon ng bentahe mula sa paggapi sa kaaway, dapat silang bigyan ng mga pabuya.”
            Dalawa pang mahahalagang hakbang ang ginawa ni Magsaysay sa unang dalawampung araw pa lamang niya sa panunungkulan.
            Una, gamit ang pondong kaloob ng Estados Unidos, ay ang pagtaas niya sa pasahod ng sundalo mula 30 sentimos  hanggang sa buong 1 piso. Maliit man na maituturing, ang karagdagang pasahod ay nagbigay sa mga sundalo ng kakayahang bilhin na ang kanilang mga pangangailangan imbes na kulimbatin ito o puwersahang kunin mula sa mga mamamayan gaya ng  dating nakahihiratihan.
            Pangalawa, binigyan ni Magsaysay ng kamera ang bawat pinuno ng patrol upang malitratuhan ang mga napatay na kaaaway at sa gayon ay tiyakin ang totoong bilang nito. Kung walang kamera, kabilang sa mga nakaugaliang patunay na naiuuwi ng mga tropa ay alin kung ulo mismo ng Huk na napatay o mga tengang tinuhog sa uhay.
            Kasabay ng kanyang mga pagbisita sa larangan ay ang pakikisalamuha sa mga taumbayan. Sinisiguro niya sa kanila na kung ano man ang kanilang mga hinaing laban sa mga sundalo, agad niya itong aaksyunan. Kaugnay nito, ginawa niyang libre ang pagpapadala sa kanya ng telegrama, laluna mula sa mga taumbaryo, at tiniyak niya na ang bawat telegrama ay matugunan, kung hindi man niya mismo, ng kanyang staff. Sa gayon, di kalaunan mula sa kanyang pag-upo bilang Kalihim, bumuti ang pagtingin ng mga mamamayan sa sandatahang lakas ng pamahalaan.
            Patunay pa rin sa mga panuntunan ni Sun Tzu: “Alinsunod sa mga pagbabago ng kalagayan, dapat baguhin ang mga plano.”
            Maging ang mga taktikang panghukbo ng pamahalaan ay iniaayon ni Magsasaysay sa kapakanan ng mga mamamayan. Pinag-aralan niya ang mga resulta ng malakihang mga operasyong militar sa nakaraan na ang nagpapasan ng hirap ay ang mga mamamayan. Ayaw niyang magpatuloy pa ito, na ang sambayanan ang nagdaranas ng bigat at sakit ng pakikipagdigma ng pamahalaan sa Huk. Dahil dito, bagama’t sa una ay sang-ayon siya sa malakihang mga aksyong militar, handa siyang magsagawa ng mga mapangahas na pagbabago.
            Ipinasiya ni Magsaysay na ibatay ang taktikang militar ng pamahalaan sa mga operasyon ng maliliit na mga yunit; ang nakahiratihang malalaking mga pananalakay ay isasagawa lamang sa pana-panahon ayon sa hinihingi ng mga ispisipikong kalagayan. Sa pamamagitan ng ganitong pagbabago, napananatili at napalalakas pa ang panggigipit sa Huk, napipigilan ang pagsingaw ng impormasyon sa kaaway na kadalasang bunga ng malakihang mga pananalakay, at nabubura ang pakiramdam ng kaligtasan sa lupain ng Huk.
            Nang unang iniharap ni Magsaysay ang kanyang mga plano, winika ni Pangulong Quirino ang ganito: “Hindi ko kailanman narinig ang ganyang mga taktika kay General Castaneda (ang Chief of Staff na pinatalsik ni Magsaysay).
            “Mangayari pa,” tugon ni Magsaysay. “Walang alam si Castaneda tungkol sa pakikipagdigmang gerilya. Hindi niya naiintindihan ang uri ng istratehiya na kailangang isagawa kung nilalayon nating gapiin ang mga Huk.”
            Kumander ng gerilyang USAFFE si Magsaysay noong panahon ng pananakop ng Hapones, at sabi ni Sun Tzu: “Siya lamang na may masinop na kaalaman sa mga kasamaan ng digmaan ang ganap na makauunawa sa kapaki-pakinabang na pamamaraan ng pagsusulong rito.”
            Paglalahad ni Greenberg sa kanyang pag-aaral sa rebelyong Huk: “ Sa isang talumpati sa harap ng Philippine General Staff, sinuma ni Magsaysay ang kanyang mga bagong taktika: “Mga Ginoo, alam ko na lahat kayo ay gradwado mula sa mga establisimiyentong militar dito at sa Estados Unidos. Ngayon ay sinasabi ko sa inyo na kalimutan ang lahat ng itinuro sa inyo sa Ft. Leavenworth, Ft. Benning, at sa Academy. Ang mga Huk ay nagsasagawa ng isang di-nakahiratihan na pakikipagdigma. Sasagupain natin sila sa mga di-nakahiratihan na mga pamamaraan. Kung ano man iyon na napakasakit kong dinanas bilang gerilya ay siya nating ipadarama ngayon sa Huk.”
            Katulong ng JUSMAG at salapi mula sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Military Defense Assistance Program (MDAP), pinalaki ni Magsaysay ang Armi sa bilang na 26 batalyon na kumilos sa apat na koman na taktikal na may kabuuang bilang na 28,000 mga tropa, dagdag pa rin ang 91 kumpanya ng konstabularya. Dalawampu’t tatlong batalyon ang nakakonsentra sa Luzon, dalawa lamang sa mga isla ng Visaya at Mindanao. Ang isa pa ay nanatili sa Maynila bilang mga reserba. Pinatampok ang pagpapatrulya lalo na sa gabi, mga operasyon na may kakayahan lamang ng mga iskwad/platun, at mga taktikang salakay-takbo tulad ng kay Taruc.
            Higit sa lahat, alam ni Magsaysay na dapat itigil ang mga taktikang paninindak. Bilang lider gerilya, naunawaan niya na ang kampanya laban sa Huk ay nakadepende sa pagtangkilik at katapatan ng mga mamamayan. Ang mga pagsisikap ng pamahalaan na magkaloob ng tulong sa kanila ay madalas na wasakin ng kokonting makahayop na gawain ng mga sundalo. 
            Nilinaw ni Magsaysay sa militari ang kanilang tungkulin: kumilos bilang mga embahador ng kagandahang loob at pumatay ng Huk. Ang mga abogado ng armi ay tinagubilinan na magbigay ng libreng serbisyong ligal sa mga magsasaka sa kanilang pakikipagtunggali laban sa mga panginoong maylupa. Personal in inimbistigahan ni Magsaysay ang mga kaso ng krimen ng militarya at marahas na pinarusahan ang mga nagkasala.
            Tatlong buwan pa lang mula nang maging Kalihim si Magsaysay, ang mga bata sa baryo ay masayang tumatakbong pasalubong sa mga trak ng armi sa pagdalaw ng mga ito sa halip na hintakot na pagtakas sa kabundukan tulad ng sa nakaraaan.
            Bilang pamatay-dagok, isinagawa ni Magsaysay ang programang EDCOR, isang proyektong itinatag noong Disyembre 1950 bilang sangkap ng kanyang istretehiyang militar.

            Sa programang ito,  ang bawat pamilya ng nadakip o sumukong Huk ay inililipat ng paninirahan sa 6 hanggang 10 ektarya ng bukirin na roon ay may sarili silang tahanan, libre ang transportasyon, paaralan, pangangalagang medikal at malinis na tubig. Ang iba pang mga pangunahing pangangailangang tulad ng mga hayop pambukid, binhi, at isang panimulang suplay ng pagkain  ay ipinagbibili sa kanila ng utang. Kapalit ng lahat nang ito, pumirma ang mga magsasaka sa pangako na lilinangin nila ang kani-kanilang mga bukirin, bayaran ang gobiyerno sa mga panimulang gastusin, at tanggapin ang payo ng Kagawaran sa Agrikultura.

            Isang napakahalagang rekisito, ginarantiyahan ng mga magsasaka na hindi nila ipagbibili o paghahati-hatiin ang kani-kanilang mga lupa – istriktong ipinagbawal ang pamumuwisan o pagpapabungkal ng lupa sa iba na katulad ng relasyon ng mga nakikipanakahang magsasaka at panginoong maylupa.

            Ayon sa prinsipyo ni Sun Tzu sa pakikipagdigma, kailangan ang batas moral sa hanay ng mga nasasakupan. Isinilang bilang pesante at lumaki sa kanayunan, maaagang namulat si Magsaysay sa katotohanan na hangga’t ang mga magsasaka ay walang pakiramdam ng pananagutan sa sentral na pamahalaan – o sa lengwahe ni Sun Tzu, batas moral – ang mga gerilya ay makalalago sa kanilang hanay.

            Sa pagbaklas ng Huk mula sa parlamentaryong pakikibaka at pagbaling nito sa armadong digmaan, ang pangunahing islogan na inilako ni Taruc ay “Lupa sa walang lupa.” Mangyari pa, ito ay isang pangako na ang katuparan ay mangyayari lamang – kung totoo man na mangyayari nga – sa panahon ng pananagumpay ng Huk – kung kailanman na iyon ay magaganap.

            Sa ilalim ng programang EDCOR, ang lupang pangako ng Huk ay naroroon na upang angkinin, hindi sa dulo ng napakahabang digmaang bayan kundi ora mismo, at hindi na sa pamamagitan ng pakikipagdigmamg sakbibi ng dugo, hirap at sakit kundi ng payak na pagtanggi lamang sa pakikipagdigmang ito.

            Sinabi ni Sun Tzu: “Ang nabihag na sundalo ay dapat na tratuhing mabuti at pangalagaan… Ito ang tinatawag na, paggamit sa nabihag na kaaway upang dagdagan ang sariling lakas.”
            Noong Pebrero 1951, sinimulan ng mga inhenyiro ng AFP na hawanin, lagyan ng mga daan, tayuan ng mga gusaling pampangasiwaan at ihanda ang mga paninirahan ng mga nagbagong rebeldeng Huk, gamit ang mga suplay at kagamitang kaloob ng Estados Unidos sa pamamagitan ng JUSMAG. Tatlong buwan pa ang lumipas, kasama na ni Magsaysay ang unang grupo na Huk na lumipat sa unang pook ng pamayanan ng EDCOR sa Mindanao. Gamit ang mga materyal pangkonstruksyon na kaloob ng pamahalaan at katulong ang mga tropa ng AFP, ang mga nabagong Huk ay nagsimulang magtayo ng kanilang mga tahanan at luminang sa kanilang mga bukirin.
            Ang tagumpay ng EDCOR ay lampas sa inaasahan. Ang bilang ng mga sumunod na aplikante ay sumobra na sa bilang ng mga lupang maaaring ipamahagi at maraming magsasaka mula sa Luzon ang gumastos ng sariling pera makarating lamang sa mga pook na kanugnog ng kinalalagyan ng EDCOR. Pagpasok ng Nobiyembre 1951, kitang-kita na na isa pang panibagong pook ng EDCOR ang kailangang itayo, na ginawa sa Mindanao pa rin. Tagumpay din ang pangalawang EDCOR, na nagbunsod naman sa pagtatayo ng dalawa pa sa Luzon, sa labas ng mga larangan ng giyera, noong 1954, nang mahalal si Magsaysay bilang pangulo ng Pilipinas.
            Mga nagbabagang balita hinggil sa EDCOR ay nahayag hanggang sa ibayong dagat at ang proyekto ay ginawang huwaran ng China at Malaya. Pagpasok ng 1955, may 1,500 Huk ang sumuko o basta na lamang kumalas sa Huk sa tanging layunin na samantalahin ang bentaheng kaloob ng EDCOR.
            Subalit ang kahalagahan ng EDCOR ay sinusukat hindi lamang sa bilang ng Huk na nailagay  sa bagong pamumuhay. Ang programa ay nagpahayag sa kahandaan at pamamanata ng administrasyong Magsaysay na baguhin ang pamamaraan ng pagtrato ng gobiyerno sa masang magsasaka. 
            Kung hindi dahil sa EDCOR, ang  1,500 Huk ay nangailangan sana  ng di kukulangin sa 30,000 tropa ng gobiyerno upang lupigin, at sa isang digmaang malamang ay umabot sa isang napakadugong ubusan ng lahi. Ang tagumpay ng unang EDCOR sa Mindanao ay tunay na nakapagpabago sa takbo ng utak ng mga magsasaka sa Luzon na sa dakong huli ay siyang humiwa nang pailalim sa tangkilik na tinitindigan ni Taruc at ng kanyang kilusang gerilya.
            Totoong sa panahon ng digmaan, ang kapangyarihang pulitikal ay nagmumula, ayon kay Mao Tse Tung, sa bunganga ng baril. Subalit ayon naman sa doktrina ng kanyang katapat na si Deng Hsiao Peng, hindi mahalaga kung ang pusa ay puti o itim, basta marunong manghuli ng daga. Sa Pinoy, bakit dadaanin sa Santong Paspasan kung makukuha rin naman sa Santong Dasalan.
            Sa anu’t anuman, naging buhay na larawan si Magsaysay ng katalinuhan ni Sun Tzu: “Ang tinatawag ng matatanda na tusong mandirigma ay siya na hindi lamang nagwawagi, kundi napakahusay magwagi nang napakadali. Nagpagwawagian niya ang kanyang mga labanan sa pamamagitan ng di pagkakamali. Ang di pagkakamali ang siyang tumitiyak ng tagumpay, sapagkat nangangahulugan ito ng pagsakop sa kaaway na dati nang lupig.”

1 komento:

  1. Moshi Moshi,
    Bagaimana keadaan? posting ini Adalah UNTUK memberitahu Andari TENTANG Penawaran Pinjaman Yang sebelumnya Saat ini Terjadi di jane morrison perusahaan pinjaman, kami sedang memberikan Keluar MUDAH Dan Cepat Pinjaman ditunjukan kepada pemohon Yang serius Dan Berminat, kami menawarkan Pinjaman Dari SEMUA JENIS Dan Jangka Waktu apapun, with Sangat suku bunga persen khususnya Rendah , with Transaksi secara online Dan perbankan DENGAN menggunakan metoda Transfer Kabel Bank. Checklists Memverifikasi Daftar nama Hari Ini DENGAN mengirim email Kami di email Alamat kami: (janemorrisonloanfirm@gmail.com) Checklists Memverifikasi Daftar nama Dan mendapatkan Pinjaman Andari, Andari akan Senang Andari lakukan.

    TumugonBurahin